You are on page 1of 2

Sampu Kasya Pa!

Kuha ni Noel Celis

Mistulang mga sardinas ang mga bilanggo sa selda ng lungsod ng Quezon City.
Ayon sa Komisyon ng Pagsusuri, pumapalo sa higit limang daang bahagdan ang
kasikipan ng mga piitan sa bansa. Ang suliraning ito ay dulot ng hindi maayos na
sistema ng mga kulungan sa bansa at labis na nakakaapekto sa pisikal at pang-isipang
kalagayan ng mga bilanggo.

Nagugunita ng tagpong ito ang imahen ng mga biktima na pilit ipinagkasya sa


mga pangkargamentong sasakyan noong panahon ng Holocaust. Matagal nang masikip
ang mga bilangguan subalit mas lumubha ito nang nagsimula ang programa ng
pamahalaan kontra droga. Bukod sa kakulangan ng mga kulungan sa bansa, limitado
rin ang bilang ng mga korte at mga husgado at mga tagausig ng mga kaso. Ayon kay
Dr. Nymia Simbulan na siyang direktor ng PHILRIGHTS, maaaring abutin ng hanggang
sampung taon ang mga huwisyo ng mga bilanggo.

Dagdag pa rito, may mga kasong maaari nang ayusin sa barangay ang
pinapaabot pa hanggang sa korte na nagdaragdag lamang ng bigat sa sistemang
panghukuman ng bansa. Ang kalagayan ng mga seldang ito ay isang panganganinag
ng magulong sistema ng ating katarungang pangkabuhungan. Gayunpaman, hindi ito
gaanong napagtutuunan ng pansin ng mga opisyal. Mula noong termino ni dating
Pangulong Gloria Arroyo ay mayroon ng mga repormang nakahanda ang Kagawaran
ng Katarungan hinggil sa pagresolba rito subalit ilang taon na ang lumipas at ni isa ay
wala pa ring naisasakatuparan.

Lalong napasidhi ng pagdami ng mga bilanggo ang sitwasyon sa mga kulungan.


Ang hangin sa loob ay mainit at puno ng naghalo-halong amoy ng mga pawisang preso.
Sa pagtulog ay nagsasalit-salitan na lamang ang mga bilanggo sa espasyong halos
hindi na mahulugan ng karayom. Giit ng isa sa mga preso, maski ang mga bahagyang
paggalaw ay maituturing na problema sapagkat maraming maaaring matamaad. Ang
pagsisikip ng mga kulungang ito ay nakakasama sa kalusugan ng mga preso. Maaari
itong magdulot ng mga sakit tulad ng tuberculosis, impeksyon sa balat, diarrhea at
sepsis. Dagdag pa sa mga kalbaryong pasanin ng mga bilanggo ay ang maruming
tubig, marungis na banyo at mababang kalidad ng pagkain.

Hindi lamang ang mga iyon ang kinakaharap ng mga nakakulong. Sa lubha ng
kondisyon sa mga kulungan, mayroong hindi nakakayanan ang mga hamon at
pagsubok dito. May ilang naaapektuhan ang pag-iisip at tuluyang nababaliw. May iilan
namang nagbibilang na lamang ng araw. Hindi rin maiiwasan ang pagkakaiba sa
pagkatao at pangangatwiran na maaaring magbunsod ng mga bangayan na maaaring
humantong sa karahasan at labis na pagpapahirap sa kapwa bilanggo.

Ang layunin ng mga bilangguan ay upang maging sentro ng rehabilitasyon


subalit imbes na makatulong, ito ay nagdaragdag ng labis na pasakit sa mga
nabilanggo. Nararapat lamang na dinggin ang mga daing ng mga bilanggo sapagkat
mayroon pang pangalawang pagkatataon na naghihintay sa kanila sa labas ng rehas.
Nakapanlulumong isipin na bagaman nabigyan ng kaakibat na parusa ang mga kriminal
na nakatayo, hindi nakakaranas at malaya pa ring nakakagalaw ang mga
makasalanang nakaupo. Kasabay ng mga kaparusahan, ang pagsulong ng modernong
penolohiya ay nakasalig sa pagwawasto ng sistema. At ang kasalukuyang kalagayan
nito ay nagmamakaawa ng pagwawasto.

You might also like