You are on page 1of 2

MAGNILAY:

Anong tatlong dahilan para hindi ka makapasok sa makipot na pintuan o lagusan?

Una, masyado kang mataba. Siguro, sobra kang matakaw. Ang katakawan ay kakambal ng pagiging
makasarili. Laging sarili ang iniisip. Sarap, ginhawa at kabusugan para sa sarili ang umookupa ng iyong
oras, plano at layunin sa buhay. Sa madali't sabi, nagpapalaki ka lang ng tiyan. Ang labis na
pagkamakasarili ay hadlang sa pagpasok natin sa pinto ng tunay na kahulugan ng mabuhay. Ang buhay ay
pinagkaloob sa atin para ibigay rin sa iba. Sa pagbibigay ng sarili ang puso natin ang tumataba. Ibang uri
ng ligaya kapag tumataba ang puso hindi ang tiyan. Ang lumimot sa sarili para sa kapakanan ng iba ay
susi sa pinto na sa loob nito ay naroon ang Diyos.

Ikalawa, masyadong marami ang iyong dala. Mahirap makapasok pag sobra ang iyong bitbit. Minsan,
sobrang hulog ang puso natin sa mga bagay ng mundo. Nagiging alipin tayo ng mga alalahanin ng
mundo. Tagabitbit tayo ng maraming bagay na nagkukunwaring pangangailangan e hindi naman talaga.
Tuwang-tuwang ang mga bagay na ito kapag bitbit natin. Aliw na aliw sila kapag naaalipin nila tayo.
Hinahanap-hanap natin ang mga bagay na ito parang mga asong tumutulo ang laway. Hahamakin ang
lahat pati magandang prinsipyo sa buhay makuha lamang natin ang gusto natin. Pati Diyos ay limot na
dahil nabingwit na ng mundo ang puso't isipan natin. Ang hirap o imposibleng makapasok ang maraming
dala. Kailangan isa-isa natin itong bitiwan, iwanan at talikdan hanggang matutunan natin na simple lang
naman talaga ang kailangan natin. Ang nagpapalungkot sa atin ay ang maling akala na marami ang
kailangan natin o lahat dapat mapasaatin hanggang ibuhos natin ang lahat nating lakas. Pero nagigising
tayo sa katotohanan na hindi sapat ang lakas natin para maangkin ang lahat. Na hindi naman talaga natin
kailangan ang lahat. Simple lang ang kailangan. Kapag nasa sa atin na ang pinakamahalaga - ang Diyos -
wala ng higit na dapat nating hanapin pa.

Ikatlo, nag-uunahan tayo. Minsan kahit sa larangan ng pananampalataya nakikipag-unahan tayo upang
iwanan ang iba. At minsan hindi lang unahan at iwan, hihilahin pa palabas para ikaw ang makapasok.
Kapag wala kang pakialam sa iba, malamang-lamang ganoon ang magiging resulta - uunahan mo siya,
hihilahin mo siya at iiwan. Kaso ganoon din ang iniisip ng iba - uunahan ka, hihilahin at iiwan.
Nagsisiksikan tayo sa lagusan para mauna, manghila at mang-iwan. Sa pintong makipot, mahalaga ang
tulungan. Importante ang kolaborasyon. Hindi dapat mawala ang pag-alalay sa isa't-isa. Kailangan natin
ang iba para makapsok tayo. Kailangan tayo ng iba para makapasok din sila. Isa-isa, tulung-tulong, sama-
sama sa parehong layunin.
Halinang pumasok sa makipot na pinto ng kaligtasan sa pamamagitan ng pagwaksi sa pagkamakasarili,
pagbitaw sa mga hindi naman talaga kailangan at pakikipagtulungan sa isa't-isa.

You might also like