Si Michael ay isang estudyante sa isang kolehiyo sa
Baguio City. Siya ay nakatira sa isang panlalaking dormitoryo. Sa unang araw ng summer class, gumising siya para maligo. Laking gulat niya na walang tubig na lumabas sa gripo. Buti na lang, siya ay may tubig na pang-inom at iyon ang kanyang ginamit sa panghilamos at pangsipilyo. Nagtanong siya sa administrasyon ng dormitoryo. Sinabi sa kanya na hindi sapat ang supply ng tubig sa Baguio kapag tag-init o summer dahil maraming turista. Sa ganitong pagkakataon ang tanging solusyon ay pagkakaroon ng schedule kung kailan magkakaroon ng tubig ang bawat lugar, kaya sa gabi lamang nagkakaroon ng tubig sa dormitoryo. Dahil sa pangyayaring ito, naisip ni Michael na dapat siyang gumawa ng paraan para makatipid sa paggamit ng tubig. Ginawa niya na iklian ang oras ng kanyang pagligo ng isa o dalawang minuto para makatipid ng tubig. Pinapatay na niya ang shower habang siya ang nagsha-shampoo ng buhok at nagsasabon ng katawan. Habang naliligo naglalagay din siya ng timba o palanggana malapit sa tapat ng shower head upang ang nakolektang tubig ay maaring gamitin para pang flush ng toilet. Isinasara na rin niya ang gripo habang nagsisipilyo para makatipid din. Higit sa lahat sinasara niya ang gripo ng mahigpit matapos itong gamitin. Nahirapan siya sa una ngunit nasanay din siya. Ibinahagi nya ito sa kanyang mga kasamahan sa dormitoryo nang sa gayon sila ay makatulong sa pagtitipid ng tubig. Ito ang kanilang paraan upang makatipid at may magamit sa oras ng pangangailangan.