You are on page 1of 8

Ang Inang Matapobre

Laging bukambibig ni Aling Osang na ang anak na engineer na si Monching ay dapat lang makapag-asawa
ng isang mayaman dahil may mataas itong katungkulan sa kumpanyang pinapasukan at topnotcher pa
sa board exam. Kaya gayon na lamang ang galit at pagkabigla nito nang malaman niyang si Corazon na
kapitbahay niya ang naging kasintahan ng anak. Ayaw niya sa babaeng ito. Gagawa siya ng paraan upang
mapaglayo ang dalawa.

Kinausap ni Aling Osang ang anak, ipinakakalas kay Corazon.

“Ngunit Mama, si Corazon ay mahal ko at mahal din niya ako. Mabait siya, masipag, magalang, at kilala
n’yo ang pamilya. Isa rin siyang kapita-pitagang guro. Bakit ayaw n’yo sa kanya?”

“Gusto ko’y mayaman ang mapangasawa mo. Kung si Corazon lang, hindi ako makapapayag.”

“Pero, hindi mahirap sina Corazon, Mama. May lupa’t bahay sila, may tindahan at may niyugan.”

“Pero hindi rin sila mayaman! May tindahan at niyugan nga, tatlo naman silang magkakapatid na
maghahati kung saka-sakali. Baka maging sandalan ka lang ng pamilya niya pagdating ng araw. Higit pa
kay Corazon ang babaeng hinahangad ko para sa iyo, anak. Huwag mo sana akong bibiguin.”

Tumahimik na lang si Monching upang huwag nang humaba pa ang pagtatalo nila ng ina. Nag-iisa siyang
anak at lumaki siyang masunurin.

Mula noon, naging madalang na ang pagkikita nila ni Corazon. Tinanggap ni Monching ang malalaking
project ng kumpanya sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao. Si Corazon naman ay naging abala rin
sa pagtuturo lalo na nang ma-promote ito bilang Head Teacher.

Mahigit dalawang taon ang mabilis na lumipas.

Nakatanggap ng sulat si Aling Osang mula kay Monching. Ito pala ay may asawa’t anak na sa Bacolod.

Anang isang bahagi ng sulat:

“Mama, napikot po ako ng solong anak ng boss ko. Nagpakasal po kami at ngayon ay 3 months old na
ang baby girl namin na kamukha ninyo. Napakayaman po ng boss ko, na ama ni Lanie. Binilhan po
kaming lupa at bahay na pinuno ng mamahaling kasangkapan. May ipinagawa rin akong playhouse sa
gilid ng bahay. Sana mabigyan ko kayo ng maraming apo, Mama. Kalakip nito ang Twenty-thousand
pesos para sa pagbabakasyon n’yo ni Papa rito sa Bacolod. Aasahan ko po kayo sa Linggo.

Excited na itiniklop ni Aling Osang ang sulat.

“Martes pa lang ngayon, hindi ko na mahihintay pa ang araw ng linggo. Sabik na akong makita sila.”

Nang araw ring iyon ay bumiyahe ang mag-asawa mula Bohol patungong Bacolod via Cebu. Nang sapitin
nila ang tahanan ng anak, sa gate ay sinalubong sila ng katulong at napag-alamang wala roon si
Monching. Nasa Davao kasama ang Father-in-law at sa Sabado pa ng gabi ang dating.

Miyerkules na noon kaya nag-pasiya ang mag-asawa na hintayin na lang ang anak kaysa bumalik pa ng
Bohol.

Lumabas ng pinto si Lanie, ang asawa ni Monching. Maganda ito ngunit bakit hindi man lamang
nagmano sa kanila gayong sinabi na ng maid kung sino sila. Ni hindi nga sila nginitian, pormal itong
nagsalita:

“Wala pa si Monching eh. Kung hihintayin ninyo, okey lang.”

At inutusan ang katulong na ihatid ang dalawa sa tutuluyan nito ang playhouse sa gilid ng bahay.

Tatlong araw at tatlong gabi na sina Aling Osang sa playhouse, hinahatiran ng pagkain ng katulong,
ngunit minsan man ay hindi pa sila nakapasok sa loob ng malaking bahay. Ni hindi na nga nila nakita o
nakausap muli ang manugang na halatang malayo ang loob pa kanila.
Sabado ng tanghali. Lumabas ng bahay si Lanie, kasama ang yaya na may kalong na bata. Agad ay
lumapit Si Aling Osang, sabik na niyakap at hinalikan ang apo. Pagalit na nagsalita si Lanie, “Tama na,
baka mangati ang bata!” Sumakay ito ng kotse, kasama ang anak at yaya at lumabas ng gate. Ang
naiwang katulong ang nagsabing pupunta si Lanie sa bahay ng ina na di-kalayuan doon, tapos ay tutuloy
sa airport upang salubungin ang ama at si Monching.

Nakadama ng tuwa si Aling Osang. Naligo silang mag-asawa sa maliit na banyo sa gilid ng playhouse.
Nagbihis at sabik na hinintay ang pagdating ng anak. Makapapasok na sila sa malaking bahay, ang isip ni
Aling Osang. Makikita na niya ang loob nito.

Ngunit lumalim na ang gabi ay wala pa rin si Monching, pati na si Lanie. Nakatulog na sila sa kahihintay.

Linggo ng umaga. Nagising sina Aling Osang sa katok sa pinto. Sinabi ng maid na maaantala raw ang uwi
ni Monching sa susunod na linggo pa dahil may panibagong project na namang sinisimulan. May iniabot
na Two-thousand pesos kay Aling Osang ang maid. Ipinabibigay raw ni Lanie para pamasahe pabalik ng
Bohol.

“Sa loob ng bapor, iniisip ni Aling Osang ang mahal na anak, Bakit parang napakahirap yata niya itong
makita? Halos tatlong taon na itong nawalay sa kanya. Maligaya kaya ito sa piling ng maganda at
mayamang asawa ngunit pangit ang ugali? Kung si Corazon ang nakatuluyan ni Monching, ilang apo na
kaya ngayon ang sa kanya ay yumayakap at naglalambing?

Sising-sisi si Aling Osang. Siya ang naging dahilan kung kaya lumayo si Monching at nagtrabaho sa ibang
lugar. Kailan kaya sila muling mag-kikita? Alam niyang hindi ito uuwi ng Bohol upang maiwasan si
Corazon na hanggang ngayon ay patuloy na nagmamahal at umaasa.

Kung hindi naging matapobre si Aling Osang, sana’y nakita niyang higit ang halaga ng magandang ugali
kaysa sa materyal na kayamanan.

Si Juan, ang Pumatay ng Higante

Isang umaga, tinawag si Juan ng kanyang ina. “Anak, dalhin mo kaya ang baka natin sa bayan at ipagbili
mo. Wala na tayong maibili ng ating mga kailangan.”

Madali namang sumunod sa ina ang bata. Malapit na siya sa bayan, at hila-hila nga niya ang ipagbibiling
baka nang may nasalubong siyang matandang lalake.

“Saan mo dadalhin ang baka?” tanong ng matanda.

“Sa bayan po, para ipagbili,” sagot ni Juan.

“Gusto mo, palitan ko na lang siya nitong mahiwagang buto? Magic ito, makikita mo,” alok ng matanda.

“Siyanga po? Mahiwaga?” Sapagkat bata, mahilig sa magic talaga si Juan, at madali ring mapaniwala.
“Sige po, payag ako.”

Iniuwi niya ang isang dakot na buto ng halaman na palit sa baka. “Nasaan ang perang pinagbilhan mo sa
baka?” tanong ng kanyang ina.

“Wala pong pera. Ipinagpalit ko po ang baka sa mga butong ito. Mahiwaga raw po ito, sabi ng matanda.”

Sa galit ng ina sa anak dahil nagpaloko raw ito, itinapon niya ang mga buto sa bintana. “Ikaw talagang
bata ka, hanggang ngayon ay madali ka pa ring maniwala sa mga manloloko.”

Nang magising kinaumagahan si Juan, nagulat siya na may punong mataba sa labas ng bintana niya.
Lumabas siya para masdan ang bigla na lamang na lumitaw na puno at nakita niyang pagkataas-taas
nito. Hindi niya maabot ng tingin ang tuktok nito dahil nasa mga alapaap na.

“Nanay, tingnan ninyo ang puno! Mahiwaga nga pala ang mga buto! Aakyatin ko po.”

Inakyat nga niya ito at matagal bago siya nakarating sa tuktok. Sa itaas, may nakita siyang malapalasyong
bahay at pumasok siya rito. May babaeng sumalubong sa kanya. “Naku! Bakit ka pumarito? Hindi mo ba
alam na bahay ito ng higante? Naku, ayan na siya, dumarating! Tago ka diyan sa ilalim ng mesa at baka
ka makita.”

“Ho-ho! Ano ba iyong naamoy ko?” Malakas ang tinig ng higante. “May ibang tao ba rito?”

“Wala po,” sagot ng babae. “Naaamoy lang po ninyo ang masarap na pagkaing luto ko. Sige po, kumain
na kayo.”
Umupo ang higante at kinain ang isang palangganang pagkain na inihain sa kanya. Nagpahid ng bibig at
tumawag sa babae, “Dalhin mo rito ang manok ko.”

Sa pagkukubli ni Juan sa ilalim ng mesa, nakita niyang ibinigay ng babae ang isang makulay na inahing
manok sa higante. “Mangitlog ka, manok, at pagkatapos ay umawit ka para ako makatulog,” utos ng
higante at inilagay sa mesa ang hinahaplos na manok.

Kitang-kita ni Juan na lumabas sa manok ang isang gintong itlog na tuwang-tuwang isinilid sa bulsa ng
higante. “Ngayon, patulugin mo ako sa pag-awit mo.”

Pati ang tinig ng manok ay tila ginintuan din dahil madaling nahimbing ang higante. Dagling lumabas sa
pinagtataguan si Juan, sinunggaban ang manok sa mesa, at nagtatakbo sa punong inakyatan niya.

Nang bababa na siya sa puno, biglang tumilaok ang inahin, “Tak-ta-la-ok!” Malakas at hindi na ginintuan
ang boses nito, kaya nagising ang higante.

“Huy! Anong nangyari? Nasaan ang manok ko?” Nakita niyang halos nasa kalagitnaan na ng puno si Juan
at ito’y hinabol niya.

“Inay, dali!” tawag ni Juan sa ina.

“Akina ang palakol. Hinahabol ako ng higante.”

Pagkaabot sa kanya ng ina ng palakol, inihataw niya itong dali-dali sa puno. Halos nasa ibaba na ang
higante nang maputol niya ang puno. Patay ang higante nang bumagsak ito sa lupa.

Naging mariwasa ang buhay ni Juan at ng kanyang ina dahil sa manok nilang umiitlog ng ginto. Hindi
naman nila ipinagmaramot ang mga biyaya nila sapagkat tumulong sila sa maraming salat sa buhay.

Ang Batang Espesyal

Lima ang naging anak ni Mang Ramon at Aling Mila. Ang bunso na isang lalaki ay abnormal. Ang tawag
dito ay mongoloid. Ang batang abnormal pinangalanan nilang Pepe. Malambot ang mga paa at mga
kamay ni Pepe. Kahit na malaki na siya ay kailangan parin siyang alalayan ng kanyang ina sa paglalakad
para hindi siya mabuwal. Ang kanyang bibig ay nakakibit kaya kung magsalita siya ay mahirap
maintindihan.

Kahit naman abnormal ay mahal na mahal ng mag-asawa si Pepe. Noong maliit pa ito ay palitan ang
mag-asawa sa pag-aalaga sa kanya. Hindi kinakitaan ng panghihinawa ang mag-asawa sa pag-aalaga sa
anak. Kahit binata na ay palagi pa ring nakasunod sa kanya ang kanyang ina. Inaakay siya. Minsan ay
sinusubuan siya. Pinapaliguan. Ano pa at malaking panahon ng kanyang inay ay sa kanya lamang
naiuukol.

Ang hindi alam ni Aling Mila ay nagseselos na ang iba pa niyang anak. Napapansin ng mga ito na mas
malaking oras ang ibinigay niya kay Pepe kaysa sa mga ito. Lingid sa kanya ay nag-usap-usap ang apat na
magkakapatid. Napagkasunduan ng mga ito na kausapin siya para ipahayag sa kaniya ang kanilang mga
hinanakit. Isang gabi matapos niyang patulugin si Pepe ay nilapitan siya ng apat na anak. Sinabi ng mga
ito ang kanilang malaking mga hinanakit.

Gulat na gulat si Aling Mila. Hindi niya alam na nagseselos na pala ang apat niyang anak dahil sa sobrang
pag aasikaso niya kay Pepe. Pero nakahanda na ang kanyang paliwanag sa mga ito.

“Kayo ay mga buo, walang kulang,” pagsisimula ni Aling Mila.

“Kahit wala kami ng itay ninyo ay mabubuhay kayo ng maayos. Pero ang kapatid ninyo ay hindi, kung
kaya siya ang higit naming inaasikaso,” isa-isang tinitigan ni Aling Mila ang kanilang mga anak.” Pero
hindi naman namin kayo pinababayaan hindi ba?”

Walang nakasagot sa isa man sa apat. Hiyang-hiya silang lahat.

Ang Buhay Nga Naman

Punumpuno ng ligaya ang dibdib ni Aling Juling sa mga papuri at paghanga ng mga kaibigan at kakilala.
Ilang beses siyang umakyat-manaog sa entablado upang samahan ang anak sa pagtanggap ng iba’t ibang
karangalan – Valedictorian, Best Declaimer, Best Orator, Leadership Award, Achievement Award, Girl
Scout Award, Model Pupil Award, Bb. Karunungan Award, at kung anu-ano pa.

Ang anak ni Aling Juling na si Maricris ay laging nasa TOP 3 sa klase. Sa elementary, high school at college
ay maraming awards and honors ang natanggap nito sa larangan ng academic competition o extra-
curricular activities. Dahil dito, lumaki si Maricris na laging may mga taong humahanga, pumupuri at
pumapalakpak sa lahat ng paaralang kanyang pinasukan. Sa Luzon, Visayas at Mindanao, laging bukam-
bibig ang kanyang pangalan.

MARICRIS del MAR, mga guro’t kaklase niya ay hindi nauubusan ng papuri. Sa kabila ng lahat, si Maricris
ay nanatiling mapagkumbaba.

Halos dalawampung taon na namayagpag sa iba’t ibang paaralan sa buong Pilipinas ang pangalan ni
Maricris.

Nang mag-asawa si Maricris at magkaroon ng dalawang anak na lalaki, akala niya ay mararanasan niya
ang ligayang naibigay niya sa kanyang ina noong siya ay estudyante pa lamang. Akala niya muli siyang
makatutungtong sa entablado upang tumanggap ng karangalan mula sa mga anak na nag-aaral.

Subalit, taliwas sa inaasahan, tuwing magtatapos ang taon si Maricris ay laging nasa upuan lamang.
Nanonood sa ibang mga magulang na nasa entablado kasama ang mga anak na tumatanggap ng
karangalan. Ngayon lang naranasan ni Maricris na laging nasa upuan lamang. Laging nasa isang tabi
tuwing may idaraos na paghahandog ng karangalan ang paaralang pinapasukan ng dalawang anak.

Napangiti na lamang siya, napabuntung-hininga tuwing naaalala ang maliligayang araw niya noong
kanyang kabataan nakasama ang ina sa pagtanggap ng iba’t ibang karangalan.

Sa kabila ng lahat, nagpapasalamat pa rin siya sa Poong Maykapal na bagama’t hindi naging matalino
ang dalawang anak ay mababait at magagalang naman ang mga ito.

Ang panganay na labing-anim na taong gulang na ngayon ay mapagmahal at masunurin. Lagi pa nitong
sinasabi.

“Mommy, hindi man ako honor sa klase, sisikapin ko pong makatapos ng pag-aaral upang maipagmalaki
ninyo ako pagdating ng araw.”

Ang bunso naman na labinlimang taon na ay bibo, alisto at malambing.

“Mommy, pag college ko, kukuha ako ng Fine Arts. Pagkatapos, kukuha rin ako ng Business
Administration. Magiging katulong mo ako Mommy, sa pagpapalago sa business natin.”

Sa piling ng dalawang anak at mapagmahal na mister, si Maricris ay maligaya na rin. Datapwa’t hindi niya
mararanasan pang muli ang mga paghanga at palakpak na naranasan ng kanyang ina.

Ang Sapatero at ang mga Duwende

May isang sapatero na ubod ng hirap at may materyales lang para sa isang pares na sapatos. Isang gabi
ginupit na niya at inihanda ang mga materyales para gawin sa umaga ang sapatos.

Anong laking gulat niya nang magisnan niya kinaumagahan na yari na ang mga sapatos at kay husay pa
ng pagkakagawa! Madaling naipagbili niya ang sapatos at nakabili siya ng materyales para sa dalawang
pares.

Inihanda na uli ang mga gagamitin para sa kinabukasan. Paggising niya sa umaga nakita uli na yari na ang
dalawang pares na sapatos.

Naipagbili niyang madali ang mga sapatos at bumili naman siya uli ng mga gamit para sa apat na pares.
Inihanda niya uli ito sa mesa para magawa sa umaga.

Ganoon na naman ang nangyari, na tila may tumutulong sa kanya sa paggawa ng mga sapatos.
Kinalaunan, sa tulong ng mahiwagang mga sapaterong panggabi, gumaling ang buhay ng sapatero.

“Sino kaya ang mabait na tumutulong sa akin,” tanong niya sa asawa.


“Sino nga kaya? Gusto mo, huwag tayong matulog mamaya at tingnan natin kung sino nga siya?” alok ng
babae.

Ganoon nga ang ginawa ng mag-asawa kinagabihan. Nagkubli sila sa likod ng makapal na kurtina para
makita kung ano nga ang nangyayari sa gabi. Nang tumugtog ang alas dose, biglang pumasok sa bintana
ang dalawang kalbong duwende.

Tuloy-tuloy ito sa mesa at sinimulan agad ang pagtatrabaho. Pakanta-kanta pa at pasayaw-sayaw pa na


parang tuwang-tuwa sila sa paggawa. Madali nilang natapos ang mga sapatos at mabilis din silang
tumalon sa bintana.

“Mga duwende pala!” sabi ng babae. “Kay babait nila, ano?”

“Oo nga. Paano kaya natin sila pasasalamatan? Ayaw yata nilang magpakita sa tao.”

“Hayaan mo. Itatahi ko sila ng mga pantalon at baro at iiwan na lang natin sa mesa sa gabi.”

Dalawang pares na maliliit na pantalon at dalawang pang-itaas ang tinahi ng babae para sa mga
matutulunging duwende. Ipinatong nila ito sa mesa kinagabihan at nangubli uli sila sa likod ng kurtina.

Tuwang-tuwa ang maliliit na sapatero nang makita ang mga damit dahil nahulaan nilang para sa kanila
iyon. Isinuot nila ang mga ito at sumayaw-sayaw sa galak.

Pagkatapos nilang magawa ang mga sapatos na handang gawin, mabilis silang tumalon sa bintana na
suot ang mga bagong damit.

Buhat noon hindi na bumalik ang dalawang duwende ngunit nagpatuloy naman ang swerte sa buhay ng
mag-asawa na marunong gumanti sa utang na loob.

Ang Alkansya Ni Boyet

Mahirap lamang ang pamilya ni Boyet. Ang ama niyang si Mang Delfin ay isang magsasaka subalit walang
sariling lupa. Inuupahan lamang nito ang tinatamnan ng palay. Ang ina naman niyang si Aling Pacing ay
simpleng maybahay lamang. Sampung taon na si Boyet. Siya ang panganay sa kanilang apat na
magkakapatid. Sa pasukan ay nasa ika-apat na baitang na siya ng mababang paaralan.

Kapag ganitong bakasyon ay sinasamantala ni Boyet ang pagkakataon. Gumagawa siya ng alkansiyang
kawayan. Panahon ng pamumunga ng bungangkahoy sa kanilang bakuran, dahil maluwang ang kanilang
bakuran ay maraming punong namumunga. Pinipitas nila ng kanyang inay ang ay mga bunga at itinitinda
iyon sa palengke.

Mabili ang kanilang mga tindang prutas. Kapag nakaubos sila ng paninda ay agad siyang binibigyan ng
pera sa kanyang inay.

“Salamat po, inay. Mayroon na naman akong panghulog sa aking alkansiya.” masayang sabi ni Boyet.

“Hayaan mo anak, bago siguro maubos ang mga bunga ng ating mga puno ay mapupuno na ang
alkansiya mo,” sabi ng kanyang inay.

Napuno nga ang alkansiya ni Boyet. Masipag kasi siyang mag-ipon.

Nang malapit na ang pasukan ay nagkaroon ng malakas na bagyo at nasira ang mga tanim na palay ng
tatay ni Boyet. Kakaunti lang ang kanilang inani. Nagkautang ang kanyang itay. Nag-alala naman ang inay
ni Boyet. Malapit na ang pasukan at nawala ang inaasahan nilang panggagalingan ng pera.

“Baka hindi ka makapag-aral ngayong taong ito, anak,” malungkot na sabi ng kanyang inay.

“Nasira ang mga pananim natin dahil sa bagyo at may utang pa tayo.”

“Makakapagaral po ako, inay. Puno na po ang alkansiya ko. Ito ang gagamitin ko sa aking pag-aaral,”
nakangiting sabi ni Boyet.

Nakapag-aral si Boyet ng pasukang iyon. Salamat at naisipan niyang mag-impok para sa darating na
pangangailangan.
Huling Limang Oras

Tumunog na ang bell. Hudyat para magsiuwian na ang mga estudyanteng kagaya ko. Pero bakit ang aga?
Siguro ay nagkaroon na naman ng biglaang pagpupulong ng mga guro para sa darating na foundation
day. Mukhang umaayon sa akin ang tadhana dahil ngayon din ang pag-uwi ng aking ina galing sa abroad.

Nasasabik na ako dahil noong limang taong gulang lang ako ng huli ko siyang makita. Ano na kayang
itsura nya ngayon na ako ay nasa ikalawang baitang na ng pagiging high school.

Sa aking pag uwi ay may nasulyapan akong isang babaeng umiiyak, tinulak ako ng aking pagkausyoso
para tanungin kung bakit sya umiiyak.

“Ale, bakit po kayo umiiyak?” natanong ko sa babae.

“Hindi ko na kasi makikita ang aking anak habangbuhay.”

“Kung hindi ninyo po mamasamain, maari ho ba kayong sumama sa akin upang mawala ang inyong
lungkot, iyon ay kung nais nyo lamang,” ang di ko mawari kung bakit ko nasabi.

Ang pagtango niya at pag-abot sa akin ng kanyang kamay ay senyales lamang ng kanyang pagpayag.

Hindi namin namamalayan ang oras habang kami ay magkasama, tila isang panaginip ang nangyayari. Sa
kalagitnaan na aming kasiyahan ay nagwika ang ale, “Maari mo bang ipikit ang iyong mga mata?”

Sinunod ko ang kanyang utos at gayon na lamang ng maramdaman ko ang pagdampi ng kanyang mga
labi sa aking noo at ang narinig ko ay ang kanyang pagsabi sa akin ng “Mahal Kita”.

Sa aking pagmulat ay nawala ang ale na hindi ko man lang naitanong kung ano ang kanyang pangalan.
Biglang umihip ang malamig na hangin na niyakap ang aking buong paligid.

Hindi ko namalayan ang oras. Tiningnan ko ang aking relo.

“Aba, anong oras na kailangan ko na pa lang umuwi” nasabi ko sa aking sarili. Nilisan ko ang lugar na
iyon ng may tanong na hindi ko alam kung kailan masasagot.

Sa aking pag-uwi ay nakita ko ang aking ama na tila kakatapos lang lumuha. Anong problema? Lumapit
ako sa kanya at nagmano. Siya ay biglang nagwika,

“Anak iniwan na tayo ng nanay mo, namatay siya sa aksidente limang oras na ang nakalilipas.”

Imbis na umiyak ay naitanong ko lang sa kanya kung may litrato siya ng aking ina, nagulat na lamang ako
sa aking nakita…

Hindi nya ako iniwan ng walang paalam. Ipinarating niya sa akin kung gaano ako kahalaga at kamahal
niya.

Siya pala ang ale na aking nakasama kanina, ang umiiyak na ale.

Ang inakala ko na isang istranghero ay ang mahal kong ina. Kahit sa kaunting panahon ay nakasama ko
siya. Sa huling limang oras ay pinuno ang buhay ko ng kasiyahan na noon ko lang naranasan.

Ang Mag-asawang Walang Anak

Noong unang panahon, may mag-asawang hindi biniyayaan ng Diyos ng kahit na isang anak sa loob ng
labinlimang taong pagsasama. Sila ay sina Teban at Osang. Lahat ng paraan ay ginawa na nila ngunit
wala ring nangyari. Dahil sa kabiguang ito, ibinuhos ng mag-asawa ang kanilang panahon sa pag aalaga
na lang ng maraming hayop tulad ng aso, pusa, manok, pabo, baboy at iba pa. Bukod sa nalilibang sila sa
pag-aalaga ng hayop, sila ay kumikita din dito.

Sa lipon ng mga alaga nilang hayop, ang pusang puti ang pinaka paborito ni Osang. Alagang-alaga ito ni
Osang sa pagkain at inumin. Itinatabi pa niya ito sa pagtulog. Parang isang anak na ang turing ni Osang sa
puting pusa.

Ngunit sa kabila ng kanilang pagiging abala sa pag-aalaga ng mga hayop, hindi pa rin sila nawawalan ng
pag-asang magkaanak. Patuloy pa rin silang namamanata sa iba’t-ibang santo sa ibat-ibang lugar.

Sa isang malayong bayan na kanilang pinuntahan ay nangako si Osang na kung siya ay bibiyayaan ng
isang anak ito ay hinding-hindi niya patatapakin sa lupa.
Ang kanilang kahilingan ay natupad. Hindi nagtagal at nagsilang si Osang ng isang babae at ito ay
pinangalanan nilang Rosario. Lumaki si Rosario sa piling ng mapagpalang kamay nina Teban at Osang.
Tulad ng kanyang pangako, hindi pinatutuntong ni Osang ang anak sa lupa kung kaya’t si Rosario ay hindi
nakalalabas ng bahay.

Hanggang sa magdalaga na si Rosario ay hindi pa nasayad sa lupa ang mga paa nito. Nagkasundo ang
mag-asawa na ipagtapat kay Rosario ang tungkol sa kanilang pangako. Naintindihan naman ni Rosario
ang kalagayan ng mga magulang at iginalang niya ang bilin ng mga ito.

Kahit na hindi naglalabas ng bahay si Rosario, maraming binata pa rin ang nakabalita sa angking
kagandahan ng dalaga. Dumadalaw sila at nanliligaw sa dalaga. May isang napupusuan si Rosario, siya ay
si Antonio.

Isang araw ay dumalaw si Antonio kay Rosario. Tumawag siya sa labas ng bahay. Nagkataon naman na sa
mga oras na iyon ay wala ang mga magulang ni Rosario. Dumungaw si Rosario sa bintana.

“Puwede ba akong makatuloy, mahal kong Rosario?” ang tanong ni Antonio.

“Hindi maari, wala rito ang mga magulang ko. Kabilin-bilinan nina Tatang at Nanang na huwag akong
magpapatuloy ng tao sa loob ng bahay,” ang sagot ni Rosario.

“Kung ganoon, hindi naman siguro masama kung magkuwentu-han tayo dito sa hardin,” mungkahi
Antonio.

Sa kapipilit ni Antonio ay napapayag din niyang makausap sila ni Rosario sa may hardin. Naisip ni Rosario
na hindi naman siguro masama kung mag-usap sila sa hardin ni Antonio. Higit sigurong magagalit ang
kanyang mga magulang kung patutuluyin niya sa loob ng bahay ang binata.

Ngunit pagtuntong na pagtuntong ni Rosario sa lupa ay biglang yumanig ang buong kapaligiran. Umagos
ang tubig na hindi malaman kung saan nanggaling. Nilamon ng tubig ang kabahayan. Nagyakap sina
Antonio at Rosario at humihingi ng saklolo. Walang tulong na dumating.

Kinahapunan ay dumating ang mag-asawang Teban at Osang. Laking gulat nila nang di makita ang
kanilang bahay. Parang bula itong naglaho. Tanging isang ilog ang kanilang nagisnan at sa pusod ng ilog
na ito ay naroroon ang dalawang buwaya.

Isang Aral para kay Armando

Laging naiisip ni Armando na napakarami namang ipinagbabawal ang ina sa kanya. Madalas niyang
marinig ang “Huwag mong gawin ito,” “Huwag mong gawin iyan.” Sumasama ang loob niya kapag
naririnig niya ang mga ito.

May isang bagay na talagang lagi niyang gustong gawin kahit ipinagbabawal ng ina – ang maligo sa ilog.
“Napakabilis ng agos ng tubig sa ilog. Maliit ka pa at kaya kang ianod nito,” laging paalala ng ina.

Ngunit naniniwala si Armando na kaya niya. Marunong naman siyang lumangoy dahil tinuruan ng Tito
Manuel niya. “Matatakutin lang talaga si Nanay,” sabi niya sa sarili. “Ang sarap siguro talagang lumangoy
sa ilog. Mukhang kay la’mig ng tubig.”

Kaya nga, isang araw, kasama ng apat na kalarong bata, nagpunta sila sa ilog. Masaya silang naghubad
ng kamiseta at tumalon sa tubig. Ang sarap maglaro sa tubig. Wiling-wili ang mga bata. Maya-maya,
naisip ni Armando na lumangoy sa banda-bandang unahan. Unti-unti siyang umusad.

Bigla na lamang bumilis ang agos ng tubig at siya’y tinatangay na palayo, patungo sa malalim na parte ng
ilog. Pinipilit niyang pigilan ang katawan ngunit hindi niya makaya ang malakas na agos ng tubig.

“Ben!” sigaw niya. “Saklolo!”

Ngunit hindi rin magaling lumangoy ang mga kasama niya. Napamulagat na lang sila sa di-masaklolohang
kababata. Mabuti na lang at may biglang tumalong lalaki mula sa mga kahuyan. Naroon pala ang isang
kanayon nila na may paiinuming baka.

Nasagip si Armando ng lalaki ngunit may ilang sandali bago siya nahulasan. “Salamat po, Mang
Tacio.Akala ko’y katapusan ko na. Nagdasal po ako at kayo ay dumating. Dapat nga pala akong sumunod
sa sinasabi ni Nanay.”

Tama si Armando. Batid ng mga magulang ang nararapat sa mga anak kaya dapat silang sundin. Ang isa
pang natutuhan ni Armando ay kapag nasa panganib, tumawag agad sa Diyos at ang tulong ay darating.
Matulunging Bata

Ang mabait, masipag, maalalahanin at mapagmahal na bata ay tumutulong nang kusa sa bahay, di
lamang para sa sarili kundi pati sa mga magulang at mga kapatid.

Para sa aking sarili, ay inilalagay ko sa kanya-kanyang lalagyan ang lahat ng aking gamit sa paaralan, sa
bahay at sa iba pa. Sa ganito, ay hindi ako maghahanap at mag-aaksaya ng panahon lalo na kung
nagmamadali ako.

Hindi na rin ako makagagalitan. Laging nasa lugar ang mga libro, notebook, lapis, pentelpen, pad paper,
school bag, payong, sapatos, at lahat-lahat na. Walang kakalat-kalat.

Sa Kuya at Ate ay tumutulong din ako lalo na kung sila ay abalang-abala sa ibang gawain. Pagdating nila
mula sa paaralan ay sasalubong na ako sa hagdan pa lamang, upang kunin ang kanilang gamit at ilalagay
ko na sa kani-kanilang lalagyan. Kapag nagpuputol ng panggatong ang Kuya ko ay iniaakyat ko na ang
maliliit na piraso. Sa Ate naman, kapag nagwawalis, ay kukunin ko ang basahan at ako na ang
magpupunas sa mga mesa at upuan.

Si Tatay at Nanay ay wala; sila ang gumagawa para sa amin. Ay, mayroon pala. Sabi ng Nanay na
malaking tulong daw sa kanila ni Tatay kung ako, kaming magkakapatid, ay masunurin, masipag,
magalang at malinis. Natutuwa daw sila at hindi raw nila nararamdaman ang pagod, at nagpapasalamat
pa sa Panginoon.

Kaya naman maingat kami sa damit upang di sobrang marumi ang lalabhan. Takbo ako agad sa
pagtulong kung kaya ko rin lamang gaya ng paghahanda sa hapag-kainan, pag-urong ng mga ito
pagkatapos, paghugas at pagligpit.

Ang dami, ano? Pagnakagawian na ay walang mahirap. At napakasarap pang pakiramdaman at


pakinggan ang, “Ay salamat! Mabait at matulungin ang aking anak!”

You might also like