You are on page 1of 4

Kapwa: Ako, Ikaw, at Tayo

Sa dinami-rami nang mga hindi magagandang pangyayaring nagaganap sa ating

lipunan, mapagtatanto mo na lang na kulang ang mundo ngayon sa pakikipagkapwa.

Droga, panggagahasa, patayan, pagkitil sa sariling buhay, at kaguluhan, iyan ang

kadalasang laman ng balita sa tuwing manonood ako sa telebisyon; minsan pa nga,

normal na lamang sa atin ang ganitong problema. Sabi nga ng iba, hindi mo maaalis ang

ugat ng kasamaan, nandiyan na ‘yan simula pa lamang. Kaya naman, ang paksa sa

Sikolohiyang Pilipino na tumatalakay sa Kapwa ay isang magandang halimbawa ng

tubig na magbibigay-linaw sa lipunan na ating ginagalawan sa kasalukuyan.

Malinaw na nailahad ni Virgilio G. Enriquez na ang kapwa ang pundasyong ng

sikolohiyang panlipunan ng mga Pilipino. Ngunit, ano ba ang salik para maging

pundasyon ang kapwa? Ayon nga kay Henry Gleason ang wika ay, “masistemang

balangkas ng sinasalitang tunog na pinili at isinaayos sa paraang arbitraryo upang

magamit ng mga taong kabilang sa iisang kultura.” Kung magkagayon, kaya mas lalong

pinagtitibay ang relasyon sa pagitan ng kapwa ay dahil sa wika nito.

Hindi natin maikakaila na ang wika ang nagpapagalaw sa lipunan ng mga tao. Ito

ang nagsisilbing pundasyon ng kultura, sining, at maging ang kabihasnan ng isang

partikular na lugar. Mahirap unawain ang isang tao dahil magkakaiba ng pananaw sa

buhay ngunit gaano man kahirap ito, pinag-iisa ito ng wika upang mas lalo nating

Pahina | 1
makilala ang isang tao. Marahil ang iba sa atin ay may kani-kaniyang bersyon ng

pakikipagkapwa-tao ngunit iba-iba man ang ugali’y maikakahon pa rin ito sa kultura

natin. Gaya na lamang ng pagiging magiliw sa panauhin, likas sa atin ‘yan; kahit na hindi

natin gaano kilala ang isang tao, gagawa’t gagawa pa rin tayo ng paraan upang intindihin

at unawain sila.

Tingnan natin ang konsepto ng “Blood is thicker than water,” oo totoo ito. Talaga

nga naman na iba ang pakikitungo natin sa mga kamag-anak natin dahil likas sa atin na

kapag kadugo mo dapat mas angat o level up ika nga. Paano nangyari ito? Dahil kahit

may sarili na tayong pamilya nakadikit pa rin tayo sa unang pamilya na ating nakasama

nang matagal. Ang ating pamilya ang unang nakakita ng ating kahinaan. Sila ang unang

umunawa at umintindi sa atin. Paano nagkakaroon ng lamat sa pagitan ng magkamag-

anak? Simple lang, kulang tayo sa pag-uusap. Minsan pa, kung sino ang pamilya natin,

iyon pa ang hindi nakakilala kung sino talaga tayo. Wala kasi tayong sapat na

komunikasyon upang tunay na maunawaan ang kahulugan ng pakikipag-kapwa.

Kung titingnan din natin ang mga tambay sa kanto, hindi mo sila maunawaan

dahil iba sila sa ginagalawan mong mundo, pero kung kakausapin mo sila gamit ang

wika nila, makikilala mo kung sino talaga sila. Kausapin mo rin yung mga teller na

napakasusungit, alam kong ayaw mo sila kausapin pero, kailangan. Bakit gano’n na

lamang ang ekspresyon ng kanilang mukha? Hindi natin alam dahil hindi pa naman

natin naranasan ang umupo nang pagkatagal-tagal, makita ang iba’t ibang mukha, at

Pahina | 2
paulit-ulit na gawin ang mga bagay simula nang pag-time in nila hanggang sa pag-time

out nila. Ano ang pinupunto ko rito? Para lubos natin makilala ang kapwa, alamin muna

natin ang kanilang istorya. Hindi ko hinihikayat na danasin din natin, kundi, ilagay natin

ang ating sarili sa daang tinatahak nila.

Sabi nga nila, iba-iba tayo ng pinaghuhugutan sa buhay pero pinipili pa rin natin

na makisalamuha kahit ang iba’y hindi komportable sa ganitong lagay. Maraming

kaibigan ang nagsimula sa di – kakilala. Malalaman mo lamang na kaibigan mo na ang

isang tao kapag alam mo na ang kalakasan at kahinaan nito. Pero bakit marami pa rin

ang kaibigan na humahantong sa pagiging “kaaway?” Akala kasi ng ilan, na kaibigan

nang maituturing ang tao kung umabot na sa punto ng pakikisama; pero ang hindi nila

alam, kailangan pang dumaan sa pakikipagpalagayang-loob (unawain, tanggapin kung

sino siya talaga), pakikisangkot (makialam sa mga problema), at pakikiisa (makiisa sa

problema). Iyan ang kulang sa mga taong matagal nang magkasama ngunit

humahantong din sa pag-aaway.

Gaano ba natin kailangan ang kapwa? Kailangan na kailangan. Hangga’t maaari

nga araw-arawin natin ang pakikipag-usap sa kapwa dahil malaki ang naitutulong nito

sa kalusugan natin. Sa palagay ko kasi, marami ang gumagawa nang hindi magaganda

sa ating bansa dahil kulang na tayo sa pakikipagkapwa. Nabahiran na rin kasi ng birtwal

na mundo ang ating lipunan kung kaya’t hirap na tayong umintindi sa kapwa. Tulad na

lamang ng mga banggaan sa kalsada, minsan humahantong pa sa patayan. Bakit? Kasi

Pahina | 3
kulang tayo sa matalinong pakikipag-usap. Hindi na marunong ang ilan kung paano

makipag-usap.

Paano natin matatamo ang tunay na pakikipagkapwa? Kilalanin muna natin ang

ating sarili. Iyan ang magsisilbing gabay upang kilalanin ang ibang tao. Alamin natin ang

kalakasan at kahinaan natin, dahil sa atin nakasalalay kung paano tayo makikisalamuha

sa tao. Ugaliing kausapin ang sarili (hindi ito senyales ng pagkasira ng isip) dahil ito ang

magtatantsa kung ano ang mood natin sa araw na iyon, ito rin ang magpapakalma sa atin

kapag nasa punto na tayo nang pakikipagtalo. Kapag natamo na natin ang pag-unawa sa

sarili, matatamo na rin natin ang pakikipagkapwa sa ibang tao. Ayon nga sa palasak na

kasabihan, “Madali ang maging tao, mahirap magpakatao.” Unawaing mabuti ang

kasabihang ito, dahil ito ang magiging daan upang pakikipagkapwa ay matamo; dahil

ang kapwa ay magsisimula sa “ako” upang maunawaan ang “ikaw” na magbibigay-daan

sa kung ano ang tunay na kahulugan ng “tayo.”

April Joy L. Binolac

Pahina | 4

You might also like