You are on page 1of 8

REPLEKTIBONG SANAYSAY

- Replektibong sanaysay ay nangangahulugang pag-uulit o pagbabalik-tanaw.


- Isa itong uri ng panitikan na napapabilang sa anyong tuluyan o prosa.
- Ito’y isang masining na paraan ng pagsusulat na may kaugnayan sa pansariling pananaw
at damdamin sa isang partikular na pangyayari.

 Bunnz (2017) - ang isang replektibong sanaysay ay mapanuri, mapanuya, nagpapatawa,


pampolitika, pangkasaysayan, pampilosopiya, pampanitikan, panggunita,
pangkabutihang-asal at iba pang damdamin

LAYUNIN:

 matalakay ang natutuhan o maisapapel


 maipararating ang pansariling karanasan
 maipababatid ang mga nakalap na impormasyon
 mailalahad ang mga pilosopiya at karanasan

 Cruz (2002) - sumasagisag ang isang replektibong sanaysay sa pagbabatid natin kung ano
ang tema, ano ang estruktura at ano ang punto de vista ng sanaysay
Laban para sa Buhay
Lahat ng tao’y nangangarap magkaroon ng magandang buhay mula sa
kaapihan at kahirapan tungo sa pagbabago na hinahangad ng lahat. Paano
kung ang alam mong pagbabago’y kabaliktaran sa inaasahan mo.
Magpapatuloy ka pa ba o isusuko mo na lang ang lahat? Naranasan mo na ba
ang naranasan ko tungkol sa hamon ng buhay para sa pagbabago. Kung oo,
ikumpara mo ang karanasan ko sa karanasan mo kung ano ang pinagkaiba,
kung hindi, ipagpatuloy mo ang pagbabasa sa sanaysay na ito para alam mo
kung ano ang mga dahilan ng paglihis ko sa maling landas na kinahantungan
ng aking desisyon mula sa aking dinanas.

Mula sa pagiging walang muwang hanggang sa pagkakaroon ng isip ay


mas marami ang paghihirap kaysa kasiyahan sa maraming bagay. Naranasan
kong mainggit sa mga batang kumakain ng masasarap habang tinapay ang
aking hawak, umiyak ako ng di mabilang na beses dahil sa takot, nabalewala
ng maraming beses dahil sa hindi sapat na ipinaglalaban, ilang ulit na
nasaktan ang damdamin mula sa mapanghusgang kapaligiran, nasubukang
magpakamatay dahil sa nasagad na pag-iisip at magsawa sa paulit-ulit na
pangyayari sa buhay. Lahat ng ito’y parte ng ating pagkatao.

Madapa man ng ilang ulit-pipilitin ko paring bumangon, umiyak man ng


maraming beses-lilipas din yan, tanggihan man ng maraming beses-
magsisikap parin ako pero kung naisip kong wakasan ang aking buhay dahil
sumuko na ako-isa akong duwag na lilisan sa mundong ito ng walang
napatunayan. Ang mga ito’y kabilang sa hamon ng aking paglaki na naging
dahilan kung ano ang nararanasan kong buhay ngayon. Nang dahil sa mga
programa at palihan ng aming bayan at paaralan, ay naturuan ako kung paano
timbangin at solusyonan ang aking mga problema, natutunan kong pag-aralan
ang mga pangyayari sa aking kapaligiran, naiintindihan ko na ang aking mga
magulang, at kung paano ko itrato at makitungo sa mga mabisyo kong
kaibigan.

Ang mga natutunan ko’y nagdulot ng malaking pagbabago sa aking


sarili at sa ibang tao. Nagpapasalamat ako na kahit sa maliit na bagay naging
parte ako sa bawat taong makilala ko sa aking paglalakbay. Maging sa
natulungan kong kapwa ko kabataan na ngayon ay nakaiwas sa maling landas
na kanilang tatahakin ay naging inspirasyon ko sa buhay para magpatuloy na
tumulong sa paraang kaya ko. Ang mga ito’y mananatili sa aking isip at puso
kailanman.
Pamilyang hindi Perpekto
Ni G. Mark Janperson B. Datumanong

Hindi lahat ng may magulang ay masaya, hindi rin lahat ng buo ang
pamilya ay masaya. Ang karanasan ng isang tao ay tila isang matayog na
puno, ugat na nagsisilbing sanhi at mga prutas at dahon na nagsisilbing
bunga. Ang mga karanasang ito ay bahagi na ng ating buhay. Ito ay nakaukit o
nakatadhana na sa atin, na maaring magsilbing isang aral o isang kaloob.

Sa labingsiyam na taon kong nanatili at pakikibaka sa mundong ibabaw


masasabi kong ako ay parang nasa isang tulay ng lubid na walang ibang
hinangad kung hindi ang makarating sa dulo, balanse na tila balakid o
pagsubok na mas lalong nagpapahirap upang marating ko ang dulo.

Ang paghihiwalay ng aking ama’t ina ang karanasang kailan man ay


hindi mawawala sa aking isipan at kalooban. Naranasan ko ang buhay na
nakitira, makisimpatya sa ina ng aking mga pinsan. Naging miserable ang
buhay naming magkakapatid, na maging ugat dito din ng pagrerebelde ng
nakatatanda naming kapatid. Iniwan kami ng aming ina sa aming ama na
lulong sa droga nung mga oras na iyon. Halos hindi mawala ang sakit ng
aking kalooban sa karanasang iyon. Sa tuwing makakakita ako ng buo at
masayang pamilya sa simbahan o sa daan hindi ko maiwasang mainggit dahil
may ama at ina na gumagabay at nagmamahal sa kanila. Naranasan kong
mahinto sa pag-aaral dahil sa kahirapan at kawalan ng magulan na
gumagabay.

Isang makasariling magulang ang aking ama. Oo tama ang nababasa mo.
Wala siyang ibang ginawa noon kung hindi ang magpakasasa sa kanyang
adiksyon na sa amin ay nagbigay lamang ng pasakit at matinding paghihirap.
Ang tanging namumutawi na lamang sa kanyang isipan noon ay ang sariling
kasiyahan. Naaalala ko pa noon na sa tuwing magtatabi matulog ang aking
magulang ay nagtatabi ang aking ama ng kutsilyo sa kanyang unan na
nagsisilbing panakot sa aming ina. Gustuhin man ng aking ina itago ang
kanyang nararamdaman, subalit ito ay kumakawala at siya’y tila isang ibon na
sa piitan ay nananahan. Hindi man hayag sa aming magkakapatid ang balakid
sa kanilang relasyon subalit nararamdaman ko ito. Pinipilit kong tulungan ang
aking ama labanan ang balakid na ito subalit wala akong magawa.
Napakalakas ng enerhiyang ito at siya ring enerhiya ang unti-unting
sumisipsip sa pag-asa ng aking ama na makapagbagong buhay.

Ang karanasang ito ang nagturo sa akin kung paano umunlad hindi
lamang sa aking pangarap na nais matamo subalit nakaanib na rin dito ang
mga prinsipyo at impresyon na hindi na maiaalis sa aking puso’t isipan.
Anumang buhay mayroon tayo ngayon ay mula sa Poong Maykapal. Lahat ng
pagsubok ay may nakalaang solusyon. Isipin natin na walang perpektong
pamilya at kung naging masalimot o naging madilim man ang buhay natin sa
ngayon ay laging bukas ang ating pananaw na sa huli ay may nakalaang
liwanag para sa atin.
Ang Landas ng Manunubos
ni Kenneth Cruz

Karaniwang sagot ng mga bata sa tanong na "Ano ang gusto mo


paglaki?" ay ang maging doktor, at kung tatanungin pa kung bakit, ang
kanilang sagot ay: "upang makatulong at magamot ang mga may sakit".

Sa ating pagtanda, nagbabago ang ating pananaw ukol sa landas na nais


nating tahakin sa hinaharap. Ang iba ay pinipiling maging inhinyero,
karamihan ay gustong magtrabaho sa barko o di kaya'y maging abogado,
ngunit kapansin- pansin din ang rason sa pagpili ng landas na ito ay
nagbabago. Pumipili tayo ng trabahong may malaking kita o di kaya
maraming benepisyo. Sa kabilang banda, nakaliligtaan natin ang isa sa mga
pinakamahalagang aspeto ng pagsisilbi, at ito ay ang pagiging propesyonal
para sa kapwa at sariling bayan.

Habang pinapanood ang maikling bidyo tungkol sa mga doktor sa baryo,


pumasok sa aking isipan na sa panahon ngayon, masyadong pinapatrona ng
mga tao ang salapi at kapangyarihan. Hindi ko maikakaila na ako, bilang
estudyante, ay nabibihag din ng mga luhong ito sa paraan na hindi ko
nababatid, lalong lalo na ng mga maliliit na bagay. Naisip ko rin na tila
baliktad ang ating paglaki, dahil sa ating pagtanda ay nakalilimutan natin ang
tunay na esensiya ng paghihirap at pagsisilbi na isa sa mga konseptong
tinatalakay sa mababang paaralan.

Noon, nakatatak pa sa ating isipan na tavo ay mag-aaral at magtatrabaho


sa hinaharap upang makatulong sa ating mga kapwa, ngunit, unti-unti itong
nabura sa paglipas ng mga taon at ang kasalukuyan nating perspektibo ng
pagiging matagumpay ay ang pagiging makapangyarihan at pagkita ng
malaking salapi. Kung aalalahanin natin nang mabuti, ang tagumpay ay
nakabase hindi sa mga materyal na bagay kundi sa bilang ng mga ngiting
ating nabubuo at pasasalamat na natatanggap.

Mabigat para sa ating ang pagsasakripisyo ngunit, kung ating susuriin


ang pinagdaanan ng ating Tagapagligtas sa Krus, maituturing itong maliit
lamang. Tumatak sana sa ating mga isipan na responsibilidad nating
ipagpatuloy ang landas ng manunubos.
"Barrio Doctors"
ni Lehcar Cambe

Sa kasalukuyang panahon marami ang kumukuha n kursong medisina.


Ako ay isa sa mga estudyanteng nangangarap maging isang propesyonal na
dentista. Nangangarap tayo na magkaroon ng magandang hinaharap sa
kukuhanin nating kurso, magkasuweldo nang Malaki higit kaunti sa sapat
upang maging "stable" ang ating pamumuhay, at lalong lalo na sa pinansyal na
pangangailangan.

Sa panahon natin ngayon hindi tayo mabubuhay kung walang pera,


sapagka't ito na ang pangunahing pangangailangan ng bawat isa. Nagiging
mataas lang naman ang ating mga pangarap dahil sa paghahangad natin ng
magkaroon ng magandang buhay at magandang trabaho pero kung ang
pagiging makabayan ang pinag-uusapan, talo tayo; kung mayroon ba tayong
ipinapakitang dignidad o integridad pagdating sa ating propesyon o kursong
ginampanan, wala rin tayo. Paano naman ang ating mga mamamayan na
walang sapat na pera para magpagamot magpa-checkup? Kung ating iisipin
ang isang check-up ay kasinghalaga na ng isang linggong pagtustos sa pang
araw-araw na pangangailangan at gastusin.

Noong napanood ko ang maikling palabas na ipinakita ng aming guro,


naipakita nito ang sinseridad at debosyon ng mga doktor sa kanilang
propesyon. Naglaan sila ng panahon para mag-medical mission sa mga taong
may karamdaman; naipakita nila ang kanilang pagmamahal sa mga maysakit
sa pamamagitan ng paggamot ng libre.

Sa totoo lang, ako ay namangha sa kanilang ginawa, dahil sa panahon


ngayon bihira na lang ang mga doktor na gumagawa nang ganon. Marami
silang ginagawang sakripisyo at pagtitiis, ngunit ginagampanan pa rin nila ang
kanilang responsibilidad bilang isang propesyonal sa lipunan at sa Pilipinas.
Sila ang tunay na nagbibigay ng serbisyo sa mamamayan. Para sa akin, isa
silang inspirasyon sa nakararami dahil sa kanilang kakaibang kakayahan
pagdating sa kanilang trabaho.

Dahil sa napanood kong ito, nabuksan ang aking isipan na may mga
bagay na dapat kong gampanan para sa kapwa at hindi lamang sa pansariling
kaunlaran, at dapat din itong maging serbisyo para sa lahat at isaalang-alang
ang ikauunlad ng iba. Bagama't naghahangad ako ng magandang kinabukasan,
trabaho, at buhay ay palagi pa rin magiging bukas ang aking mga palad para
sa mga nangangailangan. Hindi ako magiging saradong tao; magiging tapat
ako sa aking trabaho at gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang
mabigyan ko ng serbisyo ang mamamayan na hindi kaya ang sariling gastusin
sa paggagamot. Hindi dapat laging pera ang iniisip at pinoproblema ng isang
tao dahil naniniwala ako na kapag gumawa ka ng taos-pusong kabutihan para
sa iba ay susuklian ka ng Diyos ng kakaibang kayamanan.

You might also like