Professional Documents
Culture Documents
Bawat táong iniluwal sa mundong ibabaw ay may kabuluhan. Hindi sukatan ang
katayuan sa búhay. Nagiging makabuluhan ang búhay nang ayon sa kung paano ito iaayos ng
bawat tao.
Ngayon, kung mapapadpad siya sa labas ng yungib at makita niya ang sinag ng araw, lalo
pa siyang mamamangha (o lalong matatakot). Lalo pang magdudulot ng kalituhan sa kaniya ang
sikat at liwanag ng araw. Pero, darating ang oras na masasanay na rin siya sa panibagong nibel
ng katotohanan na nakikita niya. Makakakita siya ng totoong hayop, bulaklak, puno, at bituin sa
unang pagkakataon, at mauunawaan niyang lalong totoo ang mga may kulay at 3D na bagay
kaysa sa mga anino na nakikita ng kanyang mga mata sa loob ng yungib. At maliliwanagan siya
sa kaawa-awang kalagayan ng mga kasamahan niya sa loob ng yungib na limitado lámang ang
kaalaman sa mga ipinapakitang anino.
Sa kuwento ni Plato, may kaugalian ang mga tao sa loob ng yungib na magbigay ng mga
premyo at mga parangal sa mga táong magaling kumilala sa mga imahen ng mga partikular na
anino. Gayunman, walang kuwenta ang mga premyo at mga parangal na ito sa isang taong
nakakita na ng talagang totoo. At kung babalik sa yungib ang táong ito, magiging katawa-tawa
lámang siya sa mata ng mga tao doon. Iisipin ng mga dati niyang kaibigan na nawala na ang
katinuan niya kung ikukuwento niya ang totoong kulay berdeng halaman, ang dumadaloy na
tubig, at ang liwanag ng araw. At sang-ayon kay Plato, kung magkakaroon sila ng pagkakataon,
papatayin nila ang táong ito, kahit ang talagang gusto lámang niyang gawin ay sabihin ang totoo
at palayain silá sa kanilang kalagayan (kamangmangan).
Inilalarawan dito ni Plato ang tunay na kalagayan ng isang tao. Paniwalang paniwala táyo
na totoong totoo ang mga nakikita natin. Akala natin ay talagang nabubúhay táyo sa katotohanan.
Ginigising táyo ni Plato sa ating mahimbing na pagkatulog, at binibigyan ng babala na delikado
ang mabuhay sa paniniwala galing sa mga walang laman na anino. Itinuturo niya ang direksyon
ng talagang totoo. May bahid ng totoo ang ating mga nakikita. Pero, hindi pa ito ang talagang
totoo.
Ngayon, ganito rin ba sa búhay ng isang tao? Ang búhay natin ay binubuo ng pira-
pirasong mga karanasan at pangyayari—ang ilan sa mga ito ay masaya, malungkot, at ang
karamihan sa mga ito ay bahagi ng nakakaaboridong routine ng ating búhay. Subalit, ito bang
mga pira-piraso nating karanasan at pangyayari sa ating búhay ay nakatutulong upang mabuo
natin ang mas malawak na larawan ng ating búhay? Nakikita ba natin ang kabuluhan ng ating
búhay sa bawat bagay na ating ginagawa? Nakaugnay ba ang mga ito sa lalong malaking aspekto
ng ating pagkatao? Sa madalîng salita, ano ang kabuluhan ng mga bagay na ginagawa natin?
Sa anumang bagay na ginagawa natin, napakahalagang maláman kung ano nga bang
layunin ng nasabing gawain. Halimbawa, ang layunin sa paglalaro ng basketbol ay ang
malamangan ang kalaban o makakuha ng mas mataas na puntos. Ibang-iba ito kung ikukumpara
sa paglalaro ng golf, kung saan ang layunin ay matapos ang laro nang mas mababa ang iyong
puntos. Kung hindi ka pamilyar sa layunin o patakaran ng isang laro, malalagay ka sa alanganin.
Para kang ewan na galaw nang galaw, subalit walang patutunguhan. Wala kang direksiyon kayâ
kapag niyaya ka ng kaklase mo na pumunta sa bible sharing, sáma ka naman. Pero, pagkatapos
ng bible sharing at may nagyaya sa iyong humithit ng shabu, sáma ka rin. Palibhasa sáma ka
lámang ng sáma at walang direksiyon ang mga ginagawa mo sa iyong búhay. Mapakisama ka,
subalit walang direksiyon, wala sa hulog, o walang kahulugan ang iyong búhay. Ito ang dahilan
kung bakit napakaraming pilosoper ang nagwawaldas ng oras para sagutin itong napakahirap na
bugtong ukol sa kabuluhan ng búhay.
Hindi kalabisan kung sasabihin nating wala na sigurong sistemang pangkaisipan (system
of thought) na talagang nagwaldas ng napakaraming oras ukol sa katanungan ng “kabuluhan ng
búhay” kaysa sa eksistensiyalismo. At dahil inuusisa natin ang pilosopikong katanungang ito,
maganda sigurong pag-usapan natin ang sistemang ito.
Si Roque Ferriols, isang Pilipinong pilosoper at dangal ng wikang Filipino, ang nagturo
sa atin na mahalagang salik ang personal na karanasan. Ang kaniyang sistema upang makarating
sa isang personal na kasagutan ay maaari nating bansagang “danas-masid-kilatis”. Kaugnay nito
paliwanag ni Ferriols,
Kung inuunawa mo, halimbawa, ang paglalangoy sa tubig, lubos ang pangangailangang
makipag-isa sa tubig na inuunawa. Hindi maaaring hiwalay ang diskurso ng paglalangoy sa
praktika ng mismong paglalangoy. Ikaw na may pagnanais na matutunan ang galawan ng
paglalangoy ang siya mismong may pangangailangang dumanas, magmasid, at kumilatis ng laro
ng halo-halong dinamismo at daloy. Sa pamamagitan nito, nakikilatis niya ang mga purong
konsepto. Alin ba sa mga binigkas na purong konsepto ang talagang nakakabit sa katotohanan at
alin sa mga ito ang pamparami lámang?
Mayroon bang punto sa iyong búhay na alam mong tama ang sinasabi ng isang pilosoper,
subalit hindi mo makita ang kabuluhan nito sa iyong búhay? Mayroon din naman bang
sinasabing konsepto ang isang pilosoper na tumatagos sa mga totoong nangyayari sa iyong
karanasan? Posible kayâng matutuhuhan ang isang bagay sa intelektuwal na paraan, ngunit hindi
nadadala sa gawa? Pagnilayan mo muna ang puntong ito.
Sinabi naman ni Jean-Paul Sartre, “Ang tao ay pinapanday ng mga nais niya sa búhay,
masasabi mo lámang na umiiral siya kung namamalayan niya ang totoong nais niya sa búhay,
samakatwid siya ay walang iba kundi ang kabuuan ng kaniyang mga kilos, walang iba kung ang
sarili niyang búhay” (Sarte, 1966). Alalaumbaga, ang sinasabi ni Sartre dito ay ganito: ano
naman kung mataas ang iyong nakuhang grado sa pilosopiya, ang tanong na lalong mahalaga ay
kung paano nito binago ang búhay mo.