You are on page 1of 8

Ang Gintong Bilao ni Lolo

Val
Isinulat ni Bb. Lovelle B. Dizon

Sa isang payak at tahimik na nayon sa bayan ng Santa Maria sa Bulacan, nakatira ang
matandang si Lolo Valentino at ang kaniyang nag-iisang apo na si Analisa. Dahil sagana sa
malawak na lupain at may maayos na klima ang lalawigang ito, tanging pagtatanim ng gulay,
prutas at pag-aalaga ng mga hayop ang ikina-bubuhay ni Lolo Val. Dahil kulang ang kinikita
niya mula rito, madalas din siyang nakikisaka sa lupain na pagmamay-ari ng kaniyang amo at
malapit na kaibigan na si Cesar. Simula pagkabata, para nang kambal na isinilang ang dalawa
dahil sa pagiging sobrang malapit nila sa isat-isa. Malaki ang utang na loob ni Cesar kay Lolo
Val dahil siya na ang tumayong kapatid nito ng iwanan siya ng kaniyang ama na nagkaroon na
rin ng bagong pamilya. Simula noong umangat ang estado niya sa buhay, unti-unting ibinabalik
ni Cesar ang lahat ng kagandahang loob na ipinakita sa kaniya ng matanda simula noon.
Dahil masagana ang ani, ang mga produkto mula sa kanilang lupain ay kadalasang ini-
aangkat sa bayan o sa mga talipapa sa kalapit na mga lugar upang maibenta at pagkakitaan. Ang
mga sobrang ani at ang mga natirang produkto naman ay iniuuwi nila sa kanilang tahanan upang
lutuin makaraos lamang sa kalam ng sikmura.
Si Ana ay ang nag-iisang apo ni Lolo Val sa kaniyang anak na si Dolores. Maagang naulila
ang bata sa mga magulang kung kaya’t siya na ang tumayong ina at ama nito ng halos isang
dekada. Siya ang nagpalaki, nag-asikaso at nagpa-aral dito na parang pagmamahal na ginagawa
ng isang tunay na mga magulang sa kaniyang anak. Si Ana ay labin-dalawang taong gulang na.
Ilang buwan na lamang ay makapagtatapos na siya ng Elementarya. Sinisikap ni Lolo Val na
pagtapusin ng pag-aaral si Ana upang pagdating ng panahon ay magkaroon siya ng magandang
buhay at trabaho. Dahil sa hirap ng buhay sa probinsya, pinipiling tulungan ni Ana sa
pagtatrabaho at paghahanap-buhay ang kaniyang Lolo Val. Kung susumahin nga, napaka swerte
ni Lolo Val sa kaniyang apo sapagkat hindi rin siya nito pinapabayaan. Dala ng katandaan, unti-
unting humihina at bumabagsak ang katawan ni Lolo Val, ngunit laging naka-antabay at
gumagabay si Ana sa kaniyang tabi.
Araw-araw, bago pumasok ng paaralan si Ana ay lagi siyang sumasama sa bukid upang
tumulong sa pagpitas ng mga sariwang gulay at prutas na iaangkat naman sa bayan ng kaniyang
Lolo tuwing tanghali. Alas kuwatro pa lamang ng umaga ay gumigising na siya upang maagang
matapos at maaga ring makarating sa paaralan. Ito na ang nagiging siklo ng buhay niya simula
paman noon, gayunpaman, hindi siya nagrereklamo sapagkat nakikita rin niya ang matinding
sakripisyong ginagawa ng kaniyang Lolo para sa kaniya. Dala ng katandaan ni Lolo Val ay halos
hindi na niya magawang buhatin ang mga bagong ani na mga gulay.

“Lolo, tulungan na po kita, ako na po ang bahala riyan”, ani Ana.

“Naku! ‘Wag na, kaya ko ito apo”, pahingal naman na sagot ni Lolo Val.

“Aba pareng Val, hayaan mong tulungan ka ni Ana. Mas madali ang trabaho kapag
pinagtutulungan!”, dagdag naman ni Cesar.

Pagkatapos magtrabaho sa bukirin ay deretsong nagtungo sa paaralan si Ana. Nilalakad


lang niya ang halos dalawang kilometrong layo ng paaralan mula sa pinagtatrabahuhang bukirin
sapagkat malimit ang sasakyan at transportasyon sa kanilang bayan. Ang natitipid ni Ana sa
kaniyang baon na para sana sa pamasahe ay agad niyang inihuhulog sa alkansya upang
ipandagdag sa ireregalo nitong bagong pares na bota sa kaarawan ng kaniyang Lolo. Sa kabilang
dako naman, pagkatapos mamitas ni Lolo Val sa bukirin ay agad silang nagtungo sa palengke
kasama ang kaniyang kumpareng Cesar sakay ng isang tricycle. Ipagbibili na nila ang mga gulay
na naani ngayong araw.
“Mas maagang madadala ang mga bagong ani, mas maganda ang presyuhan”, ani Cesar.

“Ano pang hinihintay natin? Tayo na!”, sagot naman ni Lolo Val.

Sa araw na iyon ay hindi pinalad na maubos ang mga naaning produkto ni Lolo Val. Ang
mga natirang hindi naibenta ay ipinauwi na ni Cesar kay Lolo Val upang iluto niya para sa
hapunan. Alas sinco na ng hapon ng makauwi si Ana mula sa paaralan sapagkat naglakad pa siya
ng halos isa’t may kalahating oras pauwi. Pagkadating ni Ana ay nagtungo muna siya sa kanilang
likod bakuran upang pakainin at painumin ng tubig ang mga alaga nilang manok, pagkatapos
niyon ay inasikaso na niya ang mga lulutuin at ihahain para sa hapunan.

“Matumal po yata ang benta ngayon ‘lo ah?”, malungkot na tanong ni Ana.

“Medyo nga apo, pero mabuti narin yan at may ihahain tayong pagkain sa hapag. Kaunti lang
naman ang hindi naibenta kaya pinaghati-hatian nalang naming ng iba pang magsasaka”,
katwiran ni Lolo Val.

“Pero sana laging ubos ang ibinebentang produkto ni Lolo Cesar ‘no? Para mas marami pang
kita”, sagot ni Ana.

Habang naghahapunan ay nagkaroon ng seryosong pag-uusap ang dalawa.

“Lolo, pangako ko po sainyo na mag-aaral akong mabuti para mabigyan ko kayo ng magandang
buhay balang araw”.
“Hinding-hindi na po ulit kayo magbubuhat ng mabibigat na gulay!”, sambit ng bata.

“Apo, ang tanging hiling ko lang ay ang makapagtapos ka ng pag-aaral mo. Makita ko lang na
maayos ang buhay mo ay masaya na ako. Magsusumikap ako hanggat kaya ko, basta’t para sa
iyo apo”, sambit naman ni Lolo Val sabay yakap kay Ana.
“Apo, bukas ay bumili ka muna ng mga organikong pampataba sa bayan bago ka pumunta at
dumeretso sa bukid ah? Bilin kasi ni Cesar na lagyan ngayon ng mga pataba ang mga pananim”,
utos ni Lolo Val.

“Sige po Lolo. Ako na po ang bahala doon!”, sagot naman ni Ana

Maagang nagising si Lolo Val upang linisin ang maputik na tricycle na gagamitin nila sa
pag-aangkat ng produkto sa palengke. Dahil pasikat na ang araw, minabuti niya na gisingin na si
Ana upang maaga itong makarating sa bayan.

“Ana, apo, gising na at tanghali na”, alok ni Lolo Val

Makalipas lamang ang ilang sandali ay nagising na rin si Ana.

“Magandang Umaga Lolo!”, bati niya.

“Magandang Umaga rin Apo! Kain ka muna ng almusal bago umalis, mahaba pa ang lalakadin
mo. ‘Wag mong kakalimutan ang payong, mas tumitindi pa naman ang init ng panahon.”, tugon
ni Lolo Val.

Pagkatapos mag-almusal ni Ana ay maaga na nga siyang umalis at nagtungo sa pamilihan.


Hindi pa man siya nakakarating ay naabutan na ito ng matinding init ng panahon na animo’y
nakakasunog ng balat. Pinagkibit balikat lamang ito ni Ana at patuloy na nagpunta sa bayan.
Samantala, pagkatapos makaalis ni Ana ay napagpasyahan na rin ni Lolo Val na tumungo sa
bukirin lulan ng tricycle. Dinaanan niya muna ang kaibigang si Cesar at saka na dumeretso ng
bukirin.

“Magandang Umaga pare! Nakabili ka ba ng mga pampataba para sa pananim? Parang napakanit
yata ng panahon ngayon. Tila nakakabasag baso ang init!” dagdag ni Cesar.

“Oo pare, inutusan ko si Ana na bumili sa bayan. Oo nga, nakakasunog ng balat ang init ng
panahon!” sagot ni Lolo Val.
Alas otso na ng umaga ng makarating sina Lolo Val at Cesar sa bukirin ng may napansin
silang kakaiba sa kanilang mga pananim. Ang ilan sa mga gulay katulad ng repolyo, letsugas,
patatas, kamatis at talong ay naluyos at nagkaroon ng mga maliliit na peste sa loob nito. Ang
mga prutas naman tulad ng kalamansi, bayabas, chiko, at papaya ay sa hindi malamang dahilan
ay nagkaroon ng mga uod na tuluyang nagpapabulok sa mga ito.

“Jusko! Ano ba naman ito? Tila makikinis at sariwa pa ang mga gulay at prutas ko nitong isang
linggo! Ano ang nangyari? “ katwuran ni Lolo Val.

“Naku! Pagminamalas nga naman”, ani Cesar.

Walang magawa ang dalawa sa sinapit ng bukirin. Dahil sa nakakapanlumong


pangyayaring ito, walang maiaangkat na produkto ang magkaibigan sa bayan. Kapag nangyari
iyon, walang kita si Lolo Val at wala rin silang maihahain sa hapag.
Nang makabalik na si Ana sa bukirin, laking pagtataka nito ng makitang nabubulok na ang
ilan sa mga pananim. Sa hindi kalayuan, natanaw niya si Lolo Val at Cesar na hinuhukay ang
ilang mga maaari pang maisalba na produkto. Dali-dali namang tinulungan ni Ana ang dalawa.
Habang hinuhukay ang mga pananim na kamote upang tingnan kung napeste rin ito, laking gulat
ni Lolo Val ng may tamaan na kakaibang bagay sa ilalim ng lupa ang kaniyang asarol. Dahil sa
pag-aakalang kamote lamang ang mga iyon, nagpatuloy siya sa paghuhukay hanggang sa
lumitaw ang isang luma ngunit gintong bilao sa ilalim ng lupa.

“Ano ito! Sino ang maghuhukay ng napakalalim para sa isang bilao?”, laking pagtataka ng
matanda.

Sa pagkadismaya, nagpatuloy lang siya sa paghuhukay at itinabi muna ang bilao kasama ng
iba pang bulok na gulay na naani niya. Habang hinuhukay ang mga kamote, nagulat siya ng
makitang malulusog at sariwa ang mga ito. Wala ring peste na nakasira sa kamote.
Sa galak, agad siyang tumayo para kunin ang bilao na gagamitin niya sana upang
paglagyan ng mga naaning kamote. Napatalon si Lolo Val sa gulat ng makita na ang mga nilagay
niyang bulok at inuuod na gulay sa gintong bilao ay agad na naging makikinis at sariwa. Sa
pagtataka, muli niyang inilagay ang ilan sa mga bulok na talong at kamatis. Hindi nagtagal ay
naging bago rin ang mga ito. Napagtanto ni Lolo Val na ang anumang bagay na ilalagay sa bilao
ay nagiging bago. Sa tuwa, dali-dali niyang binuhat ang bilao laman ang mga sariwa at
malulusog na gulay patungo kina Cesar at Ana. Kinuwento niya ang lahat ng nasaksihang
hiwaga at matapos niyon ay nagsalita na rin si Cesar sa lahat ng nalalaman patungkol sa bilaong
iyon.
“Ang bilaong iyan ay ang natatanging pamana sa akin mula pa sa aming kanuno-nunoan. Ilang
beses ko na ring pinagtangkaang gamitin ang bilao subalit hindi ito gumagana sa akin. Ang
tanging paalala nila ay ang makakagamit lamang sa mahika ng gintong bilao ay ang may
magagandang kalooban at busilak na puso. Makailang ulit kong sinubukang paganahin ang
mahika ng gintong bilao subalit hindi ito nakatakda para sa akin. Sa halip na itago, muli ko itong
ibinaon sa lupa upang bumalik ang sagana ng bukirin. Subalit mali pala ako. Napagtanto ko na
kapag naabuso ang kapangyarihan, mas nagiging pangit ang resulta ng lahat ng bagay”,
paliwanag ni Cesar.

“Ikaw ang pinili ng bilao. Sa iyo nakatakda ang mahika ng gintong bilao! “, dagag pa niya.

Simula noon, kahit ano pa mang ilagay na lumang kasangkapan o pagkain ni Lolo Val sa
bilao ay nagbabagong bihis o nagiging bago. Kalaunan, ang mga bulok na gulay at prutas sa
bukirin ay paunti-unti nilang nilagay sa bilao. Sa kiyoryusidad ni Lolo Val, napaisip ito kung
anong mangyayari kung maglalagay siya ng ibat-ibang sangkap sa bilao. Maya-maya lamang ay
sinubukan ni Lolo Val na pagsama-samahin sa bilao ang kinatay niyang alagang manok, mga
gulay at prutas mula sa bukirin na patatas, carrots at kalamansi at maging ang bagong molinong
bigas na naani nila sa palayan noong isang linggo.
Sa paga-akalang magiging sariwa lamang ang mga ito, nagulat sila ng may isang hindi
pang ordenaryong putahe na lumabas dito. Napakasarap ng amoy at animo’y mabubusog ka sa
langhap. Tinikman ni Cesar ang putaheng iyon at nagulat sa kakaibang lasa subalit malinamnam
na pagkakabuo ng putahe. Dahil dito, naisipang ilako ni Lolo Val ang pagkaing nagmula sa
Gintong Bilao at agad-agad namang naubos.
Pumatok ang misteryosong pagkain na iyon sa bayan ng Santa Maria. Hinahanap-hanap na
ito ng mamimili dahilan upang sumikat ang putaheng iyon ni Lolo Val. Kalaunan ay inihahanda
na ng mga taga Santa Maria ang putaheng iyon na tinawag nilang “Valenciana” tuwing pista
bilang tanda ng pagsilang ng isang patok na putaheng nagsimula at unang naging tanyag sa
kanilang bayan.
Buhat ng pangyayaring iyon, mas naging masagana pa ang bukirin at pananim nina Lolo
Val at Cesar dahil sa dami ng naghahanap ng Valenciana saan mang panig ng Bulacan sa tulong
ng gintong bilao. Hindi rin nagtagal ay nakapagtapos na rin si Ana bilang isang Agricultural
Engineer dahilan upang mas matutukan pa nila lalo ang negosyong bukirin na pinagkukunan
nila ng mga sangkap ng sikat na Valenciana.
Dahil din sa gintong bilao, maraming nagbago sa buhay nila. Natuto sila kung paano
magtiyaga at magpakumbaba, sapagkat kung busilak ang iyong puso, hindi ka naninira ng iyong
kapwa at naghihintay ka sa perpektong panahon na ilalaan sayo ng diyos, hindi malabong
maabot mo ang kagandahan ng buhay na iyong pinapangarap at inaasam-asam.
SA MGA MAMBABASA:
Ang kwentong ito ay tungkol sa pagsisikap, pagtitiyaga at dedikasyon ni Lolo Val bilang isang
mapagkumbabang magsasaka. Ipinapakita sa kwento kung papaano nila unti-unting napagtagumpayan
ang mga hamon sa buhay sa pamamagitan ng pagkakaisa at hindi pagsuko. Isinalaysay sa kwento na ang
pagkakaroon ng busilak na puso at magandang kalooban ang magdadala saiyo tungo sa paraiso at
kapayapaang iyong matagal nang hinahagad. Sa huli, makikita ang aral ng kwento at kung paano
nakatulong ang Mahiwagang Gintong Bilao sa buhay nina Lolo Valentino at kaniyang apo na si Analisa.

GABAY SA PAG-AARAL:

1. Ano ang pamagat ng kuwento?


2. Sino-sino ang mga tauhan sa kuwento?

3. Ano ang hanap-buhay ni Lolo Val?

4. Ano ang mahiwagang kasangkapang natagpuan ni Lolo Val sa paghuhukay?

5. Ayon sa kwento, ano-ano ang sangkap ng putaheng Valenciana at bakit ito pumatok sa
mga taga Santa Maria?

You might also like