You are on page 1of 2

Paranaque National High School-Main

Filipino Grade 8

Ang Sarsuwela ay isang dula na nasa anyong komedya o melodramang may kasamang awit
at tugtog na ang paksa ay nakatuon sa damdamin ng tao tulad ng pag-ibig, kapootan, paghihiganti,
kasakiman, kalupitan, at kung minsan ang paksa rin nito ay pumapatungkol sa mga suliraning
panlipunan o pampolitika. Ayon sa kasaysayan nito, ito ay sinasabing hinango ng mga Espanyol sa
opera ng Italya sapagkat magkahalo ang diyalogong ginagamit dito, ang patula at pasulat. Bagama’t
naipakilala ang sarsuwela noong panahon ng Espanyol, ito ay lubos na namulaklak o naging tanyag
noong panahon ng himagsikang Pilipino at Amerikano sa pangunguna ni Severino Reyes.
WALANG SUGAT
Buod ng Sarsuwela Ni Severino Reyes
1
Habang abalang nagbuburda ng panyo si Julia sa kanilang tahanan ay dumating ang
kaniyang kasintahan na si Tenyong. Ayaw niyang ipakita kay Tenyong ang kaniyang gawa ngunit
lingid sa kaniyang kaalaman, nasulyapan nang bahagya ni Tenyong ang panyo at nakitang ito ay may
mga letra ng kaniyang pangalan (Antonio Narciso Flores). Itinanggi ito ni Julia at sinabing ito ay para
sa Prayle (Among Nating Frayle) dahil dito, nagalit si Tenyong at gustong sunugin ang panyo. Kaagad
namang binawi ni Julia ang kaniyang sinabi at inaming para nga talaga kay Tenyong ang panyo kaya
naman, sila ay nagsumpaan na ikakasal sa altar.
2
Habang abala ang magkasintahan, biglang dumating si Lucas, isa sa mga alalay nila Tenyong,
na nagsabing dinakip ang ama nito at ilan pang mga kalalakihan ng mga Guardia Civil sa pag-aakalang
sila ay mga rebelde. Ang mga pamilya at kaibigan ng mga inaresto ay naghandang bumisita at
magbigay ng pagkain sa kulungan. Sumakay sila sa tren papunta ng kapitolyo. Inutusan ng mga
Kastilang Frayle si Kapitan Luis Marcelo na paluin at saktan pa ang mga nakakulong kahit na mayroon
ng namatay at nag-aagaw-buhay na si Kapitan Inggo, ang tatay ni Tenyong. Sinabi ng punong-frayle na
papakawalan na si Kapitan Inggo sa kaniyang asawa. Sinabi rin niyang pupunta siya sa Maynila upang
sabihin sa Gobernador Heneral na pakawalan na ang iba pang mga inaresto, ngunit iba ang planong
sabihin ng prayle pagdating doon. Ipapapatay niya ang mga mayayaman at edukadong Pilipino.
Nakapiling ni Kapitan Inggo ang kaniyang pamilya at mga kaibigan bago siya mamayapa/yumao.
Pagkamatay nito, sinumpa ni Tenyong na maghiganti!
Pinili ni Tenyong na sumali sa mga rebelde kahit na pinigilan at tinutulan ito ni Julia. Sa huli,
3

walang nagawa at sumang-ayon na lamang si Julia at ibinigay kay Tenyong ang kaniyang
medalyon/agimat. Nagsumpaang muli ang magkasintahan na mamahalin ang isa’t isa habambuhay.
4
Hindi naglaon, sinabi ng ina ni Julia na ikakasal ito kay Miguel, isang mayamang illustrado.
Inayawan ito ni Julia, hindi alam ng kaniyang ina na hinihintay niya ang pagbabalik ni Tenyong. Sa
kabilang banda, nagsimulang makapalagayan ng loob ang mga alalay nina Julia at Tenyong na sina
Monica at Lucas.
5
Nang sumunod na linggo, dumating si Miguel, ang kaniyang ama at isang pari sa bahay nina
Julia upang ayusin ang kanilang nalalapit na pag-iisang dibdib. Kabado si Miguel at hindi niya
mabigkas nang tama ang kaniyang panliligaw kay Julia. Naibang bigla ang usapin tungkol kasalan dahil
sa pagrereklamo ng pari sa lumalaking problema tungkol sa mga Pilipinong hindi na nagsisimba.
6
Sa kabilang dako, dumating si Lucas sa kuta ng mga katipunero na may bitbit na sulat para
kay Tenyong na mula kay Julia. Nalaman niyang namatay na ang kaniyang ina at nalalapit na ang
itinakdang kasal ng kasintahan na si Julia kay Miguel. Naging balisa at malungkot si Tenyong matapos
niyang mabasa ang sulat kaya naman, humingi ito ng tulong sa kaniyang heneral. Sa ilang saglit ay
1|Pahina
Paranaque National High School-Main
Filipino Grade 8

nagsimula ng umatake ang mga Kastila at sumiklab na ang labanan dahil dito, bumalik si Lucas kay
Julia na walang nakuhang tugon mula kay Tenyong. Bumisita muli si Miguel kay Julia at nagsabing
magiging magarbo ang kanilang kasalan. Nagkunwari si Julia na masakit ang ulo upang iwasan si
Miguel.
7
Dumating na ang nakatakdang araw ng kasal at napilitan na rin si Julia na pumayag, sa pag-
akalang namatay si Tenyong sa labanan at sa kagustuhang hindi mapahiya ang kaniyang ina. Isang
magarbong selebrasyon ang magaganap at saksi ang buong bayan, pero bago mairaos ang seremonya
dumating si Lucas na may balitang nakita na si Tenyong at ito ay nag-aagaw-buhay na nakaratay sa
karte. Dinala si Tenyong sa pinagdarausan ng kasal ni Julia. Sa muling pagtatagpo ng magkasintahang
sawi, hiniling ni Tenyong sa pari na bago siya mamamatay ay ikasal muna sila ni Julia. Sa pagkamatay
daw ni Tenyong, maaaring pakasalan ni Julia si Miguel. Dahil mukhang matutuluyan na nga si
Tenyong, pumayag na rin si Miguel sa kakaibang huling hiling ni Tenyong. Kinasal si Tenyong at Julia
ng paring Kastila. Matapos ang seremonya ng kasal, biglang tumayo si Tenyong, at lahat ay
napamanghang sumigaw; “Walang sugat! Walang sugat!”.
Pagtataya
Panuto: Subukan mong balikan ang iyong natutuhan sa binasang teksto sa pamamagitan ng pagsagot
sa mga katanungan na makikita sa ibaba.
1. Bakit nagalit si Tenyong nang marinig niya mula sa bibig ni Julia na ang ibig sabihin ng inisyal na A,
N, at F na nakaburda sa panyo ay Among Nating Frayle?
2. Ano ang nangyari sa ama ni Tenyong na si Kapitan Inggo? Ano-anong paghihirap ang kaniyang
naranasan sa kamay ng mga dumakip?
3. Kung ikaw si Tenyong, magagawa mo rin kayang isantabi ang iyong pag-ibig alang-alang sa
kapakanan at kalayaan ng iyong Bayang Sinilangan laban sa mga mananakop na mapang-abuso sa
kapangyarihan?
4. Makatarungan ba ang ginawa ng ina ni Julia na ipagkasundo nito ang anak sa isang lalaking
mayaman? Kung ikaw ang nasa sitwasyon ni Julia, papayag ka ba sa pasiya ng iyong magulang? Bakit?
5. Kung ikaw si Julia o Tenyong, paano mo ipaglalaban ang iyong wagas na pag-ibig sa taong lubos
mong minamahal?
Elemento ng Dulang Sarsuwela
1. Iskrip- Ito ay ang pinakakaluluwa ng isang dula.
2. Dayalogo- Ito ay ang bitaw at palitan ng linya ng mga aktor sa pagtatanghal.
3. Aktor/Karakter- Sila ay ang nagsasabuhay at gumaganap ng mga tauhan sa Iskrip ng dula
4. Tanghalan- Ito ay ang lugar na pinaggaganapan ng pagtatanghal sa isang dula.
5. Direktor- Sila ay ang nagpapakahulugan o nag-iinterpret ng iskrip.
6. Manonood- Sila ay ang audience at tagapuna ng pagtatanghal sa isang dula.
7. Tema- Ito ay paksa ng isang dula.
*Mahalagang Tanong: Bakit mahalagang pag-aralan ang Dulang Sarsuwela kagaya ng walang Sugat?
2|Pahina

You might also like