You are on page 1of 2

Activity: HUGOT SA KALIKASAN: An Open Slam Poetry Competition (Spoken Word Poetry)

Theme: Forests and Education


Date/Time: March 21, 2019 (9:00 AM)
Venue: Rawis, Legazpi (DENR V)
Title: Morir Es Descansar: Ang Pamamahinga ng Inang Kalikasan

“Adios patria adorada.”


Hindi ako isang bayani para bigkasin ang “Mi Ultimo Adios” ni Rizal sa aking paglisan,
Ngunit hayaan ninyo pa rin na ang mga huling salita sa planetang ito ay aking bitawan,
Oo, tama, sa planetang ito dahil ilang minuto na lang ang nalalabi bago ang pagpapatakbo,
Sa makina ng sasakyang pangkalawakan na ako mismo, isang Pilipino, ang bumuo,
Sasakyang magdadala saating lahi mula rito palibot sa walang hanggang uniberso,
Nang sa gayo’y tuluyang makaalis na sa mundong itinuring natin na pamanang paraiso,
Dahil sa panahon ngayon, taong 3200, ay nagmimistulang isa ng tigang na disyerto.

Kaya sisimulan ko sa linyang “¡Adios planeta adorada!”


o sa wikang Filipino, “Paalam, sinasambang planeta”,
Paalam dahil hindi na ganda ang bumubungad sa aking mga mata
kundi ang bakas ng mga pang-aalipusta,
Paalam palibhasa wala na akong mapapakinabangan pa:
ang mundo’y lasug-lasog, gamit na gamit na,
At paalam kasabay ng pamamaalam ng huling punong ipinunla
na humudyat ng pandaigdigang kamatayan na nagbabadya.

Sa aking pag-alis, dalawa lang ang isisilid sa isipan:


ang pagsisisi sa kasalukuyan at mga alaala ng nakaraan,
Isang nakaraang may mga damuhan pang kaysarap higaan
habang nakatingala sa asul na kalangitan,
Nakaraang may pista pa sa kapaligiran:
tugtugan ng mga hayop-ilang at sayawan ng mga ligaw na halaman,
At nakaraang may mga puno pang nagbibigay kasagutan
sa ‘di matapos-tapos na kagustuhan ng sangkatauhan,
Ilan lamang ito sa mga ala-alang nais kong balik-balikan
na mananatiling katha na lang, malayo sa katotohanan.
Tangkain mong lumabas at hindi ka makakaligtas sa katotohanang saiyo’y bubulagta,
Kaya sabay na lang nating lakbayin ang malawak na lupain ng ating minahal na bansa,
Simulan sa pag-akyat sa matarik na bulubundukin ng Sierra Madre
at tunghayan kung paano kinitil ng mga Pilipino,
Ang buhay ng bawat puno para lang maitayo ang mga gusaling hindi marunong yumuko,
Mamangha sa dakilang ambag ng pagmimina sa ating ekonomiya
ngunit huwag kalimutan ang kapalit na pagkasira,
Ng mga kagubatan na nagdulot ng malawakang pagbaha at pagguho ng lupa,
Sisirin ang pusod ng mga kagubatan sa Luzon at magtaka sa mga nagkalat na bala,
Ito’y mga bakas nang pag-agaw natin sa kalayaan ng mga magigiting na agila,
At ngayo’y isang simbolo na ng ating pagkadusta,
Ilan lamang ito sa mga senaryong iginuhit ng ating lahi,
ng lahing Pilipino sa kalikasan ng ating bayan,
Palibhasa’y tayo raw ang pinakamatalinong nilalang sa buong kalawakan.

Kung binigyang pansin ang mga siyentipikong tala ay


nagising sana tayong lahat mula sa pagbubulag-bulagan,
Kung mas pinaigting ang kampanya para sa kalikasan ay
wala sanang kukumpas ng mga kamay at lilisan,
Kung tumulong ang kabataan sa paglutas ng mga isyung pangkalikasan ay
may matatanaw sana silang magandang kinabukasan,
At kung matagumpay nating linilok sa isipan ng mga nauna
na tayo ay may isang planetang nararapat respetuhin, mahalin at bigyang aruga
ay hindi sana tuluyang nasira ang mga pamana ng ating Sinasamba.

Ngayong wala nang magagawa kundi iyakan ang mga panahong lipas na
ay kahit ngayon man lang ay gawin natin kung ano ang tama,
Buong hinahon nating isalong ang natitirang pag-asang mababago pa ang mundong sinira,
Kaya inyong pahintulutan na aking isamadla ang mga huling linya ni Rizal sa kanyang tula,
“Morir es descansar” - In death there is rest!
Dahil kasabay ng kamatayan ng ating planeta ay ang kaniyang pamamahinga.

You might also like