You are on page 1of 2

Aliwin ang mga Tumatangis

Ang pagbasa sa bahaging ito ng ating panalangin ay nangyari matapos ang pagkakatapon
ng mga Hudyo sa Babylonia. Sa utos ni Haring Cyrus ng Persia ay pinahintulutang bumalik ang
mga tao sa Jerusalem sa Juda. Ang presensya nila Esdras at Nehemias ay nakatulong upang
buuin muli ang nasirang pader ng Jerusalem. Sa pagdating ni Esdras bago pa man maitayo muli
ang pader, nasaksihan niya ang pagsuway ng maraming Hudyo sa kautusan ng Panginoon tulad
ng pag-aasawa sa mga anak ng ibang lahi o kayay pagpapalitan ng mga ito, at hindi paggalang
sa Araw ng Pahinga o Sabbath.

Si Esdras ay nanalangin sa Panginoon at humingi ng kapatawaran. Buong tapang din


niyang ipinahayag ang pagtatama na dapat gawin ng mga tao. Si pagdating naman ni Nehemias
ay sinimulang buuin ang nasirang pader ng Jerusalem at siya rin ay nanalangin sa Panginoon
upang mapatawad ang pagkakasala ng mga tao. Nang mabuo na ang pader ay muling tinipon ni
Esdras ang mga tao upang ipahayag ang kautusan ni Moises na binigay ng Panginoon sa Israel.
Nang marinig ng mga tao ang mga salita ng Batas, sila ay nanangis. Ngunit sila ay
pinaalalahanan ni Esdras at ng mga Levita na huwag maging malungkot sapagkat lakas ang
kagalakan sa Panginoon, at araw ito ng pagsasaya.

Bilang pagtugon sa Kawanggawang Espiritwal na aliwin ang mga tumatangis, mula sa


ating pagbasa ay atin munang bigyang pansin na ang Batas o Kautusan ng Panginoon ay
nagbibigay ng kaligayahan na tanda ng kanyang habag.

(1) Ang mga batas o kautusan ay mga gabay sa ating pagkilos at pamumuhay. Nagiging
paalala ang mga ito upang tayo ay gumawa ng mabuti ayon sa kalooban ng Panginoon. Mayroon
tayong sariling kalayaan, ngunit hindi ito isang kakayanan o kapangyarihan upang gawin ang
anumang nais natin na labag sa plano ng Diyos. Ang ating kalayaan ay nagiging tunay kung ang
paggamit nito ay patungo sa kabutihan at tamang gawa na nais ng Diyos. Ang mga batas lalo na
ang Sampung Utos ng Diyos na ibinigay kay Moises ay bahagi ng paghuhubog sa ating mga
kaisipan, paniniwala, at paggawa. Sa pagsunod sa mga kautusan, nagkakaroon tayo ng
kaugnayan sa Diyos at tayo ay nagiging bahagi ng kanyang sambayanan na nagpupuri at
nagpapasalamat sa Kanya.

(2) Sa ating pagkilos ayon sa batas ng Panginoon, binibigyan tayo ng kaligayahan sa


ating buhay. Tuwing tayo ay gumagawa nang mabuti at tama, umaangat ang ating pagkatao, na
tayo ay nilikha ng Diyos ayon sa kanyang wangis at larawan na siyang kabutihan at
pagmamahal. Ang Diyos ay naipapakilala naman natin sa ibang tao sa tuwing tayo ay
sumusunod sa Kanyang kalooban. At ito ang magbibigay ng kaligayahan sa ating lahat: ang
presensya ng Diyos sa bawat isang sumusunod sa Kanya at sa mga utos niya. Kapag nadarama
natin na ang Diyos ay narito at kapiling natin, wala nang dahilan pa upang maging malungkot
sapagkat ang mismong Pinagmulan at Manlilikha ng lahat ay naririto sa atin.

(3) Bukod sa kaligayahan, ang mga Kautusan ng Panginoon ay isang tanda ng kanyang
habag sa atin. Ito ay pagpapakita na hindi tayo pinababayaan ng Panginoon. Hindi man natin siya
nakikita gamit ang ating mga mata, naipaparanas naman niya ang kanyang presensya sa bawat
pangyayari sa ating buhay, hindi man natin maunawaan agad kung bakit kailangang mangyari
ang ilan sa ating mga karanasan. Sa pamamagitan ng kanyang mga utos, pinapakita ng Diyos na
nais niya tayong maging masaya sa ating buhay, pag-iisip at paggawa. Nais niyang matuto
tayong kilalanin Siya at makita Siya rin sa ibang tao, kilala man natin o hindi. Ito ay pagpapakita
na may habag ang Panginoon para sa kanyang mga nilikha at hindi Niya tayo maaaring pabayaan
dahil Siya ay tunay na nagmamahal sa atin. Sa kabuuan, lagi tayong inaalala at ginagabayan ng
Diyos. Sa atin namang pagkakasala o pagsuway sa kanyang mga utos, tayo ay kanyang
kinahahabagan at pinapatawad sa tuwing tayo ay lumalapit sa kanya lalo na sa sakramento ng
pagbabalik-loob na siyang magbibigay-lakas sa atin upang patawarin din ang mga nagkakasala
sa atin.

Ngayong Natatanging Taon ng Hubileo ng Awa, inaanyayahan tayo ng ating Santo Papa
na maging tulad ng Ama sa pagpapahayag at pagpapakita ng awa sa iba pang nilikha lalo na sa
ating mga kapwa. Partikular na rito ang pag-aaliw sa mga nananangis. Ang mga tumatangis ay
maaaring tumukoy rin sa mga biktima ng karahasan, mga biktima ng mga pagkakasala ng ibang
tao laban sa utos ng Panginoon, mga taong hindi pinapahalagahan sa sariling pamilya, mga
batang iniwan ng magulang, mga taong emosyonal na nahihirapan mula sa kanilang mga
karanasan, at mga taong hindi maiahon ang sarili mula sa kahirapan. Tayo na mayroong
kamalayan at kaalaman sa mga ganitong mga sitwasyon ay hinahamon na tumugon nang tama
ayon sa ating sariling mga kakayanan. Binigyan tayo ng kakayanan ng Panginoon na
makaramdam sa pangangailangan ng iba o kayay ilagay ang ating mga sarili sa sitwasyon ng
ating kapwa. Naway gamitin natin ang ating kalayaan, kaalaman at kakayanan upang maibsan
ang lungkot dala ng mga pagkakamali at pagkukulang na ating nararanasan. Sa ating pagsunod
sa kautusan ng Diyos, hindi tayo mananangis bagkus ay magiging maligaya pa dahil ito ay tanda
ng kanyang habag at presensya.

Sa kabila ng kalungkutan sanhi ng mga nagawang pagkakamali, patuloy pa rin ang habag
ng Diyos na tumutulong upang maunawaan natin ang halaga at kagandahan ng mga kautusan ng
Diyos na mga gabay natin sa ating pag-iisip at pagkilos. At dahil sa biyaya ng habag mula sa
Diyos, tayo ay nagkakaroon ng pagkakataon upang makamit ang tunay na kaligayahan na
ibinabahagi ng mga taong nakakasama o nakikilala natin. Tayo rin naman ay nabibigyan ng
biyaya ng Diyos upang iparanas ang kanyang habag sa ibang tao. Sa pag-aliw natin sa mga
tumatangis ay pinapakita natin na ang ating mahabaging Diyos ay hindi nagnanais na tayo ay
maghirap bagkus ay maging maligaya sa buhay na kanyang regalo sa atin.

You might also like