You are on page 1of 2

CINCO, ZOE ANNE E. 10 ST. DOMITILLA GNG.

MAGAOAY

KABILANG BUHAY
Sa maraming kultura, ang kabilang buhay ay inilalarawan bilang isang lugar na gaya rin ng
mundo. May iba naman na ipinapakita ito bilang isang madilim na lugar kung saan nagpapagala-
gala ang mga kaluluwa, gaya ng daigdig ng mga patay ni Hades sa mitolohiyang Griyego. Sa
ikalawang depiksiyon, karaniwan ang pagkakaroon ng daigdig sa ilalim ng lupa na nahahati sa
mga lugar na may kani-kaniyang kalagayan; maaaring maginhawa o mapagpahirap. Ang
pagtatalaga sa mga tao sa mga lugar na ito ay depende sa naging gampanin nila noong
nabubuhay pa o sa paraan ng kanilang kamatayan. Sa mitolohiyang Griyego, halimbawa,
binibigyan ng bukod na lugar ang mga namatay na bayani o mandirigma. Sa ilang mito rin,
pinadaraan ang mga kaluluwa sa paghuhusga. Ang mga namuhay nang mabuti ay inilalagay sa
paraiso o nabibigyan ng pagkakataong muling mabuhay samantalang ang masasama ay
pinarurusahan. Ang pagtungo rin ng mga kaluluwa mula sa daigdig ng mga buhay patungo sa
daigdig ng mga patay ay ipinakikita bilang isang anyo ng paglalakbay. Nag-iiba-iba ang mga
kultura sa mga konsepto nito ng kinaroroonan ng daigdig ng mga patay. Bagamat karaniwang
ang daigdig ng mga patay ay nasa ilalim ng lupa o iyong tinatawag na underworld o netherworld,
mayroon ding mga kultura na nakaiisip na nasa itaas ang mga kaluluwa ng mabubuti. Sa ilang
kultura naman, tinitingnan ang daigdig ng mga patay bilang isang lugar na nasa ilalim o dulo ng
tubig. Sa ganitong depiksiyon, ang yumao ay ipinakikitang tumatawid sa isang ilog, lawa, o dagat,
gaya ng sa mitolohiyang Griyego na ang daigdig ng mga patay ay inihihiwalay ng isang ilog.
Kailangang sumakay ng mga yumao sa bangka na sinasagwan ni Charon. Pinababaunan sila ng
barya na ibabayad kay Charon at ng mga minatamis na tinapay upang ipakain naman kay
Cerberus, ang mabangis na asong may tatlong ulo na bantay ng daigdig ng mga yumao.

Mga Hayop sa Mitolohiya


Malaki ang ginagampanan ng mga hayop sa mitolohiya sapagkat pinayayaman ng
mga ito ang kuwento ng gayong panitikan. Sa ilang mito, gumaganap ang mga hayop
bilang mga tagalikha o iba pang uri ng diyos samantalang sa iba, ginagampanan nila
ang pagiging bayani o tusong kalaban. Sa maraming mito, gumaganap ang mga hayop
bilang katuwang o kakampi ng tao. Ipinakikita ring nagpapalitan ng papel ang tao at
hayop sa pamamagitan ng metamorphosis o ng kakayahang makapagbagong-anyo. Sa
ilang mito, ipinakikita ang ugnayang espirituwal ng isang tao sa isang partikular na
hayop, o ipinakikitang nagmula ang isang lipi sa isang hayop, o nagtataglay ng
kapangyarihan o mga kakayahan ng partikular na hayop ang isang tao. Maaari ring
ang isang tauhan ay bahaging-hayop, bahaging-tao, gaya ng centaur sa mitolohiyang
Griyego o ni Medusa na mga ahas ang buhok. Karaniwan, ang mga hayop sa
mitolohiya ay gumaganap na mensahero, tagabantay, o tagapangalaga. Maaari rin
namang maging mabalasik na kaaway, gaya ng hydra sa mitolohiyang Griyego na
isang ahas na may siyam na ulo na dumodoble lamang ang ulo sa bawat pagputol o ng
mga ibong Stymphalian na kumakain ng tao. Maaari ring maging banal na simbolo
ang mga ito, gaya ng pagiging sagrado ng baka para kay Hera at ng kabayo kay
Poseidon.
APOCALYPSE
Kung may mga mitong pumapaksa sa paglikha, may mga mito ring nagtatampok ng gunaw o ng wakas ng
panahon. Tumutugon ang mga mitong ito sa eskatolohiya o sa pag-aaral ng mga wakas. Ang mga mitong
pumapaksa sa apocalypse ay nagbibigay ng propesiya kung paano magwawakas ang mundo; inilalarawan
nito ang mga kagimbal-gimbal na pangyayaring magaganap kapag pisikal nang nawasak ang sansinukob.
Maaaring ang mitong ito ay naglalarawan ng pagkawasak ng mundo pabalik sa panahong walang kaayusan
o ng pagkawasak ng mundo upang bigyangdaan ang buhay na walang hanggan. May ilan din na ang
dahilan ng apocalypse ay upang linisin lamang ang daigdig at gawin itong mas magandang mundo. Ang
mga mitong pumapaksa sa apocalypse ay nagsusuri sa mga signos na nalalapit na ang wakas ng mundo.
Karaniwan sa mga signos na ito na naghuhudyat ng Armageddon, ang pagkakagulo-gulo ng lipunan at
pagkasira ng kalikasan. Nariyan ang pagkawala ng kabutihan ng tao; ang paglaganap ng karahasan,
pagsuway sa mga batas, at di matapos-tapos na digmaan; at ang pamamalasak ng mga kalamidad, gaya ng
tagtuyot, bagyo, pagputok ng bulkan, at lindol na nagdudulot naman ng laganap na kagutuman, kahirapan,
at mga sakit. Sa ibang mito, hudyat din ng wakas ng panahon ang pagdilim ng araw at buwan at ang
pagbagsak ng mga bituin. Maaari ring nagsusulputan na ang mga halimaw at demonyo kapag malapit na
ang wakas, at magaganap na ang isang huling digmaan sa pagitan ng mabubuti at masasama.

You might also like