You are on page 1of 2

Title: INANG YAYA

Running Time: 100 mins


Lead Cast:
Maricel Soriano, Tala Santos, Erika Oreta, Liza Lorena, Sunshine Cruz, Zoren Legaspi, Marita Zobel

Directors: Pablo Biglang-awa, Veronica Velasco


Producer: Tony Gloria

Screenwriter: Veronica Velasco


Music: Nonong Buencamino
Editor: Randy Gabriel
Genre: Drama
Cinematography: Gary Gardoce
Distributor: A Unitel Pictures Production

Location: Metro Manila

Technical Assessment:

Moral Assessment:
CINEMA Rating: For viewers of all ages

Marami sa mga Pilipinong sambahayan ang makakaugnay sa pelikulang ito sapagkat mahalaga ang papel
na ginagampanan ng yaya sa pangangalaga ng mga bata sa bahay lalo na't parehong abala sa
paghahanap-buhay ang mag-asawa. Sa kasalukuyan nga ay nakikita natin ang exodo ng mga kababaihan
sa Canada, Europa, at Estados Unidos maging sa iba't ibang bahagi ng Asya bilang nannies o D.H.
(Domestic Helper). Sila ang kumakayod, nagiipon, at nagpapadala ng tulong sa pamilya nila sa Pilipinas.
Nakabubuti sa ekonomiya. Nakabubuti naman kaya sa mga pamilyang naiwanan sa kanilang bayan?
Tinatalakay sa pelikulang ito ang kuwento ni Norma (Maricel Soriano) na nanilbihan bilang yaya at katulong
sa Maynila habang ang kaniyang anak na si Ruby (Tala Santos) ay inalagaan naman ng kaniyang ina
(Marita Zobel) sa prubinsya. Nang biglang mamatay ang kaniyang ina ay nakiusap si Norma na makasama
sa bahay ng kaniyang mga amo ang kaniyang anak. Malugod namang tinanggap ng mag-asawang si May
(Sunshine Cruz) at Noel (Zoren Legaspi) ang bata at pinagaral pa nga na kasama ng kanilang anak na si
Louise (Erika Oreta). Si Lola Toots (Liza Lorena) na ina ni May ay matapobre at minsan ay pinagbintangang
nagnakaw ng kuwintas si Ruby. Nainggit si Ruby sa mga mamahaling gamit ni Louise at sa nakita niyang
pag-alaga ng kaniyang ina dito. Naghihirap naman ang loob ni Norma na hindi mapagbigyan ang mga
kahilingan ng sariling anak at hindi nito maunawaan ang kanilang kalagayan. Nang magdesisyon sina May
at Noel na lumipat ng trabaho sa Singapore ay inalok si Norma na sumama sa kanila kaya nga lang ay hindi
pwedeng maisama si Ruby. "Mas malaki ang kikitain mo doon. Makakaipon ka," ang himok ng kaniyang
amo. Hindi nga ba't ito ang nagbubunsod sa marami nating kababayan na iwanan ang kanilang mga mahal
sa buhay sa pagnanasang maging maginhawa ang kanilang mag-anak? Muli kayang ilalagak ni Norma si
Ruby sa mga kamaganak sa prubinsya? Ano kaya ang magiging desisyon ni Inang Yaya?

Mahusay ang pagkakaganap ni Maricel Soriano bilang Inang Yaya gayun din naman ang mga batang sina
Tala Santos at Erika Oreta. Magaling na kontrabida si Liza Lorena at naipakita niya ang pagbabago sa
katauhan ni Lola Toots. Angkop din ang inawit na Nanay ni Joey Benin. Simple lang ang kuwento na
inihahawig sa pangkaraniwang buhay ng isang yaya ngunit naipadama rin ang kanilang kalagayan ?
kahirapan na nagbunsod na iwanan ang mahal sa buhay at makisama sa ibang pamilya, pagod sapagkat
sari-saring trabaho naman ang pinagagawa sa kanila bukod sa pag-alaga ng bata, napagsususpetsan pa
kung minsan, diskriminasyon. Minsan nga'y naibulalas ni Norma kay Lola Toots na hindi makatao ang trato
sa kaniya. Makatotohanan ang paglalahad ng kuwento ng yayang si Norma at maraming mapupulot na mga
aral ang mga nanonood, matanda o bata man.

Mapapalad ang mga pamilya at malaking ginhawa ang naidudulot ng isang Norma na itinuturing na parang
anak ang kaniyang alaga, mapagmahal at mapagmalasakit. May mga lubhang napagkakatiwalaan na yaya
na tumatanda na sa kanilang paninilbihan at nagiging yaya pa rin ng mga anak at apo ng kanilang dating
alaga. Kung minsan ay nakakalimutan natin ang kanilang mga sakripisyo sa buhay sa paghahangad na
maka-angat ang kanilang sariling pamilya. Isang parangal sa mga dakilang yaya ang pelikulang ito. Kahit
na kung minsa'y nagkakagalit sina Ruby at Louise, may mga kahalagahang matututuhan sa kanila kagaya
ng katapatan at pagtutulungan. Mga paslit ma'y naging daan sila ng pagbabago at pagkakasundo ng mga
nakagugulang na kasama nila sa bahay. Ipinakita sa kanilang mga halimbawa ang katotohanan na "aakayin
sila ng isang bata" (Is. 11:6b) at ang pagsasabuhay ng pangaral ni Hesukristo: "Tunay na sinasabi ko sa
inyo na kung hindi kayo magbabago at tumulad sa mga bata ay hindi kayo makapapasok sa kaharian ng
langit" (Mt. 18:3).

You might also like