You are on page 1of 1

Mga Paraan sa Pagpapaunlad ng mga Kasanayan sa Pag-aaral (Study Skills)

Paano ka nga ba magsisimula? Maaring itanong mo ito. Narito ang ilan sa mga paraan upang
mapagbuti ang iyong pag-aaral sa haiskul at nang matiyak ang iyong pagtatapos sa loob ng anim na taon.

1. Isulat mo ang iyong mga takdang-aralin sa iyong kuwaderno. Mahalagang isulat mo sa iyong kwaderno
ang iyong mga takdang aralin. Maari rin namang sa iyong notepad sa cellphone o sa iyong daily planner
ito isulat, tiyakin lamang na naitala mo ang mga ito nang kumpleto. Maaari mong ihanay ang mga ito ayon
sa itinakdang panahon o ayon sa halaga, tulad sa isang simpleng “to-do-list”.

2. Huwag kalimutang dalhin sa paaralan ang araling-bahay. Maaring simple ito sa iyong pandinig, ngunit
maraming mag-aaral na ang lumagpak dahil lamang sa nakalimutan nilang dalhin ang isang napakahusay
sanang artikulo, sanaysay o proyekto. Kailangang magkaroon ka ng isang espesyal na lalagyan para sa
iyong mga araling-bahay.

3. Makipag-usap ka sa iyong guro. Ang isang magandang ugnayan ay nakasalalay sa mahusay na


komunikasyon. Ang ugnayan ng guro at mag-aaral ay gayon din. Ang di-maayos na komunikasyon sa guro
ay maari ring maging dahilan ng mababang marka, sa kabila ng iyong mga pagsusumikap sa pag-aaral.

4. Magsaayos sa pamamagitan ng paggamit ng kulay. Gumamit ng sistema ng pagsasaayos gamit ang


kulay o color-coding upang panatilihing nasasaayos ang iyong mga takdang gawain at aralin. Maaring
magtalaga ng isang kulay para sa bawat asignatura. Halimbawa pula para sa Agham, berde para sa English.
Isang kulay lang ang gamitin para sa kwaderno, gawain, folder o pananda para sa bawat asignatura.

5. Magtalaga ng isang palagiang lugar para sa pag-aaral at paggawa ng araling-bahay. Dapat lamang na
angkop sa iyong pangangailangan at paraan ng pag-aaral ang napiling lugar. Mahirap matuto kung
maraming istorbo sa lugar ng iyong pag-aaral.

6. Ihanda ang iyong sarili sa mga pagsusulit . Ang paghahanda sa pagsusulit ay hindi tungkol lamang sa
pagsasanay para dito. Mahalaga rin ang kahandaang pisikal at pangkaisipan. Alagaan ang katawan,
matulog nang maaga at kumain ng sapat lalong lalo na kung may pagsusulit na pinaghahandaan.

7. Alamin ang iyong pangunahing paraan ng pagkatuto (Learning Style). Iba-iba ang paraan ng pagkatuto
ng bawat mag-aaral. Kadalasang nahihirapan ang mga mag-aaral na matuto dahil lamang hindi nila alam
ang paraan ng pag-aaral na katumbas ng kanilang paraan ng pag-iisip at pagkatuto. Ang mga tinatawag na
auditory learners ay natututo sa pakikinig.

8. Itala ang mga mahahalagang puntos sa pinag-aaralan sa kwaderno. Magtala ng mga mahahalagang
bahagi ng pag-aaral sa iyong kwaderno. Kung ikaw ay isang visual learner nararapat na higit na mas
detalyadong pagdodokumento ang iyong gawin.

9. Iwasan ang pagpapabukas-bukas. Kung madalas mong ipagpaliban ang iyong mga gawain sa pag-aaral,
madalas ay nagiging huli na ang lahat. Kung ipinagpapaliban mo ang paggawa, madalas dahil iniisip mo na
walang iba pang magiging suliranin sa iyong gawain o dahil to ay madali lamang gawin.

10. Alagaan mo ang iyong kalusugan. Bukod sa pagkain nang sapat, pagkakaroon ng sapat na pahinga at
pag-eehersisyo, kailangan mo ring isaalang-alang ang mga pagbabagong nagaganap sa iyong sarili.
Pakiramdaman ang iyong katawan kung kailan nito kailangan ang tamang paglilibang, tulad halimbawa ng
pagbibisekleta o pamamasyal kasama ang mga kaibigan.

Tayain ang Iyong Pag-unawa


1. Nagagawa mo ba ang mga imunangkahing paraan ng pag-aaral?
2. Anu-anong mga konsepto ang natutuhan sa binasa? Ipaliwanag
3. Bakit mahalaga sa tao ang nakapag-aral? Ipaliwanag.
4. Ano ang kapalit ng pagiging mangmang? Pangatwiranan.

You might also like