You are on page 1of 35

1 USAP TAYO Mga Tauhan RICKY ANA ANTON MIGS Galing sa trabaho. Papuntang call center.

Binatang galing sa bahay ng kasintahan. Binata rin. Galing sa inuman. Unang Eksena Hatinggabi, sa isang waiting shed. Tahimik at madilim ang lugar. Nakatayo si RICKY sa loob, paulit-ulit na tinitingnan ang relo. Maayos ang suot; plantsado, malinis, di gaanong pormal, di rin gaanong casual. Puro mahihinang tsk at bushet lamang ang lumalabas mula sa bibig nito. Kidlat at kulog. Dahan-dahang pagambon. RICKY Pucha, salamat, ah. Hahalungkatin ni RICKY ang kaniyang bag. Hindi nito dala ang kaniyang payong. RICKY Okey to. Kung kailan ko lang nakalimutan. Okey na okey. Sasandal sa poste. Titingnan ang relo. Maiinis nang ilang sandali, ngunit sisikaping maging mapagtiis. Magbubuntunghininga. RICKY HOO. Wow. Grabe. Lang kwenta. Lalakas ang ulan. Nagmamadaling darating si ANA, yakapyakap ang handbag sa kaniyang dibdib gamit ang isang kamay at dala-dala ang payong gamit ng isa. Semi-formal ang suot nitoslacks, suit jacket, puting t-shirt sa ilalim ng jacket, at flats. Titiklupin ang payong. Aayusin ang buhok.

2 Tatahimik si RICKY. Titingnan niya ng ilang sandali ang bagong kasama. Titigil; dadalhin ang tingin sa ibang bagay. Mag-aayos ng sarili si ANA. Magaatubili muna bago kausapin ang kasamang lalaki. ANA Um Excuse me, po? Puwede bang malaman kung anong oras na? RICKY Sure, teka. Titingnan ang relo. 12:15 na. Patlang. Takte, 12:15 na. ANA (halatang hindi inaasahang marinig ang takte, twelve fifteen na, pero magkukunwaring hindi nito napansin) Thanks po. RICKY No problem. Mananahimik na naman ang dalawa. Nagaayos pa rin si ANA. RICKY Grabe, alam mo, wala pa ring tricycle. ANA Ha? RICKY Wala pa ring tricycle. ANA Ah. Mukha nga. RICKY Kanina pa ko naghihintay, e.

3 Tahimik ang kasama. Inaayos muli nito ang sarili. Pipilitin ni RICKY na magkaroon sila ng isang usapan. RICKY Walang dumarating. ANA Hmm? RICKY Walang dumarating. Na tricycle. Lang kwenta, no? ANA (pilit at asiwang tawa) Meron yan. Konting tiis lang. Patlang. RICKY (kalahati sa sarili, kalahati kay ANA) Puwede naman akong maglakad. Kaso, wala kasi kong payong, eh. Bahagyang mapapatingin si ANA sa kaniyang payong. Mahihiya; hindi alam kung bakit. Naka-iilang na katahimikan. RICKY Ricky, by the way. ANA (magugulat) Ah. Ana. RICKY Hi, Ana. San ka ba pupunta? ANA (halo ng takot, pagkanerbyos, at pagka-asiwa sa mukha nito) Ah, e RICKY Sorry, sorry, masyado ba kong forward? ANA Hindi, okay lang naman. Sa Sa call center ako. Kailangan ko lang ng masakyan palabas dito.

4 RICKY Ahh, papuntang trabaho. I see, I see. Kakatapos ko lang, eh. Overtime. (magkikibit-balikat) Alam mo naman. ANA (halatang hindi kumportable) Hindi RICKY Ah, well. Titingin sa malayo si RICKY. Titingin rin sa malayo si ANA. Lalayo ng kaunti. Lalo pa ring lalakas ang ulan. Kitangkita sa mukha ng mga tauhan ang panandaliang pagka-irita ng mga ito dahil sa paglakas ng ulan. RICKY Tsk. Ano ba naman to? Hindi na iimik si ANA. Hindi na rin iimik si RICKY; napapansin nito na mukhang di-gaanong interesado ang kasama nito sa pakikipag-usap. Muli, kulog at kidlat. Makalipas ang ilang sandali, patakbong papasok si ANTON. Wala ring payong. Humihingal; mapapasandal sa isang poste. Basang-basa ito. Mapapatingin si ANA at RICKY. Hindi papansinin ni ANTON. Ilalabas ang kaniyang selepono. Magda-dial ng isang numero, at tatawagin ito. ANTON Hello? Ngingiti. Yeah, oo, okay lang ako. Nasa waiting shed na. Wala, wala naman, safe pa rin. Wag ka nang magTo naman, o. E, umulan nga, di ba? Babes, come on; its okay, wag ka nang pumunta dito, useless lang, e, nasa waiting shed nako. Magkakaroon ng mabilis na pagpalitan ng tingin ang dalawang naunang tauhan.

5 ANTON Hindi, ayos lang kahit di mo na ko sinamahan. Ayus lang. Ako pa? (tatawa) Sige, sige. I just called to tell you that. And I love you pala. Sige, bukas na lang, ah? Bye. Isasara at itatago ni ANTON ang selepono. Mapapasandal sa poste. Hihimasin ang basang buhok nito. ANTON Sana di na to lumala. Kakagulat, di naman umulan kahit last week. Titingnan sina ANA at RICKY. ANTON Kanina pa ba kayo dito? RICKY Ako. ANTON Ha? RICKY Ako, kanina pa. Siya, kakarating lang niya. ANTON Ah. Okey. Naka-iilang na katahimikan. ANTON Wala ba talagang tricycle? RICKY Yun nga, e. ANTON Bad trip. Papagalitan ulit ni Dad. RICKY Bakit? ANTON Hah?

6 RICKY Bat ka papagalitan? Galing ka party? Dahil mukhang ayaw siyang kausapin ng ANA, pipilitin na lang ang isang diskurso sa pagitan nila ni ANTON. ANTON (na-weweirdohan) Hindi. RICKY Inuman? ANTON (lalong na-weweirdohan) Hindi. RICKY Bahay ng girlfriend? ANTON E, ano pake mo? Hindi sasagot si RICKY. Hindi rin dudugtong si ANTON. Maglalabas na lang ito ng isang pakete ng sigarilyo. Sisindihan ang isa. Sisimangot si ANA. RICKY Sensya na. Naghahanap lang ng maka-usap. Ricky, by the way. ANTON Anton. Iaabot ni ANTON ang pakete sa kasamang lalaki. RICKY Ah, no, wag na. ANTON Bat? RICKY Kaka-quit ko lang nung isang buwan.

7 ANTON Tss. La yan. Babalik ka rin soon enough. RICKY Onga, e. Sana lang hindi. Hindi na sasagot si ANTON. Mananahimik ang lahat. Kidlat at kulog. MIGS Tenks tenks! Kaya ko na to, pramis! Oks na ko, key? Basang-basa ito. Papasok na parang may kinakawayan at kinakausap sa labas ng entablado. Mapapatingin ang iba. BOSES MULA SA LABAS NG ENTABLADO Puta, MIGS, basa ka na, e, baka magkasakit ka, ah! MIGS Okey laaang, okey lang! Bat, kaya niyo kong ihatid? Ah? Mukha bang kaya ko pa kayo i-guide papunta don? Puta, Enzo, halos di ka na nga maka-drive diyan, e. BOSES NI ENZO Pucha, ulol, kaya ko pa naman, e. Mag-ingat-ingat ka, GA-go! MIGS Kayo mag-ingat drunk driving amputa! BOSES MULA SA LABAS Ulol gago! MIGS (tatawa) Bye na guys. Bukas uli! (tatawa uli) Wag kayo magpahuli, a! Kakaway uli, at papasok na sa loob ng waiting shed. Mauupo sa riles. Magbubuntunghininga. Itutulak palikod ang buhok sa noo. Mukhang naiirita si ANA. Lalayo. Nakatingin naman si ANTON sa lugar na pinanggalingan ni MIGS.

8 ANTON Putang ina, sayang. RICKY Bakit? ANTON Sakay na lang sana tayo dun sa sasakyan, o. Gago, nagpahatid na lang sana. RICKY Ah. Shit, oo nga no. Di ko naisip. Hindi na dadagdag si ANTON. Iiling na lamang ito at babalik sa paninigarilyo. Samantala, titingnan naman ni RICKY si MIGS na parang nag-iisip. RICKY Lasing? ANTON Malamang. RICKY Dinodouble-check ko lang. MIGS Lam nyo? Ambobobo niyong magbulungan. RICKY Hindi naman kami nag MIGS Rinig na rinig ko kayo, crystal clear mehns. May utak pa rin ang lasing. RICKY Tenga, you mean. ANTON Ayos ka lang ba, pre? Kaya mo pa?

9 MIGS Onga, onga. Ano ba. Tang ina naman, o. Im fine. ANTON Sigurado ka, ah. MIGS Sure na sure. RICKY E, baka kasi may madisgrasya MIGS Nung sgrasya-sgrasya? Ano sa tingin niyo, ah? May mapapatay akong tao, may baril ako, ah, susuka na lang ako bigla dito? Manginginig si ANA. MIGS Ate, wag mo naman ako masyado seryosohin, aaa. Pangako to. Walang susuka, key? ANA Dapat lang. Magtatrabaho pa ako. Kinakausap lamang ang sarili, ngunit itoy maririnig ng katabing si RICKY. RICKY Ah, oo, tama nga pala. Eh Miss? 12:30 na. Malayo pa ba tong call center mo? MIGS HA? Sinong may call center? ANTON Si ate ata. MIGS Si ate ata. Ah. Kay. Lalala ang pagka-irita ni ANA, ngunit ayaw nitong ipakita. ANA

10 Okey lang. 2:00 pa naman ang call time ko, e. Gusto ko lang kasing mauna don. MIGS Maagap si ate! ANA (asiwang tawa) Ana na lang. Wag ate. MIGS ANA! ANTON (mag-aalok nga pala) Yosi, Ana, uhh? MIGS Migzzz. ANTON Migs. Yosi? ANA No, thanks. It ruins your lungs. MIGS HWAW EENGLEESH PUCHA! Pero sige, penge isa. Lalong maiinis si ANA. Iaabot na sana ni ANTON ang sigarilyo kay MIGS, ngunit magsasalita na lang bigla si ANA. ANA Um, excuse me po? Hihinto si ANTON sa pag-aabot. ANTON Yes? ANA Hindi po lahat ng tao dito naninigarilyo. Tututukan nina ANTON at MIGS na pawang so what ang sinasabi.

11 RICKY Tama nga naman. ANTON (medyo nairita sa padagdag ni RICKY) Pa-agree agree ka pa. Bale wala lang yang pag-quit mo. Yosi ka na rin nga. Iaabot muli ni ANTON ang sigarilyo at lighter kay MIGS. MIGS Chancing ka lang kasi, bro. Medyo mahihiya si ANA. Sisindihan ni MIGS ang sigarilyo gamit ng lighter ni ANTON. Ibabalik niya ang lighter at maninigarilyo na rin. RICKY Its true naman, e. MIGS Na chancing ka lang? RICKY Hindi. I mean, its true na hindi lahat dito naninigarilyo. Ginagambala niyo tong si Miss Ana. Ako rin nga, e, I mean, if you could just be sensitive to the fact that I quit ANTON E, kaka-quit mo lang nga last month. RICKY Kaya nga. ANTON E, kaya nga. Tatahimik ang lahat. Tingin si MIGS kay ANTON. MIGS Wat happened?

12 Patlang. ANTON Wala. Babalik si ANTON sa kaniyang paninigarilyo. Tingin si MIGS kay RICKY. MIGS Wat happened? RICKY Wala. Medyo naiinis na rin si RICKY. Mananahimik na lamang at titingnan ang relo. Lalong lalakas ang ulan. Tumataas na ng kaunti ang lebel ng tubig sa kalsada. Sabay-sabay ang pagbuntunghininga ng mga tauhan. Mapapatingin si RICKY kay ANA. RICKY 12:46 na. ANA Tsk. Hahaba ang paghintay ng grupo. Dahan-dahang didilim ang ilaw.Bago tuluyang didilim ang ilaw, maririnig si MIGS. MIGS Baha, o. Ikalawang Eksena Babalik na ang ilaw. Lumipas na ang ilang minuto, at iba-iba na ang pwesto ng mga tauhan sa pwesto nila sa unang eksena. Mukhang inis na inis na si ANA-mas kaunti na ang pasensiya ng ANAng ito

13 kaysa sa ANA ng kanina. Lalo namang naiinip si RICKY. Paulit-ulit na tinitingnan ang relo. Naninigarilyo pa rin si ANTON. Nakatunganga na lamang si MIGS. Hindi na ito naninigarilyo. RICKY Miss? Hindi lilingon si ANA. RICKY Miss. Hindi pa rin lilingon si ANA. RICKY Miss. ANA Ano? Bakit? RICKY Uy, relax lang. ANA Sorry, bakit? RICKY One na kasi, e. Kaya pa? ANA Alam mo, you dont have to keep updating me. RICKY May hinahabol ka kasing oras, e. Akala ko magiging helpful. ANA Well, Ricky, its not. And it isnt like may kinalaman ka don or whatever. Mind your own business na lang nga; mas madali pa. Itataas ni RICKY ang kaniyang mga kamay na parang sumusuko na ito. RICKY

14 Sorry na. Patlang. ANTON Yan kasi RICKY Pare, please lang. Hindi na iimik si ANTON. MIGS O, siya nga pala. Mapapatingin ang iba sa biglaang pagsalita ni MIGS. MIGS Bat wala pa senyong umaalis? Patlang. ANA Um. Hindi ba obvious? MIGS Na ano? ANA Tsk. Ang hopeless mo. RICKY (marahan; parang kausap ang bata) Umuulan kasi, di ba? MIGS Ehhh, kaya naman tong lakarin, e, tong ulang to. Kidlat at kulog. Lalong lalakas ang ulan. Tatahimik ang grupo, at nakatunganga na lang. RICKY This is great. Salamat, Migs.

15 MIGS Ha? La naman akong ginawa, ah! RICKY Di mo ba alam? Saying things like this couldnt possibly get any worse o kahit ano mang parang ganun na phrases is practically an invitation for things to get worse. MIGS (aliw na aliw) Haha, sorry, wala akong na-gets don, pero pare, kakaaliw ka, super Inglesero mo. ANTON Kaya kong maghintay. Oks lang sakin kahit tumambay na muna ko dito, basta ma-delay lang sermon ni Dad. MIGS Sermonidad. ANTON Sermon ni Dad. MIGS Heehee. Thats the attitude. ANTON (patawa) Sobrang nakakabobo ka, pare. Ibubunggo ni MIGS ang kaniyang kamao sa kamao ni ANTON. ANA Okay, thats it. RICKY Whats it? MIGS The attitude? ANA Tatawag ako ng taxi. RICKY

16 Talaga? ANA Oo, talaga. Hahalungkatin ang bag. RICKY Teka, teka, teka, walang dumadaang taxi dito. Alam mo yun, di ba? ANA Oo, alam ko yon. Nakatira po ako dito. RICKY Oo nga. So bat sinusubukan mo pa rin? Hindi siya pakikinggan ni ANA. RICKY Bahala ka. Siguradong di sila papayag. Hindi pa rin siya pakikinggan ni ANA, ngunit bigla itong mapapatigil. Papaluin ang noo. ANA Shit, oo nga pala! Naiwan ko phone ko! Matatawa si MIGS. Titingnan niya si ANTON habang tumatawa, sa akalang matatawa rin ito. Tahimik lang si ANTON. Mukhang naiinis si ANA. Mapapatigil si MIGS sa pagtatawa nito. RICKY Seryoso ka ba? Naiwan mo phone mo? ANA Sabi ko nga, di ba? Kaya nga tinanong kita kanina kung anong oras na. RICKY Oh, okay. It makes sense now. ANTON Sign na yon, Miss. Wag mo nang i-try.

17 Hindi siya papansinin ni ANA; kinakausap pa rin nito si RICKY. ANA Pagamit na lang ng phone mo. Kitang-kita ang pagka-inis at pagkairita ni ANTON sa nagawang hindi pagpansin ni ANA. RICKY Ah, eh, sige ANA Thank you. ANTON Miss, wala lang yan. Parang sadyang hindi siya pinapakinggan ni ANA. ANTON Miss, tumigil ka na nga, kaka-irita, e. Patlang. ANA What? ANTON Wala. Sabi ko lang, nakaka-irita. Sobrang desperado, e. Hindi makapagsalita si ANA nang ilang sandali. ANA Ano? ANTON Di mo ako naririnig? (lalaksan ang boses) DESPERADO KA, KAKA-IRITA. Katahimikan nang ilang sandali. Bakas sa mukha ni ANA na nasaktan ito. At naiinis siya dahil sinaktan siya. ANA

18 Okay, wait lang. Sakit mo kung magsalita, ah? Sino ka ba? Grabe, pati yun lang; nanghihiram lang ng phone, desperado ANTON Tatawag ka ng taxi? Talaga? (titigil sa paninigarilyo) ANA Oo! Bakit naman ANTON Huy, ate. Kung nakatira ka nga rito, dapat alam mong wala yan sa bokabularyo natin. FYI lang, a, just in case hindi ka na-inform. Mababara si ANA. Walang iimik. ANTON Hindi tayo tumatawag ng taxi dito dahil walang papayag. Alam mo yon, di ba? Oo, alam mo yon. Common sense, miss, common sense. Hindi sasagot si ANA. ANTON Sorry, ah, nothing against you or anything, pero nakakainis lang pakinggan yung sobrang pagkadesperado mo. Yun lang. Patlang. ANTONG Pero sige. Kung gusto mo pa rin, di fine. Be disappointed. Tatahimik ang grupo. Walang maglalakas-loob na sagutin siya titigil na sa pagsasalita si ANTON. Itatapon ng lalaki ang sigarilyo nito. Magbubuntunghininga ito, at titingin sa malayo. RICKY Tang ina, pare, anong problema mo? Hindi na sasagot si ANTON. Lalong maiinis si RICKY. Magsasalita na sana ito nang biglang kukunin ni ANA ang kaniyang payong. Bubuksan ito. Magugulat ang iba. RICKY O, o, o! Nong gagawin mo?

19 ANA Maglalakad ako palabas dito. RICKY Ha? ANA At kukuha ako ng taxi, o jeep, o anuman sa labas, para makapunta ng siyudad. ANTON Okay. Miss, seryoso na to tanga ka ba? Mukha pa bang kayang lakarin yan? MIGS Konti na lang, hanggang tuhod na siguro yan, ate. Actually, ewan, pero mukhang malalim na talaga siya RICKY Trust me. Di mo yan kaya. ANA Kakayanin. ANTON Seryoso. Yan? Yang tubig na yan? Di pa siya ganun kalalim ngayon, pero habang naglalakad ka, pataas lang yan nang pataas. Malulunod ka rin diyan, pucha. Gusto mo yun? Tatahimik ang lahat nang ilang sandali. Titiklupin ni ANA ang kaniyang payong. Magbubuntunghininga. Hindi na magsasalita. ANTON Kakasabi lang, a. Desperado ka, kaka-irita. Nakakailang na katahimikan. Walang magsasalita. MIGS Awkward, pare.

20 Mayroong kaunting katahimikan bago biglang tutunog ang selepono ni RICKY. Bubunutin nito ang selepono galing sa bulsa. MIGS At dahil don, may nagtext. Walang papansin sa kaniya. Magugulat si RICKY sa mababasa niya sa selepono. RICKY Uhh, guys? Mapapatingin ang lahat maliban kay ANA sa kaniya. RICKY Confirmed na raw. ANTON Ang ano? MIGS Buntis si Coco Martin? RICKY Bagong bagyo to. MIGS Baguio? RICKY Bagyo. MIGS Ah. Okay. Patlang. MIGS Well, shit.

21 Kapansin-pansin na hindi na nagsasalita si ANA, ngunit kitang-kita sa mukha nito na pawang gusto na nitong mamatay sa sobrang sama ng swerte nito. RICKY (habang binubulsa ang selepono) Anak ng putek talaga to. ANTON (maglalabas rin ng selepono at titingnan ang mga text) Tsk. Sabi na nga ba, e. Ilalabas muli nito ang pakete ng sigarilyo. Sisindihan ang isa gamit ng lighter. Maninigarilyo muli. Tatahimik ang grupo nang ilang sandali. MIGS So Stranded tayo dito? Tututukan siya ng lahat, maliban kay ANA. Walang iimik. Mahabang katahimikan. ANA SHIT. Fuck. Bigla na lang magsasalita si ANA. Tatabunan ni ANA ang mukha nito gamit ang mga kamay niya. ANA SHIT. FUCK. Walang pa ring iimik. ANA SHIT! FUCK! MIGS Ano ba talaga? Shit o fuck? ANA Ano ba to?? What did I do to deserve this? Ano?

22 MIGS Grabe naman to, o. ANA Grabe? Anong grabe? HELLO, may RICKY Cut her some slack, pare. May trabaho pa siya. ANTON Chancing. RICKY Okay, puwede ba? ANTON Puwede ba, puwede ba. Maka-cancel naman siguro tong trabaho ni Ana, e. ANA Okay. Look. Pare. Kanina ka pa, ha? Di ko alam kung anong problema mo. ANTON Wala naman, ah. Sinong nagsabing may problema ako, ha ANA Obviously, di mo naiintindihan kung gaano ka-important ang trabaho para sa akin, at FYI lang rin sayo, may trabaho man o wala, stranded pa rin ako dito ANTON E, hindi lang naman ikaw ang stranded dito, e, putang ina naman, sa tingin mo ginusto namin to, ah Kikidlat, ngunit, maliban kay MIGS na magugulat ng kaunti walang makakapansin. RICKY Guys? ANA And so? Do you think youre stranded? Di ba okay lang naman sayong maghintay? Di bat oks lang

23 ANTON And so? Tapos? ANA bastat ma-delay ang sermon ng tatay mo ANTON Hindi naman naka-cancel out ang fact na stranded pa rin ako pa rin tayo dito RICKY Guys! Malakas na pagkulog. Mapapasigaw sa takot at pagkagulat si ANA. RICKY O! Okay ka lang? (ilalagay ang kamay sa balikat ni ANA) Iiling si ANA. Ipipikit ang mga mata, at tatakpan ang mga taenga. ANTON Puta, sobrang chancing. RICKY Nangko-comfort lang po ng tao, gago! Magkikibit ng balikat si ANTON at babalik sa paninigarilyo nito. RICKY (sa sarili) Gago. MIGS O, ate. Okay ka lang? Hindi sasagot si ANA. Mapapatigil si MIGS. Titingnan nito si ANTON. MIGS Uy. Pre. Mukhang naapektuhan to ng todo sa mga nasabi mo, a. ANTON

24 Bayaan mo na. Magrerecover din yan maya-maya RICKY Magrerecover? Magrerecover? Maliban kay ANA (na nakapikit pa rin ang mga mata at nakatakip pa rin ang mga taenga), mapapatingin ang lahat sa kaniya. RICKY Anak ng tipaklong to, o! Magtataas ng kilay si ANTON, para bang hindi kapani-paniwala ang nasabi ng kasama. ANTON Mukhang ikaw ata yun, bro. RICKY (naiinis na pakutya) Mukhang ikaw ata yun, bro. Putang ina mo, gago, tumahimik ka nga? ANTON O. O. RICKY Bwisit, pa-cool ka lang talaga, no? Nasestress na nga tong tao, e, ramdam mo ba, ha? ANTON O, ramdam ko. RICKY Yun naman pala, e, bat mo pa rin ginugulo? ANTON Hindi naman sa ginugulo ko Kaka-burat lang talaga, e, laging complain nang complain. RICKY E, ikaw kaya! Imaginin mo sarili mo sa sitwasyon niya! Anong gagawin mo? Ha? Hindi na makapagsasagot si ANTON.

25 RICKY IkawGrabe ka, grabe ka. Kanina ka pa. Sumusobra ka na. Pati ako naiinis na sayo. Sa isang banda, hindi nakatingin si ANA sa ibang tauhan. May halo ng pagkataranta at ng pagkainis sa mukha nito dahil sa mga nangyayari. Nakatunganga naman si MIGS. RICKY Naghahanap ka ng away? MIGS Whoa, shit. Guys, guys. Relax lang, chill lang. Pag-usapan natin to ng maayos Hindi ito pakikinggan. Kumikidlat at kumukulog. Lalo pang lumalakas ang ulan. Bahang-baha na. Patuloy pa rin ang away sa pagitan ni RICKY at ANTON. ANTON Di naman, ah. Sino bang nagsabi na naghahanap ako ng away, e RICKY Excuses! Anong ibig mong sabihin, ah? Na ganun lang talaga personality mo? Na sadyang nakaka-inis ka lang talaga? ANTON Pare, mukhang sobrang affected ka, ha. RICKY Sobrang affected? MIGS Actually, yeah, medj, medj. Calm down ka na lang ng onti RICKY Sobrang affected amputa! Lam mo? Ha? Lam mo? Wag ka na lang siguro mag-salita; maybe that way ANTON

26 O, ano to? Sino ka para sabihan akong wag na lang mag-salita? Tang ina, lahat tayo dito, naiirita na sa isat-isa, e MIGS Pare. Mga pare. Seryoso na to Halos hindi na makasalita si RICKY sa pagka-inis nito; mapapakamot na lamang ito ng ulo. Samantalang lumalala ang halong pagkataranta at pagkainis ni ANA. ANTON Ikaw, ah. Wag mo akong sabihang wag na lang mag-salita. Wala kang kontrol sakin. At HIPOKRITO ka, lam mo yun? Mukhang ikaw nga dito yung naghahanap ng away, e! RICKY Hindi ako yung naghahanap ng away ANTON Hindi ikaw yung, hindi ikaw yung! Yan naman laging sinasabi mo, ah! Sa tingin mo, ang problema, nasa iba, wala sayo! Yun akala mo, ULOL! MIGS Whoa. Okey. Guys. Walang ganiyanan; friends na tayo Hindi matutuloy ang nais sabihin. Mapapalunok; mukhang hindi komportable ito, ngunit walang makapapansin. Tuloy pa rin sa away. RICKY Kilala mo ba ako? Ah? Bat mo ako hinuhusgahan ng parang ganon na lang? Close tayo? Close tayo? ANTON At sorry, ah? Pero sobrang nakakainis lang tingnan yung mga putang inang advances mo kay Ana, okey? MIGS Huy, guys? Kinig naman kayo sakin Biglang mapapatigil. RICKY

27 Advances? ADVANCES? Advances, gago ka ba? SHIT, tong taong to, grabe kung maka ANTON Grabe kung maka-ano? Ha? Sige na. Sige na. RICKY Bwiset, o, nakaya pang baguhin ang topic ANTON Kalimutan mo na yung ibang topic. Aminin mo na RICKY Puwede tahimik muna, ha? Ang hirap mag-isip kung boses mo lang yung Lumalala ang pagkailang sa mukha ni MIGS. Nakatingin ito sa sahig. Wala pa ring nakapapansin. Kasabay ito sa paglakas ng mga emosyon sa mukha ng ANA. ANTON Ano? Ha? Kelangan mo pang mag-isip? RICKY Bwiset ka, sobrang nakaka ANTON O? Ano? Ha? Pare MIGS Guys RICKY May gusto kang patunayan? ANTON Patunayan, ha? Bigla na lang susuka si MIGS. Matatalsikan si ANA, na, batay sa pagmumukha nito, halos mamatay-matay na sa masaklap na malas na dinaraanan nito. Patlang.

28 Nakatingin ang lahat kay MIGS. Humihingal si ANA. Sisigaw ito. Tatapatan ng sigaw nito ang malakas na bagyo. Walang maglalakas-loob na gumalaw, o magsalita man. ANA Mga putang inang lalaki niyo mga TARANTADO! Di ko alam kung bat minalas pa ko ng pagkagrabe-grabe ngayong gabi at napadpad ako dito, kasama niyo, mga gago, mga ULOL! Porket lalaki kayo, feel niyo puwede na kayong manggago nang ganon lang? Na puwede lang kayong mag-away diyan? Na puwede lang niyo kong bastusin ng ganon? Ha? E, mga bwiset na putangnang baboy pala kayo, e! Halos maiyak na ito sa pagkainis. RICKY Teka. Miss. Ana. Relax ka ANA RELAX? Anong relax? Ikaw nga kanina yung gustong magsimula ng away, e! Sorry, ha, pero ayoko na! Ayoko na! Okey? Ang hirap! Ang hirap makitungo ng tama sa mga tao araw-araw, ginagawa ko to araw-araw sumasagot ng mga tawag na manggagaling kung saan-saan kelangang magEnglish ang hirap, ANG HIRAP! Hindi nakakatulong that there are so many assholes! Sobrang raming assholes! Alam niyo ba kung gaano kahirap kumausap sa mga kupal na putangnang assholes na yun? Pataas nang pataas ang boses nito. WHO GIVES A FUCK ANYWAY, THOUGH! KEBS LANG KASI KELANGAN KONG MAGING NICE SA KANILA, DI BA? KAHIT SOBRANG HALOS GUSTO KO NANG PUMATAY NG TAO DAHIL SOBRANG NAKAKA-BV SILA? KAHIT SOBRANG KUPAL? WHO THE FUCK CARES ABOUT HOW I FEEL? AKO ANG DAPAT MAG-ADJUST! AKO! AKO LAGI! ITS NEVER EVER THEM! HINDI PUWEDENG SILA ANG MAG-ADJUST PARA SAKIN KASI AKO ANG CALL CENTER AGENT, AKO ANG DAPAT TUMUTULONG SA KANILA! PERO PANO KO NAMAN SILA MATUTULUNGAN KUNG MUKHANG AYAW NAMAN NILANG MATULUNGAN? HA? SO DONT EVER, EVER TELL ME TO CALM DOWN LIKE THAT! HAVE YOU EVER EVEN SEEN ME CALM? HINDI! HINDI, PUTANG INA! HINDI MO ALAM KUNG GAANO KA-HIRAP! Wala muling iimik. Maliban sa napakalakas na ulan at pag-agos ng tubig baha, tahimik ang lahat. ANA

29 (mahina ulit ang boses, ngunit parang nagpipigil) I know what you guys are thinking; rinig na rinig ko. Bat di ka na lang mag-quit? Bat di ka na lang maghanap ng iba pang trabaho? Bat nag-call center ka pa in the first place? Bakit nga ba? Kasi yun ang pinaka-available? HA! OO! Yun ang pinaka-available! And considering my lifestyle, hindi ko na kayang maging kuripot! I cant afford to pick and choose! Kung anumang makuha ko, yun na! YUN NA! OKAY? MAHIRAP, BUT I HAVE TO KEEP DOING IT IF I WANT TO SUPPORT MYSELF AND NOT JUST MYSELF; PATI NA RIN PAMILYA KO! MINSAN, GUSTO KO NA LANG MAG-GIVE UP, PERO HINDI, E! SAYANG LANG ANG LAHAT! KAYA PLEASE? PUWEDE BA? TIGILAN NIYO NA AKO! IM JUST TRYING TO GET THROUGH THIS NIGHT, AND YOU YOU, MEN ARE MAKING IT WORSE FOR ME! Humihingal ng pagkalakas-lakas si ANA. Isang pagkahaba-habang katahimikan ang susunod. Tatalikod na lamang si ANA. Magtitinginan ang mga lalaki. Walang nakakaalam kung ano ang puwedeng gawin. MIGS Aahh... ANTON O. Okey ka lang? MIGS Ha, bakit? ANTON Sumuka ka, gago. MIGS Well. Yeah. Patlang. MIGS Pero di naman ako yung problema dito, e. Ano, ah Ate? Ate Ana? Hindi sasagot si ANA. Ayaw rin silang tingnan nito. Kakausapin ni MIGS si ANTON. MIGS Pucha, pare, tingnan mong ginawa mo.

30 ANTON O, ano? MIGS Anong ano? Ikaw kaya may kasalanan nito lahat. ANTON What? Di kaya! RICKY Gago, tama na yang pa-inosente mo. ANTON Puta, siya yung sumuka, hindi ako! MIGS E, ikaw yung nanlalait ke ate, e. ANTON Ay, pucha. Lam mo? Ayokong makinig sa taong lasing. Yun. MIGS Takte, kanina ka pa nga nakikinig sakin, e! Wat da hel, man? RICKY Hoy, ano to? Isa na namang away? ANTON Pucha. Ilalabas ni ANTON ang lighter at pakete ng sigarilyo. Sisindihan. Makikita sa mga pilit at mabilis na mga galaw nito ang pagkapikon nito. Tatalikod. MIGS O. Yan. Patlang. MIGS Yan, chill ka na lang pare. Hinga ng malalim.

31 Hihinga ng malalim si ANTON, ngunit hindi pa rin ito tatalikod. MIGS Yaaan, beri gud, beri gud. RICKY Huh. Kala ko ba ayaw mong makinig sa taong lasing? ANTON Tumahimik ka. RICKY At kaninong side ka ba talaga? Kani-kanina lang, magka-away kayong dalawa. MIGS No sides. Kanina pa yung drama. Tama na. RICKY Seryoso, lasing ka pa ba? MIGS Ha? Ewan. Titigil ang usapan doon. Tatahimik muli ang lahat. RICKY Seryoso, okey ka na ngayon? Tatango si MIGS. RICKY Naaalala mo pa ba yung mga nangyari kanina? MIGS Sort of, not everything, ewan. Ewan. RICKY Okey. Mukhang hindi mapakali si ANA, ngunit ayaw na niyang tingnan o kausapin ang

32 iba. Mapapansin ito ni MIGS, kung kayat kakausapin siya nito. MIGS Pero, anyway, ano, ah Ate Ana. Hindi sasagot si ANA. RICKY Pare, wag na lang nga. MIGS Miss Ana. Wag na po kayong magalit. E, lasing lang ho talaga ako. Sorry at nasukahan pa kita. Biglaang sisingit si ANTON, ngunit hindi pa rin ito nakatingin sa grupo. ANTON Mababasa rin naman siya sa sobrang lakas ng bagyong to, e; mawawala rin yang amoy-suka. RICKY Itigil mo na yang pa-snarky snarky mo diyan, ah. ANTON Opo. MIGS Miss, sige na po. Pagbigyan niyo na po kami. Para matapos na. Di na awkward. Lilingon nang bigla si ANTON. ANTON Gago, baka pag pilitin mo, sasabog uli yan. MIGS Di nga. Okay lang to. We should just lam mo yun cooperate. Or something. Baka kung magsama-sama tayo sa pag-sorry kay Ate Ana RICKY Ang at peace mo with everything, lamoyun? MIGS

33 Kung di ako, e di sino, di ba? RICKY Point. MIGS So, yeah. Di ba, ate? Peace na Iiling na lang bigla si ANA. Ayaw pa rin nitong tingnan ang mga kasama nito. Magpapalitan ng tingin ang mga lalaki. MIGS Ate Ana? Or Miss Ana, since ayaw mo ng ate. Nagkamali lang kami. Accept naman namin na may problema ka, ah. Sadyang na-stress lang siguro kami Or sila dahil sa bagyo. Lam mo yun? I mean oo. Anlaki nga ng problema mo, pero hindi lang naman ikaw, e. Kami rin, I guess. Walang iimik. ANTON Actually, pare, hindi, e. RICKY Tumahimik ka na nga; uupakan kita ngayon. ANTON Tssss RICKY Simula ka uli ng away? ANTON Ikaw naman yun, ah. RICKY Putang-! MIGS GUYS, guys, anyare senyo? Ha? Nakakapikon, mehns! Patlang. RICKY Ewan ko. Sorry.

34 Mauupo. Basang-basa na ito dahil sa malakas na ulan. MIGS Ah, talaga? Di niyo alam? Pwede ba yun? RICKY Basta. Ewan ko. Ayoko na. Useless nang magsalita pa. Patlang. ANTON Bahala nga kayo. Pagod na ko. (patuloy sa paninigarilyo) RICKY Di lang ikaw. Mukhang gustong mag-salita ni MIGS, ngunit hindi nito itutuloy. RICKY Mabuti pang di na lang tayong lahat nakipag-usap in the first place. MIGS Well, at least RICKY Sana di ko na lang kayo kinausap. Sana di niyo na lang rin ako sinagot. MIGS Well, how were we supposed to know, di ba? ANTON Better not knowing. MIGS E, pero ANTON Bakit? May nahita ba tayo? MIGS Kasi naman kayo, e

35 Hindi nito matatapos ang nais sabihin. Katahimikan. ANTON Wala naman, a. Katahimikan muli. Bigla na lamang mauupo si MIGS sa riles ng hintayan, sa tabi ni RICKY. MIGS Ewan ko. Pagod na rin ako senyo senyong lahat. ANTON Di, pagod ka. Everyone shuts up. Problem solved. Wala nang magtitinginan. Dahil sa sinabi ni ANTON, wala na ring magtatangkang magbukas ng bibig. Maliban sa bagyo, wala nang ibang ingay ang maririnig. Ni isa sa kanila ay may gusto pang makipag-usap sa iba. Pagod na ang lahat. Gusto na lamang maghintay hanggang matapos ang ulan. Iiyak ng malakas si ANA. Ngayong gabi lamang niya napagtanto ng maayos ang pagkalaki at pagkabigat ng mga hinaharap nito araw-araw. Maririnig ng lahat, ngunit walang papansin sa kanya. Naka-upo lamang sina RICKY at MIGS, samantalang nakatayo at naninigarilyo pa rin si ANTON. Didilim ang ilaw, at tunog na lamang ng napakalakas na ulan ang maririnig.

WAKAS.

You might also like