You are on page 1of 8

Scene 1

(Bitbit ang aking makinilya at isang maletang damit, naisipan kong magtungo, isang
mahalumigmig na madaling-araw, sa isang liblib na lugar sa Batangas)

Scene 2
(Isang dapithapong umiinom kami ng tuba ng pinsan kong si Mando, doon ko nakilala si Anto)
(Parang walang anumang hinila niya ang kanyang bangka, iniahon sa tubig at sa loob ng pasan-
pasan niyang lambat, nagkislut-kislot ang huli niyang mga isda na marami-rami rin sa tingin ko at
baka umapaw sa isang timba kung isasalin.)
Mando: Ala’y marami ka yatang huli ngayon, Anto?
Anto: Ala’y katamtaman lamang

(Malumanay na sagot ni Anto sabay lapag ng lambat sa tabi namin)

Anto: Pamulutan man lamang ninyo

(Kumuha ito ng ilang isda at inilagay sa loob ng inuupuan naming Bangka)

Ka Roger: Uminom ka muna, ‘bigan

(Pinuno ko ng tuba ang tangan kong baso at akma ko iyong iaabot sa kanya habang tinititigan lang
ako ni Anto)

Mando: Pinsan ko ‘yan, Anto. Si Manong Roger… nagbabakasyon dito.

(Binawi ni Anto ang pagkakatitig sa akin)

Anto: Di ako bumabarik, Manong

(Halos pabulong nitong sabi)

Ka Roger: Sigarilyo

Anto: Ala’y di rin ako naninigarilyo, Manong.

Mando: Ala’y walang bisyo ‘yan kundi mangisda at magtanim

(Napatawa ako. Ni hindi man lamang ngumiti si Anto. Dinampot nito ang lambat, pinasan, sinulyapan
kami, at nagpatuloy sa paglakad. Hindi ko siya naiwasang sundan ng tanaw hanggang sa ikubli siya ng
makapal na niyugan sa di kalayuan.)

Mando: Doon lang nakatira si Anto sa kabila ng niyugan. Ala’y nag-iisa na siya, Manong.

(Tumungga ako ng tuba)

Mando: Ang mabuti pa, Manong ay iuuwi ko muna ang mga ‘yan, maiihaw at nang mapulutan na natin.
(Hindi ako umimik at ni hindi ko rin namalayan ang pag-alis ni Mando. Nakabalot sa dahon ng saging ang
inihaw na mga isda.)

Ka Roger: Sabi mo’y nag-iisa na siya?

Mando: Sinong siya, Manong?

(Napatigil sa paglagok ng tuba si Mando.)

Ka Roger: Si Anto.

Mando: Ay, oo, Manong.

Ka Roger: Ang mga magulang niya?

(Muling lumagok ng tuba si Mando.)

Mando: Ay, Manong, masaklap ang nangyari sa pamilya nila. Ay, putang ina, talagang masaklap,
Manong.

Ka Roger: Anong masaklap?

(Nagsindi ako ng sigarilyo)

Mando: Nakikita mo ga ang niyugang ‘yon? Dati, Manong, kanila ‘yon. Ala’y may kagandahan din ang
bahay nila noon… doon

(Itinuro ni Mando ang karatig na niyugan)

Ka Roger: E, nasaan ngayon ang bahay?

Mando: Ala’y di giniba na ng bagong may-ari. Alam mo ga, Manong, nagisnan ko nang sa ama ni Anto
ang niyugang iyon. Ano ga’t isang araw, mga sampung taon na siguro noon si Anto, may dumating dito
na taga-bayan, nakakotse pa, at pinaaalis doon sina Anto. Kanya raw ang lupang ‘yon. Ala’y di nagalit si
Ka Basilio, ‘yong ama ni Anto. Kumuha ng gulok. Ay, putang ina, Manong… kung hindi agad nakatakbo
at nakasakay sa kotse ‘yong taga-bayan, malamang na naundayan ng taga ni Ka Basilio.

Ka Roger: Pagkatapos?

Mando: Ay ano pa ga? Ala’y di nagdemandahan. Natalo si Ka Basilio dahil wala raw titulo. Mga ilang
araw, muling dumating dito ‘yong taga-bayan, may kasama pang mga pulis. Tinaningan sina Anto para
umalis doon. Ay, Manong, nag-iiyak si Ka Benita, ‘yong ina ni Anto, at sa sama ng loob ay biglang inatake
sa puso… namatay noon din. Ala’y pagkalibing naman ni Ka Benita,

(muling lumagok ng tuba si Mando)

Mando: ay dumating isang araw ‘yong mga tauhan ng taga-bayan, may kasama na namang mga pulis, at
gigibain na ‘yong bahay nina Anto. Ala’y di sa galit ni Ka Basilio ay binunot ang kanyang gulok. Ay,
Manong, nanghabol ng taga. Bago siya nabaril ng mga pulis ay dalawa ang napatay niya. ‘Yong isa,
Manong, sana’y nakita mo. Ay, Manong, laslas ito!

(sabay turo sa kanyang tiyan)


Mando: Inurakan nang inurakan… ala’y luwa ang bituka at ‘yong isa naman, ala’y muntik nang
matanggal ang ulo. Di mapuknat-puknat ng mga pulis si Anto sa pagkakayakap sa bangkay ni Ka Basilio
at hinimatay ‘yong kapatid niyang dalaga, si Juliana. Ay, Manong, ala’y magandang dalaga ‘yong si
Juliana. Kursunada ko pa nga sana

(Sinunud-sunod ko ang pag-inom. Parang wala nang lasa ang tuba.)

Ka Roger: E, si Juliana?

Mando: Ay, putang ina… masaklap din ang nangyari, Manong. Ano ga’t nanilbihan siya sa bayan, sa
bahay ng isang mayaman, ‘yon gang magandang bahay malapit sa munisipyo. Ala’y isang araw
natagpuan siyang nakabitin sa silid… nagbigti raw. Ay, putang ina, Manong, aywan ko ga… sabi’y
ginahasa raw ng anak na binata noong kanyang amo. Mabuti na lang si Anto, kinupkop ni Ka Masyong…
‘yon gang inuuwian niya ngayon. Ay, Manong, talagang naguguluhan ako sa nangyari sa pamilyang ‘yan.
Ala’y putang ina, ‘yan ga’y kalooban ng Diyos, Manong?

Scene 3

(Isang hapon, nang magpunta sa bayan si Mando at maghatid ng mga gulay at niyog doon, uminom din
ako, kahit nag-iisa, sa tabing dagat. Maagang dumaong si Anto sapagkat maalon ang dagat, waring may
nagbabantang sigwa. Luminga-linga ito nang mapansing ako’y nag-iisa ngunit hindi siya nag-atubiling
lumapit sa akin upang bigyan ako ng ilang isda.)

Ka Roger: Huwag na lang, Anto. Walang mag-iihaw niyan ngayon. Nasa bayan si Mando.

(Hindi umimik si Anto. Ibinalik nito sa lambat ang mga isdang ibibigay sa akin at saka umalis)

Anto: O, Manong… pamulutan mo.

Ka Roger: Nakakahiya sa iyo. Ikaw pa ang nag-ihaw ng mga iyan.

(Tinitigan lamang ako ni Anto at naupo ito sa gilid ng bangka, sumulyap sa karagatan at
tumingala sa kalawakan.)

Anto: Ala’y uulan, Manong. Malakas na ulan ‘yan, Manong,

(Kumurot ako ng isda)

Ka Roger: Masarap ka palang mag-ihaw, Anto.

Mando: Ala’y pagpasensiyahan mo na ‘yan, Manong. Iilan kasi ang huli ko kangina.

(parang nahihiya ngunit masiglang sabi ni Anto.)

Ka Roger: Aba… suwerte ko pa nga ito,” pakli ko. “Alam mo ba, Anto, sa Maynila, laging galunggong ang
kinakain ko, saka tuyo o bilasang bangos kung minsan. Ang pulutan namin doon ay sipol… kung may
kaunting pera ay inihaw na mabahong tuyong pusit na parang kuwero ng sapatos

(Akma akong dudukot ng sigarilyo sa kaha ngunit wala na palang laman, at napansin niya iyon.)

Anto: Ala’y ako na ang bibili, Manong.


Ka Roger: Hindi na bale, Anto. Pagdating ni Mando galing sa bayan, tiyak na may uwi iyong sigarilyo.

Anto: Ay, gagabihin ‘yon, Manong, kapag inabot ng ulan. Ala’y wala ka nang mahihithit

Ka Roger: Nakakatiis nga akong di manigarilyo kahit ilang araw.

Anto: Ala’y ang mabuti pa, Manong, ay sa bahay ka na bumarik. Mababasa ka dito

Ka Roger: Gusto ko ngang maligo sa ulan. Masarap uminom, Anto, sa ulanan. Ikaw kasi, ayaw mong
tumikim man lamang. Masarap uminom, Anto, lalo na’t itinatanong mo sa sarili kung sino ka, kung ano
ka, at kung para ano ka.

(Matagal akong tinitigan ni Anto at biglang bumuhos ang ulan)

Ka Roger: Lumagok ka nang kaunti para di ka ginawin

Anto: Ala’y talagang hindi ako bumabarik, Manong.

Scene 4

(Kinabukasan noon, sinisipon ako at nilalagnat, at nabalitaan iyon ni Anto. Agad siyang dumating sa
bahay nina Mando, may dalang isang boteng gatas ng kambing para sa akin. At, buhat noon, hindi
lamang kakilala ko si Anto — kaibigan ko na siya.)

Mando: Ala’y nagtataka ako sa iyo, Manong. Ala’y naging malapit na malapit sa iyo. Bihira ang
kinakaibigan ni Anto dito. Ano ga’t parang mailap na manok-labuyo na napaamo mo.

Ka Roger: Ako man ay nagtataka rin. Ni hindi siya ngumingiti at kapag kinibo mo lamang ay tyaka siya
kikibo, maliban na lamang kung may iniaalok siya sa akin.

Scene 5

(Isang araw, sa nakatiwangwang na bangkang iyon sa pasigan, sa harap ng isang galong tuba, sa harap
nina Mando at Anto)

Ka Roger: Baka sa darating na Linggo’y magpaalam na ako sa inyo.

Mando: Ala’y di ka naman namin pinaaalis, Manong. O baka nalulungkot ka dito at hinahanap-hanap mo
na ga ang buhay sa siyudad?

Ka Roger: Hindi naman. Ang totoo nga, ayokong-ayoko nang manirahan sa Maynila. Uuwi na lang ako
sa probinsiya ni Itay, sa bukid.

(Mayamaya, nagpaalam si Anto, diumano’y may bibilhin sa tindahan. Matagal bago ito nagbalik,
halos ubos na ang tubang iniinom namin ni Mando. May dalang isang kahang sigarilyo si Anto at
iniabot sa akin.)

Anto: Ito’y para sa iyo, Manong.

(Pagkaabot ng sigarilyo ay umalis na agad si Anto)


Scene 6

(Maaga pa’y biglang sumipot si Anto sa bahay ng pinsan kong si Mando. Bitbit ni Anto, sa kaliwang
kamay, ang isang galong tuba at pasan-pasan niya ang isang bagong kapapatay na kambing na hindi pa
nababalatan. Sa may tarangkahan pa lamang ay sumisigaw na siya, at malamig ang kanyang tinig,
parang may kinikimkim na kahiwagaang mahirap arukin.)

Anto: Manong Roger! Manong Roger!

Ka Roger: Aba’y para ano ‘yan? Wala namang handaan dito.

Anto: Ala’y bago ka man lang umalis bukas ay makatikim ka naman ng isa sa mga alaga ko. Ikakaldereta
namin ni Manong Mando. Mahusay akong magluto ng kaldereta, Manong.

Ka Roger: Makagaganti rin ako ng utang na loob sa iyo, Anto, balang araw

(Hindi siya umimik, sumulyap lamang sa akin, habang nginunguya niya ang isang pirasong
kaldereta)

(Marami na akong nainom at tumatalab na sa utak ko ang tuba, at naisip kong maglakad-lakad sa
baybay-dagat, suyurin ng tingin ang mapayapang kapaligirang iyon na mahal ko na ngunit iiwan ko
bukas. Napansin kong sinundan ako ni Anto at nang malayu-layo na kami sa kinaroroonan ni Mando,
umagapay siya sa akin.)

Anto: Manong, ako’y may ipakikiusap sa iyo

Ka Roger: Sa akin ay di mo na kailangang makiusap

Anto: Ala’y talaga ga, Manong?

(Tumango ako.)

Anto: Ako ga’y puwede mong isama bukas?

Ka Roger: Iyon lang pala, aba’y oo!

Anto: Ay hindi mo ako naiintindihan, Manong. Ang ibig ko gang sabihin, Manong ay ala’y sa iyo na ako
makikipanirahan.

Scene 7

(KINABUKASAN, hindi pa naglalagos ang sikat ng araw sa niyugan, nasa may hagdanan na ng bahay nina
Mando si Anto at bitbit ang isang bayong ng mga lumang damit. Ang suot niyang polong puti, bagaman
malinis, ay halos puputok sa kanyang katawan. Bitin ang kupasin niyang pantalong maong at naka-
sapatos na de goma siya, ngunit walang medyas. Gayunman, maayos na maayos ang mahabang buhok
ni Anto, sadyang sinuklay, hinatian sa gilid, at nalahiran ng pomada.)

(Bago kami tuluyang naglakad papunta sa kabayanan, pinilit ko muna siyang dumaan sa dati niyang
tinutuluyan, kina Ka Masyong, upang sabi ko ay makapagbigay-galang man lamang ako sa matanda.)
Ka Masyong: Ala’y utoy ikaw na sana ang bahala sa batang iyan. Ala’y hindi ko ga maintindihan kung
ano ang nakain niyan at hindi ko mapigil sa pag-alis. Ala’y hindi ko naman iyan kinagagalitan. Kung hindi
iyan mawili sa iyo, utoy, ala’y ipinakikiusap kong ihatid mo man lamang dito.

Scene 8

(Paggising na paggising ni Anto, isang oras makaraang tumilaok ang mga manok sa madaling-araw,
nakaugalian na niyang linisin ang bakuran, walisin ang nangalaglag na mga tuyong dahon ng mangga,
alisin ang anumang sukal. Pagkatapos, didiligin niya ang mga tanim na gulay ni Itay at, bago mag-
almusalan, napakain na niya ang tatlo naming alagang baboy, gayundin ang mga manok. )

Tatay ni Roger: Masipag na bata ‘yang si Anto. Pero di ba marunong tumawa ‘yan?

Ka Roger: Napansin din ho pala ninyo

Tatay ni Roger: Talaga bang ganyan ‘yan?

Scene 9

(Bumili si Itay ng ilang damit para kay Anto saka dalawang daang sisiw upang diumano ay maging aliwan
ni Anto. Alagang-alaga ni Anto ang mga sisiw, halos ayaw na ayaw niyang gagapangan man lamang ng
langgam ang kulungan o bahay ng mga iyon na mismong siya ang gumawa mula sa mga kawayang siya
rin ang pumutol ngunit, isang umaga, halos kagigising ko lamang, narinig ko ang tinig ni Anto, hindi
mahina, kundi malakas, hindi malamig, kundi galit.)

Anto: Ala’y putang ina! Ala’y papatayin ko ang mga dagang ‘yon!

(Mga limang sisiw marahil ang patay sa kulungan, kinagat ng mga daga. At, kinagabihan, hindi natulog si
Anto. Dala-dala ang isang lente at pamalo, nakita kong nagtuloy siya sa kulungan ng mga sisiw, naupo sa
madilim na sulok habang mahigpit na tangan ang isang malaki-laki rin namang piraso ng kahoy.)

Anto: Ala’y, Manong, napatay ko ang mga putang ina! Nakikita mo ga ang mga ito?”

Scene 10

(Isang hapon naman, pagkagaling ni Anto sa bukid, pinabili ko siya ng hinebra sa tindahang malapit sa
amin. Ilang saglit lamang, humahangos na dumating si Anto, dala ang isang boteng hinebra, nakangisi na
naman at maligayang-maligaya ang malalaking mga mata.)

Anto: Nabalitaan mo na ga, Manong?

Ka Roger: Ang alin?

Anto: Ala’y, Manong, ano pa ga? Ala’y namatay si Ka Berta… iyon gang usurera sa lugar natin.
Binangungot daw at nakangiwi daw. Ay, Manong, kagat-kagat pa raw ang dila
Scene 11

(Ang pangyayaring iyon ay naulit isang araw na galing ako sa Maynila matapos magdala ng isang katha sa
isang diumano’y sikat na magasin. Sapagkat pinalad akong makasingil, bayad sa artikulo kong nalathala,
naisipan kong ibili ng sapatos de goma at dalawang medyas si Anto upang, naisip ko, kung sakaling
maisipan niyang mamasyal sa kabayanan, may maisuot naman siyang maayus-ayos dahil butas-butas na
ang dati niyang sapatos at parang mahihirapang magkahusto sa malalaki niyang mga paa.)

(Agad akong sinalubong noon ni Anto, nakabungisngis siya, waring tumatawa pati mga mata.)

Ka Roger: Pasalubong ko sa iyo, Anto.

Anto: Ay, Manong Roger. Ay, Manong… tiyak na hindi mo pa alam. Ala’y nasunog kangina ang bahay ni
Ka Ignacio… tupok na tupok. Ano ga’t ni damit ay walang nailigtas. Ala’y hanggang ngayon daw ay iyak
nang iyak si Ka Ignacio… para daw maloloko!

Scene 12

(Biglang-bigla, isang dapithapon, akay-akay na iniuwi ni Anto buhat sa bukid si Itay, namimilipit sa sakit
ng tiyan, nanlalamig ang halos buong katawan. Sapagkat malayo ang kabayanan at ni wala namang
doktor sa nayon namin, ipinasundo ko kay Anto si Ka Mentong albularyo ngunit hindi siya nagamot nito.
Dinala sa ospital ang tatay ni Ka Roger kung saan napilitan silang isangla ang kanilang bukirin kay Ka
Mamerto. Maayos na si Itay, nailabas na ng ospital, ngunit kailangan niyang magpahinga ng mga ilan
pang buwan sa bahay kaya si Anto ang bumalikat ng lahat niyang gawain sa bukid.)

*akay akay ni Anto at ni Ka Roger ang Tatay ni Roger papunta sa kusina upang kumain ng hapunan

Tatay ni Roger: Kung papalarin tayo makababayad tayo kay Ka Mamerto. Napakalaki ang utang na loob
natin kay Anto.

Scene 13

(Ngunit, mga isang buwan na lamang bago mag-anihan, ang kamalasan, parang sinasadya ng
pagkakataon o kalooban diumano ng Diyos, ay waring dambuhalang buwayang nanibasib, sinakmal at
nginatngat maging ang kaliit-liitang hibla ng aming pag-asa. Nanalasa ang isang malakas na bagyo,
bumaha, at ganap na napinsala ang lahat ng mga pananim ni Itay at ang matatabang manok ni Anto ay
dinapuan ng peste, isa-isang naghingalo at nangamatay.)

Tatay ni Roger: Hindi bale. Makikiusap ako kay Ka Mamerto na sa susunod na anihan na tayo
magbabayad. Mauunawaan niya tayo.

Scene 14

(Hindi napakiusapan ni Itay si Ka Mamerto. Batid kay Anto ang labis na kalungkutan sa nangyareng
pagkasira ng mga pananim at pagkamatay ng kanyang mga alaganag manok)
Anto: Ala’y paano ga tayo ngayon, Manong? Saan ga tayo lilipat?

Ka Roger: Bahala na. Ang mabuti pa’y uminom na lamang tayo.

Anto: Ala’y pabarikin mo ako ngayon, Manong… mga dalawang tagay lamang.

(mariin ang pagsasalita ni Anto at may balasik sa malalaki niyang mga mata.)

(Nakadalawang boteng hinebra ako nang gabing iyon, at hindi ko matandaan kung uminom nga o hindi si
Anto. Kinabukasan ay kumalat ang balitang pinatay si Ka Mamerto, ginilit ang leeg, nilaslas ang tiyan, at
lumuwa, diumano, ang bituka. Buhat noon ay nawala na si Anto. May asawa na ako, at dalawang anak.
At magpahanggang ngayon ay hinahanap ko siya.)

You might also like