You are on page 1of 5

ANG KASALANAN NI CAIN

I
Katatapos pang nilalang ng Maykapal ang Sandaigdigan.
Bahagya pang sumusupling sa mag-asawang si Adan at si Eva ang mga kauna-
unahang bunga ng kanilang pagsasama sa ibabaw ng lupa… At ang lupang ito, na
katatapos pang nilalang ng Maykapal ay dinungisan na ng isang kasalanang kakila-
kilabot at kasuklam-suklam na higit sa bangis ng gabing lumilintik at higit na kasindak-
sindak at nakauulol na pangarap ng may pusong dulingas at sukab na akala.
Si Cain ay nagtaglay ng malaking pagkainggit sa kapatid niyang si Abel, at sa
kainggitang ito’y nagmula ang isang matinding kagalitan, hanggang sa siya’y dinayang
dinala sa ilang at doo’y… pinatay ng lilong kapatid na si Caing tampalasan.
Magbuhat noon ay maraming daan at libong taon na ang nakararaos. Gayunma’y
nalilimbag pa sa alaala at gunita ng mga tao’t mga bayan ang kasalanan ni Cain at dili
yata mapapawi’t mababaklas hanggang sa ang lupa ay lupa.
Magbuhat noon, magbuhat ng patayin ng kapatid ang kapatid sa hamak na kadahilanan
ay naghari at nag-ulol ang kasukaban sa balat ng lupa, at ang mga mata’y laging
lumuluha, at ang dugo ng kapatid ay laging pinababaha ng kapatid, at walang
namamahay sa mga kalooban kundi ang umalipin at dumaya sa kapwa din.
At si Cain ay isinumpa ng Diyos at iginuhit sa noo niya ang tanda ng darakilang
kasalanan. At magbuhat noo’y makapal na noo ang nagtataglay ng hamak na tanda…
Tunay ngang may lumitaw na mga bayani’t magagandang puso ang nangahas at
nangahas ding bumangon sa lusak ng madlang kapahamakan; at sukdang ikapanaw ng
tangang hininga ay pinukaw at ipinaaalala sa nangahihimlay na ang lahat ng tao ay
magkakapatid at magkakapantay, na ang nagiging dahil ng mga sakit, hirap, at
dalamhating walang katapusan ng Sangkatauhan ay ang mana’t manang kasalanan ni
Cain, na walang daang iba pa sa kaginhawahang laging hinahanap kundi ang tunay na
pagkakakilanlan at pagmamahalan ng magkakapatid at tunay na paglingap ng lahat sa
bawat isa at ng bawat isa sa lahat.
Datapwat kung ito’y tunay, tunay din naman na ang mga pusong lubhang angkan at
angkan pa sa kasamaan at katampalasanan ay bumalikwas na nagngangalit at walang
awang inawas ang mga pangahas na nagsisiwalat ng banal na matwid at magandang pag-
ibig na makapuputol ng lilong pagpapasasa sa dinayang kapangyarihan at ninakaw na
yaman.
II
Ngayon naman, kung ang mamasdang haharapin ng paningin ay ang mga
nangyayaring pinaglalagusan ng Katagalugan, ay! puso’y naiinis, nagsisikip ang dibdib,
at luha sa mata’y kusang umaagos.
Nakaririmarim na tanda ng kasalanan ni Caing isinumpa ng Maykapal, bakit nakaguhit
ka sa noo ng makapal na Tagalog, karugo at tunay kong kapatid? Diyata’t ikaw lamang
nga, ikaw ang magiging dahil kung kaya mananatili sa karukhaan at kutya ang
walumpung yutang katawan, kung kaya di magtatamo ng kinakailangan at minimithing
kalayaan ang walumpung yutang Tagalog, kung kaya mawawalan ng kabuluhan ang mga
pinuhunang pagod, panganib, at di-masaysay na katiisan at tiyaga, sampu ng libo-libong
buhay na pumapanaw ng mga bayaning nagbangon ng katwiran at puri ng lahat? O,
kasalanan ni Caing isinumpa ng Diyos! Ikaw ay muli naming isinusumpa sa ngalan ng
aming mga inang nananangis, sa ngalan ng madlang nagbabata ng lahat ng sakit at
katampalasanan sa kadakilaan mo! Kasalanan ni Cain, ikaw ay muli’t muli naming
isinusumpa nang walang katapusan!
III
Masdan ninyo iyong tao: Ang mga mata niya’y laging isinusulyap sa balang
masalubong; ang mga tainga niya’y laging nakikinig ng balang salitaan; ang mga bibig
niya’y laging nangungusap ng balang nalalaban sa kanyang isinasaloob at masasamang
budhi; sa baywang niya’y may natatagong isang lubid at isang rebolber na laan sa
kanyang mga kapatid. Iyan ang policia secreta, samakatwid tiktik, tiktik na sukab at
walang awa ng tampalasang panginoon.
SA MGA KABABAIHANG TAGA-MALOLOS NI JOSE RIZAL

Noong ika-12 ng Disyembre 1888, isang pangkat ng kababaihan ang iginiit sa


pamahalaang Kastila ang kanilang hangaring makapag-aral. Nang mabalitaan ito,
sinulatan sila ni Jose Rizal ng liham na naglalaman ng pitong habilin, na para sa kaniya
ay dapat magsilbing panata ng bawat Pilipina. Bilang pag-alala sa anibersaryo ng
pagkasilang ni Rizal, narito ang mga pagsasalarawan ng mga habiling ito. Kalakip ng
orihinal na mensahe ni Rizal na nasa lumang Tagalog ang bersyong isinakonteksto para
sa ating panahon.
“Unang-una. Nagiging taksil ang ilan dahil sa kaduwagan at kapabayaan ng iba.
“Ikalawa. Ang taong nagpapaalipusta ay kulang ng pagmamahal sa sarili at labis
na nasisilaw sa umaalipusta.”
“Ikatlo. Ang kamangmangan ay pagkaalipin; sapagkat kung ano ang isip ay
ganoon ang tao: ang taong walang sariling isip ay taong walang pagkatao; ang bulag na
tagasunod sa isip ng iba ay parang hayop na susunod-sunod sa tali.”
“Ikaapat. Kapag nagtago ka, para mo na ring hinimok ang ibang magtago rin,
dahil kung pabayaan mo ang iyong kapwa ay pababayaan ka rin naman; madaling baliin
ang nag-iisang tingting, pero mahirap baliin ang isang bigkis na walis.”
“Ikalima. Kung hindi magbabago ang babaeng Tagalog, hindi siya dapat
magpalaki ng anak, at sa halip ay gawing paanakan lamang; dapat alisin sa kaniya ang
kapangyarihan sa bahay, sapagkat kung hindi ay walang-malay niyang ipapahamak ang
asawa, anak, bayan, at lahat.”
“Ikaanim. Ipinanganak ang tao na pare-parehong hubad at walang tali. ‘Di sila
nilikha ng Diyos upang maalipin, ‘di binigyan ng isip para magpabulag, at ‘di biniyayaan
ng katwiran upang maloko ng iba. Hindi pagmamataas ang hindi pagsamba sa kapwa-tao,
ang pagpapaliwanag ng isip, at pagiging tuwid sa anumang bagay. Ang mapagmataas ay
ang nagpapasamba, ang nambubulag sa iba, at ang ibig panaigin ang kaniyang gusto sa
matuwid at tama.”
“Ikapito. Pagnilayan ninyong maigi kung ano ang relihiyong itinuturo sa atin.
Tingnan ninyong mabuti kung iyan ba talaga ang utos ng Diyos o ang pangaral ni
Kristong panlunas sa hirap ng mahirap, pang-aliw sa dusa ng nagdurusa. Alalahanin
ninyo ang lahat ng itinuturo sa inyo, ang pinatutunguhan ng lahat ng sermon, ang nasa
kaibuturan ng lahat ng misa, nobena, kuwintas, eskapularyo, larawan, milagro, kandila,
sinturon, at iba’t iba pang iginigiit, inihihiyaw at idinidiin araw-araw sa inyong loob,
tainga, mata. Hanapin ninyo ang puno’t dulo at ihambing ninyo ang relihiyon sa malinis
na relihiyon ni Kristo. At tingnan kung ang inyong pagka-Kristiyano ay kapareho ng
inaalagaang gatasang hayop o kaya ng pinatatabang baboy, na pinatataba hindi dahil sa
pagmamahal sa kaniya, kundi upang maipagbili nang mas mahal at nang lalong
pagkakitaan.”
PAHAYAG NG AGOSTO 1897

Ngayong pinasisimulan namin nang buong kasayahan ang ikalawang panahon ng


amng pagsasakit, mula sa mga kabundukang ito na kailanma’y siyang nag-aalay ng
dalisay na pananalig sa aming kalayaan at paghiwalay sa Espanya ay aming ipinupukol
ang hiyaw ng aming pagtawag sa lahat ng mga nakararamdam sa kanilang dibdib na ang
tumitibok ay matitining na puso, sa lahat ng taong may bait at puri, may dangal at lupang
tinubuan.
Hindi kami natangi ng mga lahi. Tinatawagan namin ang lahat ng may iwing puri at
pamahalaan ng isang may paglingap sa kanyang bayan. Gayon ang Katagalugan, para ng
taga-Asia, Amerika, o Europa, tayong lahat ay nagdurusa; at lahat ng nagsisipagdusa ay
aming inaanyayahang ibangon ang isang bayang inilugmok, pinasakitan, isang Inang
Bayang minunglay at itinulak sa putik ng kaalipustaan. Hindi namin inililisan ang
sinuman kahima’t Kastila, sapagkat may mararangal na Kastilang nakikiramay sa aming
hukbo na walang mga ligalig ang kalooban at sukat sa kanilang pagkamagalang sa
katwiran ay ipinagtatangkilik ang aming karaingan, karaingang damayan baga ng mga
maykaya at wagas na kamahalan.
Mangagsipanandata kayo, mararangal na puso, mangagsipanandata kayo! Siya na ang
mga pagtitiis!
Ang Katagalugan ay hinila sa kaalipinan. Ang Inang Bayan ay tinatangisan ang
pagkapalungi ng kanyang mga anak.
Masdan ninyo ang ating mga sambahang dinungisan ng mga kahalili ni Hesukristo na
ang mga lalong kagalang-galang na kasangkapan ay ginawa lamang masisibang sisidlan
ng kanilang gawang pangangalakal sa pangalan ng Diyos. Walang bahala sa kanilang
pinanumpaang karalitaan, kagandahang ugali, at sa kalinisan ng lahat, ang mga Prayle ay
salapi lamang ang tinitingnan nang makapagbinyag, makapagkasal, at makapaglibing sa
mga bulaan na di nananalig sa isang Diyos na tunay. Ngunit labhasain o lamunin ng mga
uwak ang mga Tagalog na walang pilak. Sukat ang mayayaman lamang ang
pinagbiyayaan ng dalangin at katawan ni Hesukristo.
Masdan ninyo ang ating mga tahanan. Ang kanilang mga haliging bato at lupang
dinilig sa pawis ng ating mga magulang ay pinag-aagawan lamang niyang mga Prayle na
walang kinikilalang kautusan kundi ang kapangyarihan ng kanilang kalooban. At
matatapang nang magnakaw ng mga bunga ng ating kapagalan samantalang isinisigaw
nila ang kanilang panatang pagpapakarukha at pag-iingat ng katawan laban sa kahalayan.
Ay ng isang mag-anak na may itinagong anumang yaman! Ay ng inang may alagang
isang bulaklak na may kagandahan! Karaka-raka nganing ikapagiging sanhi lamang ng
mga luha ng pagpapahamak ng puri at pagkatapon ng mga walang salang magulang at
kapatid.
Tingnan ninyo ang katwiran na yinuyurakan at ginagawa munang kagila-gilalas na
pandaya bago sa ikapagtatanggol ng Katagalugan. Saan-saanma’y ang pagbabala at ang
pagpapasuhol. Ang mga pinuno sa bayan-bayan ay hinamak at niwalang-halaga. Ang
pangangalaga sa bayan at ang mga kayamanan ay sinila ng kalupitang-asal at kasakiman
sa tubo’t tubong pangangalakal. Sa pamahalaan at sa mga ganapan ng katungkulan ng
mga matataas na pinuno, na doo’y hinahalay lamang ang mga Tagalog, ay naghahari ang
kasawian; at pinapagbubuhat ay katibayan ng tao hindi sa talagang katwiran kundi sa
walang saguting kalooban ng alinman sa mga pinuno. Ang lisya at kabulaan ang itinuturo
sa kalahatan; sa may bahay-aralan at tagakalat-balita sa araw-araw ay ang lubos na
kasukaban; saan-saanma’y ang kamangmangan, ang kadustaan, ang gawing masama, at
ang kasiraan.
Walang halaga ang mga tapat sa suplong ng mga sumbong; ang mga karaingan ay
pawang kaalipustaan ang tinamo lamang. Ano ang ginawa sa ating mga matwid na
kahingian na alisin ang mga Prayle dito sa lupang Katagalugan? Ano ang ginawa sa ating
gunamgunam at pagmamatwid na ipinahayag upang magkaroon ng pinakakatawang
bayan itong Katagalugan na maitututol baga ang kanyang balang tapat na maibig sa mga
kapisanan ng mga katawang-bayan sa Espanya? O karunungan at katotohanan! Ang mga
nagsisihingi ng ampon sa katwiran, lahat ay isinadlak sa bibitayan o sa pagkatapon. Siya
na ang mga kahalayan! Mangagsipanandata kayo, mga kababayan! Mangagsipanandata
kayo, mga kapatid!
Magiliw sa kagalingan ng lahat, nilalayon namin ang kaluwalhatiang magkamit ng
kalayaan, ang sariling kapangyarihan, at ang kapurihan nitong Inang Bayan. Ninanais
namin ang isang kautusang yari sa kalooban ng tunay na mamamayan, na maging
katibayan at pitagan sa kanilang lahat na walang ililisan, kahiman at sino.
Nagnanasa kami ng isang pamahalaang magpapakilala ng mga buhay na lakas ng
isang bayan at doo’y mangangasiwa ang lalong may karapatan, ang lalong may mga puri
at matalinong pag-iisip, na di titingnan dukha man o mayaman man at ang lahing
pinanggalingan.
Ninanais namin na dito sa Sangkapuluan ay huwag may matuntong kahit isang prayle,
huwag may manatili kahit isang kumbento, kahit anumang tahanang makasisira, kahit
alinmang mga kaibigan niyang mga pusong naugali na ng mga Prayle na itong lupang
Katagalugan ay ginawang pangalawang Espanya ng kanilang mapang-usig na kalupitan.
Sa aming hanay kailanma’y igagalang ang kaayusan.
Sa ilalim ng aming bandila, ang katwiran ay siyang mamamahala magpakailanman.
Kaming mga tunay na anak ng kalayaang inagaw sa amin ng malaking
katampalasanan ay aming itatanghal sa Sansinukuban na kami’y nararapat magkaroon ng
isang sariling pamahalaan, isang sariling Inang Bayan gaya ng kami’y mayroong isang
sariling wika.
Ipinagtatanim namin ang pangalang kalait-lait na ipinalalayaw sa amin ngayon ng
aming mga kaaway. Kami, ang mga tapat na anak na walang lingon sa aming buhay at
kayamanan, sa mga kaginhawahan at lahat ng kapansanan, ay ipinagkakaloob namin ang
aming dugo sa kagalingan ng Inang Bayan, sa kapayapaan ng aming mga kababayan, at
sa ikaliligtas sa kaalipinan ng aming anak.
Mabuhay sa kalayaan ang Katagalugan!!!

You might also like