You are on page 1of 9

Commission on Higher Education

Asbury College Incorporated

Anda Pangasinan

A.Y 2020-2021

KUNG ANG BUHAY AY ISANG SALAPI

(Maikling Kwento)

Isinulat ni Daryl Morales

BSED MAJOR IN ENGLISH

Date

MAY 2021

Course Title

PANITIKAN 1
I. LAYUNIN

● Sa pagtatapos ng talakayan,ang mga mag aaral ay inaasahang:

1. Nasusuri ang mga pangyayari o mahalagang kaisipan tungkol sa akdang binasa.

2. Makasusulat ng maikling kwentong tumatalakay sa suliraning panlipunan hinggil sa


kahirapan.

3. Makakayang irebisa ang burador ng akademikong papel ng pagsusuri sa kabuluhang


panlipunan ng isang akda.

II. ALAMIN MO

● Ang kahirapan ay isa sa mga problema na kinakaharap ng mga Pilipino. Ito ay isa rin sa
problema na hindi matapos tapos at hindi rin mabigyan ng solusyon.
● Mahigit kumulang 48% o 11.1 milyon ang bilang ng mga pamilyang pilipino na nagsasabi
at itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap. Ito ay batay sa ikalawang ‘survey’ na
ginawa ng SWS o Social Weather Stations.

● Isa sa sanhi ng kahirapan ay ang pagkakaroon ng mababang antas ng edukasyon.

● Ang kawalan ng malinaw na pagpaplano at malabis na paggastos ay isa rin sa dahilan


ng kahirapan dahil ang ibang tao ay padalos-dalos kung magdesisyon.

● Maraming pilipino ang nalululong sa masamang bisyo. Ito ay maituturing dahilan rin sa
kahirapan.

Sino ang pinaka apektado ng kahirapan?

● Ang mga bata, nag-iisa na magulang, may kapansanan at mga tao sa mga sambahayan
kung saan walang nagtatrabaho ay mas malamang na makaranas ng kahirapan,
manatili sa kahirapan nang mas matagal at makaranas ng mas malalim na kahirapan,
kaysa sa iba.

1
III. TUKLASIN MO

KUNG ANG BUHAY AY ISANG SALAPI


(Maikling Kwento)
Isinulat ni Daryl Morales.

GALING sa isang mahirap na pamilya ang batang si Rowena. Dahil sa kanilang kahirapan ay
napilitan siyang huminto sa pag aaral at bantayan na lamang ang tatay niyang may sakit sa
puso. Mula nang magkasakit ang ama niyang si Lito, nahinto na rin ito sa trabaho niya bilang
magsasaka. Naghirap sila na halos wala ng ipagbili ng pagkain. Swerte na lang para sa kanila
ang makakain ng isang kanin at asin sa isang araw dahil sa kahirapan.

Ang kanyang nanay na si Isabel ay wala ng ibang ginawa kundi ang makipagsugalan sa
kanilang bayan kasama. Ang mga pera na napanalunan ni Isabel sa sugal ay ipinambibili
lamang niya ng mga bagay na pansarili lamang at parang hindi niya ramdam kung gaano
kahirap ang dinaranas ng kanyang mag ama. Dahil din sa kawalan ng pera ay walang pambili
ng gamot si Lito kaya madalas siyang inaatake at minsan ay naninikip ang kanyang dibdib.
Dagdag pa sa konsumisyon niya tuwing nagtatalo sila ng asawa. Nang gabing iyon ay inilabas
ni Rowena ang ama na nakaupo sa wheelchair at dinala niya sa kusina upang sabay sabay
silang kumain.

"Bago tayo kumain magdasal muna tayo."


Aniya at sinimulang magdasal.
"Panginoon maraming salamat po sa mga grasyang inyong binibigay sa amin at sana po ay
patuloy nyo kaming gabayan. Iligtas nyo po kami sa kapahamakan at ilayo sa tukso. Amen."
Pagkatapos niya ay nagsimula na siyang kumain. Lahat ay masaya maliban kay Isabel na halos
ayaw galawin ang kanyang plato.
"Nakuha mo pang magpasalamat kahit asin lang ang ulam natin? Ito na ba yung grasyang
ipinagpapasalamat mo?" Galit na wika ni Isabel kay Lito.
"Isabel huwag natin mamaliitin ang biyaya ng diyos. Hindi naman natin ito agad agad
makukuha. Kailangan pa natin ito pagsikapan. Nasa diyos ang awa at nasa tao ang gawa."
Paliwanag naman ni Lito.
Ngunit balewala lamang ito kay Isabel na parang walang diyos na kinikilala.
"Sa susunod kung kakain tayo huwag mo na dagdagan ng dasal dahil nakakairita! Minsan ang
haba pa ng mga sinasabi mo. Mamamatay nalang ako sa gutom hindi kapa tapos!"
Panunumbat ni Isabel sa asawa.
"Nanay kaya po tayo lalong naghihirap dahil minamaliit mo ang diyos. Sana po magbalik loob
kana sa kanya upang ang buhay natin ay magkaroon ng kulay." Pakli ni Rowena sa usapan.
"Ikaw isa kapa! Kumain kana lang dyan at huwag ka masyado magpakabanal dahil wala naman
tayong napapala dyan!" Galit pang tugon ni Isabel sa anak. Nanahimik na lamang ang mag ama
at hindi na lamang pinansin si Isabel para hindi ito muling manumbat at magwala.

2
PAGSAPIT ng umaga ay nagpunta muli si Isabel sa bayan upang maglaro ng mga baraha.
"Oh Isabel magandang umaga. Ano maglalaro kayo ngayon?" Bati sa kanya ng kaibigang si
Arman ng siya'y makita.
"Oo eh kailangan ko ng pera ngayon dahil bibili ako ng bagong damit dun sa tiangge." Sagot ni
Isabel.
"O sige maupo kana dito at ikaw na unang tumira." Ani Arman at binigyan siya ng mga baraha.
Umabot ng kalahating oras bago matapos si Isabel sa pagsusugal. Sa kabutihang palad ay
panalo naman siya. "Oh panalo na ako! Panalo na ako!" halos naglulundag sa saya si Isabel.
Inabot na sa kanya ni Arman ang napanalunang pera.
"Oh ayan ang pera mo. Congratulations mare!" Sabi ni Arman.
"Salamat pare. Sige alis na ako bibili na ako ng mga damit sa tiangge, ha?"
"Sige mare ingat ka!"
PAGKAUWI ni Isabel ay marami itong bitbit na mga plastic. Nasalubong niya si Lito sa sala at
nakaupo ito sa wheelchair habang si Rowena ay naghuhugas ng plato sa kusina.
"Oh ano yang mga pinamili mo?" Tanong ni Lito ng mapansin ang mga bitbit ni Isabel.
"Edi mga damit ko!" Ang babae.
"Ano? Mga damit mo? Bumili ka pa ng damit imbes na pagkain nalang sana?"
"Eh anong gusto mo? Maghubad ako at lumabas ng walang suot?!"
"Ang akin lang naman Isabel, isipin mo sana na nagugutom ang anak natin dahil wala tayong
makain. Dapat inuuna mo ang pangangailangan natin sa bagay bago yang pansarili mo!"
"Kung gusto mo malalaman ang anak mo edi ibili mo ng pagkain at huwag kayo aasa sa pera
ko dahil pera ko ito! Wala akong pakialam kahit mamatay pa kayo sa gutom! Ayoko naman kasi
matulad sa inyo na masyadong nagpapakabanal kaya walang napapala sa buhay!"
Lihim na napapasulyap si Rowena habang nagtatalo ang kanyang mga magulang. Naaawa siya
sa kanyang ama na halos hindi na makapagsalita ng malakas dahil sa karamdaman. Ngunit
napahinto siya sa paghuhugas ng plato ng makitang muling naghihingalo ang kanyang ama.
Muling sumikip ang dibdib nito.
"Ang dibdib ko... M-masikip ang dibdib ko..." Daing nito habang hinahagod ang kanyang dibdib.
Nag-alala si Rowena at agad niyang nilapitan ang ama.
"Tatay? Tatay may masakit po ba sa inyo?" natatarantang tanong ni Rowena. Patuloy na
naninikip ang dibdib ni Lito at nahihirapan na akong huminga.
"Rowena... Tulungan mo ako... Hindi nako maka--"
Biglang naputol ang pananalita ni Lito dahil nawala ang kanyang boses. Kasunod nito ay ang
pagsara ng kanyang mga mata at pagtigil ng tibok ng kanyang puso.
Biglang kumabog ang dibdib ni Rowena at pilit na ginising ang kanyang ama ngunit hindi na ito
gumagalaw.
Mommy! Tulungan mo ko dalhin natin sa ospital si tatay! Mommy dali!" Naluluhang sambit ni
Rowena sa ina. Nanatili lamang mapako sa kinatatayuan si Isabel at hindi makapaniwala sa
pangyayari. Hindi niya inaasahan ang masamang araw na ito. Hindi niya alam kung iiyak din ba
siya o itatago ang kanyang awa na nararamdaman para kay Lito? Dahil sa pagiging masungit ni
Isabel sa kanyang pera ay hindi na nailigtas pa ang buhay ni Lito. Bumigay na ang kanyang
katawan dahil sa walang mainom na gamot man lamang. Ngunit sa bandang huli ay nauwi pa
rin sa wala ang pera ni Isabel. Ginastos niya ito para sa libing ng asawa. Ang kabaong nito at
pambayad sa punerarya.

3
NANG gabing iyon ay lumuluhang pinagmamasdan ni Rowena ang kanyang ama sa kabaong
nito. Walang patid ang pagtulo ng kanyang luha dahil mahirap tanggapin na wala na ang
pinakamamahal niyang ama. At ang isa pang nagpapalungkot sa ay ang kanyang ina. Nakita
niyang nakikipagsugal muli ito sa mga kasama sa labas. Enjoy na enjoy ito na para bang wala
lang sa kanya ang pagkamatay ni Lito. Nakaramdam ng galit si Rowena kaya lumabas siya sa
bahay at nilapitan ang ina.
"Nanay tama na yan! Patay na si tatay pero yan pa din ang inaatupag mo?! Hindi mo na
binigyan ng kahihiyan ang sarili mo!" Galit na sermon ng batang babae kay Isabel. Naistorbo
tuloy siya at nilapitan ang anak.
"Bakit ba binabalewala mo ako! Bakit hindi ka na lang bumalik sa loob at umiyak ng umiyak!
Kaya ko ito ginagawa para magkapera at may panlamon sayo lalo na't wala na ang ama mo!"
Galit na wika ni Isabel.
"Ayoko po kumain kung ang ipapakain mo sa akin ay galing lang din sa sugal!" Palabang sagot
ni Rowena. Hindi nagustuhan ni Isabel ang pananalita ng kanyang anak kaya sinampal niya ito
at sinabunutan sa harap ng maraming taong nakikipaglamay sa kanila.
"Aba ang tapang mong bata ka palibhasa kasi wala ka sa sitwasyon ko! Kung wala kang
magawa sa buhay mo pwede namang lumayas ka nalang! Tignan lang natin kung may nagbago
pa sa buhay mo!" Galit na wika ni Isabel habang binubugbog ang kanyang anak. Nakatingin
tuloy sa kanila ang mga tao. Nag-aaway ang mag ina sa harap ng lamay ni Lito. Isang bagay na
talaga namang nakakahiya.

PAGSAPIT ng burol ni Lito ay naging emosyonal si Rowena. Humahagulgol siya sa iyak habang
ang kanyang ina ay nanatili lamang na walang ekspresyon ang mukha. Parang hindi ito
malungkot sa pagkawala ng asawa. Dahil doon ay lalo lamang silang naghirap. Palaging
bugbog sarado si Rowena kapag gabi. Madalas ay maghapon si Isabel sa sugalan. Lahat ng
mga perang napanalunan niya ay ipinagbibili lamang niya ng mga damit at mga gamit sa bahay.
Bumili pa siya ng second hand na cellphone na may camera. Parang mas naging malaya pa ito
ngayong wala na ang asawa samantalang si Rowena naman ay palagi na lamang nasa bahay.
Umiiyak.

PAGKALIPAS ng sampung taon. Si Rowena ay dalaga na. Ngunit sa kanyang paglaki ay lalo
lamang silang nabaon sa hirap. Siya na ngayon ang nalulon sa bisyo at natuto na rin sumugal
tulad ng ginagawa ng kanyang ina noong bata pa siya. Gabi nang umuwi si Rowena at pula ang
mga mata nito. Halatang nakainom at pasuray suray na pumasok ng bahay.
"Oh bakit ginabi ka saan ka ba nagpunta?" Tanong ni Isabel.
"Wala nakipag birthday lang ako! Wala kasi tayong pagkain kaya dun nako naghapunan sa
barkada ko." Sigang tugon ni Rowena. Nagtaka si Isabel sa kilos ng dalaga.
"Bakit ganyan ka magsalita at mag lakad? Lasing kaba? Kababae mong tao umiinom ka?!"
"Eh ano bang pakialam mo 'nay? Bakit masama bang magsaya? Hindi naman pwedeng habang
buhay nakakulong ako dito! Huwag mong ipagkait sa akin ang kalayaan ko. Malaki na ako!"
sinampal agad ni Isabel ang anak.
"Hoy nanay mo ako wala kang karapatang sumbatan ako!" Galit na wika ni Isabel.

4
"Kung ano ang ugali ng mga magulang ay ganun din ang magiging repleksyon ng mga anak
nila! Kaya huwag mo akong sisihin sa mga ginagawa ko dahil ikaw din lahat ng may kasalanan
nito!"
Natuto na ring sumagot at pagtaasan ng boses ni Rowena ang kanyang ina magmula ng siya
ay maimpluwensyahan nito dahil sa pagsusugal. Huminto na nga si Isabel sa bisyo ngunit ang
pumalit naman dito ay ang kanyang anak. Hindi na nakapagsalita si Isabel ng pumasok na ang
kanyang anak sa kwarto. Binagsak pa nito ang pagsasara ng pinto at pagkulong.

Hindi lamang iyon ang unang beses na nakita ni Isabel ang anak na lasing. Minsan ay umuuwi
pa ito na may kasamang lalaki na naghahatid sa kanya. Madalas ay umuuwi din ang dalaga na
maraming mga gamit na pinamili. Mga gamit na pansarili lamang niya. Halos mag mistulang
basurahan ang kanilang bahay dahil sa mga binibili ni Rowena na wala namang halaga na
parang siya lang ang masaya dito. Halos gabi gabing nagtatalo ang mag ina hanggang sa isang
gabi ay hindi na umuwi ng bahay si Rowena. Kaya naman ng umagang iyon ay nagpunta siya
ng bayan para hanapin ang dalaga. Habang siya'y naglalakad ay umagaw sa atensyon niya ang
sigawan at tawanan ng mga lalaking naglalaro ng mga baraha sa harap ng tindahan. Lalo pang
nagulat si Isabel ng makitang kasama ng mga lalaking iyon si Rowena at pakikipagsulatan ito.
Nakasuot ito ng maikling sando na halos lumitaw ang kanyang pusod at nakashort na maiksi na
animoy nagtatrabaho sa club. Uminit ang dugo niya dahil sa nakita.
"Hoy Rowena! Anong ginagawa mo dyan! Nakikipaglandian ka pa sa mga barumbadong
lalaking yan! Bakit hindi ka umuwi kagabi, ha?!" natigilan sila sa paglalaro at tumayo si Rowena.
Halatang gulat na gulat.
"Ano ba kayo 'inay! Bakit nyo ba ako hinahanap? Para may mag aaway na naman kayo
mamayang gabi? Kaya ako hindi umuwi dahil sawa na ako sa bunganga nyo!" Galit na sagot ni
Rowena.

"Hoy Rowena! Anong ginagawa mo dyan! Nakikipaglandian ka pa sa mga barumbadong


lalaking yan! Bakit hindi ka umuwi kagabi, ha?!" natigilan sila sa paglalaro at tumayo si Rowena.
Halatang gulat na gulat.
"Ano ba kayo 'inay! Bakit nyo ba ako hinahanap? Para may mag aaway na naman kayo
mamayang gabi? Kaya ako hindi umuwi dahil sawa na ako sa bunganga nyo!" Galit na sagot ni
Rowena.
"Hoy kayo namang mga lalaki kayo. Mga tarantado kayo bakit nyo sinasali ang anak ko sa bisyo
nyo? Mahiya naman kayo sa mga sarili nyo! Mga inutil! Mga halimaw! Mga adik!" Kung anu ano
na lumabas sa bunganga ni Isabel at pinalamon niya ng mura ang mga lalaki hanggang sa hindi
nakatiis ang isa at dinukot nito ang itinatagong baril sa bulsa.
"Huwag mo kaming matawag-tawag na hoy dahil may mga pangalan kami! Mga gangster kami!"
Anang isa at agad pinaputukan ng bala si Isabel. Natamaan ito sa dibdib at natumba ito sa
kalsada. Maraming tao ang nagtakbuhan ng marinig ang putok ng baril. Nagulat naman doon si
Rowena. Tila natauhan siya ng makita ang ina na naghihingalo kaya agad niya itong nilapitan.
"Nanay? Nanay? Dadalhin ko po kayo sa ospital 'nay. Huwag po kayo mag-alala!"
Natatarantang wika ni Rowena.

5
"H-huwag na... P-patawad anak... Patawad... K-karma kona yata--" naputol ang pananalita ni
Isabel at unti unti na siyang nalagutan ng hininga. Humagulgol ng iyak si Rowena at niyakap
ang ina.
"Nanay!!!" Sigaw niya. Nanlambot ang kanyang mga binti dahil sa labis na depresyon at
pagsisisi. Kumabog ang kanyang dibdib na halatang natataranta at balisa. Dahil sa nangyari ay
tumakbo ang mga lalaki at tumakas. Naiwan si Rowena na umiiyak habang yakap ang ina.
Masakit ito para sa kanya. Mahirap tanggapin na wala na siyang mga magulang. Hindi niya
alam kung paano na mabubuhay.

WALANG natira sa lahat ng pera ni Rowena. Lahat ng mga perang napanalunan niya sa
kanyang pagsusugal ay nauuwi lamang sa lamay ng kanyang ina. Walang patid ang kanyang
pagluha habang nakasilip sa kabaong. Nilapitan naman siya ng kapitbahay nila na si Lola
Rumana.
"Iha? Rowena halika maupo ka muna at gusto kitang makausap." Anang matanda at umupo sila
sa isang tabi. Halos mawala na ang mga mata ni Rowena dahil sa walang tigil na pagtulo ng
kanyang mga luha.

"Lola... Wala na po si nanay. Wala na akong mga magulang. Lahat po ng mga pera ko ay nauwi
lang din sa lamay ni nanay. Hindi kopo alam kung ano ang gagawin ko. Nagsisisi po ako sa
lahat ng mga nagawa kong pagkakamali sa buhay ko." Umiiyak na paliwanag ni Rowena.
Naawa naman ang matanda doon kaya isang desisyon ang namuo sa kanyang isipan.
"Hindi pa huli ang lahat anak. Tutulungan kita. Aampunin nalang kita at aalagaan. Papag-aralin
kitang muli kahit malaki kana. Ayos lang sakin kung puro ampon ang mga naging anak ko dahil
wala akong asawa. Kaya sana tanggapin mo ako bilang iyong pangalawang ina. Ayoko kasi
mabuhay na walang kasama. Lahat ng mga inampon ko ay binawi na sakin ng mga tunay
nilang magulang at ikaw nalang ang nais kong alagaan na parang tunay kong anak." Ang sabi
ni Lola Rumana at hindi rin niya napigilang umiyak. Kahit papaano ay may namuong ngiti sa labi
ni Rowena at niyakap niya ang matanda.
"Maraming salamat po... Nanay!" aniya at yumakap pa ng mahigpit. Magkahalong saya at
lungkot ang nararamdaman ni Rowena. Ngunit sa mga oras na iyon ay isa lang ang
nangibabaw sa kanyang puso at isipan. Walang iba kundi ang kanyang kaligayahan.
Lahat ng mga tao ay nais magkapera dahil naniniwala sila na kapag mapera ka ay makukuha
mo lahat ang gusto mo. Ngunit ang hindi nila alam ay hindi sa lahat ng bagay ay may
maidudulot na mabuti ang pera. Lalo na kung ito ay galing sa maling paraan tulad ng bisyo o
pagsusugal. Kaya kung ang buhay mo ay isang salapi, saan mo ilalaan ang mga ito upang mas
lalong gumanda ang iyong buhay? Hindi dapat masilaw ang mga tao sa pera dahil hindi naman
nila ito madadala sa kabilang buhay dahil kahit may pera ka man o wala, nasa iyong mga
kamay pa rin ang iyong tagumpay.
Wakas.

6
● Pagsusuri ng Maikling kwento

A.Tungkol sa Maikling Kwento.

● Ang kwentong ito ay sumasalamin sa kahirapan ng isang pangkaraniwang pamilyang


Pilipino. Ipinapakita dito ang mga sanhi ng paghihirap ng isang pangkaraniwang
pamilya.Ang kwentong ito ay nagpapakita ng mga epekto ng kahirapan ng isang
pamilya. Ipinapakita dito ang mga maling gawain na ginagawa ng isang tao dahil na rin
sa kahirapan.

B.Pagpapakilala sa May-akda.

● Ito ay isinulat ni Daryl Morales,siya ay isa sa mga kilalang manunulat sa internet at


nakatanggap na rin ng maraming parangal sa larangan ng pagsusulat.Karamihan sa
kanyang akda ay mga kwentong katatakutan ngunit mayroon din namang teleserye.

C.Nilalaman ng Kwento.

1. Ipinapakita ang anyo ng kahirapan sa pamamagitan ng simbolismo at pangyayari.

2. Nagpapahayag ng matinding emosyon at damdamin.

3. Gumagamit ng teoryang realismo upang maipahayag ang nais ipahiwatig ng may-akda.

D. Pagsusuri ng Mensahe ng Kwento.

1. Kahirapan ang nagiging dahilan ng mga tao kaya napipilitan silang gumawa ng maling
gawain.

2. May mga tao na siya ang dahilan kung bakit mas lalo silang nalugmok sa hirap(tulad ng
mother sa kwento). Dahil hindi pinag isipang mabuti ang paggamit ng pera.

3.Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay may mga tao pa ring handang tumulong upang
makaahon ka sa kahirapan, nasa sayo na lamang kung paano mo ito tutugunan.

4.Matutong magpasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang iyong natatanggap.

7
IV. PAHALAGAHAN MO

● Isa sa naging bisa ng panitikan na ito ay upang malaman ng mga mambabasa ang
pahiwatig at tunay na kahulugan ng mga salita at naglalantad ng lantay na katotohanan
upang ipakita ang larawan ng buhay-ang kahirapan.

V. TANDAAN MO.

● Lahat ng mga tao ay nais magkapera dahil naniniwala sila na kapag mapera ka ay
makukuha mo lahat ang gusto mo. Ngunit ang hindi nila alam ay hindi sa lahat ng bagay
ay may maidudulot na mabuti ang pera. Lalo na kung ito ay galing sa maling paraan
tulad ng bisyo o pagsusugal. Kaya kung ang buhay mo ay isang salapi, saan mo ilalaan
ang mga ito upang mas lalong gumanda ang iyong buhay? Hindi dapat masilaw ang
mga tao sa pera dahil hindi naman nila ito madadala sa kabilang buhay dahil kahit may
pera ka man o wala, nasa iyong mga kamay pa rin ang iyong tagumpay.

GROUP 1 |PANITIKAN 1|

● AILYN CALE GUARIN

● ANGELINE GADBILAO CERINA

● ANN SHERLY GRACE MABALOT

● ANDREA JANE RAMOS GABARDA

● ANGELA ANGEL PAYAS

● BERT LENDON CAALIM

You might also like