You are on page 1of 7

MODULE OF INSTRUCTION

Mga Kasanayan sa Pagbasa ng mga Tekstong Akademiko


Ang hakbang sa pagkatuto sa pagbasa ay natutunan mula sa
simpleng paraan hanggang sa pinakakumplikadong paraan.
Dahil dito, dapat matutunan ng mga mag-aaral ang ibat ibang
mga estratehiya sa mga gawain at kasanayan sa pagbasa.
Sa yunit na ito, ilalahad ang ibat ibang mga kasanayan na
naglalayong linangin ang komprehensyon ng mga mag-aaral
para sa higit pang pagkatuto sa pagbasa ng mga tekstong
akademiko.
Mga Kasanayang Pampagkatuto:
Maibahagi ang kahalagahan ng pagbasa bilang isang
pang-akademikong gawain.
Maisa-isa ang mga kasanayan sa pagbasa ng tekstong
akademiko.
Makapagsuri ng mga nilalaman ng isang teksto.
Ayon kina Pressley at Afflerback (1995), upang matamo ang
kahusayang ito, ang mga estudyante ay kailangang magkaroon
ng mga kasanayan sa pagbasa tulad ng sumusunod:
Pag-uuri ng mga ideya o detalye;
Pagtiyak sa damdamin, tono, layunin at pananaw ng
teksto;
Pagkilala sa pagkakaiba ng katotohanan at/o opinion;
Pagsusuri kung balido o hindi ang ideya o pananaw;
Paghinuha at paghula sa kalalabasan ng pangyayari;
Pagbuo ng buod at kongklusyon; at
Pagbibigay-interpretasyon sa mapa, tsart, grap at
talahanayan.

Pag-uuri ng mga ideya/detalye


Ayon kay Paul Mckee, ang mga pangunahing ideya o kaisipan
ay higit na mauunawaan kung ang maliit na kaisipan o detalye
na kabahagi o kasama nito ay malalaman. Karaniwan, ang
pangunahing ideya ay hindi ipinahahayag nang nag-iisa. Ang
mga ito ay umaasa lamang sa maliliit na detalye upang bigyang
kasiyahan o kahalagahan ang mga ito o kayay maging buo ang
pagkakaunawa ng bumabasa.
Paano ba matutukoy ang pangunahing kaisipan? Narito
ang ilang mga pamamaraan:
Basahin nang may pang-unawa ang buong seleksyon.
Pansinin ang pamagat ng katha sapagkat ang paksa ay
karaniwang nahihiwatigan sa pamagat.

`Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik

10

X.X

PAGBASA

Itala ang mahahalagang kaisipan sa isang pangungusap


habang nagbabasa.
Suriin ang mga naitalang kaisipan. Suriing mabuti kung alin sa
mga itinala ang may malawak na saklaw. Ito ang pangunahing
kaisipan.
Upang higit na maging malinaw at maayos ang pagkakakuha ng
pangunahing kaisipan at mga detalye, marapat na isulat ito
nang pabalangkas.
Pagtiyak sa damdamin, tono, layunin at pananaw ng teksto
Sa pamamagitan ng pagbabasa, natutuklasan ang mga
damdamin, tono, layunin at pananaw ng manunulat sa pagsulat
ng teksto o akda. Sinasadya man o hindi, mababakas ang
saloobin at karanasan ng may-akda sa kanyang isinulat.
Matutukoy ang mga ito sa pamamagitan ng mga salitang
ginamit niya sa teksto.
Damdamin (emotion) saloobing nalilikha ng mambabasa sa
teksto.
Hal. tuwa, paghanga, pag-ibig o humaling, pagnanais,
pagkagulat, pagtataka, pag-asa, katapangan, lungkot, galit,
poot, takot, pangamba, pagkainis, pagkayamot, at iba pang
emosyon o damdamin.
Tono (tone) saloobin ng may-akda sa paksang kanyang
isinulat. May mga may-akda na nagagawang magaan ang
paglalahad sa isang seryosong paksa. Ang tono ay maaaring
mapagbiro o mapanudyo, masaya o malungkot, seryoso at
satiriko.
Layunin (objective) tumutukoy sa kung ano ang nais
mangyari ng isang manunulat o awtor sa kanyang mambabasa.
Ito ay maaaring manghikayat, mang-impluwensiya, mangaral,
magtanggol, mang-aliw, manlibang, magbigay ng impormasyon,
magbahagi ng isang paniniwala o prinsipyo, magturo ng
kabutihang asal at iba pa. ang isang teksto ay maaaring may
dalawa o higit pang layunin depende sa hangarin ng manunulat.
Pananaw (point of view) tinatawag ding punto de vista. Sa
maluwag na pagtuturing, masasabing ito ay paraan ng
pagtanaw ng manunulat sa kanyang akda. Gayunman, sa
pagtalakay ng anomang akda o teksto, ito ang sumasagot sa
tanong na Sino ang nagsusulat o nagkukuwento?
Sa pamamagitan ng pananaw, nakikilala ng mambabasa ang
nilikha ng naglalahad at ng pangyayaring inilalahad, at kung
gaano ang nalalaman ng naglalahad. Ang pananaw na

MODULE OF INSTRUCTION

gagamitin sa teksto o akda ay nakadaragdag ng kawilihan sa


pag-unawa nito.
Ang pananaw ng awtor ay makikita sa pamamagitan ng mga
panghalip na ginamit sa teksto.
Unang panauhang pananaw ako, ko, akin, atin, natin, tayo,
kami
Ikalawang panauhang pananaw (tagamasid) ikaw, mo, ka,
iyo, kanila, kita, kayo, inyo, ninyo
Ikatlong panauhang pananaw siya, niya, kanya, sila, nila,
kanila
Pagkilala sa pagkakaiba ng katotohanan at/o opinion;
Ang pahayag ay maaaring may katotohanan o isang opinyon
lamang.
Ang katotohanan ay nagsasaad ng isang pangyayaring
talagang naganap o totoong napatunayan.
Ang opinyon ay nagpapahayag ng sariling damdamin o
palagay. Hindi masasabing tama o mali ang isang opinyon
sapagkat ang mga pahayag ay pansariling saloobin o
damdamin ng nagpahayag nito.
Sa pagbabasa, hindi lahat ng pananaw o ideya ay dapat
tanggapin agad ng mambabasa. Kailangang kilatising mabuti
ang anumang pananaw o ideya kung ito ba ay balido (valid) o
hindi. Sa pagsusuri ng teksto kaugnay sa baliditi ng mga ideya
nito, kailangang matukoy muna kung sino ang nagsabi ng ideya
at ang kanyang nagging batayan sa pagbanggit ng ideya.
Kaugnay ng pagiging interaktibo ng tao, karaniwan
nang Gawain ang pagbibigay ng sariling pananaw o ideya
hinggil sa kanyang nabasa, narinig, napanood o naranasan. Sa
pagbibigay ng tiyak na pananaw sa mga ito, karaniwang
humahantong sa pagsasang-ayon o pagtutol.
Ang konsepto ng pagtutol at pagsang-ayon ay
maaaring mapagsama sa isang pangungusap sa pamamagitan
ng mga pang-ugnay tulad ng sumusunod: totoo, tinatanggap ko,
tama ka, talaga, tunay (nga) pero, ngunit, subalit, datapwat,
totoo ang sinabi mo, sadyang, atbp.

Paghinuha at paghula sa kalalabasan ng pangyayari


Ang mga manunulat at tagapagsalita ay nagpapahiwatig (imply)
o nagbibigay ng implikasyon, samantalang ang mga
`Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik

30

X.X

PAGBASA

mambabasa at tagapakinig ang nagpapalagay o bumubuo ng


hinuha (inference).
Nagpapakita ng mga palatandaan o pahiwatig ang
implikasyon. Hindi ito tiyakang ipinahahayag o sinasabi. Mula
sa implikasyon o pahiwatig ng isang manunulat o tagapagsalita,
maaaring bumuo ng hinuha o palagay.
Ang hinuha o palagay ay nabubuo batay sa mga patnubay na
makatwiran.
Pagbuo ng buod at kongklusyon
Ang lagom o buod ang pinakapayak na anyo ng paglalahad o
diskurso. Ang pinakapangunahing layunin sa pagbuo ng lagom
ay upang matulungan ang mambabasa sa pag-unawa sa diwa
ng isang akda. Dahil dito, ginagamit ang mga pananalitang
magagaan at madaling maunawaan ngunit marapat na hindi
mawala ang tunay na diwang inilahad sa orihinal.
Gayundin, kailangan ding magtaglay ang lagom
ng mga sumusunod na mga katangian:
Maikli. Hindi paligoy-ligoy at hindi hihigit sa isang talata.
Malinaw ang paglalahad. Dapat ugnay-ugnay ang mga
kaisipan upang makabuo ng talatang may kaisahan.
Malaya. Nakatatayo nang mag-isa at taglay lamang ang
pangunahing ideya o kaisipan ng orihinal na teksto.
Matapat na kaisipan. Malinaw na matutunghayan dito ang mga
intensyon o hangarin ng awtor.
Samantala, kailangan ang komprehensyon sa kabuuan ng
tekstong binasa upang makabuo ng isang matibay na
kongklusyon sa akdang binasa. Ang kongklusyon ay ang
paglalagom at pagbibigay-diin sa mga ideyang inilahad sa
kabuuan ng tekstong nilagom.
Pagbibigay-interpretasyon sa mapa, tsart, grap at talahanayan.
Ang mapa, tsart, grap at talahanayan ay mga grapikong
pantulong upang madaling maunawaan at magawang payak
ang mga datos na inilalahad sa isang teksto. Kapakipakinabang ang mga ito para sa isang mananaliksik sapagkat
malinaw at siyentipiko niyang natatalakay ang kanyang paksa.
Mga Paraan ng Pagbibigay-Interpretasyon

MODULE OF INSTRUCTION

Basahin at unawain ang pamagat at sab-seksyon ng teksto


upang matukoy ang layunin nito.
Pansinin at unawain ang leyenda (legend) at eskeyls (scales)
na ginamit.
Tingnan kung ang grap ay mayroong nakasaad na mga tala sa
paligid, itaas o ibabang bahagi. Tuklasin ang mga kahulugan
nito batay sa leyenda.
Suriing mabuti ang bawat bahagi.
Mapa
Ang mapa ay naglalarawan ng lokasyon, hugis at distansya.
Nagtuturo ito sa mga palatandaan ng lokasyon ng isang lugar.
Malaki ang naitutulong nito sa pagbibigay ng direksyon.
Ang pagbibigay ng direksyon ay isang uri ng pagpapaliwanag.
Tulad ng pagpapaliwanag ng paggawa ng isang bagay,
nangangailangan ito ng katiyakan, kapayakan at kaliwanagan.
Kailangan din ang maliwanag na pagkakasunud-sunod ng mga
hakbang na kailangang sundin.
Uri ng Mapa:
Mapang Pisikal - Naglalarawan ng ibat ibang anyong lupa at
anyong tubig upang malaman ang pisikal na anyo ng Pilipinas.
Mapang Ekonomiko o Mapang Pangkabuhayan Nagpapakita ng pinagkukunang yaman at mga produkto ng
isang lugar.
Mapang pangklima - ipinakikita rito ang uri ng klima ang
nararanasan sa isang lugar.
Mapang Politikal - naglalarawan ng mga hangganan, kabisera
o kapitolyo, at lalawigan ng isang lugar.
Mapang Demograpiko - ipinakikita rito ang pagkakabahagi ng
populasyon sa isang lugar o bansa. Ang populasyon ay
tumutukoy sa dami o bilang ng taong naninirahan sa isang
pook.
Mapang Historikal - uri ng mapa na nagpapakita ng
makasaysayang lugar tulad ng tanggulan, bahay ng mga
bayani, parke, at iba pa.

`Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik

50

X.X

PAGBASA

Mapa ng daan o Mapang transportasyon - Ito ay madalas na


ginagamit ng mga turista. Ipinakikita rito ang mga kalsada at
ang mga maaaring ruta o daan patungo sa isang lugar.
Ginagamit ito kung bago sa isang lugar ang isang tao o hindi
niya kabisado ang daan patungo sa kanyang pupuntahan.
Mapang Kalatagang-lupa - uri ng mapa na nagpapakita ng
mga topograpiya (mababa o mataas na lugar).
Narito ang mga uri ng ilustrasyon:
Figura ilustrasyong kinabibilangan ng tsart, grap, atbp.
Nagpapakita ang mga ito ng ugnayan, halaga at kalakaran.
Grap
Ito ay mapamaraang ilustrasyon ng mga datos istatistikal na
may layuning ipakita ang ugnayan ng mga guhit at tambilang sa
paksang tinatalakay. Ang ibat ibang uri ng grap ay ang mga
sumusunod:
Uri ng Grap:
Piktograp (Larawang grap) - sinusulat ang mga impormasyon
sa pamamagitan ng larawang kumakatawan sa mga produkto.
Bar Grap- nagpapakita ng paghahambing ng mga datos gamit
ang bar sa halip na tuldok at linya upang tukuyin ang kantidad.
Parisukat ang anyo ng grap, maaaring patayo o pahiga ang
mga datos na sinisimbolo ng bar.
Bilog na Grap (Pie Graph) - sumusukat ito at naghahambing
ng mga datos o impormasyon sa pamamagitan ng paghahatihati nito.
Linyang grap (Line Graph) - binubuo ng linyang
perpendikyular. Ginagamit ito sa pagsukat ng pagbabago o pagunlad. Ang patayo at ibabang linya ay may kaukulang
pagtutumbas. Gamit ang linya at tuldok, tinutukoy ang interbal,
bilis, bagal o tagal ng mga bagay (salik) na nakatala sa bawat
gilid.
Tsart

MODULE OF INSTRUCTION

Ang tsart ay nagpapakita ng dami o istruktura ng isang sistema


sa pamamagitan ng hanay batay sa hinihingi o ibinibigay na
impormasyon.
Uri ng Tsart
Tsart ng Organisasyon - nagpapakita ng istruktura ng isang
organisasyon o sistema
Flow tsart - naglalahad ng isang proseso mula umpisa
hanggang sa katapusan.
Talahanayan
Ito ay maikling paraan ng paglalahad ng mga kaugnay na
impormasyon na kung saan ang mga paksa ay sistematiko at
maayos na inihahanay sa kolum upang mabilis na mabasa at
makagawa ng paghahambing.

References
Badayos, Paquito B., et al (2011).
Molina, Glory Ann. (2014).

`Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik

70

You might also like