You are on page 1of 10

Wikang Filipino: Wika ng Kaunlaran

Ikinalulugod ko ang pagkakataong ibinigay sa akin na makadaupang-palad ang mga

namumuno, mga guro at mga mag-aaral ng paaralang ito. Higit, ay isang malaking oportunidad

na makapagbahagi ng isang maliit na kaalaman sa inyo, lalo na sa mga guro ng wika, mapa-

Filipino man o mapa-Ingles para maipakita ang mahigpit na ugnayan ng dalawang wika, at ang

mga ambag ng dalawang lenggwaheng ito sa pag-angat ng ating pambansang wika bilang

wikang panturo para sa paghubog ng kaisipang mapagsulong ng ating mga mag-aaral. Layunin

ng papel na ito na talakayin ang lawak ng kapangyarihan at lalim ng tinagos ng Wikang Filipino

sa iba’t ibang aspetong panlipunan, gayundin sa iba’t ibang disiplina ng karunungan; at ang mga

hamong iniiwan nito sa kamay natin bilang may malaking papel na ginagampanan sa akademya

sa lalo pang pagpapatatag ng posisyong pangwika ng Wikang Filipino.


Matagal-tagal na rin ang panahon mula ng magkaroon tayo ng isang wikang pambansa na

ipinahayag ni dating pangulong Manuel Luis Quezon nuong 1937 na pinaniniwalaang niyang

siyang naghudyat para maging isang ganap tayong bansa. (Insert lecture: Timeline ng

Pambansang wika: Tagalog-Pilipino-Filipino). Ang katuparan ng paggamit ng wikang Filipino

ay ang kapangyarihang ibinigay natin dito sa bisa ng kautusang tagpagpaganap na mababasa sa

ating konstitusyon na nakasaad sa Artikulo XIV, Seksyon 6 :

Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat


payabungin (further developed) at pagyamanin pa (shall be enriched) salig sa mga
umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika.

Maganda ang naging pagsusuri at mga mungkahi ni Almario (2015) sa nilalaman ng

artikulong ito. Aniya, “tahas “ ang tadhana ng konstitusyon—Filipino ang wikang pambansa.

Ngunit, idinagdag din niya na nakakalimutang paglimiang mabuti ang ikalawang pangungusap

kung saan isinasaad nito ang ating tungkulin bilang mga mamamayan ng Pilipinas para sa
ebolusyon ng Wikang Filipino. Una, marapat na bigyang pansin ang salitang payabungin. Tulad

ng isang batang halaman, paano nga ba ito yumayabong? Hindi ba’t nangangailangan ito ng

maingat na pag-aalaga para lumaki, maging matatag at kalaunan at magbunga upang

mapakinabangan ng may-ari? Ganuon din ang wika natin. Magagawa ang pag-papaunlad na ito

sabi ni Almario sa pamamagitan ng language development o pagpaplanong pang-wika—mga

tiyak at batayang gawain para palaguin ang buhay na wika. Mahalaga ang pagpaplanong

pangwika (Fishman, 1979) at dapat pagtuunan ng pansin, panahon at pag-aaral upang

episyenteng magamit ng mga taong kabilang sa isang lipunan. Ang pagpaplanong pangwika ay

pagpapakilala ng mga huwarang teorya at praktikal na pagkaunawa natin sa maraming bagay na

may kinalaman sa ating pambansang wika. Ilan sa mga mahalagang kaisipan na makukuha sa

pagpaplano ng wika ay upang makapagpasya/makapili kung anong wika ang gagamitin;

malinang at mapaunlad ang wikang napagpasyahang gamitin; mabalangkas ang mga patakaran

ukol sa paggamit ng wika; Pagsasagawa ng wika at ang pagpapahalaga sa wika. Nasaang bahagi

na ba tayo sa pagpaplanong pangwika? Nagawa na natin ang ilan sa mga ito. Una, ay

nakapagpasya na tayo kung ano ang lingua franca ng gagamitin natin bilang mga mamamayan sa

pakikipagkomunikasyon; at ito nga ay ang Wikang Filipino. Malaki na rin ang naging tagumpay

ng wikang Filipino dahil sa istandardisadong wika na ito sa Pilipinas (ginagamit, tinatanggap ng

lahat). Nakapagbalangkas na rin ang KWF ng mga tuntunin ukol sa wika.


Resulta ng pagpaplanong ito ang paghahangad na magkaroon ng elaborasyon sa paggamit

ng ating wika. Ang elaborasyong pangwika ay ang proseso ng pag-unlad at pagbabago ng

istruktura at gamit ng wika, kagaya ng pagbabago ng ispeling –may mga salitang nagbabago ang

anyo o mga tuntunin na kailangan nating tanggapin dahil na rin sa pagbabago ng panahon. Ayon

kay Zafra (2005), mahalaga na mapag-aralan kung bakit naipasok ang 8 hiram na letra sa ating
alfabetong filipino mula sa orihinal nitong bilang na 20. Nuong 1987, naging limitado lamang

ang tuntunin sa pagbabaybay gamit ang mga hiram na letra :


1. katutubong salita mula sa iba’t ibang wika ng Pilipinas;
2. salitang pang-agham at teknikal;
3. mga simbolong pang-agham
4. mga salitang Ingles at iba pang banyagang wika na hinihiram sa orihinal na anyo.
Kaugnay ng panghihiram ng 8 titik, itinuturing ni Zafra na ito ay pinakamatingkad na

manipestasyon ng modernisasyon at intelektwalisasyon ng Filipino. Kung bakit, matatagpuan

ang kasagutan nito sa isang pag-aaral na isinagawa ng SWP nuong 1976 para sa pagrereporma ng

ispeling na pinamagatang “Modernisasyon sa Alpabeto ng Wikang Pambansa”. Lumalabas sa

kanilang pag-aaral na ang “abakada” ay ‘nakapagpabagal sa kakayahan ng pambansang wika na

makaabot sa tugatog ng pag-unlad at paglaganap’ at hindi naging sapat ang dating bilang ng mga

titik upang iangkop sa malawakang impluwensya ng mga dayuhan at katutubong wika kaya

napagpasyahan ang panghihiram ng mga titik. Ang modernisasyong tinatawag ng SWP ay

nangangahulugan ng pagrereporma ng mga ating alpabeto upang umakma sa mga bagong

tungkulin ng ating pambansang wika. Isang mahalagang konsepto sa revisyon ang nagyari nuong

2002 kung saan naging mas maluwag na ang naging panuntunan kagaya ng, iyong may mga

ponemikong (tunog) katangian gaya ng f, j, v at z ay pwedeng manatili ang katangian ng dating

20 letra sa abakada kaya mas naging madaling baybayin pasulat ang mga salitang gaya ng

formularyo, varayti, magazin at sabjek.


Ang usaping modernisasyon ng wikang Filipino ay maari nating hatiin sa dalawang uri.

Ang una ay ang modernisasyong popular at ikalawa naman ay ang modernisasyong akademiko.

Modernisasyong popular ang paggamit ng wikang Filipino sa ugnayang pangmadla (mass media)

kagaya ng telebisyon, radyo, pelikula, dyaryo at internet. Lutang at hindi mapapasubalian ang

talab ng paggamit ng Wikang Filipino sa mga genre ng mass media. Pansinin na ang mga balita,

dokyumentari, mahahalagang usapan ay kalimitang nasa sarili nating wika. Malaki rin ang
naitutulong ng pagsasa-filipino ng mga banyagang palabas tulad ng mga koreanovelas, Mexican

novelas, English movies at maging ang mga panooring karton at edukasyonal. Bagaman at

mahihinuhang limitado pa lamang ang ambag ng Wikang Filipino sa Worldwide web at mga

social media ay makapagmamalaki na rin naman tayo na umuusbong na rin ang mga homepage

na nasusulat sa wikang Filipino na mahahanap at mababasa tulad ng mga blog, mga akdang

pampanitikan, awitin, cookbook o resipe, mga rebyung pampelikula, mga pahayagang on-line,

diksyunaryo at iba pang webpage na may kaugnayan sa mga pilipino at sa ating wika.
Si Isagani Cruz (2003) ay may ilang naging pagpuna ukol sa gamit ng Filipino sa

internet. Karamihan nga naman ay Tagalog ang tawag sa Filipino. Kapag naghanap ka ng

impormasyon at ginamit mo ang Filipino, karaniwang lumalabas na mga abeylabol na

impormasyon ay tungkol sa tao at karamihang tungkol naman sa wika ang impormasyong

makukuha kung ita-type mo ay tagalog. Isa rin sa naging puna niya ang mga website na para sa

mga banyagang gustong matuto ng ating wika kaya kalimitang tinitingnan nila ang translasyon

ng mga salita sa diksyunaryong Filipino, na minsan ay mali-mali din ang mga

pagpapakahulugan dahil hindi naman mga linggwista ang gumawa nito. Makalipas ang

labintatlong taon, masasabi kong ang naging puna na ito ni Cruz ay unti-unti ng nagbabago. Sa

pagsisikap ng pamahalaan at sa tulong ng mga pribadong grupo sa bansa ay nagkakaroon na ng

puwang ang Filipino bilang wikang maaaring iakma sa mundo ng internet at pangteknolohiya.

Kamakailan lamang ay naglunsad ng tinatawag na “community glossary” ang Microsoft at ang

Unibersidad ng Pilipinas (UP) na naglalaman ng mga salitang ginagamit sa kompiyuter na

isinalin sa Filipino. Sa halip na ang salitang My Computer ay “Kompiyuter ko” ang makikita sa

desktop; “kumpigurasyon ng sistema” para sa system configuration at “lahat malaki titik”

naman para sa all caps. Ang glosaryo ay nabuo ng mga linggwista ng UP sa pamamatnugot ni

Virgilio Almario. Layunin ng Microsoft na gawin itong mga alternatibong gabay lamang sa
paggamit ng kompiyuter at hindi naman nangangahulugang papalitan nito ang nakasanayang

paggamit ng Ingles.
Kung naging maunlad ang paggamit ng Filipino sa mass media, binatikos naman ni

Almario ang pagkukulang ng pagpapaunlad ng wikang filipino sa modernisasyong akademiko.

Salat pa rin daw ang mga unibersidad sa mga librong nasulat para magamit sa kursong

pangkolehiyo. Maging ang mga tesis at desertasyon na nasulat sa ating wika ay napakakaunti

kumpara sa naisulat sa wikang ingles at ang limitasyon pa rin ng pagggamit ng wika sa mga

talakayan kagaya ng politika at pilosopiya. Sabagay, marami pa ring magkakasalungat na

pananaw sa pagiging intelektwalisado ng wikang Filipino. Ayon sa iba ay matagal na itong

intelektwalisado at maaring gamitin sa anumang disiplina. May nagsasabi namang mabagal ang

pagsulong at inteliktwalisado lamang daw ito sa ibang larangan kagaya ng panitikan, sikolohiya,

komunikasyon at araling panlipunan, at hindi sa iba pang mga disiplina. Ang itinuturing na

balakid sa pagtatamo ng lubusang pagtatagumpay nito ay ang paggamit daw natin ng wikang

ingles. Si Nuncio (2010) ay nagbigay ng komento tungkol sa usapin ito. Sa kanyang palagay,

paimbabaw pa lamang daw ang development ng Wikang Filipino dahil sa mga sumusunod iyang

argumento:
1. Ang makabagong alpabetong Filipino ay binibigkas ayon sa Ingles. May implikasyon ito sa

ponetika dahil nabaligtad ang prinsipyo ng “kung ano ang bigkas, siya ang baybay”. (Imbis na

phonocentric (una ang tunog kasunod ang baybay) naging graphicentric (kung ano ang letra sa

Ingles, ito ang baybay).


2. Ang pagbaybay ng mga hiram na salita at paglahok nito sa sintaktikang anyo ng pangungusap

ay nakakiling sa Ingles (he’s so tagal. Nakakaturn-off naman that guy!/Kasi recently na lang

ginamit ang Waray language, kasi ang meaning daw nung waray ay “wala”.)
3. Ang tinatawag na code-switching ng mga dalubwika (Sibayan, Baustista, Cruz). (Wala nang

switching na nagaganap dahil lantaran na itong lumilitaw sa mga diskursong gamit ang WF.
Syntactic-semantic substitution ang nagaganap dahil ang paggamit ng i-, pag-, mag-, nag-, kaka-,

um-, na- ay sadyang naghihintay ng halinhinang mga salitang banyaga o hiram nagiging

structurally flexible sa formang Taglish.)


Kung susumahin ang mga pahayag ni Nuncio, sa aking pagsipat, nahihinuha kong gusto niyang

ipakita ang isang pagpuna na hindi wikang Filipino ang nalilinang, napapayabong at

napapayaman kundi ang salitang Taglish, na pinaghalong tagalog at Ingles. Aminin man natin at

sa hindi, may katotohanan naman ang mga obserbasyong ito. Malaki ang bahagi ng wikang

ingles sa ating pang araw-araw na pakikipagkomunikasyon. Pinalakas pa ito ng nakasaad sa ating

konstitusyon sa Artikulo XIV, Seksyon 7 na nagsasabing:


Ukol sa mga layunin ng komunukasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay
Pilipino at hangga’t walang itinatadhana ang batas, Ingles.

Nangangahulugan ba ito na ang Wikang Ingles ay superyor na wika kumpara sa Filipino? Ibig

din ba nitong ipakita na ang wikang Ingles ay talagang wika lamang ng mga edukado? Una,

walang superyor na wika sa alin mang wika. Lahat ng wika sa daigdig ay may kani-kaniyang

angking katangian. Pinatunayan ito ng ating pambansang bayani ng isulat niya ang linya ng

tulang: “Ang wikang Tagalog, tulad din sa Latin, Sa Ingles, Kastila at salitang anghel. Sabi nga

ng post sa facebook : “English is a language, not a measure of intelligence”. Pinatunayan din sa

isang pag-aaral nuong 2004 na 35.2 % lamang ang gumagamit ng wikang Ingles sa online. Isa

itong patunay na hindi nito kayang dominahin ang wika sa globalisasyon,sa pandaigdigang

kalakalan,pandaigdigang pulitika, pagbabatas at diplomasya. Sa sitwasyon natin sa kasalukuyan,

hindi pa natin maitatatwa ang lakas ng puwersa ng wikang Ingles sa Filipino at vis- a –vis dahil

sa tagal na rin ng kanilang pinagsamahan; katulad na rin ng wikang kastila na gamay na gamay

na natin bilang bahagi ng wikang Filipino. Hindi natin makokontrol ang namamagitang ugnayan

sa dalawag wikang ito sapagkat nakabuo na sila ng relasyong komplimentaryo, lalo pa at

malakas na nangyayari ito sa ugnayang pangmadla na siyang mas epektibong tagapagturo ng


wika sa mga mamamayan, lalo na sa mga kabataan. Sinabi kong komplimentaryo ang kanilang

ugnayan dahil sa nakakapagtagpo ang dalawang magkaibang wika upang makabuo ng isang

diskurso. Kahit ang wikang Filipino ay ganuon din naman. Hindi ito monolingual. Malaya nating

nahirahiram-nagagamit ang mahigit na 400 na wikain sa Pilipinas, kung saan nagpapalakas ito ng

ugnayang pagkakabuklod sa ating mga mamamayan. Ang ugnayang ito din sa pagitan ng Filipino

at Ingles ay maituturing na isang praktikal na pakikipag-alyansa. Isang halimbawa na lamang

dito ay ang mga karanasang pinagdaanan ng mga karating bansa nating Singapore at Hongkong.

Kapwa sila sinakop ng mga British. Wika ng mga kolonyalista ang ginamit nilang wika sa

panahong kolonyal. Sa kasalukuyan, ang patakaran sa wika ng edukasyon sa Singapore ay

bilinggwal (Ingles at katutubong wika –Tamil, Malay, Intsik). Sa Hongkong ay bilinggwal din na

kagaya ng Pilipinas (Ingles at Cantonese).


Ang pagmomodernisa natin sa Filipino ang nagiging daan sa pagiintelektwalisa dito. Ang

intelektwalisasyon ay pagpapayaman ng bokabularyo ng wika upang magamit itong kasangkapan

sa talakayang intelektwal o sa matatayog na larangan ng karunungan at kaalaman (Pineda, sa

Catacataca, 2004). Samakatwid, malaki ang papel na ginagampanan ng mga paaralan sa

pagtataguyod at pagpapayaman at pagiging intelektwalisado ng ating pambansang wika sa

pamamagitan ng paggamit nito bilang wika ng akademiko at sa mga iskolarling pagdidiskusyon.

Ang interes ng gawaing ito ay nakaatang sa balikat ng sektor ng edukasyon. Ito ang

magsasagawa ng pagbabago ng kurikulum sa paggamit at pagkatuto ng wika, mga metodolohiya

sa pagtuturo, kagamitan at sa pagpapatupad ng implementasyon. Isang paraan upang

matagumpay na maipasok ang Filipino sa ganitong intelektwalisasyon ay ang pagsasalin. Ang

pagsasalin o pagsasaling-wika ay pinaniniwalaan ng ating mga dalub-wika na malaki ang

naiaambag para maging mabisa at maipalaganap ang kaalaman nakararaming pilipino, lalo na

ang mga mahahalagang dokumento o materyales tulad ng mga akdang historikal, kultural,
agham, politika reslusyon at mga patakaran. (Show examples). Ang mga popular na babasahing

Twilight, The Hunger Games, The Vampire Diaries ay naisalin rin sa Filipino sa pamamatnugot

ng Precious Pages, isang sikat na romance novel publishing house sa bansa, at kinasisiyahang

basahin ng marami. Bagaman may mangilan-ngilang pagbatikos na natamo ang publikasyon sa

ginawang pagsasalin, itinuturingnmang ito ni Rolando Tolentino, dekano ng University of the

Philippines College of Mass Communications at matuturing na eksperto sa kulturang popular, na

isang kontribusyon sa pamamaraan ng pagsasalin ng sa makabagong panahon. (maraming ingles

na salita-mga pop translations hindi dapat stiff na Filipino or formal. Medyo pop na, na parang

mas into it 'yung mga kids. EX. Wattpad). Sinusugan din niya ang ideya nnakakatulong ang mga

ganitong babasahin, napartikular na sa kabataan para maging bukas sa mga lokal na babsahin.
Dahil sa multilingual ang Pilipinas, mahalaga ring maisalin ang mga teksto sa Tagalog patungo

sa mga vernacular na wika upang higit na maunaaan ang kultura at imahe ng isang tunay na

bansang Pilipinas. (Sulyap sa kasaysayan g pagsasalin: Doctrina Cristiana ang unang librong

nailathala sa Pilipinas #1593; panandang bato sa kasaysayan ng pagsasalin sa bansa). Ang KWF

ay aktibong kumikilos upang makapagsalin sa wikang Filipino ang mga akda mula sa iba’t ibang

disiplinang—pilosopiya, kasaysayan, antropolohiya—pati ang mga banyagang akda. Layunin ng

inisyatibong ito na itampok ang kahusayan ng wikang Filipino at makalikha ng tinatawag nilang

“Aklatan ng Karunungan”. Dagdag pa niya, “Kailangan maipakita na ang Wikang Pambansa ay

magagamit sa iba’t ibang uri ng diskurso upang maipakita na [ang Filipino] ay isang wika ng

karunungan at upang magkaroon ito ng maraming babasahin”. Kung hitik sa bunga ang

pagsasalin sa mga klasikong babasahin


Maaari bang isalin sa ating wika ang mga kasulatan at aklat na nasulat sa agham at teknolohiya,

siyensya at ekonomiks at kalakalan? Positibo ang aking kasagutan.


Ang mahalaga at tangi namang layunin sa paggamit ng wika ay makalikha ng malinaw na

mensahe.
Kung ako ang tatanungin, naniniwala akong malayo-layo na rin ang narating at may kalaliman

na ang tinagos ng wika natin sa lokal at pandaigdigan man.Nakaugat na, at malaon ng

dumadaloy sa sistema ito sa mga mamamayang pilipino. Hangga’t mayroong Pilipino saan mang

panig ng mundo, mananatiling buhay ang wika natin. Nakatagos na ang Wikang Filipino sa mga

intelektwal na diskurso sa iba’t ibang arena ng pakikipagtagisan ng mga ideya at kaisipan.

Intelektwalisado na ang Wikang Filipino. Patunay ay ang malawakan at masiglang paggamit nito

sa mga diskusyong pang akademya lalo na sa mga pamantasan na siyang itinuturing na catalyst

para sa pagbabago ng pagtingin natin sa wikang Filipino bilang intelektwalisadong wika. Ang

UP ang nangunguna sa gawaing ito sa pamamagitan ng paggawa ng mga riserts sa Filipino,

pagsasalin, pagsulat at pagpapalimbag ng mga aklat. Nandiyan din ang DLSU at PNU na

sumusuporta sa bilingual medium of instruction a pagtuturo sa mga tiyak na asignatura. Sa

pagpasok ng k-12 curriculum, ibinaba na rin sa senior high ang mga asignaturang Filipino I

(komunikasyon) at Fil 2 (pananaliksik), habang a kolehiyo naman ay mananatili ng Fil 3

(masining na pagpapahayag) at magdadagdag pa ng 6 na yunit sa asignaturang Filipino. Ito ang

malaking hamon sa amin sa tersyarya, ang makapagpanukala ng asignaturang magpapalalim at

magbabanyuhay sa intelektwalisasyon ng wika. Nasa huling bahagi na tayo ng pagpaplanong

pangwika—at ito ay ang pagpapahalaga sa wika. At ito ngayon ang hamon ng Filipino sa atin

bilang mga edukador ang lalo pang pagpapaigting ng pagpapasulong (advancement) upang

mapahalagahan ng ating mga kabataan ang pagsisikap na ito ng ating mga dalubwika. Hindi lang

dapat ito maging asignatura ng pagtuturo at pagkatuto sa paggamit ng wika, bagkus y maging

instrument upang maging pantulong na aralin samga iskolarling talakayan sa iba pang disiplina

para sa paglinang ng mas malalim at kritikal pang kaisipan ng ating mga mag-aaral. Hindi na

natin dapat pang pagpaligsahan kung alin ang mas magaling, aling wika ang dapat palakasin
dahil makikita natin ang praktikal na relasyon ng wikang Ingles at ng ating wikang katutubo

upang ganap na maging modern at intelektwalisado ang Wikang Filipino. Kailangan nating

makagawa ng mga inisyatiba upang lalo pang maisulong ang paglinang ng ating wika, kasabay

nito ay ang paglinang din ng ating sariling kultura at pagkakakilanlan.


Isang mapagpalang hapon sa lahat.

Asuncion, R. (2006, August 6). Asuncion. Retrieved August 14, 2016, from
http://varsitarian.net/sci_tech/wikang_filipino_sa_kompiyuter

GMA News Online.http://www.gmanetwork.com/news/story/286448/news/ulatfilipino/twilight-


at-the-hunger-games-sa-filipino-babasahin-mo-ba

Nuncio, R. V. PiliFilipino: Isang teorya ng wika. Reading presented in Pamantasang De La Salle,


Manila. Retrieved August 14, 2016, from
https://kritikasatabitabi.wordpress.com/tag/araling-filipino/

Zafra, G. (2005). Ang istandardisasyon ng wika at ang pagsusulong ng Filipino sa akademya.


Filipino at PagpaplanongPangwika:SANGFIL. UP-Diliman, Quezon City

The Varsitarian
http://varsitarian.net/filipino/20150730/mga_kilalang_akda_isinasalin_na_sa_wikang_fili
pino

. Kailangan lamang na magamit ang mga ito at maging istandardisado upang hindi malibing sa
limot ng mga mamamayang pilipino.

You might also like