You are on page 1of 4

Ang Magmamani ni Teofilo E.

Sauco
I. Panimula

Ang magmamani" : kuwentong nagtamo ng pinakamalaking gantimpala ng Lingguhang Liwayway


taong 1923.

Ang kuwento ay nagsisimula sa bahagi nang ikuwento ni Ingkong Pinong sa kanyang apu-apuhang
dalagang si Nina yang ukol sa kasaysayan ng buhay nito.

Sa kuwentong ito sumasalamin kung ano ang kayang gawin ng pag-ibig.Kung paano tayo
magpaparaya sa mga gusto natin para sa mga mahal natin.Higit sa lahat, mararamdaman natin ang tunay
na pagmamahal ng isang ina para sa anak.

II. Mga Nilalaman

Tampok sa nobelang Ang Magmamani (1924) ni Teofilo E. Sauco ang pakikipagsapalaran ng mag-inang
pinaghiwalay ng tadhana ngunit pagbubuklurin muli dahil sa pag-ibig sa isang lalaki. Si Tentay (Vicenta
Gomez) na mula sa alta sosyedad ay nabuntis ng kaniyang kasintahang si Ventura Villaroman, ngunit
napilitang ipaampon ang kaniyang sanggol sa solterong si Ingkong Pinong na taga-Baliwag,
Bulakan. Sisikaping palakihin ni Ingkong Pinong ang bata, na sa paglipas ng panahon ay magiging
marikit na dalagang tatawaging si Ninay.

Pagtatanim at pagtitinda ng mani at iba pang gulay ang ikinabubuhay ni Ingkong Pinong, at balang araw
ay kakatuwangin niya si Ninay sa pagtitinda ng mani. Hahangaan naman si Ninay sa sipag nitot bait, at
pagnanasahan ng mga binata. Ngunit walang makapangahas makapanligaw sa kaniya dahil sa pangingilag
kay Pinong, hanggang makilala ni Ninay ang binatang si Luis na taga-Maynila. Pinakyaw ni Luis ang
tindang mani ni Ninay, hahabulin ang dalaga, at pagkaraan ay yayayaing pakasal. Subalit may isang
balakid. May isang babaeng kinakasama si Luis, at iyon ay si Tentay na dating mananayaw sa kabaret sa
Santa Ana. Matutuklasan ni Tentay ang retratong kuha ni Luis kay Ninay, at maghihinuha si Tentay na
anak niya ang dalaga dahil kahawig na kahawig niya ito.

Hahanapin ni Tentay ang kinababaliwan ni Luis, at nang matiyak kay Ingkong Pinong na si Ninay ay anak
nga niya, kukumbinsihin ni Tentay ang matanda na pumayag na sa pagpapakasal ng magkasintahan.
Lalayo si Tentay at papasok sa kumbento upang mapalayo kay Luis. Samantala, hihimukin at
paaaralin naman ni Luis si Ninay na pumasok sa kolehiyo at nang makatapos makapag-aral. Makikilala ni
Ninay si Tentay sa loob ng kumbento, at magtuturingang mag-ina, subalit mananatili ang lihim hanggat
hindi nakakasal si Ninay kay Luis.

Sa dakong huliy magkakasakit nang malubha si Tentay na nagtatago sa ngalang Madre Victoria Fuentes.
Mangungumpisal siya sa pari, ngunit pinagtiyap naman ng pagkakataong ang nasabing pari ay siya pala
niyang dating kasintahang si Villaroman. Matutuklasan din ni Padre Villaroman na anak niya si Ninay na
ipinaampon sa matandang Pinong, at ang babaeng pakakasalan ni Luis. Ang pangungumpisal ni
Tentay ang sukdulan ng kuwento, dahil doon mabubunyag ang lahat ng lihim na kipkip ni Tentay mulang
pagdadalaga hanggang pagiging baylarina tungong pagiging kabit ni Luis hanggang pagsisikap maging
madre para ituwid ang mga pagkakamali.

Makakasal sina Luis at Ninay, samantalang magkakapatawaran sina Padre Villaroman at Tentay.
Mamamatay si Tentay dulot ng karamdaman, at pagkaraan niyon ay lalasapin naman ng mag-asawang
Luis at Ninay ang bagong buhay at saganang pagsasama. Aalagaan nila si Ingkong Pinong, at ipasasaka
sa iba ang lupain nitong laan sa pagtatanim ng mani. At magbabalik sina Ninay at Luis sa Tiaong,
Baliwag, Bulakan upang magbigay-galang sa amang si Padre Villaroman, at sariwain ang nakaraang
hindi na babalik sa kanila kailan man.

Pambihira ang nobelang ito dahil sa pagtatagni-tagni ng mga pangyayaring halos imposible, ngunit dahil
nasa lunan ng guniguni ay maaaring tanggapin at paniwalaan. Gayunman, dapat suriin ang naturang akda
sa husay ng imahinasyon nito, at hindi bilang tuwirang salamin ng realidad sa lipunan, bagaman kayang
lumundag papaloob sa realidad ng lipunan ang akda.

Pag-ibig ang ubod ng kuwento, at ipinakita sa nobela ang ibat ibang antas nito. Halimbawa, ang pag-ibig
nina Tentay at Ventura na paghihiwalayin dahil ang mga angkan nilay mortal na magkaaway sa politika.
Ang pag-ibig ni Ingkong Pinong kay Ninay na itinuring na sariling anak bagaman hindi naman kaano-
ano. Ang makalupang pag-ibig ni Luis sa mag-inang sina Tentay at Ninay, at pagtuhog sa dalawang
magkabukod na kapalaran ng babae. At ang dalisay na pag-ibig ni Ninay mula sa kaniyang amaing si
Ingkong Pinong hanggang sa mga tunay na magulang na sina Tentay at Padre Villaroman, tungong pag-
ibig kay Luis na kasintahan. Pag-ibig din sa diyos ang maglalapit kina Tentay at Padre Villaroman, at
siyang maghahatid sa kapatawaran. Ngunit pinakamatindi sa lahat ang pag-ibig ni Tentay sa lahat ng
lalaking naging matalik sa kaniyang puso, mula kay Villaroman hanggang mga lalaki sa kabaret,
hanggang kay Luis at pagkilala kay Ingkong Pinong, tungong sukdulang pag-ibig sa anak na nawalay at
minamahal.
Paraan ng paglalahad
Mabilis ang pihit ng mga pangyayari sa nobela, o sabihin nang nobeleta, ni Sauco. Ang problemay
isinasangkot minsan ng tagapaglahad ng nobela ang kaniyang sarili, at kakausapin wari ang mga
bumabasa hinggil sa maaaring maganap na tagpo (halimbawa, tingnan ang una at pangwakas na
kabanata). Ang ikatlong panauhang paglalarawan ay hindi naiiwasang lumihis sa unang panauhan, at
maiisip dito na nakikialam ang awtor sa dapat sanang pambihirang paglalarawan mula sa paningin ng
isang saksi. Mapalulusot ang gayong taktika dahil sa pagsasaalang-alang marahil ng awtor sa kaniyang
mga tagasubaybay ng magasing Liwayway, at pawang nangangapa sa bagong uri ng panitikang Tagalog.

Kinasangkapan ni Sauco ang ilang piling tauhan, gaya nina Tentay, Ninay, Ingkong Pinong, Luis, at Padre
Villaroman. Ang limang tauhang ito ay sapat na upang paikutin ang tadhana, at gaya sa mga telenobela
ngayon, ay magkakasala-salabid ang buhay na parang sila lamang ang tao sa daigdig. Mapapansin din ang
ilang pagpapaikli ni Sauco sa mga tagpo, halimbawa nay biglang mapapaibig si Luis kay Ninay gayong
isang beses pa lamang sila nagkikita. O kayay nilutas ang mga lihim ni Tentay nang mangumpisal ito kay
Padre Villaroman. Pinatitindi ni Sauco ang kapanabikan sa mga susunod na tagpo sa pamamagitan ng
pagbitin sa dapat sanang pagbubunyag, halimbawa na ang paghaharap nina Tentay at Ninay sa loob ng
kumbento, o kayay ang pananahimik ni Luis sa harap ng dalawang babaeng tinuhog ng kaniyang bato-
balani.

Ang dalumat ng mani ay isa pang dapat pag-ukulan ng pansin. Tumutubo ang mani saanmang may
malusog na lupa o kahit na sa maasidong lupa, at nagbibigay ng bagong sustansiya rito. Ang maning ito
na hindi pinapansin noon ay kaya palang bumuhay sa isang sanggol at dating pag-ibig na inunsiyami ng
pagkakataon. Matalinghaga rin ang mani dahil sa seksuwal nitong pagpapahiwatig sa clitoris ng babae,
kaya maiisip ang bighani ni Ninay na nasa kasibulan at ni Tentay na nasa ganap na pagkatigulang na
pawang naangkin ni Luis. Ang dalumat ng mani ni Ninay ang paiikutin sa nobela, at pailalim na ihahayag
ni Sauco.

Maiikli ang pangungusap at usapan sa Ang Magmamani kompara sa iba pang nobelang Tagalog, bagaman
nalalahukan kung minsan ng patalinghagang pananalita. Ang patalinghagang pananalitang ito ay
mamumutawi sa bibig ni Tentay o ni Ingkong Pinong, at ikapagtataka ng taga-Maynilang Luis na hindi
sanay sa gayong matalik na komunikasyon. Mauunawaan lamang ni Luis ang lahat habang lumalapit ang
kaniyang loob kina Tentay, Ninay, at Ingkong Pinong. Ang nasabing uri ng paghihiwatigan ay karaniwan
na sa Tagalog, dahil sa pagturing na kabahagi ng tao ang kaniyang kausap o minamahal.
Itinuturo ni Sauco nang di-sinasadya ang pormula kung paano maging kapana-panabik ang mga tagpo sa
bawat kabanata. Ang mga tauhang sina Tentay at Ninay ang magiging haligi ng istorya, at susuhayan sila
ng mga katauhan ng lalaking sina Luis, Ingkong Pinong, at Padre Villaroman. Si Tentay ang mag-uugnay
sa dalawang uring panlipunan: una, ang maykaya na kaniyang pinagmulan; at ikalawa, ang dukha na
kaniyang daranasin nang itakwil siya ng sariling angkan dahil sa pagbubuntis nang hindi pa kasal.
Samantala, si Luis ang ultimong babaero na ibig mamangka dalawang ilog, at makaliligtas lamang siya
hindi dahil sa sariling pagpapasiya kundi sa kusang paglayo ng kaniyang kabit na si Tentay. Mapapansin
naman ang kahinaan ng gulugod ni Padre Villaroman, na marupok harapin ang responsabilidad sa
kasintahan at gagamitin ang relihiyon upang talikdan ang dapat sanang maaliwalas na pagsasama nila ni
Tentay. Pinakamalakas ang paglalarawan kay Ingkong Pinong, na kahit dukhat matanda nay aalagaan
ang sanggol upang ipamalas ang pagmamahal na hindi kayang tumbasan ng salapi.

Inuurirat sa nobela ang pagpapahalaga sa dalisay na pag-ibig. Maiuugnay iyon sa sex, anak sa labas, pag-
aampon, at relihiyon na pawang kikilatisin din sa mga tauhan. Ang mga usaping ito ay maseselang paksa
sa panahon ng Amerikanisasyon, at kulturang Tagalog na may matayog na pagtingin sa dangal, puri,
at pagkatao. Kahit sa unang malas ay mababaw ang kuwento, mababatid naman sa wakas ang
kasalimuotan ng mga pangyayari dahil magkakatali ang mga kapalaran ng limang tauhan. Ang naturang
kapalaran ay hindi tadhana ng diyos, bagkus ginagawa at supling ng mga gawa ng mga tao.

Marami pang dapat tuklasin sa nobelang Tagalog. Ang nobelang Ang Magmamani ni Teofilo E. Sauco ay
isang halimbawa lamang kung paano naghuhunos ang nobelang Tagalog, ang nobelang susubaybayan ng
daan-daang mambabasa noong dekada 1920, at magtatampok sa usapin ng masalimuot na pag-iibigan ng
magkasintahan, anumang uri ang kanilang pinag-ugatan.

III.Sanggunian

http://www.goodreads.com/book/show/17725968-ang-magmamani

You might also like