You are on page 1of 1

Desiderata

(salin sa Tagalog ni Alvin T. Claridades)


1. HUMAYO kang mapayapa sa gitna ng ingay at pagmamadali, at alalahanin mo
kung anong kapayapaan mayroon sa katahimikan. Hanggat maaari, nang walang
pagsuko, maging mabuti ang pakikitungo mo sa lahat ng tao. Ipahayag mo ang
iyong katotohanan nang tahimik at buong linaw; at makinig ka sa iba, maging sa
mga kabagut-bagot at mangmang; sila man ay mayroon ding sari-sariling salaysay.
IWASAN mo ang mga maiingay at mapupusok na tao; sila ay mga pang-inis sa isip.
Kung ihahambing mo ang iyong sarili sa iba, maaari kang maging palalo o may
sama ng loob, sapagkat lagi nay mayroong mas nakahihigit at mas nakabababang
mga tao kaysa sa iyo. MASIYAHAN ka sa iyong mga nakamtan gayundin sa iyong
mga balakin. Manatili kang interesado sa iyong sariling hanapbuhay, gaano man
kababa; Itoy isang tunay na pag-aari sa pabago-bagong kapalaran ng panahon.
GAWIN mo ang pag-iingat sa iyong mga gawaing pangkalakal, sapagkat ang
daigdig ay tigib ng panlilinlang. Subalit huwag mo itong bayaang bumulag sa iyo sa
kung anong kabutihan ang mayroon dito; maraming tao ang nagpupunyagi tungo sa
matataas na hangarin, at kahit saan ang buhay ay puno ng kabayanihan. IKAW ay
maging ikaw. Lalot higit ay huwag mong dayain ang pagmamahal. O di kayay
maging mapag-alinlangan ka tungkol sa pag-ibig; sapagkat sa harap ng lahat ng
kahungkagan at pagkasuklam, itoy kasing-tatag ng mga damo. Tanggapin mo nang
may kagandahang loob ang payo ng mga taon, buong kagitingang isinusuko ang
mga bagay ng kabataan. Alagaan mo ang lakas ng pag-iisip upang ipananggalang
laban sa madidilim na kaisipan. Marami sa mga pan- gamba ay hatid ng pagod at
kalungkutan. Sa kabila ng isang mabuting disiplina, maging mahinahon ka. IKAW ay
anak ng sanlibutan, hindi hamak kaysa mga puno at mga bituin; may karapatan kang
maparito. At maging ito man ay malinaw o hindi sa iyo, walang alinlangan na ang
sanlibutan ay umiinog gaya ng nararapat nitong gawin. Kung gayon, maging
mapayapa ka sa piling ng Diyos, anuman ang iyong pananaw tungkol sa Kanya. At
anuman ang iyong mga pagpapagal at mithiin, sa maingay na kalituhan ng buhay,
pamalagiin mo ang kapayapaan sa iyong kaluluwa. SA KABILA ng kanyang mga
pagkukunwari, pagkaalipin at gumuhong mga pangarap, itoy isa pa ring magandang
daigdig. Maging maingat ka. Pagsumikapan mong maging maligaya. Isinalin sa
Tagalog ni: ALVIN T. CLARIDADES 01 Pebrero 1996 Desiderata

You might also like