You are on page 1of 1

SAN LORENZO RUIZ

Ang unang santong Pilipino ay si San Lorenzo Ruiz, na ang kapistahan ay Setyembre 28.
Siya ang unang Pilipino na protomartyr (unang martir na Kristiyano sa isang bansa o sa
hanay ng isang religious order). Siya ay na-beatify sa pagbisita sa Manila si St. John Paul II
noong Pebrero 18, 1981, ang unang beatification ceremony sa kasaysayan na idinaos sa
labas ng Vatican. Itinaas siya sa pagkasanto at na-canonize sa Vatican noong Oktubre 18,
1987, ni St. John Paul II rin. Tungkol kay San Lorenzo, sinabi ni St. John Paul II: Ang
pananampalataya at buhay para sa kanya ay magkasinghalaga at hindi napaghihiwalay. Ang
buhay na walang pananampalataya ay walang halaga. Pinatunayan niya na ang kabanalan
at kabayanihan ay para sa lahat.

Ang debosyon kay San Lorenzo ay laganap sa Katolikong Pilipinas at sa ilang bahagi ng
daigdig kung saan naka-display ang kanyang estatwa sa mga simbahan at kapilya at
nagdaraos ng mga misa at novena bilang parangal sa kanya, lalo na sa araw ng kapisyahan
niya. Ang selebrasyon ay nakasentro sa sinauna pang Minor Basilica at National Shrine ni
San Lorenzo Ruiz (Our Lady of the Most Holy Rosary Parish) sa Binondo, Manila kung saan
siya namuhay nang may kabanalan. Isang misa, novena, pagbabasbas ng mga deboto at
pagaalay ng mga bulaklak ay idaraos sa kanyang estatwa sa harap ng naturang simbahan.
Isinilang si San Lorenzo sa Manila noong 1600, sa ama niyang Chinese at inang Pilipina.
Naglingkod siya bilang sakristan sa Binondo Church kung saan aktibo siya sa Confraternity
of the Rosary. Natamo niya ang titulong “escribano” dahil sa husay niyang magsulat.
Ikinasal siya sa isang Pilipina nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki at isang anak na
babae. Inakusahan sa isang krimen, nagtungo siya sa Japan noong Hunyo 19, 1636 kasama
ng mga paring Dominicano, sa panahon ng nararanasan ng mga Kristiyano ang kalupitan sa
naturang bansa.
Inaresto si San Lorenzo at ang kanyang mga kasama, ikinulong, at pinahirapan.
Pinatutunayan ng mga dokumento na inalok sila ng mga Japanese ng ligtas na biyahe pauwi
kung isusuko nila ang kanilang pananampalataya. Tumanggi sila at piniling panatilihing
matapat sa kanilang relihiyon. Nagpatuloy ang pagpapahirap sa kanila kung kaya nauwi sila
sa kamatayan.
Noong Setyembre 27, 1637, binitay si San Lorenzo Ruiz sa kanyang mga paa, inilaglag siya
sa isang hukay sa Nishizaka Hill, Nagasaki. Pagkalipas ng dalawang araw ng pagdurusa,
namatay siya sa pagdurugo at kakapusan ng hininga. Na-cremate ang kanyang bangkay at
isinaboy sa dagat ang kanyang abo.
Ayon sa mga kuwento ng misyunerong Latino na ipinabalik sa Manila, idineklara ni San
Lorenzo bago siya namatay: “Ako ay Katolilko at buong pusong tinatanggap ang kamatayan
para sa Panginoon. Kung may sanlibong buhay ako, ang lahat ng iyon ay iaalay ko sa
Kanya.”

You might also like