You are on page 1of 10

Ang Inang Matapobre

Laging bukambibig ni Aling Osang na ang anak na engineer na si Monching ay dapat


lang makapag-asawa ng isang mayaman dahil may mataas itong katungkulan sa
kumpanyang pinapasukan at topnotcher pa sa board exam. Kaya gayon na lamang ang
galit at pagkabigla nito nang malaman niyang si Corazon na kapitbahay niya ang naging
kasintahan ng anak. Ayaw niya sa babaeng ito. Gagawa siya ng paraan upang mapaglayo
ang dalawa.

Kinausap ni Aling Osang ang anak, ipinakakalas kay Corazon.

“Ngunit Mama, si Corazon ay mahal ko at mahal din niya ako. Mabait siya, masipag,
magalang, at kilala n’yo ang pamilya. Isa rin siyang kapita-pitagang guro. Bakit ayaw
n’yo sa kanya?”

“Gusto ko’y mayaman ang mapangasawa mo. Kung si Corazon lang, hindi ako
makapapayag.”

“Pero, hindi mahirap sina Corazon, Mama. May lupa’t bahay sila, may tindahan at may
niyugan.”

“Pero hindi rin sila mayaman! May tindahan at niyugan nga, tatlo naman silang
magkakapatid na maghahati kung saka-sakali. Baka maging sandalan ka lang ng pamilya
niya pagdating ng araw. Higit pa kay Corazon ang babaeng hinahangad ko para sa iyo,
anak. Huwag mo sana akong bibiguin.”

Tumahimik na lang si Monching upang huwag nang humaba pa ang pagtatalo nila ng ina.
Nag-iisa siyang anak at lumaki siyang masunurin.

Mula noon, naging madalang na ang pagkikita nila ni Corazon. Tinanggap ni Monching
ang malalaking project ng kumpanya sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao. Si
Corazon naman ay naging abala rin sa pagtuturo lalo na nang ma-promote ito bilang
Head Teacher.

Mahigit dalawang taon ang mabilis na lumipas.

Nakatanggap ng sulat si Aling Osang mula kay Monching. Ito pala ay may asawa’t anak
na sa Bacolod.
Anang isang bahagi ng sulat:

“Mama, napikot po ako ng solong anak ng boss ko. Nagpakasal po kami at ngayon ay 3
months old na ang baby girl namin na kamukha ninyo. Napakayaman po ng boss ko, na
ama ni Lanie. Binilhan po kaming lupa at bahay na pinuno ng mamahaling kasangkapan.
May ipinagawa rin akong playhouse sa gilid ng bahay. Sana mabigyan ko kayo ng
maraming apo, Mama. Kalakip nito ang Twenty-thousand pesos para sa pagbabakasyon
n’yo ni Papa rito sa Bacolod. Aasahan ko po kayo sa Linggo.

Excited na itiniklop ni Aling Osang ang sulat.

“Martes pa lang ngayon, hindi ko na mahihintay pa ang araw ng linggo. Sabik na akong
makita sila.”

Nang araw ring iyon ay bumiyahe ang mag-asawa mula Bohol patungong Bacolod via
Cebu. Nang sapitin nila ang tahanan ng anak, sa gate ay sinalubong sila ng katulong at
napag-alamang wala roon si Monching. Nasa Davao kasama ang Father-in-law at sa
Sabado pa ng gabi ang dating.

Miyerkules na noon kaya nag-pasiya ang mag-asawa na hintayin na lang ang anak kaysa
bumalik pa ng Bohol.

Lumabas ng pinto si Lanie, ang asawa ni Monching. Maganda ito ngunit bakit hindi man
lamang nagmano sa kanila gayong sinabi na ng maid kung sino sila. Ni hindi nga sila
nginitian, pormal itong nagsalita:

“Wala pa si Monching eh. Kung hihintayin ninyo, okey lang.”

At inutusan ang katulong na ihatid ang dalawa sa tutuluyan nito ang playhouse sa gilid ng
bahay.

Tatlong araw at tatlong gabi na sina Aling Osang sa playhouse, hinahatiran ng pagkain ng
katulong, ngunit minsan man ay hindi pa sila nakapasok sa loob ng malaking bahay. Ni
hindi na nga nila nakita o nakausap muli ang manugang na halatang malayo ang loob pa
kanila.

Sabado ng tanghali. Lumabas ng bahay si Lanie, kasama ang yaya na may kalong na bata.
Agad ay lumapit Si Aling Osang, sabik na niyakap at hinalikan ang apo. Pagalit na
nagsalita si Lanie, “Tama na, baka mangati ang bata!” Sumakay ito ng kotse, kasama ang
anak at yaya at lumabas ng gate. Ang naiwang katulong ang nagsabing pupunta si Lanie
sa bahay ng ina na di-kalayuan doon, tapos ay tutuloy sa airport upang salubungin ang
ama at si Monching.

Nakadama ng tuwa si Aling Osang. Naligo silang mag-asawa sa maliit na banyo sa gilid
ng playhouse. Nagbihis at sabik na hinintay ang pagdating ng anak. Makapapasok na sila
sa malaking bahay, ang isip ni Aling Osang. Makikita na niya ang loob nito.

Ngunit lumalim na ang gabi ay wala pa rin si Monching, pati na si Lanie. Nakatulog na
sila sa kahihintay.

Linggo ng umaga. Nagising sina Aling Osang sa katok sa pinto. Sinabi ng maid na
maaantala raw ang uwi ni Monching sa susunod na linggo pa dahil may panibagong
project na namang sinisimulan. May iniabot na Two-thousand pesos kay Aling Osang
ang maid. Ipinabibigay raw ni Lanie para pamasahe pabalik ng Bohol.

“Sa loob ng bapor, iniisip ni Aling Osang ang mahal na anak, Bakit parang napakahirap
yata niya itong makita? Halos tatlong taon na itong nawalay sa kanya. Maligaya kaya ito
sa piling ng maganda at mayamang asawa ngunit pangit ang ugali? Kung si Corazon ang
nakatuluyan ni Monching, ilang apo na kaya ngayon ang sa kanya ay yumayakap at
naglalambing?

Sising-sisi si Aling Osang. Siya ang naging dahilan kung kaya lumayo si Monching at
nagtrabaho sa ibang lugar. Kailan kaya sila muling mag-kikita? Alam niyang hindi ito
uuwi ng Bohol upang maiwasan si Corazon na hanggang ngayon ay patuloy na
nagmamahal at umaasa.

Kung hindi naging matapobre si Aling Osang, sana’y nakita niyang higit ang halaga ng
magandang ugali kaysa sa materyal na kayamanan.

Aral:

 Huwag maging matapobre. Hindi sa dami ng yaman nasusukat ang halaga ng


isang tao.
 Higit na mahalaga ang mabuting kalooban kaysa yaman.
Si Juan, ang Pumatay ng Higante

Isang umaga, tinawag si Juan ng kanyang ina. “Anak, dalhin mo kaya ang baka natin sa
bayan at ipagbili mo. Wala na tayong maibili ng ating mga kailangan.”

Madali namang sumunod sa ina ang bata. Malapit na siya sa bayan, at hila-hila nga niya
ang ipagbibiling baka nang may nasalubong siyang matandang lalake.

“Saan mo dadalhin ang baka?” tanong ng matanda.

“Sa bayan po, para ipagbili,” sagot ni Juan.

“Gusto mo, palitan ko na lang siya nitong mahiwagang buto? Magic ito, makikita mo,”
alok ng matanda.

“Siyanga po? Mahiwaga?” Sapagkat bata, mahilig sa magic talaga si Juan, at madali ring
mapaniwala. “Sige po, payag ako.”

Iniuwi niya ang isang dakot na buto ng halaman na palit sa baka. “Nasaan ang perang
pinagbilhan mo sa baka?” tanong ng kanyang ina.

“Wala pong pera. Ipinagpalit ko po ang baka sa mga butong ito. Mahiwaga raw po ito,
sabi ng matanda.”

Sa galit ng ina sa anak dahil nagpaloko raw ito, itinapon niya ang mga buto sa bintana.
“Ikaw talagang bata ka, hanggang ngayon ay madali ka pa ring maniwala sa mga
manloloko.”

Nang magising kinaumagahan si Juan, nagulat siya na may punong mataba sa labas ng
bintana niya. Lumabas siya para masdan ang bigla na lamang na lumitaw na puno at
nakita niyang pagkataas-taas nito. Hindi niya maabot ng tingin ang tuktok nito dahil nasa
mga alapaap na.

“Nanay, tingnan ninyo ang puno! Mahiwaga nga pala ang mga buto! Aakyatin ko po.”

Inakyat nga niya ito at matagal bago siya nakarating sa tuktok. Sa itaas, may nakita
siyang malapalasyong bahay at pumasok siya rito. May babaeng sumalubong sa kanya.
“Naku! Bakit ka pumarito? Hindi mo ba alam na bahay ito ng higante? Naku, ayan na
siya, dumarating! Tago ka diyan sa ilalim ng mesa at baka ka makita.”

“Ho-ho! Ano ba iyong naamoy ko?” Malakas ang tinig ng higante. “May ibang tao ba
rito?”

“Wala po,” sagot ng babae. “Naaamoy lang po ninyo ang masarap na pagkaing luto ko.
Sige po, kumain na kayo.”

Umupo ang higante at kinain ang isang palangganang pagkain na inihain sa kanya.
Nagpahid ng bibig at tumawag sa babae, “Dalhin mo rito ang manok ko.”

Sa pagkukubli ni Juan sa ilalim ng mesa, nakita niyang ibinigay ng babae ang isang
makulay na inahing manok sa higante. “Mangitlog ka, manok, at pagkatapos ay umawit
ka para ako makatulog,” utos ng higante at inilagay sa mesa ang hinahaplos na manok.

Kitang-kita ni Juan na lumabas sa manok ang isang gintong itlog na tuwang-tuwang


isinilid sa bulsa ng higante. “Ngayon, patulugin mo ako sa pag-awit mo.”

Pati ang tinig ng manok ay tila ginintuan din dahil madaling nahimbing ang higante.
Dagling lumabas sa pinagtataguan si Juan, sinunggaban ang manok sa mesa, at
nagtatakbo sa punong inakyatan niya.

Nang bababa na siya sa puno, biglang tumilaok ang inahin, “Tak-ta-la-ok!” Malakas at
hindi na ginintuan ang boses nito, kaya nagising ang higante.

“Huy! Anong nangyari? Nasaan ang manok ko?” Nakita niyang halos nasa kalagitnaan na
ng puno si Juan at ito’y hinabol niya.

“Inay, dali!” tawag ni Juan sa ina.

“Akina ang palakol. Hinahabol ako ng higante.”

Pagkaabot sa kanya ng ina ng palakol, inihataw niya itong dali-dali sa puno. Halos nasa
ibaba na ang higante nang maputol niya ang puno. Patay ang higante nang bumagsak ito
sa lupa.

Naging mariwasa ang buhay ni Juan at ng kanyang ina dahil sa manok nilang umiitlog ng
ginto. Hindi naman nila ipinagmaramot ang mga biyaya nila sapagkat tumulong sila sa
maraming salat sa buhay.
Aral:

 Huwag magnakaw o kumuha ng hindi sa iyo. Ang hindi mo pag-aari ay agad na


isauli sapagkat kung minsan, ikaw ang sumasalamin sa kung anong klase ng pamilya
mayroon kayo.

Ang Batang Espesyal

Lima ang naging anak ni Mang Ramon at Aling Mila. Ang bunso na isang lalaki ay
abnormal. Ang tawag dito ay mongoloid. Ang batang abnormal pinangalanan nilang
Pepe. Malambot ang mga paa at mga kamay ni Pepe. Kahit na malaki na siya ay
kailangan parin siyang alalayan ng kanyang ina sa paglalakad para hindi siya mabuwal.
Ang kanyang bibig ay nakakibit kaya kung magsalita siya ay mahirap maintindihan.

Kahit naman abnormal ay mahal na mahal ng mag-asawa si Pepe. Noong maliit pa ito ay
palitan ang mag-asawa sa pag-aalaga sa kanya. Hindi kinakitaan ng panghihinawa ang
mag-asawa sa pag-aalaga sa anak. Kahit binata na ay palagi pa ring nakasunod sa kanya
ang kanyang ina. Inaakay siya. Minsan ay sinusubuan siya. Pinapaliguan. Ano pa at
malaking panahon ng kanyang inay ay sa kanya lamang naiuukol.

Ang hindi alam ni Aling Mila ay nagseselos na ang iba pa niyang anak. Napapansin ng
mga ito na mas malaking oras ang ibinigay niya kay Pepe kaysa sa mga ito. Lingid sa
kanya ay nag-usap-usap ang apat na magkakapatid. Napagkasunduan ng mga ito na
kausapin siya para ipahayag sa kaniya ang kanilang mga hinanakit. Isang gabi matapos
niyang patulugin si Pepe ay nilapitan siya ng apat na anak. Sinabi ng mga ito ang
kanilang malaking mga hinanakit.

Gulat na gulat si Aling Mila. Hindi niya alam na nagseselos na pala ang apat niyang anak
dahil sa sobrang pag aasikaso niya kay Pepe. Pero nakahanda na ang kanyang paliwanag
sa mga ito.

“Kayo ay mga buo, walang kulang,” pagsisimula ni Aling Mila.

“Kahit wala kami ng itay ninyo ay mabubuhay kayo ng maayos. Pero ang kapatid ninyo
ay hindi, kung kaya siya ang higit naming inaasikaso,” isa-isang tinitigan ni Aling Mila
ang kanilang mga anak.” Pero hindi naman namin kayo pinababayaan hindi ba?”
Walang nakasagot sa isa man sa apat. Hiyang-hiya silang lahat.

Aral:
 Iwasan ang pagiging mainggitin. Bagamat may natatanging atensyon na ibinibigay
lalo na sa mga mga special child, unawain na lamang natin sila. Higit na pinagpala ka
pa rin dahil hindi mo nararanasan ang pinagdadaanan nila sa araw-araw.

(https://pinoycollection.com/maikling-kwento-tungkol-sa-pamilya/#Ang-Inang-
Matapobre
Ang Alamat ng Bayabas

May isang hari noon na nagngangalang Haring Barabas na ubod ng sungit at


napakabihirang tumulong sa mga taong lumalapit at humihingi ng tulong sa kanya. Nag-
iisa lang sa buhay ang hari at wala siyang pamilya. Laging masasarap na pagkain ang
nasa hapag kainan niya, ngunit ni hindi niya man lang mabiyayaan ang mga nagugutom.
Minsan, may pulubing babae na nanghihingi ng pagkain sa kanya, ngunit ayaw itong
bigyan ng maramot na gari, kung kaya’t ang mga mumok at mga tira-tira niya ang
pinagtyagaang pulutin at kainin ng pulubi.

Hindi nagtagal ay nagkasakit siya at nalagutan ng buhay. Ngunit ni wala man


lamang nakipaglibing sa kanya kundi ang kanyang mga katulong sa palasyo.

Lumipas ang mga araw, may napansing kakaibang halaman na tumutubo sa


puntod kung saan nakahimlay ang hari. At nagbunga ang punong ito ng bilog na bunga na
kung saan ay napansin ng kanyang dating mga kasambahay na tila may korona ang
prutas. Maasim ito kapag medyo hilaw pa, sumisimbolo ng asim ng pag-uugali ng hari
noong ito ay nabubuhay pa. At ang prutas na ito ay tinawag ng mga tao na “bayabas”,
ang alaala ni Haring Barabas.

Mga Tanong:

1. Ano ang hindi magandang pag-uugali ng hari ayon sa kuwento?


2. Bakit kaya walang nakipaglibing sa hari nang siya ay namatay?
3. Saan tumubo ang kakaibang halaman na angbunga ng bilog na prutas?
4. Bakit bayabas ang ipinangalan sa kakaibang halamang tumubo sa puntod kung
saan nakahimlay ang labi ng hari?
5. Ano ang isinisimbolo ng maasim na lasa ng prutas na ito?
Alamat ng Pinya

Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina
ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang
bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng
mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang
mga itinuturo ng ina. Kaya't pinabayaan na lang niya ang kanyang anak.

Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon at makagawa ng


gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang
lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog.
Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak.
Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya't napilitang si Pinang ang gumagawa sa bahay.
Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang
ina kung nasaan ito.

Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang
nangyayari. Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si
Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya´t nawika nito: " Naku! Pinang, sana'y magkaroon
ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang
tanong sa akin.” Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang.
Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa
bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot.
Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain.

Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si


Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit
naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang. Isang araw,
may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong
uri ang halamang iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito'y magbunga. Laking
pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito'y hugis-ulo ng tao at
napapalibutan ng mata. Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina,
na sana'y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik
na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak.
Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang, Sa palipat-lipat sa bibig
ng mga tao ang pinang ay naging pinya.
Mga Tanong:

1. Sino-sino ang mga tauhan sa kwento?


2. Ano ang masasabi mo sa ugali ni Pina? Ilarawan mo ito.
3. Ano ang aral o leksyon na iyong napulot sa kwento?

You might also like