Mindanao State University-Iligan Institute of Technology
SCHOOL OF GRADUATE STUDIES
COLLEGE OF ARTS AND SOCIAL SCIENCES DEPARTAMENTO NG FILIPINO AT IBA PANG MGA WIKA A.Y. 2020-2021 1st Semester
Mag-aaral: ALY L. MAMA Petsa: Nov.28, 2020
Propesor: MARIE JOY D. BANAWA, Ph. D Kurso: FIL. 311
KASAYSAYANG AT KONSEPTO NG WIKANG PAMBANSA
Kasaysayan ng Wikang Pambansa
Mahalagang maintindihan ang kasaysayan ng Wikang Pambansa. Kung paano ito nagsimula bilang Tagalog, naging Pilipino at ngayon ay Filipino. Ito’y nag- uugnay ng sambayanan. Ang wika ay naging patnubay sa pagtalunton sa masalimuot na landas tungo sa pagkakaroon ng wikang pambansa. Napagtanto ng yumaong Pangulong Quezon ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang pambansang wika, ayon sa yumaong Pangulo, “Tayo’y hindi magiging isang bayan hangga’t hindi tayo magkakaroon ng isang wika”. Ang pangangailangang ito ang nagbunsod sa kanya upang sikaping tayo’y magkaroon ng isang wikang pambansa na gagamitin ng lahat. Bago ito tinawag na Filipino. Ang unang pariralang ginamit sa pagtukoy sa wikang pambansa ay “pambansang wika ng Pilipinas na batay sa Tagalog” sa bisa ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 134 na nilagdaan ng Pangulong Quezon noong Disyembre 30, 1937, alinsunod rekomendasyon ng unang lupon ng Surian ng Wikang Pambansa batay sa mga resulta ng mga pag-aaral na itinakda ng Batas Komonwelt Blg. 184 serye 1936. Makalipas ang dalawang dekada ng paggamit at pagturo ng wikang pambansa nilagdaan ni Kalihim Jose Romero ng Edukasyon at Kultura ang Memo. Pangkagawaran Blg. 7 noong Agosto 13, 1959 na nag-aatass sa paggamit ng katawagang “Pilipino” sa pagtukoy sa wikang pambansa ang di mapapawing katangian ng ating pagkabansa. At ang Konstitusyon ng 1973 nagtatadhana na dapat magsagawa ng mga hakbang ang Batasang Pambansa tungo sa paglinang at formal na pagpapatibay ng isang panlahat ng wikang pambansa na tatawaging “Filipino”. Mahalaga ring isaalang-alang ang depinisyon sa “Philippines Languages” sa Republic Act No. 7104 na lumilikha sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Ang nakasaad sa Seksyon 3 ng naturang batas, “(d) Philippine languages refer to the indigenous languages of the Philippines including the national language and the regional and local languages”. Ibinilang ng batas sa mga “katutubong wika” ang Wikang Pambansa. Marahil ibinatay ang Wikang Pambansa sa isang katutubong wika – ang Tagalog –alinsunod sa atas ng 1935 Konstitusyon. Ang tanong na ano ba ang pakahulugan natin ng Filipino at Pilipino. Idagdag pa natin ang Pilipinas at Filipinas. Maaaring ang maging sagot ay “Filipino” bilang wikang pambansa, maaari din nating marinig na Filipino tumutukoy sa tao at kultura. Idinagdag pa ang Filipinas at Pilipinas na madalas na nating naririnig. Di man natin tanggapin ang katotohang hanggang sa kasalukuyan nananatili pa ring suliranin natin ang identidad. May pangalan lamang, ngunit walang nilalaman; iniatas lamang ng batas ngunit ni hindi kapangalan ang sariling mamamayan, kultura, at bayan; ni hindi kilala ng sariling tagapagpalaganap. Upang mabigyan tugon, kailangan ng “Filipino” ang literal na angkla at kongkretisasyon. Sa pamamagitan ng isang resolusyon mula sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2013 na nagbibigay ng kahulugan: nakasaad dito na: Ang Filipino ay katutubong wika na ginagamit sa buong Filipinas bilang wika ng komunikasyon, sa pabigkas at sa pasulat na paraan, ng mga pangkating katutubo sa buong kapuluan. Sapagkat isang wikang buhay, mabilis itong pinaunlad ng araw- araw at iba’t ibang uri ng paggamit sa iba’t ibang pook at sitwasyon at nililinang sa iba’t ibang antas ng saliksik at talakayang akademiko ngunit sa paraang maugnayin at mapagtampok sa mga lahok na nagtataglay ng mga malikhaing katangian at kailangang karunungan mula sa mga katutubong wika sa bansa. Maging sa kasalukuyan tinatawag lamang na “Filipino’ ang wikang pambansa dahil sa bisa ng 1987 Konstitusyon ngunit hindi pa sapat ang inilatag na katangian at kondisyon upang maituring Wikang Pambansa ang “Filipino”. Kaya naman hanggang ngayon naninindigan ang mga kaaway ng wikang Pambansa, na Tagalog ang “Filipino” at binago lamang ang ispeling ng “Pilipino” upang ikubli ang pagiging Tagalog nito. Isa pang naging suliranin hinggil sa pagpapalaganap ng Wikang Pambansa ang kasong “purismo” noong kalagitnaan ng dekada 60’. Inakusahan ang Surian ng Wikang Pambansa (SWP) sa itinadhanang pangwika ng 1935 Konstitusyon. “Tagalog” diumano ang pinalalaganap na Wikang Pambansa at “Purista” ang SWP. Ang akusasyong ito ay sinang-ayunan ito ng mga kontra-Wikang Pambansa – na noo’y tinatawag na “Pilipino” at nagpanukala ng isang fusyon ng mga wika katutubo upang mabuo ang isang palagay nilang totoong Wikang Pambansa na tinatawag na nilang “Filipino”. Ang kontrobersyan ito ang nagbigay daan sa pananaw ng marami na ang “Pilipino”- naging kasingkahulugan ng “Tagalog”. Sumigla ang mga mungkahing reporma para sa pagbuo ng “Filipino”. Ang pagdomina ng mga “Linggwistero” ang naging sanhi ng pakikialam nito sa mga di-kailangang reporma sa ortograpiya at sa pagtuturo ng gramatika na nagresulta naman sa malaking kalituhan ng mga guro at manunulat hinggil sa nakasulat na “Filipino”. Ang dominasyon ng mga Linggwistero ay nahinto ang pagpapalaganap sa “Filipino” at nagbigay ng kalituhan sa mga guro, manunulat at alagad ng wika sa kumunoy lalo na sa isyong ortograpiko at paraan ng pagkilala sa sari-sariling varayti ng wikang pasalita. (Hal: Balarila ni L. K. Santos – Pangalan, Pandiwa, Pang-abay, Sugnay) sa mga lingwistero ito’y ugat ng “Purismo” para sa kanila ireispel ang Ingles (Nawn, Berb, Adberb, Klos). Para sa kanila ito’y paraan ng pagpapayaman ng bokabolaryong Tagalog. May kani-kaniyang patnubay ang mga kagawaran. Tuwang-tawa naman sa pagtuturo ang mga lingwistero na walang iisang tuntunin. Bahala ang sinuman sa pipiliing paraanng pagbaybay. Basta maging konsistent, ang payo nila. Ang ganitong sditwasyon ay nagbunga lamang ng mga di-pagkakasundo at patuloy na kontrobersya, at pumigil sa matibay na sanang pagkakaisa sa ortrograpiya.
Konsepto ng Wikang Pambansa
Sa isang pahayag ni Saussure hinggil sa tungkuling patuloy na baguhin ang wika. “hindi tayo dapat mapiit, sa kung ano ang wika ngayon”. Ang pahayag na ito ay magpapaliwanag lamang na walang wikang perpekto, kailangan isunod ang wika sa nagbabagong pangangailangan ng mga gumagamit nito kailangan baguhin ang wika upang maging higit na episyente at kapaki-pakinabang sa mga gumagamit nito. Ito ang pangunahing motibasyon para sa tinatawag na pagpaplanong pangwika – na walang iba kundi ang metodiko at sistematikong gawain upang mapangasiwaan at mapaunlad ang isang wika, lalo na ang paglikha, pagpapalaganap, at pagpapayaman sa isang napagkaisahang panrehiyon, pambansa, o pandaigdigang wika. Ang konseptong nasyonalismo at modernisasyon ang kambal ngunit nagtutunggaling oryentasyon ng pagpaplanong pangwika sa mga bansang umahon mula sa matagal na panahon ng kolonyalismo at nagpasiyang magkaroon ng sarili at katutubong wikang pambansa. Lubhang mabigat na tungkulin ang nasyonalismo at modernisasyon sa pagsulong ng Wikang Pambansa, sanhi na rin sa kawalan na tangkilik ng pamahalaan. Malinaw sa kawalan ng pondo para sa kailangang gawin ng pambansang ahensya pangwika at sa nawawalang target pangwika sa kabuuang pambansang planong pampolitika at pangkabuhayan, malimit na magdudulot ng problema kung alin sa ang dapat unahin at asikasuhin. Malimit ding ipanukala nilang kailangang itutok muna ang pansin sa isa - malimit ding sa nasyonalisasyon - upang balingan ang ikalawa pagkatapos. Sanhi na rin sa kakulangan ng patnubay ng isang malinaw na pagpaplanong pangwika ng ating kagawarang pangwika, alinsunod sa 1987 Konstitusyon, Artikulo XIV, Seksyon 6: “The national language of the Philippines is Filipino. As it evolves, it shall be further developed and enriched on the basis of existing Philippine and other languages.” Makikita sa ikalawang pangungusap at malilinawan ang iniaatas ng paraan ng pagdevelop at pagpapayaman sa Filipino “Batay sa mga umiiral na mga wika ng Filipinas at ibang mga wika”. Ang nasyonalisasyon ay magaganap sa pamamagitan ng pagpapayaman sa Filipino sa pamamagitan ng mga wika ng Filipinas. Ang modernisasyon ay mapapabilis sa pamamagitan ng iba’t ibang pandaigdigang wikang sinasangguni at hinihiram ng edukasyong Filipino. Ang pagpapangalang “Filipino sa Wikang Pambansa ay nakabatay sa isang bisyon ng nasyonalisasyon at modernisasyon. Ang tambalang gampaning “nasyonalisasyon at modernisasyon” ang siya mismong problema dapat harapin sa pagpapalaganap at pagpapayaman ng Filipino bilang wikang Pambansa. Tulad ng nakasaad sa Artikulo XIV ng 1987 Konstitusyon ang problema ng Filipino ay ang tambalang gampaning “nasyonalismo at modernisasyon”. Bagama’t tukoy ang suliranin sa pagpaplanong pangwika, ang higit na mabigat ay ang paghahanay ng mga tiyak at malawakang aktibidad at proyekto upang malutas ang tinutukoy na suliranin na siyang higit na kahulugan ng pagpaplanong wika. Ang nasyonalisasyon ng pagsusuri sa mga suliraning ng pagtangap sa Wikang Pambansa sa mga pook na di-tagalog at pagdulot ng kaukulang gawain upang maigpawan ang mga natukoy na problema. Ngunit sa kabila ng mga iniharap na bentaha ng Tagalog ay iginigiit ng ilang di-Tagalog ang katangian ng kani-kanilang sariling wika, halatang-halata na ang tinatawag na “rehiyonalismo” Kung naging suliranin ang isyung nasyonalisasyon, gayundin ang modernisasyon. Kompara sa nasyonalismo, higit na maayos na aspekto ang tunggalian para sa modernisasyon. Noong 1987, naglundo ang tunggalian sa isang modernisadong alpabetong Pambansa na may 28 na titik at ganap na nagwawaksi sa abakadang Tagalog/Pilipino. Subalit, hindi ito naging madali, maraming mga katanungang ang dapat bigayang tugon nn nagmumula mismo sa mga magkasalungat na tagapagtaguyod. Sanhi ng kontrobersya hinggil sa isyung “purism” noong nakaraang dekada ay nawalan ng awtoridad ang opisyal na ahensya pangwika kaya halos hindi madisiplina an mga teksbuk sa wika na may kani-kaniyang pinalalaganap na paraan ng paggamit sa bagong ortograpiya, ilang sa mga ito ay ang paglikha ng kani-kaniyang ortograpiya ng mga “sariling wika” na ginamit sa K-3. Subalit ang mga suliraning kinakaharap ng mga kagawarang pangwika ay maaaring masabing pinag-ugatan ng pangkalahatang pagpaplano tungo sa mabilisang kultibasyon ng Filipino. Upang higit na mapahalagahan ang pagpapaunlad sa Filipino bilang wika ng karunungan at makabagong kaunlaran, mahalagang ang mataimtim na paglahok ng anumang natatanging sangkap mula sa katutubong wika upang maitatag ang pagiging pambansa nito, mahalaga rin bigyan ng halaga ngayon ang kultibasyon (cultivation) ng Filipino bilang kambal at magkaagapay na gampanin ng nasyonalisasyon at modernisasyon/intelewtuwaqlisasyon.