You are on page 1of 2

CAHAMBING, Jhan Beryll F.

Replektibong Sanaysay
12 STEM – Benevolence

Pahinga

Isa sa mga inaasam kong panyayari sa aking buhay estudyante at maging sa karamihang tulad
ko ay ang makaranas ng Retreat kahit isang beses bago paman makapagtapos sa hayskul. Tila bang
hindi kumpleto ang aming karanasan bilang mag-aaral kung walang retreat na magaganap. Ngunit sa
awa ng Diyos, kamakailan lang ay nagkaroon kami ng Retreat sa huling taon namin dito sa
institusyon ng IHMA. Ito ang kauna-unahan at kahuli-hulihang Retreat na aming sasalihan kaya
espesyal ito para sa amin. Kung gayon, sinulit namin ang bawat sandali na matuto mula sa mga
makabuluhang aral na aming napulot at bumuo ng mga alaalang kailanma’y dadalhin naming
hanggang sa aming pagtanda.

Marahil, isa sa mga makabuluhang karanasan na aking natutunan sa Retreat ay ang


pagpapahalaga sa ating mga emosyon at ang pagpapadama nito sa ating kapwa. Bilang tao, hindi
maipagkakaila na bahagi ng ating buhay ang makaramdam ng emosyon sa ating sarili at sa ating
kapwa ngunit habang tumatagal, unti-unti nating binabalewala nalang ang mga ito. Sa panahon kasi
natin ngayon, nakaliligtaan nating maipadama ang ating emosyon at maramdaman ang damdamin ng
mga taong nakapalibot sa atin dahil tayo ay palaging abala sa maraming bagay na hindi na natin ito
natutuunan ng pansin. Pilit nalang natin itong tinatago sa ating sarili kung kaya’t marahan itong
natitipon hanggang sa ito’y mabigat nang dalhin. Nahihirapan tayong mailabas ang mga emosyong
bumabalot sa ating puso dahil hindi natin mahanap ang tamang oras upang maibitaw ang mga ito sa
mga taong nais nating ipinaparating. Bagama’t sa pamamagitan ng Retreat na ito, natunghayan ko
kung paano kami ipinagbuklod ng aming mga emosyon. Natunghayan ko na sa likod ng bawat tao ay
may kalakip na mga nararamdaman nais pumakawala sa labi nito.Napagtanto ko na mahalagang
maipadama natin ang ating nararamdaman sa ating kapwa dahil ito ay sumasalamin sa kahinaan ng
ating pagkatao. Isang patunay na minsan sa buhay, ayos lang ang maging mahina at walang masama
sa pagpapakita ng ating emosyon dahil sa ganitong paraan, mas nakiklala natin ang iba at ang ating
sarili Maaaring positibo man o hindi, ang lahat ng ito ay mahalaga dahil ito ang nagsisilbing
pagkakakilanlan natin bilang mga tao. Kapag tayo ay nagpapakita ng emosyon, nagiging malinaw ang
ating ipinaparating na intensyon at nagkakaroon tayo ng mas malalim na koneksyon sa mga taong
nakapaligid sa atin.

Bukod dito, ang Retreat ay nakatulong upang mas maintindihan ko ang aking sarili. Sa simula
palang, napansin ko agad ang tahimik at mapayapang kapaligirang nakapalibot sa aming
pinagtutuluyan. Ngayon ko lang muli ito nabatid dahil nasanay na tayo sa maingay at magulong
mundo. Nagbigay ito ng kapanatagan sa aking kalooban at natatanging kapayapaan mula sa mga
problemang bumabagabag sa aking isipan. Nagsilbi itong pahinga na lubos kong kinailangan sa aking
buhay . Napagtanto ko ang halaga ng katahimikan kung saan ikaw ay makapag-iisip nang malalim at
maunawaan ang mga bagay na importante sa aking buhay. Isang malaking hakbang ang mailayo natin
ang ating sarili mula sa mga teknolohiya sapagkat maaari itong maging balakid sa pagkakaroon
ngmakatotohanang koneksyon sa ating kapwa. Sa pamamagitan nito, nabibigyan ko ang aking sarili
ng oras na makapagmuni-muni at muling mapalapit sa kalikasan malayo sa ingay at mga kaguluhan.
Ang makalanghap ng sariwang hangin, ang makakita ng mga magagandang bulaklak at berdeng
tanawin. Lubos itong nakakapawi ng pagod at nakakakalma ng damdamin. Gayunpaman, nakatulong
ito upang mas pahalagahan ang kagandahan ng buhay at magpasalamat sa lahat ng mga biyaya na
ibinigay ng Diyos sa aking buhay. Ito’y nagsilbing paalala sa atin na huwag dapat nating kalimutan na
magpahinga kahit sandali pagkatapos ng isang mahabang araw upang mabigyang linaw ang ating mga
isipan. Huwag nating kalimutan na bigyang oras ang sarili kahit gaano man tayo ka-okupado sa ating
mga gawain.

Higit sa lahat, natutunan ko sa Retreat na ito ang kahalagahan sa pakikipagkapwa-tao. Ang


magpatawad at magmahal sa sarili at sa ibang tao. Ika nga sa ibang helyo ni San Mateo, dapat tayong
magpatawad sa ating kapwa hindi lamang isang beses, kung hindi ilang beses pa man kung
kakailanganin. Kung ang ating mahal na Panginoon ay kayang magpatawad sa atin sa likod ng
pagkamakasalanan, sino ba tayo upang hindi magpatawad sa ating kapwa? Bukod dito, hindi tayo
matututong magmahal sa iba kung hindi tayo marunong magpatawad sa kanilang mga nagawa. Ngunit
minsan, kahit sa pagsabi ng mga simpleng salitang “salamat, patawad, at mahal kita” ay hindi natin
magawa-gawa. Madali man itong sabihin subalit mahirap naman gawin dahil hindi ito lubos nating
sineseryoso at binibigyang halaga. Kaya napakahalagang bigyang katuturan ang mga salitang ating
sinasabi at karapat dapat lamang na sundan ito ng mga aksyon. Natutunan ko rin ang kahalagahan ng
pakikinig sa iba sapagkat ito ang paraan upang maunawaan natin ang isa’t isa. Sa pamamagitan ng
pakikinig, mas nakikilala natin nang lubos ang pagkatao ng bawat tao at nalalaman nating ang
kanilang mga karanasan at personalidad. Kung handa tayong makinig, magmahal at magpatawad, mas
mapabubuti natin ang ating pakikipag-ugnayan sa ating kapwa.

Ang aking mga karanasan sa Retreat na ito ay nagbigay sa akin ng pagkakataon upang
magkaroon ng sariling panahon na makapag-isip at matuto ng mga makabuluhang aral. Ang Retreat
na ito ay puno ng emosyon, magagandang alaala at makabuluhang aral na dadalhin ko sa buhay. Dahil
dito, maraming sugat ang naghilom at maraming pinagsamahan ang muling naibalik. Noong una,
hindi ko talaga alam kung ano ang inaasahan ko ngunit habang lumilipas ang mga araw ng aming
Retreat, natuto ako ng mga bagay na hindi ko inakalang matututunan ko na siyang aking babaunin
hanggang pagtanda.

You might also like