You are on page 1of 1

Ako ay iyong binago.

Halos Dalawang taon na rin pala kitang kilala, Tanda ko pa. Abril 17, 2007.
Ngunit sa loob lamang ng napakaikling panahon binago mo ang lahat.

Binago mo ako. Binago mo ang aking pananaw ukol sa mga bagay na dati ay nakabatay sa mundo. Lumawak
ang aking pang-unawa na ang buhay ay hindi lamang nagtatapos sa kung ano ang iniisip ng nakararami.
Iniba mo ang agos ang aking pag-iisip tungkol sa aking mga pangarap. Sinabi mo na may mas higit pa sa
buhay ko na pinilit kong pagplanuhan simula ng ako ay magkaisip. Dahil dito, nag-iba ang pagtingin ko sa
aking sarili, sa aking pangarap, sa aking mga kakayahan at sa aking pag-iisip.

Tinuruan mo ako ng maraming bagay na kahit kailan man ay hindi kayang ituro sa akin ng aking mga
propesor. Taliwas sa turo ng mundo ang mga bagay na pinipilit mong ituro sa akin.

OO. Mahirap ngang sumunod sapagkat ito ay taliwas sa ginagawa ng nakararami. Ngunit alam ko, na mas
alam mo ang tama. Maraming beses na akong nagkamali. Paulit-ulit kitang tinalikuran, ngunit nag-aantay ka
pa rin.

Binigyan mo ng halaga ang buhay ko. Ikaw lang ang nakagawa nito. Ikaw lang. Ni hindi ko naisip dati na may
mas hihigit pa sa kung ano ang iniisip ko. Ni hindi ko naisip na aabot pala ako sa ganito. Ako talaga ay nag-
iba na. Hindi na ako ang dating nabubuhay sa katauhang ito. Pinalitan mo ito ng bago. Naiba rin ang aking
pinaniniwalaan pati ang mga perspektiba ko sa buhay. Sa araw-araw, hindi ka nagsasawang baguhin ako.
Hindi ka nagsasawang mahalin ako.

Noong hindi pa kita kilala, napakasimple lamang ang aking mga pangarap ngunit walang kasiguraduhan
kung ilan dito ang makakamit ko. Hindi rin ako sigurado kung mabubuhay pa ba ako ng matagal upang
ipagpatuloy ang pag-abot sa mga makasariling plano sa buhay.

Minsan sumagi sa isip ko kung dapat ko bang pagsisihan na ako ay sumama sayo. Sa bandang huli, hindi ang
sagot. Sa loob ng dalawang dekada at dalawang taon, labingwalong taon mo pala akong hinahanap. Gayun
din ang puso ko, labing walong taon din nitong hinanap ang pagmamahal mo. Wala nga akong
pinagsisisihan.

Alam ko, iba rin ang tinatakbo kong tadhana. Planadong tadhana. At buong buhay kitang pasasalamatan sa
pag-ahon mo sa akin mula sa putik na dati kong kinalugmukan. Hindi lahat magagawa ito. Iba na ang
pagtingin ko sa mga araw, linggo, taon at maging ang hinaharap. Ako ay napupuno ng kasiyahan dahil may
malaking papel akong gagampanan sa pagtupad sa mga plano mo.

Hindi ako magsasawalang-kibo na lamang. Ako ay nabubuhay para sa rason sa iyo. Hindi kita pinili, ikaw ang
pumili sa akin.

Salamat sa pagpili.

Tinuruan mo akong magmahal ng mga taong hindi ko kaanu-ano, dahil sabi mo, mahal mo rin ang mga
taong ito. Mahirap minsan magmahal dahil hindi maiiwasang ikaw ay saktan nila, ngunit kapag naiisip kita at
ang mga dinanas mo, naiisip kong wala pa ito sa kalingkingan ng mga ginawa mo. Tinuruan mo akong isuko
lahat ng mga magiging sagabal sa mga plano mo. Tinuruan mo rin akong isipin muna ang iba kesa sa mga
personal kong interes.

Sa kadulo't duluhan, ibinabalik mo ako sa iyong pag-ibig.

Ang pag-ibig mo sa akin. Napakahiwaga. Hindi ko alam kung paano mo ako inibig ng ganito sa kabila ng
lahat.

Salamat.

Mas mahal kita ngayon kesa sa pagmamahal ko kahapon pero mas mamahalin kita bukas. Maraming
salamat uli sa pagmamahal mo sa akin.

Aantayin kita. Sa puntong ito, wala ng panahon para magdalawang isip. Maghihintay ako dahil alam kong
darating ka. Lahat ng iyong pangako ay iyong tinutupad. Tulad ng sabi mo, babalik ka. Ako naman ay
maghihintay habang ginagawa ang mga bagay na gusto mong gawin ko. Mahal kita, Panginoon. Habang
buhay kitang pupurihin.

You might also like