Professional Documents
Culture Documents
May katagalan na rin ang isyu tungkol as ugnayan ng pagpapaunlad ng wikang pambansa
na Filipino at pagpapaunlad ng mga wikang rehiyonal o katutubong wika. Maraming nagsasabi
na ang wikang Filipino ay hindi mapapaunlad sapagkat marami itong hadlang o kaya’y hindi
kaya ng wikang ito. Ngunit ano nga ba ang mga humahadlang sa pag-usbong ng wikang Filipino
o kaya’y, mayroon ba talagang naghahadlang sa pag-unlad ng ating pambansang wika? Paano
napapanatili ang pagpapahalaga sa ating kinagisnang wika at kultura habang patuloy na
nakikilahok sa pag-unlad ng pambansang diskurso kaugnay ng pagsulong ng pambansang wika?
Bago pa man natin simulan ang talakayang ito, intindihin muna natin ang wikang
Filipino. Halata namang ito ang Wikang Pambansa ng Pilipinas na binubuo ng mga iba’t ibang
rehiyunal na wika sa Pilipinas at pangunahing nakabatay sa katutubong wika ng mga Tagalog na
“Pilipino” (Almario, 2014). Sa kahulugang ito lumitaw ang maraming mga isyu kaya’t hindi
sumasang-ayon ang ibang tao sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Ngunit ang mga ito ay mga
ilusyon lamang na nag-udlot sa mga maling paniniwala. Ang mga ilusyon na ito ay nabanggit ni
Constantino (1996), na nabanggit rin ni Rubrico (2012), at isa-isa ring naipaliwanag at naiwasto.
Ang unang ilusyon ay ang paniniwala na hindi mapapaunlad ang wikang Filipino. Inaaksaya
lamang ang panahon at pagod sa pagdedebelop nito dahil kusa naman itong nagdedebelop o
lumalabas. Ngunit nadedebelop ang wikang pambansa. Nagbigay si Constantino (1996) ng mga
halimbawa ng ibang bansa na nagpaunlad ng kanilang pambansang wika at binigyan din ng diin
ang isang bansa na nakadebelop ng wikang pambansa mula sa isang patay na wika. Ang
ikalawang ilusyon ay ang paniniwalang papatayin ng wikang pambansa ang mga katutubong
wika kay papaunlarin ito. Ngunit hindi namamatay ang mga katutubong wika natin dahil sa
pagpaunlad ng wikang pambansa sapagkat pangalawang wika lamang ito ng karamihan. Ayon pa
kay Lumbera (2000) na ang wikang pambansa ang ginagamit sa komunikasyon ng iba’t-ibang
mga rehiyon at ang katutubong wika naman ang ginagamit sa pag-uusap ng mga tao sa loob ng
isang rehiyon. Binanggit din ni Paz (1995), na sinuportahan nina Azanza at dela Paz (2007), na
ang wikang Filipino ay ginagamit bilang linggua franca o wikang pantulong upang
magkaunawaan ang mga tao sa iba-ibang kultura.
Ang mga ito ay iilan lamang sa mga paniniwala sa wika at, ayon nga kay Constantino
(1997), ilusyon lamang ang mga ito. Ibig-sabihin, wala naman talagang problema sa
pagpapaunlad ng ating wikang pambansa kundi ang mga ilusyong ito. Ang pagpapaunlad ng
wikang pambansa ay hindi kaugnay sa pagkalimot sa katutubong wika. Sa katunayan, ang ating
wikang pambansa ay nakabatay sa mga iba-ibang wika sa Pilipinas at ito rin ay bukas sa mga
ambag ng mga katutubong wika maging ng iba pang wika (Maceda, 2005). Nasabi ni Paz (2015)
na ang Filipino ay may unibersal na nukleyus na nagpapahiwatig na ang Filipino at wikang
binubuo nito ay magkakaugnay.
Ngunit paano nga ba natin mapapahalagahan ang ating katutubong wika kasabay ang
pagpapaunlad ng ating Pambansang wika at ang pambansang wika kasabay ang pagpapaunlad ng
katutubong wika. Maraming paraan upang gawin ito ngunit ang paggamit sa dalawa ang isa sa
mga pinakamabisang at pinakamadaling paraan sa pagpapahalaga nito. Nabanggit kanina na
hindi naman talaga ibig-sabihin na matabunan ang katutubong wika kapag papaunlarin ang
wikang pambansa at bisebersa. Nagpapahiwatig ito na pwede nating gamitin ang dalawa at
pahalagahan ang dalawa ng sabay. Nasabi rin kanina na ang pambansang wika na Filipino ay
ginagamit sa pag-uusap sa pagitan ng dalawang rehiyon o wikang pantulong/lingua franca at ang
katutubong wika naman ang ginagamit para sa pakikipagtalastasan ng tao sa isang rehiyon.
Mapapahalagahan natin ang wikang pambansa, pati na rin ang ating unang wika kapag tayo ay
patuloy na gumagamit nito sa pakikipag-usap sa ibang tao, hindi lamang sa ating rehiyon kundi
pati na rin sa iba pang lugar. Sa pakikipag-usap sa ibang etnoligguwistikong grupo sa Pilipinas,
nadedebelop ang ating kasanayan sa Filipino at mas nagpapaunlad pa ito. Napag-usapan sa mga
nagdaang mga aralin ang bilinggwalismo bilang epekto ng pagkakaiba-iba ng wika sa pilipinas
(Paz, 1985) at sa pamamagitan nito, nakakatuto rin ang mga etnoligguwistikong grupo sa
Pilipinas ng wika mula sa ibang etnolingguwistikong grupo.
Maceda, Teresita Jimenez. (2005). "Introduksiyon." Nasa Consuelo Paz, Ang Wikang Filipino:
Atin Ito. Lungsod Quezon: Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, 2005. i-iv. Print.
Paz, C. J. (1995). Ang wikang Filipino: atin ito. Sentro ng Wikang Filipino, Sistemang
Unibersidad ng Pilipinas.
Paz, C. J. (2015). Ang Unibersal na Nukleyus at ang Filipino. Daluyan: Journal ng Wikang
Filipino, (1).
Rubrico, J. G. U. (2012). Indigenization of Filipino: The case of the Davao City variety. Kuala
Lumpur: University of Malaya.