You are on page 1of 2

PANGARAP PARA SA INANG BAYAN

Ni KYLA ISABEL E. DIONEDA

Doon sa bayan kung saan ang araw ay suminag


Sa dakong silangan, kagandaha’y naaaninag
Ikaw ang perlas, siyang tunay na kumikislap
Bayang magiliw, tahanan ng pag-asa’t pangarap

Totoong ikaw ay mayaman, iyan walang duda


Mayaman sa tanawin, at kulturang kay ganda
Kapatagan, bundok, ilog, dagat at langit sa itaas
Kagandaha’y patuloy na pupuriin at kailanma’y ‘di kukupas

Di nakapagtataka, mga dayuha’y naakit sayo


Sa loob ng mahabang panahon, ika’y inalipin at inabuso
Subalit ang mga anak mo’y magigiting at matatapang
Dugo’t pawis ang inalay, mapalaya ka lamang

Mahabang panahon na ang lumipas noong ika’y lumaya


Paglaya sa dayuhan, sa gapos ng tanikala
Subalit, Ina, Kalayaan mo sa ngayo’y nakapagtataka
Multo ng nakaraa’y, tila kumakatok na

Kailanma’y hindi ikinahiya na ikaw ang kinalakihan


Bitbit ay pagpupugay, magpunta man kung saan
Subalit tagong pagmamalabis ay pansin, pati pananamantala
Noon ay ng mga dayuhan, ngayo’y ng mga anak mo na

Tiyak na hindi ito ang pangarap ng mga anak mo sa nakaraan,


Hangad nila’y Kalayaan, progreso’t, kasiyahan
Subalit sa ngayon, tila ito’y kinalimutan at pinabayaan na
Mga anak mo ngayo’y, tila wala nang pagkakaisa

Paumanhin kung ang puri mo’y naruruyakan sa ngayon


Ito parin ay sinamantala, sa paglipas ng panahon
Subalit, aking bayan, ang tiwala’t pag-asa’y nariyan pa
Na ang tiyak na kalayaa’y makakamit, pati pagkakaisa

Sa iyong matayog na bandila’y nangangako


Sa sinag ng araw at bituin, ito ay hindi mapapako
Puti, dilaw, pula’t asul, sa paanan ng watawat
Magiging susi sa pagbabago na nararapat

Minsan nang sinabi ni Pepe, “Kabataan ang pag-asa ng bayan”


Sa hinaba-haba ng panahon, tigilan na ang pagbubulag-bulagan
Wawasakin ang tanikala, tatapusin ang pananamantala
Pangakong pagbabago, ngayon ay sisimulan na
Pagkamakasarili ay isasantabi
Simula ngayo’y mangangarap para sa nakararami
Pagiging gahaman sa kayamana’y ititigil
Simula ngayo’y magmamahal nang hindi sisingil

Pipiliting payabungin ang puri mong nilanta ng panahon


Pinagmula’y ipagmamalaki, ipagsisigawan na ngayon
Hindi kailanman tuturingan ang nananamantalang taas-noo
Dahil saaming bukas ang mga mata sa katotohana’y magsisimula ang pagbabago

Pilipinas, aking bayan, tahanan ng aking pagkatao


Simula sa araw na ito’y mangangarap at magsusumikap para saiyo
Patuloy kang ipagmamalaki, aabutin ang ipinangakong pagbabago
Dahil kasama mo ako at ng isang daang milyong Pilipino!

You might also like