You are on page 1of 6

GALING sa isang mahirap na pamilya ang batang si Rowena.

Dahil sa kanilang kahirapan ay napilitan


siyang huminto sa pag aaral at bantayan na lamang ang tatay niyang may sakit sa puso. Mula nang
magkasakit ang ama niyang si Lito, nahinto na rin ito sa trabaho niya bilang magsasaka. Naghirap sila na
halos wala ng maipambili ng pagkain. Swerte na lang para sa kanila ang makakain ng isang kanin at asin
sa isang araw dahil sa kahirapan.

Ang kanyang nanay na si Isabel ay wala ng ibang ginawa kundi ang makipagsugalan sa kanilang bayan
kasama. Ang mga pera na napapalanunan ni Isabel sa sugal ay ipinambibili lamang niya ng mga bagay na
pansarili lamang at parang hindi niya ramdam kung gaano kahirap ang dinadanas ng kanyang mag ama.
Dahil din sa kawalan ng pera ay walang pambili ng gamot si Lito kaya madalas siyang inaatake at minsan
ay naninikip ang kanyang dibdib. Dagdag pa sa konsumisyon niya tuwing magtatalo sila ng asawa. Nang
gabing iyon ay inilabas ni Rowena ang ama na nakaupo sa wheelchair at dinala niya sa kusina upang
sabay sabay silang kumain.

"Bago tayo kumain magdasal muna tayo."

Aniya at sinimulang magdasal.

"Panginoon maraming salamat po sa mga grasyang inyong binibigay sa amin at sana po ay patuloy nyo
kaming gabayan. Iligtas nyo po kami sa kapahamakan at ilayo sa tukso. Amen."

Pagkatapos niya ay nagsimula na siyang kumain. Lahat ay masaya maliban kay Isabel na halos ayaw
galawin ang kanyang plato.

"Nakuha mo pang magpasalamat kahit asin lang ang ulam natin? Ito na ba yung grasyang
ipinagpapasalamat mo?" Galit na wika ni Isabel kay Lito.

"Isabel huwag natin mamaliitin ang biyaya ng diyos. Hindi naman natin ito agad agad makukuha.
Kailangan pa natin ito pagsikapan. Nasa diyos ang awa at nasa tao ang gawa." Paliwanag naman ni Lito.

Ngunit balewala lamang ito kay Isabel na parang walang diyos na kinikilala.

"Sa susunod kung kakain tayo huwag mo na dagdagan ng dasal dahil nakakairita! Minsan ang haba pa ng
mga sinasabi mo. Mamamatay nalang ako sa gutom hindi kapa tapos!" Panunumbat ni Isabel sa asawa.

"Nanay kaya po tayo lalong naghihirap dahil minamaliit mo ang diyos. Sana po magbalik loob kana sa
kanya upang ang buhay natin ay magkaroon ng kulay." Pakli ni Rowena sa usapan.

"Ikaw isa kapa! Kumain kana lang dyan at huwag ka masyado magpakabanal dahil wala naman tayong
napapala dyan!" Galit pang tugon ni Isabel sa anak. Nanahimik na lamang ang mag ama at hindi na
lamang pinansin si Isabel para hindi ito muling manumbat at magwala.

PAGSAPIT ng umaga ay nagpunta muli si Isabel sa bayan upang maglaro ng mga baraha.
"Oh Isabel magandang umaga. Ano maglalaro kaba ngayon?" Bati sa kanya ng kaibigang si Arman ng
siya'y makita.

"Oo eh kailangan ko ng pera ngayon dahil bibili ako ng bagong damit dun sa tiyangge." Sagot ni Isabel.

"O sige maupo kana dito at ikaw na unang tumira." Ani Arman at binigyan siya ng mga baraha.

Umabot ng kalahating oras bago matapos si Isabel sa pagsusugal. Sa kabutihang palad ay panalo naman
siya. "Oh panalo na ako! Panalo na ako!" halos maglulundag sa saya si Isabel. Inabot na sa kanya ni
Arman ang napalanunang pera.

"Oh ayan ang pera mo. Congratulations mare!" Sabi ni Arman.

"Salamat pare. Sige alis nako bibili na ako ng mga damit sa tiyangge, ha?"

"Sige mare ingat ka!"

PAGKAUWI ni Isabel ay marami itong bitbit na mga plastic. Nasalubong niya si Lito sa sala at nakaupo ito
sa wheelchair habang si Rowena ay naghuhugas ng plato sa kusina.

"Oh ano yang mga pinamili mo?" Tanong ni Lito ng mapansin ang mga bitbit ni Isabel.

"Edi mga damit ko!" Anang babae.

"Ano? Mga damit mo? Bumili kapa ng damit imbes na pagkain nalang sana?"

"Eh anong gusto mo? Maghubad ako at lumabas ng walang soot?!"

"Ang akin lang naman Isabel, isipin mo sana na nagugutom ang anak natin dahil wala tayong makain.
Dapat inuuna mo ang pangangailangan natin sa bagay bago yang pansarili mo!"

"Kung gusto mo mapalamon ang anak mo edi ibili mo ng pagkain at huwag kayo aasa sa pera ko dahil
pera ko ito! Wala akong pakialam kahit mamatay pa kayo sa gutom! Ayoko naman kasi matulad sa inyo
na masyadong nagpapakabanal kaya walang napapala sa buhay!"

Lihim na napapasulyap si Rowena habang nagtatalo ang kanyang mga magulang. Naaawa siya sa
kanyang ama na halos hindi na makapagsalita ng malakas dahil sa karamdaman. Ngunit napahinto siya
sa paghuhugas ng plato ng makitang muling naghihingalo ang kanyang ama. Muling sumikip ang dibdib
nito.

"Ang dibdib ko... M-masikip ang dibdib ko..." Daing nito habang hinahagod ang kanyang dibdib. Nag-
alala si Rowena at agad niyang nilapitan ang ama.

"Tatay? Tatay may masakit po ba sa inyo?" natatarantang tanong ni Rowena. Patuloy na naninikip ang
dibdib ni Lito at nahihirapan na itong huminga.
"Rowena... Tulungan mo ako... Hindi nako maka--"

Biglang naputol ang pananalita ni Lito dahil nawala ang kanyang boses. Kasunod nito ay ang pagsara ng
kanyang mga mata at pagtigil ng tibok ng kanyang puso. Biglang kumabog ang dibdib ni Rowena at pilit
na ginising ang kanyang ama ngunit hindi na ito gumagalaw.

"Mommy! Tulungan moko dalhin natin sa ospital si tatay! Mommy dali!" Naluluhang sambit ni Rowena
sa ina. Nanatili lamang napako sa kinatatayuan si Isabel at hindi makapaniwala sa pangyayari. Hindi niya
inaasahan ang masamang araw na ito. Hindi niya alam kung iiyak din ba siya o itatago ang kanyang awa
na nararamdaman para kay Lito? Dahil sa pagiging masungit ni Isabel sa kanyang pera ay hindi na
nailigtas pa ang buhay ni Lito. Bumigay na ang kanyang katawan dahil sa walang mainom na gamot man
lamang. Ngunit sa bandang huli ay nauwi pa rin sa wala ang pera ni Isabel. Ginastos niya ito para sa
libing ng asawa. Ang kabaong nito at pambayad sa punerarya.

NANG gabing iyon ay lumuluhang pinagmamasdan ni Rowena ang kanyang ama sa kabaong nito. Walang
patid ang pagtulo ng kanyang luha dahil mahirap tanggapin na wala na ang pinakamamahal niyang ama.
At ang isa pang nagpalungkot sa ay ang kanyang ina. Nakita niyang nakikipagsugal muli ito sa mga
kasama sa labas. Enjoy na enjoy ito na para bang wala lang sa kanya ang pagkamatay ni Lito.
Nakaramdam ng galit si Rowena kaya lumabas siya sa bahay at nilapitan ang ina.

"Nanay tama na yan! Patay na si tatay pero yan pa din ang inaatupag mo?! Hindi mo na binigyan ng
kahihiyan ang sarili mo!" Galit na sermon ng batang babae kay Isabel. Naistorbo tuloy siya at nilapitan
ang anak.

"Bakit ba binabawalan mo ako! Bakit hindi kana lang bumalik sa loob at umiyak ng umiyak! Kaya ko ito
ginagawa para magkapera at may panlamon sayo lalo na't wala na ang ama mo!" Galit na wika ni Isabel.

"Ayoko po kumain kung ang ipapakain mo sa akin ay galing lang din sa sugal!" Palabang sagot ni
Rowena. Hindi nagustuhan ni Isabel ang pananalita ng kanyang anak kaya sinampal niya ito at
sinabunutan sa harap ng maraming taong nakikipaglamay sa kanila.

"Aba ang tapang mong bata ka palibhasa kasi wala ka sa sitwasyon ko! Kung wala kang magawa sa
buhay mo pwede namang lumayas ka nalang! Tignan lang natin kung may magbago pa sa buhay mo!"
Galit na wika ni Isabel habang binubugbog ang kanyang anak. Nakatingin tuloy sa kanila ang mga tao.
Nag-aaway ang mag ina sa harap ng lamay ni Lito. Isang bagay na talaga namang nakakahiya.

PAGSAPIT ng burol ni Lito ay naging emosyonal si Rowena. Humahagulgol siya sa iyak habang ang
kanyang ina ay nanatili lamang na walang ekspresyon ang mukha. Parang hindi ito malungkot sa
pagkawala ng asawa. Dahil doon ay lalo lamang silang naghirap. Palaging bugbog sarado si Rowena
kapag gabi. Madalas ay maghapon si Isabel sa sugalan. Lahat ng mga perang napapalanunan niya ay
ipinambibili lamang niya ng mga damit at mga gamit sa bahay. Bumili pa siya ng second hand na
cellphone na may camera. Parang mas naging malaya pa ito ngayong wala na ang asawa samantalang si
Rowena naman ay palagi na lamang nasa bahay. Umiiyak.

PAGKALIPAS ng sampung taon. Si Rowena ay dalaga na. Ngunit sa kanyang paglaki ay lalo lamang silang
nabaon sa hirap. Siya na ngayon ang nalulon sa bisyo at natuto na rin sumugal tulad ng ginagawa ng
kanyang ina noong bata pa siya. Gabi nang umuwi si Rowena at pula ang mga mata nito. Halatang
nakainom at pasuray suray na pumasok ng bahay.

"Oh bakit ginabi ka saan ka ba nagpunta?" Tanong ni Isabel.

"Wala nakipag birthday lang ako! Wala kasi tayong pagkain kaya dun nako naghapunan sa barkada ko."
Sigang tugon ni Rowena. Nagtaka si Isabel sa kilos ng dalaga.

"Bakit ganyan ka magsalita at maglakad? Lasing kaba? Kababae mong tao umiinom ka?!"

"Eh ano bang pakialam mo 'nay? Bakit masama bang magsaya? Hindi naman pwedeng habang buhay
nakakulong ako dito! Huwag mong ipagkait sa akin ang kalayaan ko. Malaki na ako!" sinampal agad ni
Isabel ang anak.

"Hoy nanay mo ako wala kang karapatang sumbatan ako!" Galit na wika ni Isabel.

"Kung ano ang ugali ng mga magulang ay ganun din ang magiging repleksyon ng mga anak nila! Kaya
huwag mo akong sisihin sa mga ginagawa ko dahil ikaw din lahat ng may kasalanan nito!"

Natuto na ring sumagoot at pagtaasan ng boses ni Rowena ang kanyang ina magmula ng siya ay
maimpluwensyahan nito dahil sa pagsusugal. Huminto na nga si Isabel sa bisyo ngunit ang pumalit
naman dito ay ang kanyang anak. Hindi na nakapagsalita si Isabel ng pumasok na ang kanyang anak sa
kwarto. Ibinagsak pa nito ang pagsara sa pinto at nagkulong.

Hindi lamang iyon ang unang beses na nakita ni Isabel ang anak na lasing. Minsan ay umuuwi pa ito na
may kasamang lalaki na naghahatid sa kanya. Madalas ay umuuwi din ang dalaga na maraming mga
gamit na pinamili. Mga gamit na pansarili lamang niya. Halos mag mistulang basurahan ang kanilang
bahay dahil sa mga binibili ni Rowena na wala namang halaga na parang siya lang ang sumasaya dito.
Halos gabi gabing nagtatalo ang mag ina hanggang sa isang gabi ay hindi na umuwi ng bahay si Rowena.
Kaya naman ng umagang iyon ay nagpunta siya ng bayan para hanapin ang dalaga. Habang siya'y
naglalakad ay umagaw sa atensyon niya ang sigawan at tawanan ng mga lalaking naglalaro ng mga
baraha sa harap ng tindahan. Lalo pang nagulat si Isabel ng makitang kasama ng mga lalaking iyon si
Rowena at nakikipagsugalan ito. Nakasoot ito ng maiksing sando na halos lumitaw ang kanyang pusod at
nakashort na maiksi na animoy nagtatrabaho sa club. Uminit ang dugo niya dahil sa nakita.

"Hoy Rowena! Anong ginagawa mo dyan! Nakikipaglandian ka pa sa mga barumbadong lalaking yan!
Bakit hindi ka umuwi kagabi, ha?!" natigilan sila sa paglalaro at tumayo si Rowena. Halatang gulat na
gulat.
"Ano ba kayo 'nay! Bakit nyo ba ako hinahanap? Para may makaaway na naman kayo mamayang gabi?
Kaya ako hindi umuwi dahil sawa na ako sa bunganga nyo!" Galit na sagot ni Rowena.

"Hoy kayo namang mga lalaki kayo. Mga tarantado kayo bakit nyo sinasali ang anak ko sa bisyo nyo?
Mahiya naman kayo sa mga sarili nyo! Mga inutil! Mga halimaw! Mga adik!" Kung anu ano na lumabas
sa bunganga ni Isabel at pinalamon niya ng mura ang mga lalaki hanggang sa hindi nakatiis ang isa at
dinukot nito ang itinatagong baril sa bulsa.

"Huwag mo kaming matawag-tawag na hoy dahil may mga pangalan kami! Mga gangster kami!" Anang
isa at agad pinaputukan ng bala si Isabel. Natamaan ito sa dibdib at natumba ito sa kalsada. Maraming
tao ang nagtakbuhan ng marinig ang putok ng baril. Nagulat naman doon si Rowena. Tila natauhan siya
ng makita ang ina na naghihingalo kaya agad niya itong nilapitan.

"Nanay? Nanay? Dadalhin ko po kayo sa ospital 'nay. Huwag po kayo mag-alala!" Natatarantang wika ni
Rowena.

"H-huwag na... P-patawad anak... Patawad... K-karma kona yata--" naputol ang pananalita ni Isabel at
unti unti na siyang nalagutan ng hininga. Humagulgol ng iyak si Rowena at niyakap ang ina.

"Nanaaay!!!" Sigaw niya. Nanlambot ang kanyang mga binti dahil sa labis na depresyon at pagsisisi.
Kumabog ang kanyang dibdib na halatang natataranta at balisa. Dahil sa nangyari ay tumakbo ang mga
lalaki at tumakas. Naiwan si Rowena na umiiyak habang yakap ang ina. Masakit ito para sa kanya.
Mahirap tanggapin na wala na siyang mga magulang. Hindi niya alam kung paano na mabubuhay.

WALANG natira sa lahat ng pera ni Rowena. Lahat ng mga perang napalanunan niya sa kanyang pagsugal
ay nauwi lamang sa lamay ng kanyang ina. Walang patid ang kanyang pagluha habang nakasilip sa
kabaong. Nilapitan naman siya ng kapitbahay nila na si Lola Rumana.

"Iha? Rowena halika maupo ka muna at gusto kitang makausap." Anang matanda at umupo sila sa isang
tabi. Halos mamula na ang mga mata ni Rowena dahil sa walang tigil na pagtulo ng kanyang mga luha.

"Lola... Wala na po si nanay. Wala na akong mga magulang. Lahat po ng mga pera ko ay nauwi lang din
sa lamay ni nanay. Hindi kopo alam kung ano ang gagawin ko. Nagsisisi po ako sa lahat ng mga ginawa
kong pagkakamali sa buhay ko." Umiiyak na paliwanag ni Rowena. Naawa naman ang matanda doon
kaya isang desisyon ang namuo sa kanyang isipan.

"Hindi pa huli ang lahat anak. Tutulungan kita. Aampunin nalang kita at aalagaan. Papag-aralin kitang
muli kahit malaki kana. Ayos lang sakin kung puro ampon ang mga naging anak ko dahil wala akong
asawa. Kaya sana tanggapin mo ako bilang iyong pangalawang ina. Ayoko kasi mabuhay na walang
kasama. Lahat ng mga inampon ko ay binawi na sakin ng mga tunay nilang magulang at ikaw nalang ang
nais kong alagaan na parang tunay kong anak." Ang sabi ni Lola Rumana at hindi rin niya napigilang
umiyak. Kahit papaano ay may namuong ngiti sa labi ni Rowena at niyakap niya ang matanda.
"Maraming salamat po... Nanay!" aniya at yumakap pa ng mahigpit. Magkahalong saya at lungkot ang
nararamdaman ni Rowena. Ngunit sa mga oras na iyon ay isa lang ang nangibabaw sa kanyang puso at
isipan. Walang iba kundi ang kanyang kaligayahan.

Lahat ng mga tao ay nais magkapera dahil naniniwala sila na kapag mapera ka ay makukuha mo lahat
ang gusto mo. Ngunit ang hindi nila alam ay hindi sa lahat ng bagay ay may maidudulot na mabuti ang
pera. Lalo na kung ito ay galing sa maling paraan tulad ng bisyo o pagsusugal. Kaya kung ang buhay mo
ay isang salapi, saan mo ilalaan ang mga ito upang mas lalong gumanda ang iyong buhay? Hindi dapat
masilaw ang mga tao sa pera dahil hindi naman nila ito madadala sa kabilang buhay dahil kahit may pera
ka man o wala, nasa iyong mga kamay pa rin ang iyong tagumpay.

WAKAS

You might also like