You are on page 1of 2

“Sa mundo ng karunungan, ang ideya ng kabutihan ay nananatili sa huli at

matatagpuan lamang ng may pagpupunyagi”

Tayo ay inilikha ng diyos sa piling mundong ating kinamulatan. Sa mundong halos punong-puno ng
iba’t-ibang impormasyon o kaalaman. Maihahalintulad ito sa ‘google’ na ating pangaraw-araw na
ginagamit. Sa mabilisang pagdagsa ng impormasyon, kinakailangan natin ng karunungan, upang umalam
at umunawa. Para na rin maiangkop natin ang ating natutunan. Ngunit ano nga ba talaga ang
karunungan? Bakit sinasabing ang ideya ng kabutihan ay nananatili sa huli, at matatagpuan lamang ng
may pagpupunyagi? Mahalaga ang paksang ito upang mamulat ang mga tao sa katotohanang pilit na
nagtatago sa ating likuran, gayon na rin upang malaman natin kung gaano tayo kamang-mang sa mga
pangyayaring nakikita ng ating mga mata.

Ayon sa Bibliya, ang Diyos lang ang nakaaalam ng tunay na karunungan. May kamalayan naman
tayo na ang karunungan ay may iba’t-ibang depenisyon hindi ba? ngunit isa lamang ang tiyak. Ang
karunungan ay mula sa itaas at hinding-hindi magmumula sa ibaba. Ang karunungan ay ang
pagkaunawang nanggaling sa Diyos,upang tayo ay makapaghatol nang wasto. Kung walang tulong mula
sa Diyos, ang tao ay hindi magtataglay ng tunay na karunungan. Ngayon, gamitin natin ang ating isip, at
unawain kung ano nga ba ang ibig sabihin ng talinhagang binitawan ni Plato sa kaniyang akdang
Alegorya ng Yungib. Kung lubos na susuriin ang akda, ito ay may layuning magbigay malay sa mga tao, at
piliting tayo’y makaalis sa kuweba ng kamang-mangan. Binanggit sa akda ang mga bilanggo na maaaring
magrepresenta sa mga ignoranteng tao. Sila’y limitado sa paggalaw, at tila buong buhay nila ay naroroon
lamang sa isang kuwebang malayo sa katotohanan ng mundo. Kung saan nakabase lang sila sa mga
aninong kanilang nakikita, o ‘yung alam nilang ayon na ang kabuuan ng reyalidad. Binanggit din ang
isang nakalayang bilanggo kung saan natuklasan niya ang tunay at tiyak na nangyayari sa labas ng
kuweba. Naninibago siya sa lugar na kaniyang natuklasan, at hindi nagbulag-bulagan sa mga nakikita ng
kaniyang mga mata. Masakit sa kaniyang paningin at tulad nga ng kanilang mga sabi-sabi, masakit ang
katotohan na kaniyang nasilayan. Sa akdang ito, binigyan niya ng hustisya ang nangyari sa kaniyang guro
na si Socrates. Kung saan makikita sa sanaysay ang kaugalian ng mga tao sa yungib. Ang kaugaliang
pagbibigay parangal sa isang taong mahusay kumilala sa mga imahe ng anino. Kung ipaalam naman ng
nakalayang bilanggo ang dumadaloy na tubig, ang liwanag ng araw, at kulay berdeng mga halaman sa
mga bilanggo sa kuweba, maaaring siya’y patayin ng mga ito kung may pagkakataon, ayon kay Plato. Sa
tingin ko, maihahalintulad dito ang naging karanasan ng kaniyang guro. Nagalala ang ilang
makapangyarihan sa Athens sa dalang panganib ng mga itinuturong kaisipan ni Socrates. Hinatulan siya
ng kamatayan sa pamamagitan ng lason. Hindi ba? Makikita rito na ang nais lang naman ni Socrates ay
mamulat ang kaniyang mga kababayan sa kaisipang ipinamamahagi niya. Ngunit, ito pa pala ang naging
dahilan upang siya’y mamatay. Pero, hindi siya nabigo sa kaniyang layunin dahil ginawa niya ang lahat
upang makamit ang nasa dulong kabutihan.

Isa pa, paniwalang-paniwala tayo na nabubuhay na tayo sa totoong mundo, at totoo na ang ating
mga nakikita. Mali iyon, minsan akala natin iyon na ang reyalidad ngunit sobrang layo pa pala sa
katotohanan. Dahil mayroon pa ring mga tao o bagay na bumubulag sa ating mundo. Mayroon pa ring
mga tao na pilit itatago ang katotohanan, imbis na sila ang mangunang ituro sa atin kung ano ang
pagkakaiba ng huwad at ang direksyon na totoo. Paano nga ba natin ito maiiwasan? Kinakailangan
nating lagpasan pa ang alam nating destinasyon na, dumiskubre ng mga bagay na maaaring magturo sa
atin ng tunay at angkop na direksyong ipinagkait sa atin. Kung lubos lamang nating bubuksan ang ating
mga mata at sisikaping matagpuan ang katotohanang nagtatago dito sa ating kinagagalawan, mas
mamamayani ang kabutihan kaysa kasamaan. Makakamit din natin ang kabutihan kung patuloy natin
itong gagawin sa ating sarili at sa ating kapwa.
Ngayon ay maaaring alam mo na ang tiyak na depenisyon ng karunungan, at maaari ring mayroon
ka ng kamalayan sa talinhagang nakabalot sa akda ni Plato. Sa pagtatapos, hindi dapat tayo maging isa
sa mga taong takot o ayaw tumuklas ng mga bagong kaalaman. Tulungan nating ipaunawa ang ating
mga kaisipan sa mga taong iyon na nabulag sa kasinungalingan, at pilit imulat ang kanilang mga mata sa
reyalidad ng buhay. Upang patuloy na makamit ang sinasabi nating kabutihang nasa huli. Pag-aralan
natin ng mabuti ang lahat ng nangyayari sa ating mundo, kaya nga tayo ay naging kabilang nito. Para
saan pa ang buhay, kung hindi natin sisikaping makamit ang kabutihan? Para saan pa ang buhay, kung
hindi tayo magiging mulat, at hahayaan na lamang mamayani ang huwad na pamumuno? Para saan pa
ang buhay, kung hindi tayo lalabas sa yungib na ating kinamulatan?

You might also like