You are on page 1of 8

Habang May 4P’s

Mga Tauhan:

Lapyong- Haligi ng tahanan ng pamilyang Bonggok; isang sugarol


Rosing- ilaw ng tahanan, asawa ni Lapyong
Benhar- anak ng mag-asawang Lapyong at Rosing
Enyang , Felicia, Tinay , Lolita, Merlina, Onyok-mga anak ni Rosing
Lagring – Bisayang tindera
Abdul- bombay na nagpapautang ng 5-6
Tonying- kaibigang matalik ni Lapyong; sugapa sa sugal

Panahon: Kasalukuyan

Lunan: Sa Barrio ng Dimaturakturakan, bayan ng Tinago.

Unang Tagpo

Umaga. Makikitang abalang-abala sa paglilinis sa likod-bahay si Aling Rosing. Habang abalang abala
ang mga kamay ni Aling Rosing sa paglilinis sa likod bahay, walang titgil din ang pagrepeke ng kanyang bibig.

Rosing: Hoy!! Mga damuho kayo! Tanghali na, hindi pa ba kayo magsisibangon riyan? Tirik na ang sikat ng
araw nakahilata pa rin kayo riyan. Bennhar!!!!! Lapit dine!

Benhar: Bakit ho inay?

Rosing: Maghanda ka na ng makakain. Papasok pa kayo sa eskwela ng mga kapatid mo. Aba’y hihintayin pa
ninyong ako gumawa niyan? Malalaki na kayo. Ako noo’y bata pa lamang, ako na ang nag-aasikaso ng aking
sarili kapag papasok ng eskwela. At saka….

Benhar: Oops… nay, iba ka at iba ako. (ngingiti)

Rosing: Aba’t sasagot pa ang batang ire?! (babatukan ang anak) dali na at ipagtimpla mo na ng maiinom iyang
mga kapatid mo. Huwag na kayong umasa sa isa RIYAN (pagdidilatan ng mata ang asawang si Mang lapyong
na kagigising at kalalabas lang ng bahay)

Benhar: Eh, wala ho tayong asukal at kape. Wala din hong pansaing.

Rosing: ‘Ku. Buhay nga naman. Mangyari pang pumunta ka muna kay Lagring at mangutang ng pang- almusal.
Pakisabi kamo na ilista muna at babayaran ko na lang pagdating ng 4P’s natin.

Benhar: Eh, Inay, hindi ho ba’t marami na tayong utang sa kanya? Baka ho kulang pa ang perang makukuha
natin sa 4p’s.

Rosing: Alangan namang wala kayong ialmusal ngayong umaga? Gusto mo bang pumasok Benhar ng hindi
nag-almusal?

Benhar: Inay naman, Siya na nga ho. Kahapon po e nasuntok ko pa ung klasmeyt ko nung hindi ako binigyan
ng tinapay. Gawa ng hindi rin ako nag-almusal kahapon e.

Rosing: Aba’t, lokong bata ito! Ganiyan ba ang tinuro ko sa inyo, ha? Hayo na’t nang makakain na kayo.

Benhar: Opo. (patakbong tutunguhin ang tindahan ni Aling Lagring na malapit lamang sa tapat ng kanilang
bahay. Si Aling Rosing naman ay matalim na ipupukol ang paningin kay Lapyong na kasalukuyang nakaupo
sa sala habang pinagmamasdan ang kaniyang manok. Mapapatingin kay Rosing at mahuhuli itong masamang
nakatitig sa kanya. Ngingiti at kikindatan ang ale)
Lapyong: Rosing, mahal, lalo ka atang gumaganda ngayon. Para kang anghel na bumaba sa lupa. . .at naging
kabute pagkatapos.( ngingiti ng nakakainsulto)

Rosing: Gagong ito! (ibabato ang walis kay Lapyong) ke aga-aga e sinisira mo ang araw ko! Ang sarap ng
buhay mo damuho ka! Madaling araw ka na umuwi kagabi. Saan ka galing, ha? Doon na naman ba sa kanto
ha? Baka gusto mong doon na lamang tumira?? Malaya kang dalhin ang mga manok mo. Bantayan mo narin
ang mga baraha mo roo’t baka mawala!

Lapyong: Rosing naman. Mahal, kaya nasisira yang araw mo e tumataas na naman yang dugo mo sa akin.
Huwag ka nang mag-alala, maganda ka naman talaga. Nasabi ko lamang na kabute sapagkat ang kabute e
mamahalin. Exotic kung baga. Ganoon ka kasi kamahal. Kaya mahal kita e.

Rosing: (babatukan si Lapyong) magtigil ka nang buwang ka! Hindi ito tungkol sa akin! Ako’y talagang
maganda. Ang saakin lang e mag-asal ka ng may pamilya. Hindi yung para kang binata kung tumambay!

(darating si Benhar dala ang isang supot)

Benhar: Inay, pinapasabi po ni Aling Lagring, turuan niyo daw po akong magbasa at magbilang.

Rosing: O, ayan. Yang anak mo, hanggang ngayon hindi pa nakapagbabasa ng diretso. Hindi mo man lang
maturuan. ( haharapin si Benhar) e bakit naman daw, ha?

Benhar: E, nang kumatok ho ako ng makailang ulit e hindi ako pinagbubuksan. Nung sinabi kong pabili, agad
lumabas. At nang sinabi kong mangungutang, bigla hong nagusot ang mukha. Sabi pa e, basahin ko raw ang
nakadikit sa tindahan niya. E binasa ko naman.

Rosing: O, eh, anu naman ang nabasa mo?

Benhar: ang sabi po’y OPEN.

Rosing: Ganoon naman pala. Anong problema roon?

Benhar: Sa baba ho e may nakasulat pang “NO CREDIT TODAY, BUKAS OKAY”. Ano ho bang ibig sabihin nun?

Rosing: (matatahimik ng sandali na parang may iniisip) nako anak, kailangan mo ngang mag-aral magbasa.

Benhar: Bakit ho inay?

Rosing: E, baka mali ang pagkabasa mo. Baka ang nakasulat e, “NO DUEDATE TODAY,BUKAS OK”,hindi kaya?
Alam ko namang mabait yang si Lagring. Kita mo’t hindi agad tayo pinagbayad ngayon. (ngingiti)

Benhar: Baka nga ho inay. Hayaan niyo po at mag-aaral na akong magbasa. At nang hindi naman kahiya-hiya
sainyo. Hindi ko man lang namana yang talino niyo inay.

Rosing: ‘Ku, binola pa ako neto. Sige na at magtimpla ka na riyan ng maiinum. (magmamadali si Benhar sa
pagtimpla ng kape. Pagka’y gigisingin ang mga kapatid sa loob at agad naman itong magsisibangon. Papasok
si Lapyong. Kukunin ang isang baso ng kape. Akmang iinumin ngunit may mapapansin at itataas ang baso
saka titingnan.)

Lapyong: Ano ba namang kape ire. Aba’y mas mapula pa ang ihi ko rito e. (papasok si Aleng Rosing)

Rosing: Hoy! Kumag, huwag ka na nga lang magreklamo riyan. Pasalamat ka at may iniinum ka pang may
kulay. (kukuha rin ng isang baso ng kape saka akmang iinumin. Ngunit hindi itutuloy) Naku, Benhar. Anu nga
ba naman ito? Mas maitim pa ang tubig ng pinagpaliguan ko kumpara rito ah. (iinumin ang kape. Ngunit
mangungunot ang noo) hay naku Benhar. Anak ka nga talaga ng tatay mo. Bakit walang lasa ang kapeng ito?
Ito ba’y nilagyan mo ng asukal, ha?

REINA ANTONETTE P. FRANCO FATIMA ABANO Page | 2


Benhar: Oo naman ho inay. Kaya lamang ho e kaunti lang. sa halagang limampiso lang ho ang binigay sa akin
e.

Rosing: Naku! Bakit hindi mo dinagdagan ang inutang mo? Magbabayad naman tayo pagdumating na ang
4p’s. hayaan mu na mga lang at mahuhuli na kayo sa klase. Magmadali na kayo at malayo-layo pa ang lalakarin
ninyo.

Benhar: Opo. Magmadali na raw kayo Enyang ,Felicia, Tinay , Lolita, Merlina at Onyok! (pagdidilatan ng mata
ang mga kapatid. Mailing na lamang si Rosing sa kapeng iniinum.)

Tagpo 2
Sa tindahan ni Lagring. Makikitang nakasuot ng bulaklaking daster ang Ale at nakapusod ang buhok.
Abala ito sa pag-aayos ng kanyang panindang niyog sa labas ng tindahan. Makikita ring paparating si Aling
Rosing na malawak ang pagkakangiti. Babatiin ang ale.

Rosing: Magandang umaga Lagring! Mukhang marami ang paninda mong niyog ngayon ah. Saan mo ba
nakuha iyan?

Lagring: hende ko kinoha eyan. Binele ko iyan Aleng Roseng. Ayaw ko kase ng utang. Gusto ko bayad agad.
(mangingiti ng makahulugan)

Rosing: Siya nga Lagring. Ako man ay ayaw rin ng utang. Kaya nga ako’y magbabayad rin kaagad kapag
dumating na ang 4p’s naming hinihintay. Ayos lang naman sa iyo iyon diba Lagring? Alam ko namang mabait
ka. (ngingiti ng malapad)

Lagring: O, siya nga. Wala naman ako na magagawa na e. oh e, anu ba ang sadya mu Roseng?

Rosing: Ah e, mangungutang sana ako saiyo lagring ng isang kilong bigas. Meron ka ba riyan? Bukas e
magwiwidrow naman ako. Sa makalawa naman e mababayaran ku na lahat ng utang saiyo.

Lagring: Kung ganuon pala ay hendi mu aku mababayaran bukas sa lahat ng otang mu?

Rosing: Hindi muna Lagring. Pero mababayaran ko ang kalahati at ang bigas.

Lagring: O, siya. (bubulong-bulong na kukuha ng isang supot at paglalagyan ng isang kilong bigas si aling
Rosing) hinde man lang benasa ang nakadekit sa harap neya. (iaabot ang supot kay Rosing) O eto.
(aabutin ni Rosing ang supot. Saka makikita ang nakadikit sa harap ng tindahan. Babasahin ang nakasulat,
“NO CREDIT TODAY, BUKAS OK”. Bubulong sa sarili, aba’y credit nga . E, baka naman ang tamang basa niyan
e duedate kaya sinabi ni Lagring na mag-aral magbasa ang Benhar ko.

Rosing: Hay naku, maraming salamat Lagring. Pagpalain ka. O siya, mauna na ako at baka dumating na ang
mga bata.

Lagring: Ohu.
(magmamadali si Rosing. Masasalubong ang asawa na may mga pinamili. May karneng baboy at mga gulay.
Mayroon din itong dalang 3 kilong bigas kaya hindi magkandaugaga sa pagdala. nanlaki ang mata ni Rosing
sa nakita)

Rosing: Kumag! Saan mo nakuha iyan? Aba’y kay rami mong pinamili ha? Kelan ka pa yumaman? Huwag
mong sabihing nangholdap ka?? ‘Ku! Tinamaan ka nang magaling.. bakit mo ginawa iyon? Kailan ka pa
natutong gumawa ng ganyang…ganyang karumal-dumal na gawain? Kahit naman naghihirap tayo e

REINA ANTONETTE P. FRANCO FATIMA ABANO Page | 3


nakapagtitiis naman tayo. Hindi kelangang gumawa ng… (ibabagsak ni lapyong ang dalang plastic at isusubo
kay Rosing ang isang piraso ng tinapay)

Lapyong: Ano ka ba naman. Hindi ka man lang ba matutuwa sa dala ko? Hindi ko naman magagawa ang
ganoon, Anong akala mo saakin ha?

Rosing: (mabibilaukan) E, paano ba naman, sa tanang buhay kong kasama ka, ngayon ka lamang nakapagdala
ng ganito karami. O siya, magdali ka at baka makita tayo ni Lagring. Sabihi’y nangungutang ako kahit
mayroon tayong bigas. Baka singilin pa ako noon. (kakaladkarin si Lapyong papasok ng bahay. Mahuhulog
ang mga pinamili at agad dadamputin saka magmamadaling pumasok.)

Rosing: Sabihin mo nga, saan ka nga ba nakakuha ng pera?

Lapyong: Mahal, alam mo namang hindi kita matitiis e. ayaw kong nahihirapan kayo ng mga anak mo.

Rosing: Anak natin!

Lapyong: E sino ba nagluwal ng mga iyan? (ituturo ang mga damit na nakasampay)

Rosing: Bakit nasali ang mga damit ng mga bata sa usapan?

Lapyong: E, wala tayong litrato ng mga bata dine e. o ayon na nga, ako na ang gumawa ng paraan para may
makain tayo rito sa bahay.

Aleng Rosing: E, saan mo nga nakuha ang mga yan?

Lapyong: Mahal, huwag kang mag-alala. Ito naman e…

Rosing: Saan nga?!

Lapyong: Kay Abdul!

Rosing: Anu??! Damuho, bakit ka nangutang sa Bombay na yun? Alam mo namang wala tayong ipambabayad.

Lapyong: Rosing, mahal, huwag kang mag-alala. Di ba’t meron naman tayong inaasahang darating na pera?

Rosing: At alin, aber?!

Lapyong: Di ba’t bukas ka na kukuha ng pera para sa 4p’s?

Rosing: Ayun! Aasa ka na naman sa 4p’s. e wala na! hindi pa man e nakalaan na iyon para kay Lagring.bakit
kasi hindi ka maghanap ng trabaho? Hindi yung lagi kang nagsusugal at nagsasabong e wala ka naman
permanenteng pinagkukunan ng pera.

Lapyong: Bakit hindi mo kasi sinabi sa akin na marami pala tayong utang kay Lagring? Ang mabuti pa ay
ibenta mo kay Lagring iyang pinamili ko at nang makabalik iyong pera. Iyan na rin ang ipambayad mo sa
kanya. Tubuan mo na lamang at nang hindi tayo malugi.

(darating ang mga bata. Makikita ang mga pinamili at pag-aagawan. Mapapatingin na lamang ang mag-asawa
sa isa’t isa. Mapapailing si Lapyong)

Benhar: Inay, ang sarap naman nito. Saan ho ba kayo nakakuha nito? Ibang iba ang tinapay na ito ah.
REINA ANTONETTE P. FRANCO FATIMA ABANO Page | 4
Enyang: Oo nga kuya. Parang pangmayaman ang tinapay na ito. Ang lambot. Mayaman na ba tayo nay, ha?

Rosing: Naku mga anak. Magpasalamat na lang kayo at may puso rin pala yang ama niyo. Yun nga lang e
parang puso ng saging. Wala ring pakiramdam.(tatalikod at tutungo sa kusina. Maiiwang tahimik si Lapyong
habang nakatingin sa mga batang kumakain ng tinapay)

Tagpo 3

Sa labas ng bahay. Makikita si Lapyong na hinihimas-himas ang kanyang manok. Saka bubulong-
bulong na parang may kinakausap. Lalabas si Rosing. Makikita si Lapyong. Dahan dahan itong lalapit saka
gugulatin sa likuran.

Rosing: Hoy!!!

Lapyong: Manalo ka sana!! Buwaya!! (Mabibitawan ang manok. Tatakbo ang manok sa loob ng bahay) anu ba
Rosing? Bakit ka ba nanggugulat ha?

Rosing: Anong manalo ha?? (ilalagay ang dalawang kamay sa baywang) Magsasabong ka na naman ba? Ang
dami mu na ngang utang e hindi ka pa rin nadadala? Anong gusto mo? Matabunan na tayo sa dami ng utang
natin?

Lapyong: Rosing naman. (Anyong yayakapin ang asawa) Mahal, kaya nga ako gagawa ng paraan. Magtiwala
ka saakin. Kita mo at bukas na bukas e makapagbabayad na tayo ng utang kay Abdul.(ngingiti ng malapad)

Rosing: Ku’ kahit hindi ka anghel e magdilang anghel ka sanang kumag ka. Wala rin lang naman akong
magagawa e. o siya, pupunta ako ng bayan. Kukunin ko ang 4p’s natin. Magsaing ka na riyan.(magmamadaling
lalabas ng bakuran at tatawagin ang nakaparking na tricycle)

Tagpo 4

Sa sabungan, maririnig ang malakas na sigawan ng mga nagsusultada. Panay ang talon ni Lapyong
habang pinapanood ang nagkikisay na kalaban ng pinustahang manok.

Lapyong: Panalo ako! Panalo ako! Huuu!!! Sabi ko na nga ba’t suswertehin ako ngayon eh.

Tonying: (tatapikin sa ulo si Lapyong) O, ano Pareng Lapyong? Eh di naniwala ka sa akin na swerte nga ang
ostya? Sabi ko naman sayo lagi kang pumiraso ng ostya bago mo isubo. (ilalahad ang kamay) Balato ko??

Lapyong: Oo nga! Hamo’t sa susunod, susundin ko yang payo mo Pare! (dudukot sa bulsa) eto, pan sigarilyo
mo.

Tonying: O,wala ka bang balak pumusta sa susunod na sultada? Anong malay mo madoble yang hawak mong
pera? (kikindat kay Lapyong na animo nanghihikayat)

Lapyong: Ah. Eh, uuwi na sana ako… (kakamot sa ulo) pero sige na nga. Ay este mamaya na lang pala, uuwi
muna ako saamin ng maipagmalaki ko sa aking si Rosing at nang matuwa naman sa akin. Halos lunukin na
ako noon ng buong buo sa tuwing pupunta ako rito eh.

Tonying: Dyaske naman yang asawa mo, napaka killjoy. Di hamak na bungangera pa yan sa asawa ko eh. O,
sige na hayo na’t baka hinihintay ka na ng sweetheart mo. (Aalis si Lapyong na pasipol sipol)

REINA ANTONETTE P. FRANCO FATIMA ABANO Page | 5


Tagpo 5:

Papasok si Lapyong sa bahay na malapad ang pagkakangiti. Tatayo naman si Aling Rosing mula sa
pagkakaupo sa bangko at nagtatakang mapapatingin sa asawa.

Rosing: O, sino namang anghel ang sumapi sayo at parang mawawarak na iyang pisgi mo sa pagkakangiti?

Lapyong: Naku, (aakbayan ang asawa)… ikaw talaga honey. Hulaan mo kung bakit ako nakangiti?

Rosing: Nakulam ka?

Lapyong: Anong nakulam? Hindi no.

Rosing: Lumuwag na ang turnilyo mo sa utak?

Lapyong: Hindi.

Rosing: Naengkanto ka?

Lapyong: Hindi rin.

Rosing: Na- lock yang panga mo kaya hindi na bumalik sa normal?

Lapyong: Mas lalong hindi.

Rosing: O, Eh, ano? Ah, alam ko na. Nambabae ka ano? (aamuy-amuyin ang asawa) Tapos naka-iskor ka kaya
tuwang tuwa ka ngayon. Damuho ka talagang matanda ka! Sinasabi ko na nga ba eh! Kung kalian ka tumanda
saka ka kumeringkeng. (Babatukan ang asawa) O, ano? Hindi ka na makasagot? Tama ako ano? Ha?

Lapyong: Ano ka ba? Ganyan ba kababa ang tingin mo sa akin? (anyong nagtatampo)

Rosing: (Itataas ang kilay) Bakit matangkad ka ba? Dapat ba mataas ang tingin ko sayo? Kung hindi ako
nagkakamali, limang talampakan lang ang taas mo.

Lapyong: Yun na nga eh, mababa na nga ang asawa mo idinidiin mo pa. (Aalisin ang pagkaka-akbay). May
maganda sana akong ibabalita sa iyo eh. Ang kaso, umariba na naman ang pagkabungangera mo.

Rosing: Magandang balita? Hala, ano ba yun? Sabihin mo na at wag mo akong binibitin. Ginawa mo pa akong
manghuhula. Pambihira!

Lapyong: (Magtatalon habang hawak ang mga kamay ni Rosing) Nanalo ako sa sabong! Dalawang libong piso.
(Ipapaypay ang kwaltang papel)

Rosing: Yun lang pala eh. (Muling mauupo sa bangko ngunit bigla ring mapapatayo) Ano kamo? Nanalo ka?!
Akin na ang kwalta ng maipambayad na sa utang.

Lapyong: Ano ka ba sweetheart… nagsisimula pa lamang ang suwerte ko. Balak kong bumalik sa sabungan
nang madoble. Mas maraming panalo, mas masaya di ba?

Rosing: At kung matalo ka?? Saang kamay ng Diyos ka kukuha ng pambayad sa utang?

Lapyong: Magtiwala ka Rosing. Mananalo ako ngayon.(Muling lalabas sa pinto dala ang kanyang manok.
Maiiwan si Aling Rosing na nakasimangot.)

Rosing: (Bubulong sa sarili) Kapag ikaw natalo Lapyong, Naku!! Lagot ka sa akin. Kakalbuhin ko yang kilay
mo! (darating si Lagring. Makikita si Rosing na nakapamaywang sa pinto ng kanilang bahay. Babatiin ang ale)

Lagring: magandang araw Roseng.


REINA ANTONETTE P. FRANCO FATIMA ABANO Page | 6
Rosing: oh Lagring, naparito ka? Sisingilin mo na ba ako sa utang? Pasensya ka na kung hindi pa ako
makapagbibigay ha? Ang lintik kasing si lapyong, balak pang gawing bato ang grasya. Aba’y nanalo na e hindi
pa rin titigil. Baka raw simula pa lang ng swerte. Hindi ko na nga alam ang gagawin ko sa kumag na yun e.
ayaw papigil. Hayaan mo’t may natitira pa akong kaunti rito mula sa 4p’s. o heto at nang mabawasan man
lang ang utang namin. (iaabot ang setenta pesos kay Lagring)

Lagring: ay nako Roseng, salamat ng marame. O siya, bayaran mu na lamang ako kong nanalo si lapyong ha?
Wala na kasing laman ang tindahan ko.

Rosing: walang problema lagring. Kukunin ko agad ang kwalta ni Lapyong kung sakali. O siya, aalis ka na ba?
Sasabay na ako saiyo, mangungutang sana ako ng bigas. Naubusan na naman kami e.

Lagring: ah, e… (bubulong sa sarili). Magbabayad tapos mangungutang din pala, hay naku!!

(madaraan ng dalawa si Lapyong sa tabi ng kalsada na nakatulala at parang may iniisip habang nakapikit)

Lagring: ano bang ginagawa ng asawa mo?

Rosing: ku! Bayaan mo ya’t baka nananalangin.

Tagpo 6

Makikita si Lapyong sa tabi ng daan na nakatulala at parang malalim ang iniisip.

(nagsimula ang sultada. Halos hindi mahulugang karayom ang dami ng taong nagsisipanuod. Ngunit si
Lapyong ay hindi mapakali habang pinapanuod ang kanyang manok na pumipilit sa ere. Matapos ang
dalawampung minuto..)

Tonying: Malas pare. Dapat pala e hindi mo na pinatulan ang manok ni Asyong.

Lapyong: Talagang malas. Ang iniisip ko ngayon e paano na namin mababayaran ang utang kay lagring at kay
Abdul..

(darating si Abdul kasama ang mga baranggay tanod. )

Abdul: hulihin niyo ang Lapyong na yan!

Lapyong: Ha?? Huwag! Abdul naman myfriend, bigyan mo ako ng pagkakataon. Bukas, tiyak babayaran kita.
(darating si lagring)

Lagring: Hoy! Ikaw na damuho ka, barayan mo ang utang mo saakin. Ang haba na ng listahan ko sayo. Bayaran
mo muna ang utang mo bago ka magwaldas ng pera!

Lapyong: Ah e, Lagring my crush, babayaran naman talaga kita. Kaya nga ako romaraket e para may
pambalato pa ako sayo puwera ng ipambabayad ko. At saka, may 4ps pa kaming darating, don’t worry my
friends( anyong tatakbo) habang may 4ps, may pag-asa. (saka kukuripas ng takbo)

Lagring: Aba’t. Hoy! Bumalik ka rito! Lapyong! Bumalik kang kumag ka!

Abdul: Dali manong! Habulin niyo ang sinungaling na yun!

(Babalik sa katinuan sa Lapyong. Hindi na tutuloy sa sabungan at babalik na ng bahay)

Lapyong: Kung sakali pala e magkakandamalas-malas ang buhay namin. Hindi na ako magsasabong. Tama
na itong pambayad sa utang. Saka na kung wala na kaming utang kay Lagring at Abdul. Tamang tama, may

REINA ANTONETTE P. FRANCO FATIMA ABANO Page | 7


ipambabayad na ako sa dalawang yun(mangingiti at mag-iisip ng matagal) kung malas pala tong manok,
dapat nito ay katayin na lang. hmm.. buti pa nga.

(Madaratnan ni aling Rosing si Lapyong na naghahain ng adobong manok sa hapag kainan. Anyong mabibigla
at mangingiyak sa pag-aakalang natalo sa sabong kaya namatay ang manok. Magpapalayaw ng iyak at
magdadabog palapit kay Lapyong. Babatukan si Lapyong)

Rosing: Sabi ko na nga bang kumag ka! O anu na ngayun? Wala na? Wala na tayong ipambabayad? Walanghiya
ka talaga!(lalapit at anyong sasabunutan ang kilay ni lapyong. Ngunit mapipigil ito)

Lapyong: My labs naman. Huminahon ka nga muna.

Rosing: huminahon? Anak ng kuto Lapyong, kung alam ko lang na ganiyan ka, hindi na sana ako nakipagtanan
sayo. Sana ngayon e nagtitinda pa rin ako ng kutsinta. (bubulong sa sarili) sabagay, ayoko na rin naman
magtinda pa ng kutsinta. (lalakas at sisigawan si Lapyong) e di sana baka nasa maynila na ako at umasenso
na kung sakali.

Lapyong: My labs ko, magtatampo na ako sayo niyan e. Kung gaoon pala e hindi mu ako mahal ngang
talaga?(anyong magtatampo at tatalikod)

Rosing: (babatukan si Lapyong) May gana ka pa riyan magtampo! Kung hindi e di sana hindi lumitaw ng
sunod-sunod yang mga anak mo. Ang problemahin mo ngayon e yung utang natin. Paano na?

Lapyong: Solve na ang problema mo Lagring ko. (ngingiti ng malapad)

Rosing: Weh? Di nga?

Lapyong: ayaw maniwala. wala ka bang tiwala sa akin?

Rosing: Paano? Bakit? Nagsasabi ka ba ng totoo ha?

Lapyong: Hindi na ako tumuloy. Parang binalaan ako ng anghel na hindi magiging swerte ang pangalawang
sultada. Kaya heto na ang manok.(iaangat ang mangkok na may lamang adobong manok) at heto pa ang
pera(iaabot ang pera) bayaran mo mamaya si lagring at si abdul.

Rosing: Aba, may bumaba nga atang anghel liban sa akin? Hay salamat Lapyong, natauhan ka rin. Pero, kung
hindi swerte ngayon, magsasabong ka pa ba sa susunod kapag sinabi ng demonyo na mananalo ka?

Lapyong: (ngingiti)

Rosing: (tatango. Makabubuo ng balak sa isip. Bubulong sa sarili) kung ganoon, lagot sa akin ang manok mo
Lapyong. Tingnan natin kung buhay pa kinabukasan yang bulik mo sa labas.(ngingiti ng malapad habang
minamasdan ang asawang kumakain ng manok.

~WAKAS~

REINA ANTONETTE P. FRANCO FATIMA ABANO Page | 8

You might also like