Professional Documents
Culture Documents
Sa bawat oras na nilikha ng Dios sa ating buhay, malimit ang ilan sa atin ay hindi
nababatid ang mga biyayang nakalakip dito. Mapaito man ay lantad na mabuti sa ating
paningin o hindi. Isa na rito ang matinding pagsubok na kadalasa’y inaari ng marami na
pakana ng Diyablo para hindi tayo magtagumpay. Ang higit na katotohana’y hamon sa
atin para sukatin ang ating katatagan at kung papaano natin ito bigyan ng kalutasan at
magtiwala sa kanya.
Oo nga’t karaniwan na sa atin bilang tao ang magkamali, masaktan o ano pa
mang taliwas sa dapat sana’y mabuting dulot ng paninindigan at inaasahan nating
hakbang sa kinakaharap natin na maaaring makakalutas o ikapapalalo nito.
Ito’y dahil madalas nabubulag tayo ng maling paniniwala kaya hindi nababatid
ang tunay na halaga ng mga bagay-bagay o pangyayari at mas mabibigyang pansin
ang lantad at tahas sa ating panangin tulad ng salapi at kapangyarihan-ang
pinakamalakas na kaaway ng tao. Ito ang gumaganyak sa atin para ihambing ang
sariling katayuhan sa buhay ng iba na malimit pinag-uugatan ng inggit at nagpapalala
sa damdaming makasarili na nag-uudyok sa karahasan o kasamaan. Dahilan para
daigin ang pagpapahalagang moral sa oras na nakararamdam o natatamo na ang
kabiguan.
Nag-uudyok para tanungin ang sarili, at bagabag sa pananampalatayang may
Dios at usigin ang pag-ibig nito sa atin bilang kanyang nilalang. Nagtatanong kung bakit
tayo hinahayaang nalulunod sa kanyang karagatan. Karagatan ng pagkaapi,
pagdurusa, karagatan ng kamatayan. Kung bakit kailangan na bawat haplos ng alon ay
yaring hampas na pangiting tinitiis, pagpupunyagi at kadakilaa’y ipinagkakait?
Ang katampalasanan at kasakiman ay nagiging pag-ibig kung minsan lalo na sa
mga nakapinid ang isipan kaya’t madaling nahuhulog sa huwad na anyo ng pag-ibig. Sa
maling layunin at pananampalataya nabibigo ang marami sa atin ay kadalasang ito ang
dahilan sapagkat nasisilaw tayo sa simbuyo ng pagkahambal at kinang ng
kasinungalingan.
Pag-ibig? Tama, sa pag-ibig nga! Hindi maikakaila ng marami sa atin- kung hindi
man lahat- na makapangyarihan ito. Ang masama’y ginagawang mabuti. Ang Mabuti,
minamasama. Ang tama ay inaaaring mali, ang mali’y tama kung usigin. Ang liwanag ay
dilim kung ariin at ang dilim minsa’y liwanag kung ituring. Ilan lamang iyan sa kayang
gawin ng pag-ibig kaya karaniwan na itong luklukan ng dahilan ng lahat.
Hindi lingid sa atin, lalong lalo na sa mga may sapat nang karanasan sa buhay
na may mga pagkakataon na nakararamdam tayo ng higit sa karaniwan para sa isang
tao na nakakasalamuha natin na minsa’y inaari nating pag-ibig. Nararahuyo tayong
manindigan dito dahil na rin marahil sa nakikita nating ipinamamalas na naaayon sa
batayan natin.
Sa kabila nito, hindi ba natin naisip na ang malaking posibilidad na ang layunin
natin ay maghanap lang ng pumuna sa ating kakulangan, dahilan para makalimutan
ang sama ng buhay na tinatahak o hindi naman kaya’y balingan lamang natin para
muling makita kahit saglit ang ulilang ngiti sa sarili nating mga labi… na ito ang dahilan
kung kaya sa kalauna’y magigisiing tayo o hindi kaya’y di maipikit ang mga mata dahil
ginigigiyagis na tayo ng pag-aalinlangan sa pag-ibig?
Ang damdamin ay nagbabago. Subalit hindi dahil wala kang nararamdaman sa
isang tao ay naggahak na ang pag-ibig. Kung ang pag-ibig ay isang pakiramdam
lamang, wala na sanang bagay ang nagtatagal. Ang pag-ibig ay nagiging manhid din na
kung minsa’y nakayayamot. Ito ang agad nating nakikita kaya tayo nagpapasyang
tumigil. Pagtigil na nagiging sanhi o bunga ng ating pagkabigo.
Ang kailangan lang ay maging matiyaga para mapagtagumpayan ito sa dahilang
ay pag-ibig ay buhay. Minsa’y nagpapailanlang ang galak na dulot nito at
pagpapahinga. Minsa’y dapat din nating maramdaman ang pait na dulot nito para
makita ang tunay niyang kahalagahan.
Ang pag-ibig ay binubulungan ng matamis na alaala ng kahapon, hugutan ng
pag-asa sa bukas at dahilan para mahalin ang buhay sa gitna ng malawak na
karagatan ng kahirapan at pagkabigo - kung pagninilay-nilayan lamang ang tapat nitong
layunin at kahalagahan.
Sa makatuwid bagay kung pipiliin nating magpatuloy hanggang dulo, saka
lamang natin matatanto ang tunay nitong kariktan. Ito’y nakasalalay kung paano natin
kakathain ang kakalasan.
Maraming anyo ang buhay. Malaya tayong pumili nito. Kung anuman ang ating
piliin hangga’t naayon sa katuwiran, ang buhay na yaon ay hindi mawawalan ng
kabuluhan. Ano man ang ating piliin, maging tama o taliwas sa kabutihan man ang
bunga kung bubulaying maigi’y walang ibang mapaglalaanan ng papuri o sisi kundi ang
ating sarili. Hindi ang pag-ibig, hindi ang suliranin o ang ano pa man.
Sa kabila nito, dumating man ang kabiguan, dapat hindi natin sinasayang ang
natitirang panahon at pagkakataon para sisihin ang sarili. Huwag magpatisod sa bawat
mali sa nakaraan at tumigil ang daloy ng buhay. Isipin ang lalong mahalaga na sa huli
ay dapat nating makamit o maranasan ang bukal na ninanais ng ating puso. Hindi para
itaya ang lahat kundi para ituwid ang likong landas, isipin na wala nang mas masaklap
na kabiguan ang dala ng taong takot sumubok kaysa magkamali. Ngunit dapat din
nating maisip na ang sobrang apagkakamali ay tulad ng lapis na nauubusan din ng
pambura. Sa oras nadumating ang pagkakataong yaon, panahin na siguro para tapikin
na ang sariling balikat at ibulong ang tunay nating kamalaian, pagbulayan ang dapat
nating matutuhan. Para matukoy natin ang tunay na adhika’t hangganan.
Tandaan na ang bawat araw na inilaan ng Dios ay sadyang hinubog para sa atin
na hindi ganap o perpekto para magkaroon ng kabuluhan ang pagsikat ng bagong
umaga.
Magpakatuto sa sarili, imulat ang nagbubulag-bulagang mga mata para Makita
ang nagapapangiti sayo na tunay… maraming kadahilanan para harapin ang bukas na
sa ating nakalaan Magmahal at ipagpatuloy ang buhay kahit masaktan… humalakhak
hanggang maluha. At kapag ang buhay mo’y nagniningning bago pumanaw, ngumiti ka
sa iyong napala, ngumiti ka sa iyong napagtagumpayan. Higit sa lahat, magalak ka sa
kung ano o sino ka pagkatapos ng lahat na may gabay at tulong ng Dios sa buhay mo
na puno ng makabuluhang paglalakabay at pagsubok.
WAKAS
PAKSANG DIWA: HIMIG DIWA NG PAG-IBIG
WAKAS
PAGKAKAIBA-IBA
WAKAS
Pagbubulay-bulay
WAKAS
NATUTO BA AKO?
Sa Math, natutuhan ko na ang buhay ay hindi laging perfect straight, perfect square, o
perfect angle. Sa buhay ay mayroon din pala’ng curves na ‘pag nadapa ka malaki ang pag-
asang tatawanan ka muna bago ka tulungan.
Natutunan ko sa Araling Panlipunan na ang teacher ay ‘di dapat galitin at baka mag-
Historical, ‘yun bang ipapaalala lahat ng kasalanan at pagkukulang mo.
Sa MAPEH natutuhan ko na ang buhay ay di lang puro laro. Minsan kailangan mo ring
sayawan ang buhay nang makaayon sa tugtog nito. Mapa- sintunado man ang kanta o
parehong kaliwa ang iyong paa.
Natutuhan ko rin na kung ang Filipino ay nakakatuyo ng utak, ang English naman...ang
nakakapagpatulo ng pulang sipon sa ilong.
T.L.E.? Ito ay isa sa mga paborito kong subject. Parang recess. Pagkakataon mo para
malasahan ang lahat. Maasim, matamis, mapait, mapakla, nakaka-umay, nakakasuka, sunog,
hilaw, malata, o over cooked. Mga sangkap ng buhay na sa ayaw mo’t sa gusto, kailangan
mong namnamin para ma-enjoy ito.
WAKAS
Ano’ng Minana Mo?
Renato Molina