You are on page 1of 5

KAKAMBAL NG ISANG AWIT

Isinulat at Isinalaysay ni: Khryssdale S. Jacob


Sinasabi ngang ang buhay ng tao ay kapara ng isang awit sapagkat bahagi ng
bawat himig ang mga kaligayahang dapat gunitain, ang mga dusang kailangang tiisin,
mga luhang kay hirap pawiin at mga pagkakamaling dapat ayusin. Hindi natin
nauunawaan kung saan patutungo ang ating mga buhay at kung ano ang kabuluhan
nito sa simula, kagaya na lamang ng isang awit na hindi natin wari ang ganda hangga’t
hindi pa natin naaabot ang mga susunod na bahagi. Kung minsan, nangingibabaw sa
ating mga puso ang pagdurusa kung kaya’t nadadala tayo ng damdamin. Kung
ihahambing natin ang ating mga sarili sa liriko ng isang kanta na kung minsan gaano pa
man kaganda ang himig ay nakalilimutan natin, kalimitan din nating hindi natatandaan
ang mga taong tumulong sa atin upang bumangon mula sa ating pagkakadapa.
Gayunpaman, kung sa huling bahagi ng awitin ay inaasahan nating pumalakpak at
humiyaw ang mga manonood sa ganda ng pagkakakanta, ang pag-asa ay dapat nating
panghawakan sa panahon ng mga pagsubok dahil makatutulong ito upang tayo ay
magpatuloy.
Marahil nga ay kakambal na natin ang pagdurusa sa buhay; mula nang isinilang
tayo hanggang sa ating mga huling araw dito sa lupa ay hindi tayo makalalabas sa
siklong iyon. Kung ang Panginoong Diyos nga natin ay lubhang pinasakitan upang mula
sa kasalanan, tayo ay matubos, hindi ba’t kapuri-puri na kung ang bawat pagluha’t
hilahil natin ay iaalay natin sa Kanya? Mula sa mga karanasan (gaano man kabuti o
kasama) ay nagkakaroon tayo ng karunungan - isang kayamanang higit na mahalaga
kaysa ginto at matamis na bungang nanggagaling sa puso ng sinumang may takot sa
Maykapal. Kung sa biglang tingin ay mababaw at pangkatuwaan lamang ang aking mga
isasalaysay, palibhasa nga ang ilan sa aking mga karanasan ay mahirap yakapin at
intindihin, isang katotohanan ang batid kong dapat tanggapin: wala tayong dapat
punahin sa ibang tao kung sarili nating pag-uugali ay hindi natin kayang ayusin.
Ang pagkabasa ng papel sa isang tao ay hindi katulad ng pagkalugami ng ilang
puntos sa kalaban sa isang paligsahan o di kaya’y sa isang halalan kung saan
maraming tao ang nagkakandarapa, makamtan lamang ang katungkulan at
katanyagang kanilang pinipipithaya. Sapat na para sa isang tao ang manahimik at
ipasawalang-bahala ang pagpapakalat ng mga lihim na maaaring ikadungis ng kanyang
dangal upang tuluyang mamayagpag ang kabuktutan. Kaya naman ako ay kumatha ng
isang sanaysay nang sa gayon ay maipaalam ko sa lahat ang dusang mararanasan ng
mga kabataang iresponsable sa pagpapahayag ng kanilang mga saloobin (lalo na sa
social media) at hindi matalino sa pagpili ng mga taong kanilang pagkakatiwalaan.
Magsilbi nawang paalaala ang sulatin kong ito upang hindi na muli pang maulit ang
anumang madilim na yugto sa buhay na naranasan ko. Nararapat lamang na matuto
tayo mula sa ating mga pagkakamali nang sa gayon ay hindi na ito pa mangyari sa
hinaharap, gayon kung iibigin nating maging matatag mula sa mga iyon.
Magpahanggang ngayon, sa kabila ng mga kagandahang asal na itinuro sa atin sa
paaralan ay tila nanatiling taingang-kawali ang mga taong hindi makapagtimping
maging insensitibo sa kalagayan ng ibang tao. Ang kawalang-bahalang ito ang
pangunahing dahilan kung bakit nasisira ang pagkakaibigan, kahit pa ipagpalagay na
nating biruan lamang ito. Ang pagbibiro ay hindi masama kung tutuosin natin, lalo pa’t
may mabuting dulot sa kalusugan ang kasiyahan, subalit kung hindi ito makokontrol sa
puntong makalilimutan na ng isang tao ang kanyang mga limitasyon, dito na tayo sa
wari ko, magkakaroon ng seryosong suliranin.
Bagama’t dalawang taon na ang lumipas nang maganap ang mga ito, sariwa pa
rin sa aking mga alaala ang mga pangyayari na tila baga’y hindi sumasabay sa
paglubog ng araw ang bagay na ito. Ang kahinaan ay kalagayan ng pagiging isang
mortal at kakulangan sa kakayahan, lakas, o kasanayan. Tayong lahat ay may kahinaan
- isa itong bagay na hindi natin mababago. Kahit gaano ko pa pagsumikapang makuha
lahat ng nais ko, hindi pa rin mawawaglit ang posibilidad na mabigo sa huli. Isa sa mga
hindi malilimutang sandali sa aking buhay ang aking ibabahagi. Hindi lang sana ito
maging daan upang lalo pa akong makilala ng sinumang babasa, bagkus ay maging
inspirasyon din ang aking karanasan sa ibang tao.
Kilala ako ng marami bilang isang mag-aaral na hindi kailanmang nagpabaya sa
kanyang pag-aaral (na tila baga’y umiikot ang aking buhay sa pag-aaral at pagkatuto ng
iba’t ibang bagay). Pangarap ko kasing maging isang guro at magkaroon ng
magandang hinaharap kahit pa katamtaman lamang ang katayuan namin sa lipunan.
Sa bawat karanasan, sa mga taong nakikilala, mga lugar na napupuntahan at sa mga
tanawing nakikita ay palagi kong iniisip kung paano ako makakakalap ng mga
panibagong kaalamang maaari kong magamit upang makatulong sa aking kapwa sa
pamamagitan ng pagbabahagi ng aking mga kaalaman. Gayunpaman, hindi ko
masasabing nagtatagumpay ako sa lahat ng pagkakataon. Kung nais mong makamtan
ang isang pangarap, dapat handa ka sa anumang butas ng karayom na dapat mong
pasukin at nangangalit na karagatang dapat mong lusungin - mahirap lunukin ngunit ito
ang totoo. Isa sa aking mga kamag-aral noong ako ay nasa ikawalong baitang na
itinuturing kong katoto ang minsan ko nang napagsabihan ng aking sikreto dahil sa
palagay ko, isang paraan iyon upang maibsan ang sakit na aking dinadala. Buo ang
tiwala ko sa kanya sa pag-asang hindi niya ibubulgar kahit kanino ang aking lihim. Kahit
gaano pa kababaw ang bagay na iyon, anumang ipagkatiwala sa iyo, ingatang walang
sawa at sa mga tagubilin ay tumalima nang tiwala ng tao sa iyo ay huwag masira. Ng
mga panahong iyon, hindi ganoon kaganda, sa aking pananaw ang markang nakuha ko
sa isang gawaing-upuan sa Sipnayan. Medyo nakikiayon pa kasi ako sa kapaligiran ko
ng mga oras na iyon kung kaya’t hindi pa ganoon kalawak ang aking isip upang dagling
maunawaan ang anumang tinalakay ng guro. Hindi ko alam kung bakit pagkatapos ng
pagiging tapat kong kaibigan sa kanya ay nagawa niyang ipagkalat ang bagay na iyon
na alam kong ikahihiya ko. Hindi ito ang unang beses na ginawa ito sa akin ng aking
kaibigan. Ang una ay noong ako ay nasa ika-anim na baitang at noong ikapitong
baitang naman ang ikalawa. Bagamat pinasasaya niya ako sa tuwing ako ay pinupuri
kapag nag-uuwi ako ng parangal, hindi ko pa rin dapat ipasawalang-bahala ang
masusing pagkilatis sa kanya kahit pa simula pa noong 2011 (unang taon ko sa DWCL)
ay kilala ko na siya. Marahil nga naging hangal ako nang pansamantala sapagkat
binigyan ko pa siya ng pangalawang pagkakataon. Hindi na sana ako nagpabulag sa
mabulaklak niyang mga salita at matayog na wika dahil sa bandang huli, ako rin lang
naman ang lugi. Magkayon man ang nangyari, naniniwala akong katulad ng isang
eksperimentong maaaring pumalya sa una ngunit kailangan mong patuloy na sumubok
hanggang sa magtagumpay, makatuwiran lamang na buksan ko ang aking puso sa
pagpapatawad at muling pagtanggap sa kanya kahit hindi ako tiyak kung sa sandaling
ito ay tutupdin niya na ang kanyang pangakong hindi na muli pang gagawin ang bagay
na iyon.
Tayong lahat ay may kanya-kanyang kahon ni Pandora na dapat nating
pangasiwaan. Mainam kung ang mga ito ay ating pangangalagaan nang sa gayon hindi
ito mabuksan ng ibang tao. Ang pagkakamali ko sa aking buhay bilang isang anak,
mag-aaral, at sa iba pang aspekto ng kanyang buhay ay nakatatak na sa aking
katauhan at maaaring makapagpaliko ng aking landas kung hindi ako magiging
responsable pagdating sa aking pakikipagtalastasan sa aking mga kaibigan. Maaaring
sa mga panahong may nakapagbukas ng aking kahon ni Pandora, tuluyang
magbabago ang aking buhay. Ang hatol ay nasa sa akin. Kung pipiliin kong magpadala
sa takot ay talagang mawawasak ang aking pagkatao, ngunit kung iibigin kong matuto
mula sa mga pagkakadapang iyon ay hindi na marahil imposible kung ako ay
babangong masigla at matatag. Sa pagbangon mula sa kabiguan, hindi lamang luha
ang solusyon kundi isang malalim na pagtanggap at pag-amin sa sariling kamalian. Oo
nga’t bahagi at kaurali na ng ating buhay ang kalungkutan at pagkadapa subalit dapat
handang bumangon ang tao sapagkat mas mauunawaan niya ang buhay kung siya ay
babangong muli at matututo mula sa kanyang mga naging kamalian.
Sa isang awit nga talaga maihahambing ang buhay ng tao. Maaari itong maging
masaya katulad ng isang awit pambata, maluwalhati kagaya ng mga dalit sa simbahan
o malungkot katulad ng awit na kasabay ng bawat pagdiin sa piyesa ng organo kapag
may lamay. Panangga sa bawat kamalian at kabiguang darating ang pagnanais na
bumangon at wastong pagtingin sa buhay.

Walang saysay ang buhay na inaasahan nating nag-uumapaw ng kasiyahan at


walang halong pasakit. Sa bawat pagkadapa at kabiguan, natututo ang tao na maging
matatag sa kanyang paninindigan at may mga aral siyang mapupulot. Ang bawat aral
na napulot ko sa karanasang ito ay humasa sa aking buong pagkatao. Kung iniwasan
ko ang mga problema sa halip na harapin ito at nangibabaw sa akin ang takot na
bumangon sa isang kamalian, ako nga marahil ay isang talunan, talunang walang
natutuhan mula sa kanyang mga karanasan at hindi handang harapin ang panibagong
bukas.

Hindi ba’t tunay ang nasa kasabihan? Lalong nagiging matatag at determinado
ang isang mang-aawit kung siya ay humaharap sa mga suliranin at kawalang-pag-asa.
Kaparis nito ang bawat yugto ng buhay. Sa bawat sakit na nadarama, dapat matuto ang
isang tao na pulutin at hanapin ang mga bakas nito. Kailangan niyang harapin at
gawing hamon ang bawat pait sapagkat kung mas nanaisin niyang magtago, walang
patutunguhan ang landas na kanyang binabagtas. Sa kasamaang-palad, magiging
limitado ang kanyang buhay sa kanyang maliit na mundo. Matatakot siyang iangat ang
mga paa sa takot na ang kanyang mga hakbang ang makapagbalik sa kanya sa
kabiguang tinatakasan.
Wika nga ng mga nakatatanda, subukan mo nang subukan hanggang iyong
makamtan. Sa kawikaang ito, ipinapakita na ang pagbangon mula sa isang
pagkakamali o kabiguan ay isang gawaing marangal. Ito ay tuluyang
makapagpapabago sa takbo ng buhay ng isang tao at makapagpapaunlad sa buong
sangkatauhan.

Hindi masama ang magkamali—ang masama ay hayaan natin ang ating mga
sarili na patuloy na tuliro sa paniniwalang tapos na ang lahat sa atin. Puno ang buhay
ng mga bagay na hindi natin inaasahan. Malay natin, katulad ng kahon ni Pandora kung
saan napaalpas ang pag-asa matapos lumabas ang mga kamalasan ay nakatago sa
mga kabiguan ang isang bagay na tuluyang makapagpabago sa ating buhay at
magiging inspirasyon sa buhay ng ibang tao

Sa tuwing nagsasara ang isang kabanata ay may bagong nagsisimula.Kakabit


ng pamamaalam sa nakaraan ang pagsalubong sa kinabukasan. Kasunod ng
pagkalagas ay pagsibol, pagkatapos ng dalamhati, sumisilip ang pag-asa at ang bawat
pagwawakas ay nagbubunsod ng bagong simula. Hindi tumitigil ang pag-ikot ng mundo
at ang pag-inog ng gulong ng kapalaran. Ang buhay ay patuloy na pagbagtas mula sa
nakaraan at pagharap sa mga hamon ng kinabukasan. Ang bawat paggunaw ay
sinusundan ng paglikha. At sa bawat kamatayan ay may pagsilang kasabay ng mga
pangako ng buhay na walang katapusan. Padayon.

You might also like