You are on page 1of 4

EBOLUSYON NG SALIGANG BATAS NG PILIPINAS

Ang larawang ikoniko ng Kongreso ng Malolos noong 1899; nilagyan ng kulay sa pamamaraang digital, sang-ayon sa
mga nakatalang salaysay at sa restorasyon ng Simbahang Barasoian para sa Sentenaryong 1998. Nakaupo sa gitna si
Pangulong Aguinaldo, samantalang nagbabasa ng isang dokumento ang isang ginoo sa kaniyang kaliwa.

Nagkaroon ng kabuuang anim na saligang batas ang Pilipinas mula nang Pagpapahayag ng Kalayaan noong
Hunyo 12, 1898. Noong 1899, kinatha at ginamit ng Unang Republika ng Pilipinas—na nagtagal mulang 1899
hanggang 1901—ang Saligang Batas ng Malolos, ang unang Saligang Batas ng Pilipinas.

Noong Pananakop na Amerikano, pinamahalaan ang Pilipinas ng mga batas ng Estados Unidos. Ipinasá ang
mga Batas Organiko ng Kongreso ng Estados Unidos para sa pangangasiwa ng Pamahalaan ng mga Isla ng
Pilipinas. Nauna ang Batas Organiko ng Pilipinas noong 1902 na nagbukas ng Asembleang Filipino na
binubuo ng mga mamamayang Filipino. Ikalawa ang Batas Pagsasarili ng Pilipinas noong 1916, na naglahok
ng unang pangako ng kalayaan ng Pilipinas. Nagsilbing saligang batas ng Pilipinas ang mga batas na ito
mulang 1902 hanggang 1935.

Noong 1934, nagpasa ang Kongreso ng Estados Unidos ng Batas Kalayaan ng Pilipinas, na nagtakda ng mga
hanggahan para sa pagbubuo ng saligang batas ng Pilipinas. Nag-atas ang Batas sa Lehislaturang Filipino
upang manawagan ng halalan ng mga kalahok sa Kumbensiyong Pansaligang Batas upang magbuo ng
borador ng Saligang Batas para sa Pilipinas. Natapos ng 1934 Kumbensiyong Pansaligang Batas ang gawain
nito noong Pebrero 8, 1935. Ipinása ang Saligang Batas sa Pangulo ng Estados Unidos para sa pagpapatibay
nito noong Marso 25, 1935. Sang-ayon ito sa Batas Kalayaan ng Pilipinas ng 1934. Pinagtibay ng mga
mamamayang Filipino ang 1935 Saligang Batas sa pamamagitan ng isang plebisitong pambansa noong Mayo 14, 1935, at naisakatuparan nang buo noong
Nobyembre 15, 1935 sa pagpapasinaya sa Komonwelt ng Pilipinas. Kasama sa mga probisyon nito ang pagpapanatili rito bilang saligang batas ng Republika ng
Pilipinas kahit naipagkaloob na ang kalayaan noong 4Hulyo 4, 1946.

Noong 1940, may binago sa 1935 Saligang Batas ang Asembleang Pambansa ng Pilipinas. Binago ang lehislatura mula sa asembleang unicameral patungong
kongresong bicameral. Binago rin nito ang haba ng termino ng Pangulon ng Pilipinas mulang anim na taon na walang reeleksiyon patungong apat na taon nang
may posibilidad na muling maihalal para sa ikalawang termino.
Binasa ni Jorge B. Vargas, Tagapangulo ng Komisyong Tagapagpaganap ng Pilipinas, ang mensahe sa Kalibapi sa harap ni Tenyente
Heneral Shigenori Kuroda at Ispiker Benigno S. Aquino, sa matandang Bulwagang Pansesyon ng Senado sa Gusaling Lehislatibo,
sa Maynila. Malamang na kinunan ang larawang ito noong Setyembre 20, 1943, nang inihalal ng Kalibapi ang mga kasapi ng
Asembleang Pambansa mula sa mga kasapi nito.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinawalang-bisa ng pamahalaang hawak ng mga Hapones ang Saligang Batas
ng 1935 at itinalaga ang Komiteng Pampaghahanda sa Kalayaan ng Pilipinas upang gumawa ng kapalit nito. Ginamit
ng Ikalawang Republika, at ni Jose P. Laurel bilang Pangulo, ang Saligang Batas ng 1943.

Sa pagpapalaya sa Pilipinas noong 1945, muling ibinalik ang 1935 Saligang Batas. Nanatili itong hindi nababago
hanggang noong 1947 kung kailan nanawagan ng pagbabago rito ang Kongreso ng Pilipinas sa pamamagitan ng Batas
Komonwelt Blg. 733. Noong Marso 11, 1947, nagkaloob ang amyendang Parity ng pantay na karapatan sa mga
mamamayan ng Estados Unidos at mamamayang Filipino upang linangin ang mga likas na yaman ng bansa at upang
pangasiwaan ang mga gamit na pampubliko. Mula noon ay walang nabago sa Saligang Batas hanggang sa ideklara
ang batas militar noong Setyembre 23, 1972.

Bago idineklara ni Pangulong Marcos ang Batas Militar, nasa proseso na ang isang Kumbensiyong Pansaligang Batas
upang may baguhin sa, o palitan ang, 1935 Saligang Batas. Tinapos nila ang kanilang gawain at ipinása ito kay
Pangulong Marcos noong Disyembre 1, 1972. Ipinasa ito ni Pangulong Marcos para sa ratipikasyon sa bungad ng Enero
ng 1973. Sapagkat nakikinita na niyang mabibigo ang tuwirang ratipikasyon ng saligang batas, naglabas si Marcos ng
Atas Pampangulo Blg. 86, s. 1972, na nagtatatag ng mga asemblea ng mga mamamayan na magtitibay sa bagong buong saligang bagas sa pamamagitan ng
botong Viva Voce na kapalit ng mga lihim na balota. Ipinahayag ni Marcos na napagtibay na ito at ipinapatupad na nang buo simula Enero 17, 1973. Bagaman
“pinagtibay” ang Saligang Batas ng 1973 sa ganitong paraan, nagpatuloy ang mga di-pagsang-ayon dito. Inilantad ni Punong Hukom Roberto V. Concepcion sa
kaniyang pananaw na salungat sa kaso ng Javellan v. Kalihim na Tagapagpatupad ang fraud na nangyari sa pagpapatibay ng 1973 Saligang Batas sa asemblea
ng mga mamamayan noong Enero 10-15,1973. Gayumpaman, ang naging pangwakas na pasya sa kasong ito ay na tama at ipinatutupad na ang pagpapatibay sa
Saligang Batas ng 1973.

Nagtalumpati si Pangulong Corazon C. Aquino sa unang sesyon ng Komisyong Pansaligang Batas ng 1986.

Nang naibalik ang demokrasya noong 1986, naglabas ng Proklamasyon Blg. 3 si Pangulong Corazon C. Aquino na
nagpapawalang-bisa sa ilang probisyon ng 1973 Saligang Batas, at pinalaganap na kahalili nito ang isang
pansamantalang saligang batas. Makalipas ang isang buwan, naglabas si Pangulong Aquino ng Proklamasyon Blg. 9,
s. 1986, na nagbuo ng Komisyong Pansaligang Batas na inatasang umakda ng bagong saligang batas na ipapalit sa
1973 Saligang Batas. Natapos ng komisyon ang gawain nito noong alas-12:28 n.u. ng Oktubre 16, 1986. Isang
Plebisitong Pambansa ang ginanap noong Pebrero 2, 1987, na siyang nagpatibay sa bagong saligang batas. Noong
Pebrero 11, 1987, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 58, ipinahayag ni Pangulong Aquino ang opisyal na pagkambas ng
mga resulta at pagpapatibay sa borador ng saligang batas. Nang araw ding iyon naipatupad nang buo ang Saligang
Batas ng 1987 sa pamamagitan ng panunumpa ng katapatan dito ng Pangulo, ng mga opisyal na sibilyan, at ng mga
kasapi ng Sandatahang Lakas.
PAG-ALALA SA ARAW NG SALIGANG BATAS
Sa bawat pagbabagong pansaligang batas na dinanas ng Pilipinas, naglalabas ng katumbas na pamamahayag upang ipagdiwang ang araw na sinimulang ipatupad
nang buo ang bawat saligang batas—maliban sa 1943 Saligang Batas.

Nilagdaan ng delegadong si Manuel Roxas ang Saligang Batas. Siya ang nangungunang kasapi ng Komite sa Estilo,
na kilala rin bilang ang Seven Wise Men [Pitong Madudunong], na nagkaroon ng mahalagang papel sa borador na
pangwakas ng 1935 Saligang Batas.

Si Pangulong Emilio Aguinaldo ang naglabas ng unang proklamasyon na nagdiwang sa bisa ng isang saligang batas
noong Enero 23, 1899. Sa proklamasyon na iyon, iniutos ni Pangulong Aguinaldo ang pagpapalaya sa mga bihag na
Español, na nasa ilalim ng pangangalaga ng mga puwersang mapanghimagsik ng Pilipinas, upang magsilbing tanda
ng pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas. Wala nang nailabas pang mga kasunod na proklamasyon dahil
sa pagsisimula ng Digmaang Filipino-Amerikano, at pagbagsak ng Unang Republika ng Pilipinas noong 1901.

Nang pinahintulutan ng Kongreso ng Estados Unidos ang pagbuo ng isang saligang batas para sa Pilipinas sang-ayon
sa Batas Tydings-Mcduffie ng 1934, itinatag ang isang Kumbensiyong Pansaligang Batas upang magbuo ng borador
ng saligang batas para sa Pilipinas, at natapos nito ang gawain noong Pebrero 8, 1935. Sa pagpapasinaya ng Komonwelt ng Pilipinas noong Nobyembre 15, 1935,
naipatupad nang buo ang bagong saligang batas. Makalipas ang isang taon, naglabas si Pangulong Manuel L. Quezon ng Proklamasyon Blg. 36, s. 1936, na
nagpapahayag sa ika-8 ng Pebrero ng bawat taon bilang Araw ng Saligang Batas, upang alalahanin ang pagkakabuo ng gawain ng Kumbensiyong Pansaligang
Batas ng 1934. Ipinatupad ang pag-alalang ito sa kabuuan ng Komonwelt ng Pilipinas at ng Ikatlong Republika, hanggang sa deklarasyon ng batas militar noong
Setyembre 23, 1972. (Inulit ni Pangulong Ferdinand E. Marcos ang orihinal na pamahayag ni Pangulong Quezon sa pamamagitan ng paglalabas ng Proklamasyon
Blg. 10, s. 1966.)

Bandwagon sa Referendum: Isinagawa ng botong Viva Voce ang referendum noong panahon ni Marcos na taliwas
sa kinasanayang Lihim na Pagboto sa Balota.

Noong 1973, matapos ang deklarasyon ng batas militar, pinalitan ng bagong saligang batas ang 1935
Saligang Batas, ang Saligang Batas ng 1973. Bilang pag-alala rito, binawi ni Pangulong Marcos ang
Proklamasyon Blg. 36, s. 1936 ni Pangulong Quezon sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1219, s. 1973 na
naglipat sa Araw ng Saligang Batas mula Pebrero 8 patungong Enero 17 ng bawat taon. Inaalala ng
pamahayag na ito ang araw nang pinagtibay ni Pangulong Marcos ang bagong Saligang Batas. Inalala ang araw ng Saligang Batas hanggang sa dulo ng
panunungkulan ni Pangulong Marcos, bagaman natabunan ito ng Proklamasyon na nagtatakda sa Setyembre 21 ng bawat taon bilang “Thanksgiving day,” ang
araw na nakalagay sa Pampanguluhang Proklamasyong Blg. 1081, s. 1972; gayumpaman, dalawang araw pa ang nakalipas bago naideklara ang batas Militar nang
ianunsiyo ito ni Pangulong Marcos sa buong bansa sa pamamagitan ng telebisyon.

Nang maibalik ang demokrasya noong 1986, pinalitan ang 1973 Saligang Batas noong simula ng isang saligang batas ng kalayaan, na kilala rin bilang Proklamasyon
Blg. 3, s. 1986, at saka ng kasalukuyan nating saligang batas, ang Saligang-Batas ng 1987. Naipatupad nang buo at ganap ang saligang batas na ito noong Pebrero
11, 1987, matapos ilabas ni Pangulong Corazon C. Aquino ang Proklamasyon Blg. 58, s. 1987. Kasama sa pamahayag na inilabas ni Pangulong Aquino ang mga
resulta ng plebisitong ginanap noong Pebrero 2, 1987.

Matapos ang pagpapatibay sa 1987 Saligang Batas, naglabas si Pangulong Aquino ng Proklamasyon Blg. 211, s. 1988, na naglipat sa pag-alala sa Araw ng Saligang
Batas mula Enero 17 patungong Pebrero 2 ng bawat taon—isang pamahayag na sinusunod pa rin hanggang sa ngayon.

Tinanggap ni Pangulong Corazon C. Aquino ang 1987 Saligang Batas mula sa Pangulo ng Komisyong Pansaligang Batas,
si Cecilia Muñoz-Palma.

You might also like