You are on page 1of 10

MGA ALAMAT NA ETIOLOHIKAL

Alamat ng Durian

Sa isang bayan sa Mindanao ay may matandang babae na lalong kilala sa tawag na Tandang
During. Nakatira siya sa paanan ng bundok. Ang maliit niyang kubo ay nakatayo sa gitna ng malawak
niyang bakuran na naliligid ng mga puno.

Si Tandang During ay karaniwan nang ginagawang katatakutan ng mga ina sa kanilang malilikot
na mga anak. Sabi nila ay lahi ito ng mangkukulam kung kaya dapat iwasan.

Si Tandang During ay nasanay nang mamuhay na nag-iisa. Mula nang mamatay ang asawa at
mga anak ay hindi na siya umalis sa paanan ng bundok. Tahimik siyang tao at dahil matanda na ay mas
ibig pa niyang asikasuhin na lang ang mga tanim na halaman.

Masungit si Tandang During kaya iniiwasan ng mga tao. Noong kamamatay palang ng mga
mahal niya sa buhay ay marami ang nag-alok ng tulong ngunit tinanggihan niya. Sa gayon ay unti-unti na
ring lumayo sa kanya ang mga tao hanggang maging panakot na lamang siya sa makukulit na mga bata.

Ilang taon ang nagdaan. Ang dati ay makukulit na mga bata ay malalaki na ngunit si Tandang
During ay gayon parin. Nag-iisa sa kubo sa paanan ng bundok at hindi naki-salamuha sa mga tao.

Isang gabi ay itinaboy ng hanging amihan ang isang kakaibang amoy sa komunidad. Hindi nila
alam kung ano ang amoy na iyon at kung saan galing. Nanatili ang amoy nang sumunod pang mga araw
at patindi nang patindi. Nagpasya ang mga tao na hanapin ang pinanggalingan ng amoy.

Nagkaisa silang puntahan ang kubo ni Tandang During nang ma tiyak na doon nanggagaling
ang amoy. Hinanap nila ang matanda ngunit hindi nila ito nakita. Sa halip ay nabaling ang pansin ila sa
isang puno na ang mga bunga ay may matitigas na balat at matatalim na tinik. Dahil sobrang hinoy ay
nagsisimula nang bumuka ang mga prutas. Isang lalaki ang umakyat ng puno para kumuha ng bunga.
Nagtakip sila ng ilong nang buksan ang prutas pero pare-pareho ring nasarapan sa lasa ng prutas na
iyon. Nagsipitas sila ng mga bunga at iniuwi sa kani-kanilang bahay.

Nang may makasalubong silang isang matanda na tagaibang lugar at itinanong kung ano ang
dala nilang prutas ay iisa ang sagot nila. "Bunga ng tanim ni Tandang During 'yan", sabi nila.

During yan ang pagkakaintindi sa kanila ng matanda. Kaya nang bigyan nila ito ng bunga at
itanong ng mga kakilala kung ano iyon ay sinabi nitong ang pangalan ng prutas ay during yan. Kalaunan
ay nagiging durian.
Alamat ng Batutok o Woodpecker

Noon daw unang panahon ay may isang matandang lalaki na nagpapalipat-lipat sa mga
bayan upang mangaral. Ang sabi ng ilan ay si Apostol Pedro raw ito ngunit may nagsasabi
naman iyon si San Pablo.

Anu't anuman, isang araw ay nakarating ang mangangaral sa isang malayong bayan
makaraan ang mahabang mga oras ng paglalakbay. Pagod na pagod ang matanda at gutom na
gutom din.

Lihim na nakadama ng tuwa ang matanda nang marating ang isang bahayan kung saan
maaamoy sa hangin ang mabangong samyo ng tinapay na ibinebeyk. Lumapit siya sa bahay na
pinanggagalingan ng mabangong amoy ng tinapay at humingi mula sa babaing may-ari.

Ang babae ay gumagawa ng tinapay para ipagbili. Maraming nagpapagawa rito ng


araw na iyon kaya marami ng luto nang dumating ang matanda. Subalit nanghinayang ang
babae na ipamigay ang mga naluto na dahil masyadong malalaki ang mga iyon.

Pinaghintay ng babae ang matanda. Aniya ay ipagbibeyk niya ito ng bago. Ang ginawa
ng babae ay nagmasa ng mas maliit na arina para sa apostol. Nang mabeyk ang minasa ay
lumabas pa ring malaki iyon. Muling nagmasa ang babae ng mas maliit saka iyon iniluto.
Muling nanghinayang ang babae dahil ang tingin niya ay malaki parin iyon para ipamigay.
Ilang beses pang nag-masa at nagbeyk ang babae pero muli at muli niyang itinatabi para
magluto ng mas maliit pa.

Alam ng matanda kung bakit matagal na siyang naghihintay sa kapirasong tinapay ay


hindi pa rin iyon maibigay ng babae.

Nasabi tuloy ng matanda ang ganito, "Labis-labis na mga biyaya ang ipinagkaloob sa
iyo pero ubod ka pa rin ng damot. Mula ngayon, paghihirapan mong mabuti ang lahat lalo na
ang iyong kakainin."

Hindi nagtagal ang apostol ay umalis para maghanap ng mabuting loob na magbibigay
sa kanya ng makakain.

Lilang hakbang pa lang ang nalalakad ng mangangaral ay isang pangyayari na ang


naganap sa loob ng iniwan niyang bahay. Unti-unting nagbago ang anyo ng babae hanggang
maging isang ibon. Nang makita ito ng alagang pusa ay agad nilundag. Nakalipad lang agad
ito kaya hindi nasunggaban ng pusa.

Sa takot ng babae na maging ibon ay lumipad ito patungong gubat. Doon ay hindi na ito
tumigil sa pag-tuktok sa mga kahoy para makakuha ng makakain. Ang ibong iyon ay ang
batuktok o woodpecker.
Ang Talon ng Maria Cristina
Si Datu Talim ay tanyag sa buong Magindanao hanggang sa Sulu dahil sa kagandahan ng kanyang anak na
si Maria Cristina. Ngunit hindi si Datu Talim ang tunay na ama ni Maria Cristina.

Si Maria Cristina ay anak ng isang mangingisda sa Romblon. Tuwing tag-ulan ay tumutulong si Cristina sa
pagtatanim sa kanilang maliit na lupain. Mahirap lamang sila ngunit ang kanilang kaligayahang mag-anak ay ganap.

Isang araw ang kanilang bayan ay sinalakay ng mga tauhan ni Datu Talim. Tumakas ang mga tao
papuntang bundok. Bata pa noon si Maria Cristina at hindi pansin ang kaguluhang nangyayari. Patuloy siya sa
paglalaro nang damputin siya ng mga tauhan ni Datum Talim. Nanlaban ang ama ni Maria Cristina ngunit siya-ay
napatay din.

Ang batang si Cristina ay inialay kay Datu Talim na labis namang kinagiliwan nito dahil sa kagandahang
taglay. Minahal ng labis ng datu si Cristina at tinoring parang isang tunay na anak. Lumaking napakaganda ni
Cristina kaya lalong nakilala si Datu Talim. Marami ang nagkagusto sa dalaga.

Isang binata na nagngangalang Prinsipe San-i ang sa mga masugid na manliligaw ni Maria Cristina. ito ay
makisig may matipunong pangangatawan at tunay na dugong maharlika. Sa madaling sabi ang binatang ito ang
nakabihag ng puso ni Maria Cristina. Namanhikan ang ama ni Prinsipe San-i na isang Sultan ng Sulu at itinakda ang
isang malaking kasalan.

Habang abala sa pagtatakda ng kasal ang magkabilang partido ang dalawang magkasintahan ay nagkikita
sa batis na may malalaking bato. Nagbabalak sila ng magagandang bagay para sa kanilang kinabukasan.

Ngunit lingid sa kanila ay may isang dalagang mangkukulam na naninibugho kay Maria Cristina. Isiniumpa
niyang hindi-hindi matutuloy ang kasal ng dalawa.

Dalawang gabi bago pa ang itinakdang kasal naalaala ni Maria ang kanyan ina na matagal na niyang hindi
nakikita. Nagtungo siya sa batuhan sa may batis sa tagpuan nila ni San-i. Doon nag-iiyak si Maria sa labis na pag-
aalala sa kanyang ina. May pangako sa kanya si San-i na tutungo sila sa Romblon para dalawin ang kanyang ina sa
oras na matapos lamang ang kasal. Ipinikit niya ang kanyang mata at pinaglaro sa kanyang diwa ang mga ala-alang
kapiling pa niya ang kanyang ama at ina noong siya ay isang musmos pa lamang.

Nasa ganitong kalagayan si Maria nang dumating ang pangit na dalagang mangkukulam buhat sa kanyang
likuran. Akala ni Maria ay ito na ang kanyang kasintahan ngunit laking gulat niya nang isang pangit na babae ang
kanyang namulatan.

"Alam mo, si San-i ay akin. Hindi matutuloy ang inyong kasal. Sige ipagpatuloy mo ang pagluha mo," sabi
ng mangkukulam.

Lalo lamang lumuha si Cristina dahil sa kabila pala kanyang kaligayahan sapiling ni San-i ay may isang
pusong nagngingitngit. "Sa araw ng inyong kasal, si San-i ay hindi mo na makikita. Siya ay inagaw mo lamang sa
akin. Sige...ipagpatuloy mo ang pagluha, bago sumapit ang kasal mo, ikaw ay magiging isang bundok. Ang luha mo
ay dadaloy sa bayan patungo sa dagat," galit na pagbabanta ng mangkukulam.

Sumapit ang araw ng kasal at labis na pagtataka ng lahat ay hindi sumipot si Maria Cristina. At lalo pasilang
namangha nang isang bundok na lumuluha ang kanilang nakita. Umilig ito sa bayan at nagkaroon ng ilog. "Nasaan si
Cristina, paano na ang kanilang kasal?" tanong ng mga tao.

"Ha ha ha! Ang natatanaw ninyong lumuluhang bundok ay walang iba't si Maria Cristina. Ang daloy na
kanyang luha ay magpapatuloy sa bayan at magiging ilog na daluyan sa Iligan," ang sabi ng mangkukulam.

Mula noon ay hindi na nakita pa ang pangit na mangkukulam. Ang bundok na lumuluha ay tinawag na
Maria Cristina sa bayan ng Iligan.
Alamat ng Tabios
Kaytagal nang hinihintay ni Haring Lawis at ni Reyna Gila ang pagkakaroon ng anak.
Matagal na silang kasal ngunit hindi sila magkaroon ng supling.

Napakarami ng mga manggaga-mot ang tumingin sa mag-asawa ngunit bigo ang mga
ito na mabig-yang solusyon ang kanilang problema.

Bagamat malungkot ay natutuhan na ring tanggapin ng hari at reyna ang kanilang


kapalaran. Ibinuhos na lang nila ang atensyon sa pagtulong sa mga nasasakupan.

Isang umaga ay nagulat na lang ang hari nang ayaw tumigil sa kasu-suka ang asawa.
Agad niya itong ipinasuri sa mga manggagamot ng palasyo. Nasorpresa sila nang ma-lamang
nagdadalantao ang babae.

Halos ayaw pagalawin ni Haring Lawis ang asawa. Ang sabi kasi ng mga manggagamot
ay maselan ang pagbubuntis nito. Isa sa naging malaking problema ng hari ay walang ganang
kumain ang reyna. Kapag nagpatuloy ito sa hindi pagkain ay malamang na manghina ang kata-
wan at manghina rin ang sanggol sa sinapupunan.

Nang malaman ng mga nasasakupan ang kalagayan ng reyna ay nagdala ang mga ito
ng iba't ibang uri ng pagkain sa palasyo. Halos lahat naman ay tinitingnan lang ng reyna at ni
hindi gagalawin.

Minsan ay may isang matandang dumating sa palasyo. May dala itong isang kulay
berdeng prutas na pa-bilog ang hugis. Noon lang nakakita ng gayong prutas ang reyna kaya
naingganyo siyang tingnan iyon.

Lalong napukaw ang interes ng reyna nang buksan iyon at makita ang tila puting mga
patak ng luha na itsura ng prutas.

Nang tikman niya ang prutas ay nasiyahan siya kaya sinabing dalhan pa siya ng prutas
ng matanda. Nang itanong ni Reyna Gila kung ano ang prutas na iyon ay sinabi ng matanda na
suha ang pangalan niyon.

Hindi naman lubos na kinakain ng reyna ang prutas. Sinisipsip lamang niya ang katas at
pagkatapos ay itatapon ang sapal sa lawang katapat ng bintana ng silid niya sa palasyo.

Nang manganak ang reyna ay nalimutan na niya ang prutas na pinaglihian sa anak.
Naaliw silang mag-asawa sa sanggol na kaytagal nilang hinintay.

Isang umaga ay naisipang paarawan ng reyna ang sanggol sa may tabi ng lawa.
Naagaw ang kanyang pansin ng maliliit na mga bagay na tila naglalanguyan sa tubig. Nagulat
pa siya nang makita ang maliliit na mga isdang halos kasinlaki ng mga sapal ng suha na
itinapon niya roon.

Ang mga isda ay tinawag na tabios ng reyna.


Alamat ng Papaya
Si Payang ay anak ng isang mayamang mag-asawa mula sa Laguna. Ipinagkasundo siya ng
ama't ina sa anak na binata ng pinakamayamang angkan sa kanilang lalawigan.

Lingid sa mga magulang ay may nobyo na ang dalaga. Ito si Pepe, isang magsasaka.

Nagpasyang magtanan sina Pepe at Payang upang hindi mag-kahiwalay. Ngunit natuklasan
iyon ng ama ni Payang at ipinahabol sa mga tauhan ang dalawa.

Nang abutan sila ay ipinabugbog ng ama ni Payang si Pepe sa dalawang tauhan nito at
iniwang duguan. Si Payang naman ay sapilitang iniuwi sa kanilang bahay at ikinulong sa
sariling silid.

Isang matanda ang nakatagpo kay Pepe. Sa pag-aaruga nito ay unti-unting bumalik ang
lakas ng binata.

Ngunit huli na. Nalaman ni Pepe na namantay si Payang sa lungkot at sama ng loob.

Nagluksa ang binata at halos araw gabing umiyak. Nang tuluyang gumaling si Pepe ay agad
tinungo ang libingan ni Payang.

Sa libingan ni Payang ay may nakita si Pepe na halamang tumubo malapit sa puntod. Tila
nababantay ang halaman sa ulilang puntod ng dalaga.

Inalagaan ni Pepe ang halaman hanggang mamulaklak at mamunga. Nang mahinog ang
prutas nito ay kanyang tinikman. Nasarapan siya sa lasa nito. Naalala ni Pepe ang nobyang si
Payang dahil sa punong iyon.

Ang bunga ng puno ay tinawag niyang Payang. Nang lumaon ay naging papaya ang tawag
dito ng mga tao.
Alamat ng Sayote

Noong Araw, ang tinola ay wala pang sayote dahil wala pa talagang sayote sa mundo. May
isang bata na ayaw na ayaw kumain ng gulay. Ulila na siya. Ang tanging nag-aalaga lamang
sa kanya ay ang kanyang nakatatandang kapatid na Babae. Mahilig siyang magluto ng
tinolang manok kahit alam niyang di kumakain ng gulay ang kanyang kapatid. Kakainin
lamang niya ang manok, subalit ang gulay ay pinapaubos lagi niya sa kanyang ate. Sinasabi
niya "ang gulay te ay para sa 'yo".

Sa tuwing maaaring tinola ang nasa hapag-kainan, ito ang kanyang sinasabi ukol sa mga
gulay, "te sa'yo".

Isang araw, dumalo silang magkapatid sa piyesta at siyempre maraming handa. Napakasiba
ng bata, naka-ilang plato ng kanin at Ulam ang kanyang naubos. Tulad ng dati, ang lahat ng
gulay ay "te sayo".

Habang kinakain ng kanyang ate ang kanyang mga itinirang gulay, bigla na lamang itong
na-empacho, subalit pag Takbo Niya sa palikuran, ina-take sa puso sa nashogbak. Dahil
walang pera ang bata, tinadtad na lamang Niya ang katawan ng kanyang ate, at ginawang
pataba sa kanilang taniman ng gulay. Isang Araw, maaaring tumubong kitang kakaibiang
tanim na maaaring kakaibang bunga, na animoy peras na luntian na pagka-pangit-pangit.
Sabi ng bata "ay, simpangit ng ate ko", subalit bigla siyang naluha dahil namiss Niya ang ate
niyang mukhang ang gulay. Pinangalanan Niya ang kakaibang bunga ng "sayote" sa
karangalan ng kanyang ate.
Bakit Nakayuko ang Kawayan?
Noong unang panahon, may isang pagmilya ang naninirahan sa isang pulo. Ang pamilyang ito ay
kinikilala at iginagalang. Ang kanilang pagpapasunod sa tao ay ayon sa batas kaya sila ay napamahal
naman sa kanila. Pawang naisin nila ay nasusunod, ngunit laan din silang magbigay ng tulong sa mga
nangangailang.

Ang kapangyarihang ito ay nagpasalin-salin sa mga anak at apo ng angkang iyon. Lahat ng namuno
ay naging makagtaraungan at malapit sa mamamayan. Subali't dumating ang isang tao sa pamilyang
iyon na kakaiba ang ugali. Siya ay ubod ng sakim kaya halos lahat ng lupain pulong iyon ay kanyang
kinamkam. Isa siyang mapangaapi ng kapwa kaya siya hindi kinalugdan ng mga tao.

Ang kanyang pangalan ay Kawayan. Isanggabing kasarapan ng tulog ni Kawayan, isang matandang
pulubi ang kumatok at nanghihingi ng kaunting limo.

"Ano... baka nagkakamali ka ng malalapitan tanda? Hindi ako nagbibigay ng limos sa di ko kaanu-
ano. Ang pagkaing nasa bahay ko ay aking pinagpaguran kaya lumayas ka na!" ang nakapamaywang
na sabi ni Kawayan.

"Anak, huwag kang palalo. Parurusahan ka ni Bathala saiyong kasakiman," ang wikang matanda.

"Ako...parurusahan...ako na ngang pinakamakapangyarihan dito. Sinong magpaparusasa akin?"

"Si Bathala ang tunay makapangyarihan. Sa sinabi mong iyan ay parurusahan ka niya. Mula ngayo'y
magiging magalang ka at yuyuko sa anumang bagay na mas malakas kaysa sa iyo."

Pagkawika nito ay naglaho na ang matanda. Si Kawayan naman ay unti-unting nanlambot, napahiga at
tuluyang namatay.

Siya ay inilibing ng mga tao sa lugar na kanyang kinamatayan. Sa paglipas ng panahon, may
isanghalaman ang umusbong sa libinganga iyon. Ang halaman ay tumaas nang tumaas ngunit
kapansin-pansin ang pagyuko nito sa ihip ng hangin. Ito ay tanda ng pagpapakumbaba at paggalang.
Tinawag na Kawayan ang punong ito sapagkat ipinalalagay ng mga tao na iyon si Kawayan. Tinamo
niya ang parusa ni Bathala dahil sa kanyang masamang ugali.
Alamat ng Ilang-ilang
Sa isang malayong bukid ay may isang mag-asawang matagal na ring umaasam na magkaroon ng
kahiit na isang anak man lamang, Sa kabila ng kanilang kasaganaan ay hindi pa rin lubos ang
kanilang kaligayahan. Ganoon pa man ay hindi sila tumitigil pagdarasal kay "Bathala". Ipagpapalit
nila ang kanilang kasaganaan pagkalooban lamang sila ng anak.

Isang gabi, habang nananalangin ang matandang babae sa halamanan ay isang anghel ang bumaba
buhat sa langit at nagwika, "huwag kang matakot. isinugo ako ni Bathala upang dinggin ang iyong
panalangin."

Sa labis na tuwa ay lumuhod matandang babae sa harap ng anghel. "Huwag, hindi ako ang iyong
Bathala. Ako ay kanya lamang inutusan upang mag hatid sa inyo ng magandang balita. Sa kanya
ninyo iukol ang inyong pasasalamat.

"Kayo ay bibigyan ni Bathala ng isang anak na babae. Ito ay magiging isang napakagandang bata
tatawagin ninyo siyang ilang. Subalit iwasan ninyong mahipo ng lalaki ang inyong anak sapagkat sa
sandaling mangyari ito ay mawawala na sa inyo ang inyong anak," ang bilin ng anghel.

Pumayag ang babae sa kasunduang iyon. Lumipas ang isang taon at isinilang ang kanilang anak na
babae. Sa murang gulang nito ay kapansin-pansin na ang kakaibang ganda nito..gandang may
kaakibat na bango ng isang kahali-halinang bulaklak. Tulad ng sabi ng anghel, tinawag nilang Ilang
ang bata.

Nang magdalaga na si ilang ay maraming lalaki ang naakit sa dalaga. Labis na nangamba ang mga
magulang ni Ilang na baka ang kanilang anak ay mahipo ng lalaki. Sa labis nilang takot ay ikinulong
nila sa isang silid ang kanilang anak. Hindi na nila ito pinayagang lumabas ng silid.

Labis na nanimdim si Ilang. Araw at gabi ay umiiyak siya. Ang itaimtim na panalangin ni Ilang ay
narinig ni Bathala. Ang bintana ng silid ni Ilang ay biglang nabuksan at siya ay nakalabas. Tuwang-
tuwang lumanghap ng sariwang hangin sa labas si Ilang. Isang lalaki ang nakakita sa kanya at ang
hawak nitong aso ay tumahol kay Ilang. Nakilala ng lalaki si Ilang at lumapit ito sa dalaga.

"Kaytagal mong nawala ilang araw kitang hinahanap," wika ng lalaki na ginagap ang palad ni ilang.

Ang tagpong iyon ay dinatnan ng ina ni Ilang. Gustuhin man ninyang pigilan ang lalaki sa paghipo
kay Ilang ay huli na. Unti-unti ay lumulubog sa lupa si Ilang hanggang sa ang dalaga ay tuluyang
maglaho.

"Ilang, Ilang...nasaan ka anak ko?" Umiiyak na nasambit ng matandang babae.

Maya-maya'y may isang napakabangong halimuyak ng isang bulaklak ang naamoy ng matanda. Ito
ay nanggagaling sa lugar na kinalubugan ni Ilang. Sinilip niya ito at may nakita siyang isang halaman
na untiunting umuusbong sa lupa. Tumaas pa ito at nagkaroon ng mga bulaklak na ang hugis ay
pahaba at ang amoy ay tulad ng bango ni Ilang.

Ang halamang iyon ay pinangalanan nilang IlangIlang bilang pag-alaala sa kanilang anak.
Alamat ng Dama de Noche
Sa isang kaharian sa Mindanao, may isang Sultan na ubod ng tapang. Dahil sa kanyang katapangan ay
maraming kaaway ang kanyang nagapi. Ang Sultan ay ipinalalagay na pinakamasuwerteng hari dahil
sa bukod sa kanyang katapangan ay mayroon pa siyang isang anak na dalaga na ubod naman ng
ganda.

Maraming mga mahaharlikang binata ang nanliligaw sa dalaga nguni't wala sa panlabas na anyo ang
kanyang hinahanap. Ang nais niya ay iyong kagandahang nagmumula sa kalooban ng tao.

Hindi naman nagtagal at si Mayuri, ang anak ng Sultan, ay nakatagpo ng lalaking kanyang hinahanap.
Siya ay si Ramen, ang bago nilang hardinero. Mabait at maginoo si Ramen kung kaya't si Mayuri ay
nahumaling sa kanya. Hindi nagtagal at ang dalawa ay nagkaibigan nguni't ito ay lingid sa kaalaman
ng amang Sultan ni Mayuri. Tuwing gabi lamang sila nagniniig ni Ramen sa halamanan.

Nagkukunwaring nangunguha ng bulaklak para sa kanyang silid si Mayuri at si Ramen naman ay


nagdidilig.

Waring nakahalata ang hari sa kakaibang sigla ng kanyang anak. Sinubaybayan niya si Mayuri at
natuklasan niya ang pag-iibigan nina Mayuri at Ramen. Sa labis na galit, ipinatapon ng Sultan ang
binata sa ilog na maraming buwaya.

Sa labis na kalungkutan ni Mayuri sa hindi na pagsipot ni Ramen sa kanilang tagpuan ay umiyak siya
nang umiyak. Alam niyang may nangyaring hindi maganda sa kanyang mahal. Hindi niya alam na ang
kanyang ama ang may kagagawan ng lahat.

"Mahal kong Allah, yaman din lamang at wala na ang aking mahal, hinihiling ko po na ako ay mawala
na rin. Ang luha kong ito ay gawin ninyong mga bulaklak na sa gabi lamang humahalimuyak ang
bango. Sa pamamagitan lamang po nito maaring maalala ng aking ama na ang kanyang anak ay
nawala sa kadiliman ng gabi." ang samo ni Mayuri.

Pagkawika ng mga katagang iyon ay unti-unting nagbago ang anyo ng dalaga. Naging puno ito at
namunga ng mga bulaklak na hugis luha at nagsasabog lamang ng bango sa gabi.

Dahilan sa gabi lamang nalalanghap ang bango ng bulaklak, ito ay tinatawag na "Dama de Noche"
ang ibig sabihin ay "dalaga sa gabi".
Alamat ng Makopa
Sa dakong baybayin isang bayan ng Ilokos, may naninirahang mga tao. Sila ay nananalig at sumasamba sa
diyoses ng kanilang ninuno. Bilang ganti, sila naman ay pinagkakalooban ng kanilang anito ng isang masagana
at maunlad na pamumuhay.

Ang kanilang kasaganahan at kaunlaran ay kinaiinggitan ng kanilang karatig-bayan. Pilit nilang inalam ang
pinagmulan ng kanilang kayamanan. Sa kanilang pagmamatyag, natuklasan na ang mga taga-tabing-dagat ay
may tinutugtog na malaking kampana tuwing nag-aalay at nananalangin sa sinasambang Apo Binayen.
Gayugndin ang gawain sa oras ng kagipitan.

Ang kampanang hugis-sombrero ay kaloob ng bathala sa bundok ayon sa mga taga-tabing dagat. Dahil dito
ipinasiya ng mga tagakaratig bayan na nakawin ang kampana. Sa pagliit ng buwan ang takda nilang paglusob
sa mga baybaying dagat.

Natunugan ng mga taga baybaying dagat ang masamang balak taga karatig-bayan kung kaya't itinago nila ang
malaking kampana. Ibinaon nila ito sa masukal na gubat. Na malapit sa kanila, Tinambangan nila ang paglusob
ng mga kaaway. Malaking labanan ang namagitan sa magkabilang panig. Maraming namatay nguni't nanaigi
parin ang kampo ng kabutihan.

Nanalo man ang tagabaybaying-dagat sa labanan ay malungkot pa rin sila sa dahilang walang makapagturo sa
kinababaunan ng malaking kampana. Ang mga kalalakihan nangasiwa sa pagbabaon ng malaking kampana ay
pawang nangasawi sa labanan.

Magmula noon ay naging malungkot aa lugar ng baybaying-dagat. Dumanas sila ng tagtuyot. Namatay ang
kanilang mga pananim dahil sa matinding init. Ang mga panalangin ay nawalan ng kasagutan. Nisaisip nila na ito
ay bunga ng pagkawala ng malaking kampana.

Nagpatuloy ang ganoong kahirapan. Minsan isang bata ang naghahanap ng makakain sa kagubatan ang
nakapansin sa isang puno na hitik na hitik sa bunga. Ang buganang ito ay hugis-kampana. Pumitas siya ng isa at
nasarapan siya sa lasa ng bungangkahoy. Pumitas siya nang pumitas sa abot ng kanyang madadala. Iniuwi nya
ito sa kanilang lugar. Nagustuhan din ng ibang tao ang lasa ng bungangkahoy. Nguni't ang ipinagtaka ng mga
taga baybaying dagat ay kung bakit ito hugis-kampana. Nagtalu-talo sila hanggang sa maalaala nila ang
malaking kampanang nawawala. Naghukay sila sa tabi ng puno at laking tuwa nila nang matagpuan doon ang
malaking kampana. Bglang nagdilim ang kalangitan at bumuhos ang isang malakas na ulan. Walang pagsidlan sa
tuwa ang mga tao. Inisip nilang ito ay sagot ng Apo sa bundok bilang tugon sa pagkakatuklas nila sa malaking
kampana.

Magmula noon ay muling umunlad ang buhay ng mga taga baybaying dagat. Tumubong muli ang kanilang mga
pananim. Palagi rin nilang tinutugtog ang malaking kampana tulad ng kanilang nakagawian. Bilang pagtanaw ng
utang na loob sa halamang naging dahilan ng pagkakabalik ng nawalang kampana, nagtanim pa sila ng marami
pang mga punong ito at ang mga bungang punong ito ay tinawag nilang "Makopa."

You might also like