You are on page 1of 31

CANVASS

Dahil mainit na usapan sa taóng iyon, dalawang salita kaugnay ng eleksiyon ang naging
nominado sa Sawikaan—ang “canvass” at “dagdag-bawas.” Tatlo ang pakahulugan ni
David sa salitang canvass: ang una ay tumutukoy sa telang ginagamit sa pagpipinta o
trapal na pantapal; ikalawa, may kinalaman sa komersiyo na tumutukoy sa
pangangalap ng pinakamahusay sa kalidad ng isang produkto o serbisyo sa mababang
presyo; ngunit ang namayani ay ang ikatlo na may kaugnayan sa politika, na isang
mapagpabagong gawain sa eleksiyon na nangangailangan ng isang masusing
pagkilates ng mga dokumentong naglalaman ng resulta. Mapagpabago sapagkat
nakasalalay sa masusing inspeksiyon at pagbibilang ng sagradong boto ng
mamamayan ang kinabukasan ng bayan. At dahil sa itinakbo ng halalan noong mga
panahong iyon, ayon kay David: “dahil sa canvassing, maaari kang manalo sa botohan
at matalo sa canvassing… Mayroon tayong presidenteng nailusot sa mga butas ng
magaspang na canvas(s).”
CANVASS ni Randy David
Hindi lamang dahil nagkaroon tayo ng eleksiyon nitong 2004 kundi dahil naging
malawak ang papel ng “dagdag-bawas” sa nakaraang eleksiyon, kung kaya ang
salitang canvass, para sa akin, ang pinakamainit na salita sa taong ito.

Mas kilala ito ng mga Filipino na may isang “s” lamang. Sa ganitong anyo, tumutukoy ito
sa isang uri ng magaspang na tela na ginagamit bilang trapal na panakip, o kambas
para sa isang ipinipintang larawan.

Hindi natin alam kung ang canvass na may dalawang “s” ay may koneksiyon din sa
magaspang na tela, subalit kung ang pagbabatayan ay ang kasalukuyan nitong gamit
sa politikang Pinoy, tila kagaspangan din ang ipinahihiwatig nito.

Bukas sa sari-saring gamit ang salitang canvass na may dalawang “s”. Kung ika’y may
binibili, mas mabuting mag-canvass ka muna upang makatiyak na ang mabibili mo ay
ang pinakamahusay sa pinakamababang presyo.

Pagka-canvass din ang tawag sa pag-aalok ng isang produkto o serbisyo sa mga


mamimili o kliyente. Halimbawa: Sinasabi ni Keanna Reeves, ang seksing aktres na
dating nagtrabaho bilang “escort girl,” na siya raw ay nakapagcanvass na sa Kongreso.

Sa larangan ng politika, may dalawang tampok na kahulugan ang salitang canvass.


Canvass ang tawag sa pangangampanya ng isang kandidato o ang pag-akit at paghingi
ng mga boto. Ngunit ang pinakalaganap na kahulugan ng canvass sa eleksiyon ay
masusing pagkilatis ng mga dokumentong naglalaman ng resulta ng eleksiyon. Sa
ganitong gamit, ang kaugnay na salitang dating naririnig sa panahon ng eleksiyon, ayon
kay Dr. Bienvenido Lumbera, ay “iskrutinyo” (scrutiny).

Kapag ang isang mamimili ay nagka-canvass ng mga bilihin, hindi lamang ang presyo
ang kaniyang sinisiyasat kundi ang kalidad at kaangkupan nito sa mga espesipikasyong
kaniyang hawak. Dapat lamang asahan, kung gayon, na ang masinsinang pagkilatis ay
lalo pang bahagi ng proseso ng canvassing sa eleksiyon. Wala akong intensiyon na
itakda ang buod ng salitang ito, sapagkat sang-ayon ako sa sinabi ni Wittgenstein na
ang kahulugan ng isang salita ay nasa gamit nito. Gayunman, mainam na balikan ang
iba’t ibang kahulugan nito upang ating maunawaan ang mga kontradiksiyon ng ating
buhay politika.

Sa kasalukuyang takbo ng ating politika, mapapansin ang unti-unting paglalaho ng


isang kahulugan ng canvass na dati nang bahagi ng lumang gamit nito: ang masusing
pagsisiyasat at pagtatalo ukol sa katotohanan ng mga dokumento ng botohan. Ang
kahulugang pumalit at nangibabaw ay pagsusuma, pagtatala, o paghahanay ng mga
boto, na dati nang wala sa mga kahulugan ng salitang ito.

Nitong nakaraang eleksiyon, pagkatapos tingnan kung kompleto ang mga pirma at kung
malinaw ang pagkakasulat ng mga resulta sa “certificates of canvass,” isa sa mga
miyembro ng Congressional o National Canvassing Committee ay nagsabing, “I move
to canvass.” Malinaw sa ganitong gamit na ang katumbas ng salitang canvass para sa
kanila ay pag-tabulate o pagsusuma.

Sa pananaw ng Kongreso, ang canvassing ay “ministerial” na gawain lamang—isang


mekanikal o administratibong gampanin na hindi kailangang pag-aksayahan ng
panahon. Ministerial nga marahil ito—maaaring ipagkatiwala sa isang abang clerk o
calculator kung ang tinutukoy ay paglilista lamang ng mga bilang. Ngunit ang pagtiyak
kung ano ang nararapat isama sa huling bilang ay hindi gawaing mekanikal.
Nagpapahiwatig ito ng masusing inspeksiyon at pagpapasiya ukol sa katotohanan ng
mga dokumento.

Canvassing, kung gayon, ang tawag sa proseso ng maingat na pagsiyasat sa


dokumento upang matiyak na ito nga’y tunay. Canvassing din ang tawag sa talakayang
nagaganap bilang bahagi ng pagtatasa sa katunayan ng mga dokumento. Ang
kahulugang ito, na tuluyan nang nawawala, ay may mga bakas pang naiwan sa ating
mga batas. Makikita ito sa mga salitang “authenticity” at “due execution” na parehong
binabanggit kaugnay ng proseso ng canvassing. Sa canvassing na naganap nitong
nakaraang eleksiyon, nauwi ang prosesong ito sa botohan sa loob ng komiteng
nagsagawa ng canvass. Iniwasan ang pagbubukas ng mga resultang galing sa mga
presinto na dapat sana’y magpapatunay sa nilalaman ng mga municipal, provincial, at
city certificates of canvass. Ang bawat pagtutol o pagpuna sa ayos ng mga certificates
of canvass ay binara ng isang maikling “noted” ng tagapangulo ng komite. Binigyang-
pansin subalit di sineryoso. Hindi raw ito, anang mayorya, ang tamang forum para
magsiyasat ng dokumento.

Sa ating panahon, kung gayon, maaari kang manalo sa botohan at matalo sa


canvassing. Hindi ito ang lugar para ipaliwanag kung paanong nangyari ito. Sapat nang
sabihin na dumating na nga tayo marahil sa panahong tinutukoy ni Jean Baudrillard:
“The era of simulation is inaugurated by a liquidation of all referentials.” Pinasisinayaan
ang pagkukunwa sa pamamagitan ng paglipol sa mga sanggunian. Bilang kongklusyon,
ang aking masasabi ay: Wala tayong nahalal na pangulo nitong nakaraang eleksiyon.
Mayroon tayong presidenteng nailusot sa mga butas ng magaspang na canvas(s).
TERORISTA AT TERORISMO ni Leuterio C. Nicolas
Masasabing isang malaking himala kapag ang mga salitang terorista o terorismo ay
hindi nabanggit sa bawat araw na daraan sa ating buhay. Basahin natin ang mga
diyaryo. Pakinggan natin ang mga radyo. Panoorin ang mga balita sa telebisyon. At
tunghayan maging ang mga balita sa Internet.

Pero ang totoo, talagang matagal-tagal nang panahon na paulit-ulit nating naririnig ang
mga salitang ito. Kahit noon pang panahon ng nakaraang diktadura, ang mga salitang
ito ay malimit nang itambal ng pamahalaan sa mga pangalang Moro, Muslim, at NPA.
Kaya noon pa ay mayroon na tayong Moro o Muslim terrorists, at NPA terrorists.
Ganoon sila kung tawagin ng mga kontroladong midya ng gobyerno noon.

“Mga terorista! Mga manliligalig! Mga kaaway ng lipunan!” At naging kasingkahulugan


nga ng salitang terorista ang “mga pasimuno sa paghasik ng lagim at kaguluhan.” Sa
paglipas ng panahon, lalong naging mas bukambibig ang mga salitang terorista at
terorismo. Ito’y pagkatapos ng sunod-sunod na pambobomba na naging sanhi ng
pagkasugat at pagkamatay ng maraming tao sa iba’t ibang panig ng daigdig. Ito’y
pagkatapos din ng di-mabilang na pagdukot at pagpatay hindi lamang sa mga
prominenteng tao kundi maging ng mga inosenteng sibilyan.

At dito sa Filipinas, ang giyera at kaguluhan sa Mindanaw, sampu ng hostage-taking sa


mga dayuhang kinabibilangan ng mag-asawang Burnham, ay ikinakawing sa mga
terorista partikular sa grupong Abu Sayaf, na kasama diumano ng mga MILF, at
iniuugnay rin sa mga dayong Jamaya Islamiyah at Al Qaeda.

Nang pasabugin ng mga hijacker, sa pamamagitan ng inagaw na mga pampasaherong


eroplano, ang kambal na gusali ng World Trade Center noong Setyembre 11, 2001 na
ikinamatay ng libo-libong mga sibilyan, nakita ng buong mundo na hindi biro ang
implikasyon ng tinatawag na terorismo. Sangkot dito diumano si Osama bin Laden,
Sadam Hussein, Jamayah Islamiyah at Al Qaeda, at marami pang iba.

Hanggang ang Estados Unidos ay maglabas ng talaan ng MGA TERORISTA AT


TERORISTANG ORGANISASYON AT BANSA SA DAIGDIG. Inampon naman ng
European Union ang listahang ito. Kaya base sa pakahulugan ng Estados Unidos,
ibinibilang na mga terorista ang mga indibidwal na tulad ni Osama bin Laden, Sadam
Hussein, Muamar Khadaffy, Jose Maria Sison at iba pa. at ng mga grupo at
organisasyong gaya ng Abu Sayaf ng Filipinas, Jamayah Islamiyah at Al Qaeda.
Kabilang din dito ang National Democratic Front (NDF), Communist Party of the
Philippines at New People’s Army (NPA), habang binansagan bilang mga
“teroristang” bansa ang Hilagang Korea, Palestine, Iran, Syria, Afganistan, Iraq at
Lybia. Subalit hanggang sa ngayon, hindi pa rin maliwanag sa marami sa ating mga
Filipino kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito.
Pero ano-ano nga ba ang kanilang ipinakakahulugan sa mga salitang terorista at
terorismo? Sa Sentinyal Edisyon ng Diksyunaryo ng Wikang Filipino, ang terorista ay
nangangahulugan ng “taong nananakot, nanggugulo, pumapatay dahil sa galit sa
nakatatag na pamahalaan.” Samantalang sa Collins Webster Contemporary English
Dictionary, ito ay “systematic use of violence and intimidation to achieve some goal.”
Ayon naman sa Estados Unidos, batay sa Title 22, Section F (d) ng US Code, ang
“terrorism” ay “pre-meditated politically initiated violence, perpetuated against
noncombatant targets by sub-national groups or clandestine agents, usually intended to
influence an audience”. At dito naman sa Filipinas, sa Section 3, (3) ng panukalang
batas na Anti-Terrorism Act of 2003 kung saan ay kasamang may-akda si Cong. Imee
Marcos, kabilang sa mga kahulugan ng terorismo ay “threatening to cause serious
interference with, or actually causing disruption of a public transport or utility or an
essential service, facility or system, whether public or private, except in the furtherance
of a legitimate protest, grievance or advocacy.”

Ngunit may pagtingin ang mga progresibong grupo, kabilang si Atty. Jayson Lamchek
ng Public Interest Law Center, na ang salitang terorismo at terorista ay simpleng
ipinapakahulugan ng Amerika sa sinumang indibidwal, grupo at bansang tuwirang
kumakalaban sa kaniyang mga patakaran at sumasalungat sa kaniyang mga interes.
Ang Filipinas ay di maitatatwang isang nakapamasunuring “alalay” ng Amerika kaya
hindi tayo kabilang sa binansagang “teroristang” bansa bagaman at sinasabi ng
Amerika na dito sa atin nagsasanay at naglulungga ang maraming terorista.

Pero talagang nakagugulo at talagang nakakalito pa rin. Halimbawa, ano ba ang


kaibahan ng terorismo sa mga lehitimong protesta ng mamamayan? Terorismo ba ang
Welgang Bayan na kalimitang may kasamang mga pagbabarikada at pagparalisa sa
transportasyon at mga pampublikong serbisyo at pasilidad? (Ito’y kung pagbabatayan
ang panukalang Anti-Terrorism Bill.)

Ano ba ang kaibahan ng samahang terorista sa mga kilusang rebolusyonaryo? Ano nga
ba ang dapat itawag sa mga Arabong dumukot kay Angelo dela Cruz? Hindi ba’t
militante kung tawagin sila ng ating gobyerno sa panahon ng negosasyon sa kaniyang
pagpapalaya habang terorista naman kung tawagin sila ng mga kasapi ng Coalition of
the Willing? O magkasingkahukugan na ang mga salitang militante at terorista? (Pero
kung terorista kaya ang katawagang ginamit ng pamahalaan sa panahon ng
pakikipagnegosasyon sa mga bumihag kay Angelo dela Cruz, palalayain pa rin kaya si
Angelo at hindi pupugutan ng ulo?)

Bakit hindi terorista ang itawag sa mga nagmasaker sa mga magsasakang nagrali noon
sa Mendiola? Bakit hindi rin terorista ang itawag sa mga nananakot, nandurukot, at
pumapatay sa mga kasapi at pinuno ng mga cause-oriented group, labor union, at mga
party list sa ating bansa?

Ano ang puwedeng itawag sa mga sundalong Amerikanong nagmasaker sa


Balanggiga, Samar at pumatay sa libo-libong sibilyang Filipino noong unang bahagi ng
nakaraang siglo, ayon sa ating kasaysayan?

Ano ang dapat itawag sa bansang naghulog ng bomba atomika noong buwan ng
Agosto 1945 sa Hiroshima at Nagasaki, Japan na pumatay ng daan-daan libong
sibilyang Hapones?

Ano ang dapat itawag sa bansang ito na hanggang ngayon ay may pinakamalaking
stockpile ng sandatang nukleyar sa buong daigdig na sa isang iglap lamang ay kayang
gunawin ang ating planeta?

Ano ang dapat itawag sa bansang ito na sa ngalan kuno ng kontra-terorismo, pagsagip
sa demokrasya at kalayaan, o paghanap sa Weapons of Mass Destruction (WMD) ay
basta na lamang lulusob, papatay, mananakop, at manghihimasok sa maliliit at
mahihinang bansa gaya ng Afganistan at Iraq?

Ano ang dapat itawag sa bansang lumusob at pumatay ng 4.5 milyong Koreano at 6 na
milyong Biyetnames dahil lamang sa giyera ng kontra-komunismo?

Ano ang dapat itawag sa mga opisyal at sundalong Amerikano na nagpapahirap ng


mga bihag sa kulungan sa Al Greib sa Iraq? Ano rin ang dapat itawag sa mga opisyal
sa kulungan ng Guantanamo Bay na sang-ayon sa mga dating bilanggong British ay
sistematiko raw na nagto-torture sa mga bilanggong tulad nila?

Ano nga ba talaga ang terorismo? Sino nga ba talaga ang mga terorista?

Kung naimbento na sa Pilipinas noong unang panahon ang salitang terorista, hindi
bandido o magnanakaw ng kalabaw ang itatawag kay Macario Sakay at sa mga
Katipunerong patuloy na lumalaban sa mga dayuhang mananakop.

Tatawagin silang mga terorista!

Kaya sa aking palagay, hindi lang talaga dapat tawaging mga Salita ng Taon terorista at
terorismo. Ang mga salitang ito ay tunay na mga kontrobersiyal na talinghaga at
palaisipan ng taon.

DAGDAG BAWAS Ni Romulo P. Baquiran, Jr.


Sinasabi na pinadadaloy ng matematika ang mundo. Lahat ng kilos natin, sa totoo
lamang, ay nakabatay sa prinsipyo ng matematika. Kasama sa kakayahan ng
sibilisadong tao ang kakayahang magbilang nang tama, makakita ng kaugnayan ng
bahagi sa kabuuan, at makakita ng padron sa mga pangyayaring naoobserbahan sa
paligid. Samakatwid, mahalaga ang matematika upang maunawaan ang daloy at
kalikasan ng mundo. Kasama na rito ang pag-unawa sa lipunan.

Nais ng tao na marating sa at mapanatili ang kaayusan. Dito nakabatay ang kaniyang
lipunan. Kapag nakakita siya ng anomalya at hindi niya ito makompone, nagugulo ang
kaniyang konsepto ng kaayusan at kagandahang-asal.

Kapag may dagdag-bawas a inaasahang normal, hindi siya mapakali. Alam niyang may
mali. Saan mang larang ng kaniyang buhay kapag nangyari ito, dapat na may gawin
siya para maiwasto ang lumilihis na mundo.
Ang eleksiyon na pangunahing ekspresyon ng demokratikong lipunan ay itinuturing na
sagrado. Sa pamamagitan ng eleksiyon ay naipapahayag at naririnig ang boses ng
bayan. Dito niya naipapaalam ang kaniyang pagpapasiya kung sino ang kakatawan sa
kaniyang pampolitikang kapangyarihan at karapatan, kung sino ang magsasakatupran
sa kaniyang kontribusyon sa pagpapadaloy ng lipunan.

At sa sektor ng mga kasangkot sa politika, alam nilang ang eleksiyon ang instrumento
upang makapaglingkod sa bayan. O kaya ay magkamit ng kapangyarihan. At gagawin
ng may ambisyon ang lahat para makuha ang kapangyarihang ito.

Sa eleksiyon ng mga senador, malas ng kandidatong mapupunta sa ikalabintatlong


puwesto. Kasi labindalawa lamang ang kasama sa magic circle. Kapag panlabintatlo ka,

tsugi ka. Noong 1995 senatorial elections, si Aquilino Pimentel ang panlabintatlo.
Panlabindalawa si Juan Ponce Enrile. Nagreklamo si Pimentel na biktima siya ng
sistemang dagdag-bawas. Batay sa matematika, biktima siya ng bawas.

Pero siyempre, kailangan ng ebidensiya. Ito ang mahirap hanapin at patunayan. Sino
ba ang gustong mahuli sa pandaraya? Wala. Sino ang gustong mahuli ang mandaraya?
Pangunahin na iyong nadaya. At sa prinsipyo ng extension, higit na nadaya ang mga
mamamayang bumoto sa karapat-dapat na kandidato.

Sabwatan ang nangyayari sa dagdag-bawas. May badyet na malaki para sa mga


opisyal ng Comelec na makikipagkutsabahan sa mayamang politiko. Milyon ang
usapan. Sa rehistrasyon pa lamang ay pinapalamanan na ng kasangkot na opisyal ang
bilang ng botante. Inilalagay sa listahan ang mga yumao na at ang mga wala sa gulang
para bumoto. Nagbabayad ng mga flying voter at double registrant para dumami ang
bilang ng tao sa isang distrito. Dagdag iyan. Sa araw naman ng eleksiyon, marami ang
nadidisenfranchise. Bawas iyan. Tapos, magbabayad ng mga maton para manggulo sa
araw ng bilangan na balota. Kapag nagtakbuhan ang mga tao, pasok naman ang
magdodoktor sa certificate of canvass. Ang gulo. Ito ang politika sa Filipinas at parang
karaniwan na para sa maraming Filipino.

Sa pagtutuos, 2.5 porsiyento ang bilis ng ating pagdami ng populasyon. Pero may mga
distrito sa Mindanao na lumalaki nang hanggang 70 porsiyento ang dami ng
populasyon. Kaya madaling makita ang mga distritong may nangyayaring dayaan.
Kailangan lamang ihambing ang mga registered voter at dami ng boto sa CoCs
(certificate of canvass) para makita ang mga di-pagtutugma.

Pero sa dinami-dami ng mga kaso ng dagdag-bawas na isinampa sa korte, isa lamang


ang napatunayang totoong nangyari. Ito ang kaso ng isang canvasser sa Pangasinan
na nahuling nagbawas ng 5,000 boto mula sa nakuha ni Senador Aquilino Pimentel
noong 1995. Nasentensiyahan siya ng anim na taong pagkabilanggo noong 2000,
limang taon pagkaraan ng pagbabawas na ginawa niya. Ang tagal ng resulta. Hindi na
naipagpatuloy ang ibang kaso. Natatakot din kasi ang mga huwes na masangkot sa
mga kasong ganito. Mainit at delikado.

Pero ang sabi nga, kung walang maglalakas-loob na labanan ang sistemang ito na
sinasabing nariyan na sa loob ng tatlong dekada mula pa noong dekada 1970, walang
mangyayaring pagwawasto sa malaganap na korupsiyong ito.

Isang pasimula at patunay ang kaso sa Pangasinan na maaari namang mahuli ang mga
kasangkot sa dagdag-bawas. Kapag hindi ito pinursigi, sadyang hindi maigagalang ang
ating politika. Kundi may dagdag, may bawas. Hindi natin maisasakatuparan ang tunay
na demokrasya kung ganito nang ganito ang mangyayari. Kaya napakahalaga ng
salitang dagdag-bawas para palagian nating maaalala ang pagsisikap ng bayan na
maisakatuparan ang ideal ng demokratikong lipunan at buhay para sa Filipino.

TSIKA ni Rene Boy Facunla (aka Ate Glow)


Sa Espanyol, munti o maliit ang ibig sabihin ng chica. Casa chica. Cara chica. Maliit na
bahay. Munting mukha. Tumutukoy rin ito sa batang munti, lalaki man o babae. Puwede
rin itong term of endearment sa mga matalik na kaibigan—mi chico, mi chica. O pagbati
o pangungumusta sa oras ng personal na pagkikita—Ola chica. Sa katotohanan, sa
ekspresyong ito nagmula ang pakahulugan ng mga Filipino sa salitang tsika. Pero alam
mo naman ang Pinoy, ang galing magpalawig ng mga bagay-bagay. Marami siyang
nagagawa pagdating sa badyet, oras, relasyon, at depinisyon. Napapalawak niya ang
sakop ng mga kahulugan. Ang bagay na hiniram, hindi nananatiling hiram kundi
inaangkin na talaga. Nagiging Pinoy na. O di ba? Tingnan lang natin kung sinong
Espanyol ang makakikilala sa nangyari sa kanilang terminong chica na tsika sa Filipino.
Hindi na lang basta “munti” o “maliit” ang tsika. Lumawak at lumaki na ito.

Sa ngayon, laganap na ang salitang ito. Walang tsika talaga. Bading man o hindi,
gumagamit na nito. Halimbawa, maaaring ganito ang marinig nating paggamit sa tsika:

1. Kapatid, matagal na tayong di tsika.Punta ka naman dito. Tsika tayo.


2. Ate, paano mo nakuha‘ yang account? Wala, tsika lang.
3. Sabi ko, gandahan mo mo‘ yung paper mo, ano ba, tsinika mo naman.
4. Ay, akala ko masungit ka. Tsika-tsika ka rin pala.
5. Anak, tsikahin mo ‘yung bisita, sige na. Ayoko, di ko naman ‘yun katsika.

Tsika 1. Sa una, “kuwentuhan” ang ibig sabihin ng tsika. Kapag malapit na kaibigan o
katapatang-loob mo ang isang tao, karaniwan nang bahagi ng inyong pagkakaibigan
ang pagkukuwentuhan. Kailangang mag-update kayo ng nangyayari sa buhay ng isa’t
isa. O kailangang pagtsismisan ninyo ang mga kaibigan o kakilala. Tsikahan ang tawag
dito. Kapag mahilig kang makipagkuwentuhan, tsikador o tsikadora ang tawag sa iyo.
Puwedeng palakuwento ka lang talaga, daldalero. Puwede rin namang
tsismoso/tsismosa ka na talaga.

Tsika 2. Sa ikalawa, naroon pa rin ang kahulugan ng kuwentuhan pero sa mas tiyak na
pakahulugan. Nakuha niya ang account dahil “matsika” o maabilidad sa pakikipag-usap
sa kliyente. Maaari rin namang magaling mambola ngunit dito’y ang positibong
pakahulugan ang nangingibabaw. Kapag matsika ka, ikaw ay bibo, may tiwala sa sarili,
at bukas makipag-ugnayan sa kapuwa tungo sa kapaki-pakinabang na mga layunin.

Tsika 3. Lumilitaw rito ang medyo hindi positibong kahulugan ng “tsika.” Mayroon na
ritong elemento ng hindi pagseseryoso sa inaatas na mahalagang gawain. Kung baga,
minadali ang pagsulat ng papel. Pinaa. Tsinika. Dito rin lilitaw ang kahulugan ng
pagiging bolero ng isang tao. Tsumitsika lamang ito. Nagbibiro. Kapag gustong pawalan
ng bisa ang isang nabanggit na pahayag, puwedeng sabihin na “Huwag mong
paniwalaan, tsika lang iyon.”

Unang lumitaw ang salitang “tsika” noong kalagitnaan ng dekada otsenta. Kuwentuhan
lamang ang ibig sabihin nito noon. Ginamit itong titulo ng programang pang-young
adults—ang Chico Chica na prinodyus ng Philippine Children’s Television Foundation,
ang prodyuser din ng Batibot. Isa sa mga talent ng Chico Chica si Richard Reynoso na
sumikat na mang-aawit din.

Noong kalagitnaan naman ng dekada nobenta, salamat sa Bubble Gang, na-transform


ang tsika at ito’y naging “tsiken.” Sa programa sa telebisyon, magpapalabas ng
kalokohan ang mga komedyante sa isang segment at magtatapos ito sa sabay-sabay
na pagsigaw ng “Tsiken!!” Parang sinasabi na, “Ano ba iyan!” o kaya’y “Joke! Joke!
Joke!” Napasok din ang bersiyong “tsikadi” na pagiging friendly ang ibig sabihin.
Halimbawa, sa halip na sumunod sa isang seryoso at takdang patakaran, mas iibigin ng
kasapi ng grupo ang tsikadi policy o yaong puwedeng mag-adjust sa pangangailangan
ng mga kasapi. Kaya hindi “in” ang rabid feminism. Mas gusto halimbawa ni Joi Barrios,
peministang iskolar, ang tsikadi feminism o feminism na umaangkop sa pakikisama at
value na sinusunod ng mga Filipino at hindi isinunod lamang sa mga feminista ng mga
taga-Europa at Estados Unidos. Pinahahalagahan sa ugaling “tsika” o “tsikadi” ang
pakikisama at maayos na interpersonal na ugnayan.

Ngunit sandali lamang sumikat ang “tsiken” at “tsikadi” at muling nagbalik o hindi naman
nawala ang bukambibig na tsika.

Sa isang poetry reading sa UP, may bumasa ng tula na puro salitang “tsika” lamang
ang laman ng taludtod. At naiparating naman ng manunulat ang kaniyang ibig sabihin.

Patunay ang tsika sa pagkamalikhain ng Filipino pagdating sa pagbuo ng bagong


bokabularyo. Maaaring hiram lamang ang salita ngunit makikita na ang husay ng Pinoy
sa pag-imbento at pagbabagong-bihis sa kahulugan ng salita.

Laganap at bahagi na ng pang-araw-araw na bokabularyo ng mga Filipino ang “tsika”


kaya sa palagay ko, nararapat itong tanghaling “Salita ng Taon.” Walang tsika.

TSUGI ni Rolando Tolentino


Hindi salitang Hapon ang tsugi, pero tila gayon din kalayo at over ang kahulugan nito.
Tsugi ang isang bagay, karanasan, lugar, tao, at pagkatao kapag negatibo ang dating
nito—loseng, loser, luz, Luz Valdez, Luzviminda, Luz Gallery, Arturo Luz, Paula Luz, at
Lucila Lalu na pinsang-buo nina Chaka at Chaka Chan. Ang tsugi ang kabaligtaran ng
wagi o winner, Winnie Santos, Winnie Monsod, Winnie the Pooh, at Winnie Mandela.
Sa telebisyon, ang tsugi ang gamit para ilahad ang paninigbak sa mga show ng mga
hari ng network. (Komentaryo ni Randy David sa panayam na papel.) Sibak na ligwak
na naging tsugi—ito ay bahagi ng gay o swardspeak, isang idiolek ng pagkakaunawaan
at pagbibigay-ngalan at kahulugan sa mundong ibabaw ng grupong isinantabi.
Ang tsugi ay pantsatsaka o panlalait. Ang objek ng panlalait ay isang di makapasa
sa pamantayang ng subhetibismong bading. Ang subhetibismong bading ay ang
etikang panuntunan sa pakikipagkapuwa-tao ng bading. Etika ito dahil may pagninilay-
nilay kung sino ang ibabrand na tsugi at kung sino ang wagi. Tsugi ka kapag sobra-
sobra ka sa mismong kalabisan ng bading, kasama na ang attachment sa kloseta o di-
paglaladlad. Wagi ka kung isinasakatawan at kaluluwa mo ang ideal ng campiness ng
bading gayong marami ring sub-identidad ang bading. Kaya nga ang etikang pagninilay
at pagpili ay nakatuon sa paghulma ng subjectivation o overdeterminasyon ng pagiging
bading sa simbolikong loob ng patriyarka at ng subjectivation o overdeterminasyon sa
pantasya ng imahinaryo ng tagumpay, pagiging winner at Miss Universe ng bading.

Overdeterminasyon ito sa konsepto ng Marxistang si Louis Althusser dahil itinatakda ng


mga aparatong represibo at ideolohiko ang aksiyon at kamalayan ng bading.
Halimbawa, kapag biglang nagpakita sa iyo ang nakahubad na katawan ng modelong si
Marc Nelson, hindi iilan ang magkakaroon ng strained neck at tila iwas-tingin sa
nakahihigit na preokupasyon sa nilalang na ito. Interpellated ng simbolong Marc Nelson
ang kabadingan dahil itinatakda nitong simbolo ang panlipunang relasyon ng bading sa
heterosexual na lalaki, na sa isa namang pagbasa, ang pagkasakop ng pamantayang
heterosexual na lalaki sa panlasa at oryentasyong bading. At sa maraming bading, ang
lunggati (desire) ay libre at di naman ilegal; ito naman ang pantasya ng ahensiya ng
kapangyarihan ng bading.

Nagagawa ang sirkulasyon ng diyalektiko ng simbolo at imahinaryo sa ilang


lingguwistiko kapamaraanan. Ibinabagsak ng tsugi ang distingksiyon ng proper at
generic noun, ng angkop at di-angkop na lugar, at nagkakaroon ng labis na kahulugan
sa distingksiyon. Si Lucila LaLu ang unang chop-chop lady na tunay namang nalose sa
krimeng karanasan sa karahasan sa kababaihan. Tulad ng urban legend, ang
kapangyarihan ng oralidad, tulad ng idiolek, ay ang posibilidad sa transpormasyon ng
kahulugan at konteksto ng pagkaunawa rito. Si Chaka Chan ay isang Aprikana-
Amerikanang rhythm-and-blues singer na nagsasaad din ng rasismo dahil sa maliitang
pagtingin sa identidad ng itim. Si Winnie Monsod ang maton na babaeng ekonomista na
nagbebenta ng matalinong sabong panlaba at lingguhang nagre-referee sa telebiswal
na debate. Si Arturo Luz ang pambansang alagad ng sining na isang haligi ng
modernistang sining biswal na maaaring mapagkamalang disenyo ng ordinaryong vinyl
tile o linoleum. Sa pamamagitan ng puwersa ng salitang tsugi, napangingibabaw ang
subhetibismong bading bilang pananaw-panlipunan—walang sinasanto: ang B-movie
actress tulad ni Luz Valdez ay nagiging icon sa kontrabidang over-acting, o ang
sisterette ni “Star for All Season,” si Winnie Santos ay nagkakaroon ng dagdag na
celebrity life sa pamamagitan ng apropriyasyon ng bading sa kaniyang ngalan.

Ang taktika ng panlalait at pagkalito ay bahagi ng mga subalternong grupo na


mabigyang-depinisyon ang kanilang sarili. Ito ay nagmamarka kung sino ang nasa loob
at nasa labas, at ang kabahagi nitong grupo ay sabayang nasa loob at labas. Nasa loob
sila dahil kolektibo ang digri ng pagkaunawa sa mga salita at lohika ng pagbubuo ng
idea. Nasa labas sila dahil napangingibabawan sila ng mas makapangyarihang
kaayusan at pormasyong heterosexualidad gayong ang relasyon nila sa status quo ay
nananatiling loob at labas din. Sila ang makapangyarihang negosyante, manggagawa,
at manlilikhang gumawa sa mga tulad nina Marc Nelson bilang Ken Doll sa marami
nitong ad sa Bench, halimbawa. Sila rin ang puwersang tumatangkilik ng mga
produktong ipinapabenta kay Marc Nelson. Sa gayon, silang prodyuser ay sabayang
konsumer din ng kanilang nilikha.

Ang tsugi o tsugs ay isang onomatopeia o ang pagbuo ng pananalita batay sa imitasyon
sa natural na tunog na inihahalintulad sa objek o aksiyon—”echoismo” [mula sa
Webster’s New World Dictionary Third College Edition (New York: Simon & Schuster,
1991)] o ekolalya, panggagaya. Katunog ng tsugs ang pagkaudlot o bangga ng objek.
Ginagaya ng tunog ang aktuwal na kahulugan ng salita. Pero kung paniniwalaan natin
si Ferdinand Saussure, wala naman talagang aktuwal na kahulugan ang mga salita.
Mayroon lamang intimate o familiar na relasyon ang salita at kahulugan. Kung gayon,
ang ginagaya ng tsugi at maging ang subhetibismong bading sa pangkalahatan ay
isang inaakalang pamilyar at intimate na relasyong hindi naman talaga nandoon.
Nawala na ang orihinaryong awtentikong kahulugan at relasyon. Sino nga ba sina Luz
Valdez, Chaka Khan, Winnie Monsod sa kontemporanyong buhay? Ano ang naiaambag
nilang dalumat para magkaroon ng pagkaunawa sa ating hyper-realidad?

Ginagaya ang isang bagay ng nanggagaya sa panggagaya ng awtentikong relasyon.


Maging ang mitikong si Marc Nelson ay isang simulacrum na rin, o imahen na walang
lalim, artiface na likha ng midya para tangkilikin ang lifestyle ng pagkalalaki nito. Kung
siya ay simulacrum, di ba ang tumatangkilik sa kaniya ay higit na simulacrum dahil
mayroon silang imahinaryo ng awtentikong identidad na di naman lalampas sa
temporalidad ng pagkonsumo sa imahen?

Ang tsugi ay paglitaw at paglaho sa eyre. Tulad ng sine, ito si Brad Pitt o Julia Roberts
o Robin Padilla pero hindi naman talaga sila ito. Ito sila at hindi sila itong higanteng
imaheng kay bilis at kay laking nag-aaparisyon at naglalaho. Ang iniiwan ay ang latak
ng labis. At mula sa latak ng labis, nagsisimula at umuunlad ang rehimentasyon ng
ating buhay sa materyal at simbolikong mundo ng konsumerismo, at sa kasalukuyang
panahon ng krisis, ang simulacrum ng konsumerismo. Sa pag-aakalang mayroon pang
higit na nasa labas nitong imahen, sa kritikal na pagkaunawa sa signifikasyon at
pagkalito sa proseso nito, inihahayag ang paralel na realidad ng imahinaryo, na
mayroong ahensiya para patuwarin, patindigin, patihayain, paigkasin, padapain,
pangibabawaan, at kung ano-ano pa ang mga simbolo ng kaayusan at karanasan kay
Marc Nelson, patriyarka, kapitalismo, at piyudalismo.

TAPSILOG ni Ruby Gamboa Alcantara


Sa pag-aaral ng wika, mayroong kalakaran ng pagbuo ng mga bagong salita na
tinatawag na neologism. Ito iyong paglikha ng mga bagong salita o bagong kahulugan
at gamit ng isang lumang salita at/o ekspresyon, o pagsasalin sa isang wika ng hiram
na salitang walang eksaktong katumbas sa pagsasalinang wika. Pangangailangan ang
pangunahing dahilan ng paglikhang ito ng mga salita.

Kadalasan, pinagtatambal ang dalawang salita upang makabuo ng isang bagong salita.
Pinagsasama ang mga pantig ng dalawa o higit pang salita. Halimbawa: aso + kalye =
askal; itlog + manok = itnok. O hindi kaya, nilalagyan ng bagong panlapi (unlapi o
hulapi) ang salita upang makabuo ng bago at naiibang kahulugan. Halimbawa: Imeldific.
Maaari rin itong malikha sa pamamagitan ng pagdadaglat o pagbuo ng akronim.
Halimbawa: IUD (iyong inihaw na bituka ng manok).

Nagsisimula ang bagong likhang salita bilang pabalbal o slang hanggang sa maging
popular sa pamamagitan ng mass media o bukambibig o pasalin-salin sa mga tao at
tuluyan nang matanggap ng komunidad at maging bahagi na ng kultura nito. Kung hindi
pumasok sa kultura ng wika ang neolohismo, maaaring natural itong mawala at
maglaho na lang. Kung kayat ang pagtanggap ng madla o publiko ang
pinakamahalagang dahilan upang manatili ito bilang bahagi ng wika. Sinasabing kapag
luma na ang isang salita at hindi na “exciting” hindi na ito neolohismo. Bagama’t maaari
ring dekada ang bilangin upang maging luma ito. Pagtanggap pa rin ang mahalaga
kaysa panahon ng pag-iral ng salita. Tulad ng tinahak ng nilikhang salitang tapsilog.

Tapsilog = tapa (maliliit na piraso ng karneng baka na ibinabad sa suka’t toyo na may
kasamang bawang at paminta) + sinangag (kaning lamig na niluto sa mantikang
pinaglutuan ng tapa) + itlog (estrellado o sunny side up).

Isang popular at tunay na nakabubusog na almusal ang tapsilog na pinalaganap noong


1983 ng isang sidewalk restaurant, ang Sinangag Plaza sa Ermita Food Plaza sa
Adriatico St., Malate. Unang ginamit ang pinagtambal na mga salitang tapa-sinangag-
itlog para tukuyin ang bagong menung ito. Pero nahirapan ang mga tagasilbi
(waitresses) noon dahil may kahabaang bigkasin ito kung kaya sa katagalan pinaikli na
nila at naging tapsilog.

Ngayon, kilala ang Sinangag Plaza bilang Sinangag Pa Rin at patuloy pa ring nagtitinda
ng tapsilog, kasama ang iba pang bagong kombinasyon na naimpluwensiyahan at
binigyang-inspirasyon nito tulad ng tosilog (tocino +sinangag + itlog), longsilog
(longganisa +sinangag + itlog), bangsilog (bangus + sinangag + itlog), dangsilog
(danggit + sinangag + itlog), cornsilog (corned beef + sinangag + itlog), at iba pa.

Noong 1984, naghanap ang SM Food Court Management ng isang uri ng pagkain na
masarap pero maibebenta rin nang mura sa mga restoran at iba pang uri ng kainan.
Bunga ng paghahanap na ito, ipinanukala ni Mrs. Teresa Dula-Laurel, presidente ng
Cater King Food Corporation, ang pagtitinda ng goto at lugaw na may kasamang
tokwa’t baboy. Dito ipinanganak ang Goto King.

Dahil bago pa lamang ang konsepto ng Goto King, pinayagan lang itong maibenta sa
isang kart sa loob ng SM Food Court Cubao. Pero nang mapatunayang bumenta nang
malaki sa loob lamang ng isang taon, binigyan ito ng isang regular na puwesto sa SM
Food Court Cubao at pinayagang magdagdag ng menu na pangmeryenda at
pampalamig. Pinatunayan lamang nito na mayroon talagang lulugaran ang ganitong
mga klaseng pagkaing Filipino sa mga fast food court. At upang samantalahin ang
pagkakataong ito, nagbukas na rin ang Cater King ng mga sangay sa iba’t ibang food
court sa mga mall na bukas sa loob ng 24 oras.

Kasabay ng pagpapalawak na ito ng mga kainan ang pagpapaunlad din ng menu. Dito
nakasama ang tapsilog at nakilala bilang isa sa Pinoy Deli Meals, kasama ng altanghap
(almusal + tanghalian + hapunan), makabayan, at almusarap (almusal + masarap).

Sa ngayon, kilalang-kilala na ang tapsilog hindi lamang sa Metro Manila kundi maging
sa mga probinsiyang tulad ng Cavite, Batangas, Cebu, Davao, Cagayan de Oro,
Lucena, Pampanga, at marami pang iba. Hindi kataka-taka kung laganap ito sa buong
kapuluan dahil napakamura (makabibili na sa halagang P38.50 lamang o mababa pa),
napakamasustansiya (may itlog at tapa para sa protina), at nakabubusog (mabigat dahil
sa sinangag na may mantika at bawang) na pagkain ng karaniwang mamamayang
Filipino. Nadala na rin ang tapsilog sa ibang bansa. Pangunahing menu ito sa Manila
Grill na matatagpuan sa Mountain View, California at popular na popular sa mga Filipino
roon dahil sa murang presyo ($4.00), tulad din ng ibang baryasyon nito—ang bangsilog,
tosilog, longsilog, at ang bagong dagdag na adosilog (adobo), porksilog (pork/baboy),
tuyosilog (tuyo).

Dito mapatutunayan na dinamiko ang ating wika. Malaki ang kakayahan nitong
umangkop at makabuo ng bagong mga kombinasyong salita tulad ng napakapopular at
madaling tandaang tapsilog. At dahil sa madaling tandaan, madaling orderin sa mga
kainan. Kahit na goto ang pangunahing menu ng Goto King, mas rumampa ang tapsilog
at inampon na rin ng mga restoran, karinderya, pondahan, kariton, kantina sa mga
eskuwelahan, at iba pang kainan. Sa ngayon, 21 taon na ang tapsilog na nagsisilbi sa
karaniwang empleado, estudyante, drayber, konduktor, janitor, tindera sa palengke, at
kung sino-sino pa.
DATING ni Bienvenido Lumbera
Pagtatanghal Sa Salitang Datíng

Sisipiin ko ang ilang bahagi ng aking sanaysay na may pamagat na “Datíng”:


Panimulang Muni sa Estetika ng Panitikang Filipino” na lumabas sa dyornal na Lagda
(Blg. 1, 1999, pp. 33-42):

Sa ating paglilinaw sa estetika ng panitikang Filipino, may salita tayo na maaaring


gawing susi sa pagbubukas ng talakayan tungkol sa mga sangkap ng estetikang
nasabi. Iyon ay ang salitang datíng. Noon ay ugat ito na ang ibig sabihin ay ang
kaganapan ng paglalakbay mula sa pinanggalingan tungo sa pupuntahan. Hindi pa
kalaunan nagsimulang gamitin ang salita sa di-pormal na kumbersasyon upang tukuyin
ang impresyong naiiwan sa isang tao ng pagmumukha, bihis, pananalita, at kilos ng
isang indibidwal. Halimbawa, ‘Suplada ang datíng ng kaibigan mo.’ Pansinin na ang
batayan ng pahayag ay mga larawan at tunog ng mga kongkretong bagay na pumasok
sa kamalayan ng nagsasalita sa pamamagitan ng paningin at pandinig.

Kapag nahaharap tayo sa isang likhang-sining, sa ganyan ding paraan pumapasok sa


ating kamalayan ang mga katangiang umaakit na magustuhan o ayawan natin ang
trabaho ng manlilikha. Ang isang painting, tugtugin, o pagtatanghal ay dumarating sa
audience na nakaabang, parang destinasyon sa isang paglalakbay, sa magaganap sa
kamalayan nito. Ang kaganapan ng pagsapit ng likha, ang dating ng likha, ay tinutugon
ng nagmamasid sa painting, nakikinig sa tugtugin, at nanonood ng pagtatanghal. Sa
pagtugon sa dating ng likha, nagbibitiw ang audience ng pahayag ng pagkatuwa,
pagkasiya o paghanga. Kapag sinuri natin ang relasyon ng audience at ng likhang
dumating, simula iyon ng paglilinaw sa estetika ng nasabing likha.”

Palasak na salita ang datíng . Hinango ito sa kolokyal na kumbersasyon at binigyan ng


natatanging kahulugan upang makatulong sa pagpapaliwanag sa bisa ng likhang-sining
sa kamalayan ng indibidwal. Kailangang makahanap sa katutubong wika ng mga
terminong maglilinaw sa estetika ng likhang-sining ng mga Filipino. Hangga’t hindi iyan
nagagawa ng mga kritiko at teorista natin, mangyayaring ang mga pamantayang
ipinansusukat sa likhang Filipino ay pamantayang nakalangkap sa mga hiram na
dayuhang termino, at angkop lamang sa mga likhang dayuhan.

FASHIONISTA ni Jimmuel C. Naval


Fashionista Ka Ba o Fashionista Ka Lang?

Nakasampa ka na ba sa rampa? O para mas tiyak, rumampa ka na ba? Nakapanood


ka na ba ng tumutulay sa catwalk o hanggang Catwalk sa kahabaan ng Quezon
Avenue lang ang narating mo? Tagasunod ka ba ng Fashionista sa MTV sa Miami,
Paris, at Rio sa Brazil, o hanggang Fashion Channel ka lang para panoorin ang mga
posteng modelong halos wala nang damit? Ang mga ito ang daigdig ng mga
fashionista.

Kilala mo ba ang magkapatid na Tutay at Tinay Ocampo na dating pakalat-kalat sa AS


walk sa UP? Kamaganak ba nila ang mga Anonymous na sina Rico at Celina Ocampo?
Isinusuot ba ninyo si Ben Chan, at ipinanggigimik ang mga abubot ni Jolina? Palo ba
kayo sa mga siste’t pagiinarte nina Robby at Rissa Mananquil? Siyempre, sinong hindi
makakikilala kina Tessa Prieto Valdez at Tim Yap ng Super B? FYI, sila ang mga
fashionista.

Sino, Ano Paano, Saan, Bakit, Kailan ang Fashionista?

Walang nakaaalam kung paano at kailan eksaktong nagsimula ang kasaysayan ng


pagbuo ng mga salitang katulad nito. Ngunit ang sigurado, may mga lumikha ng mga
kakatwang tunog at nagkabit-kabit ng mga letra sabay humimay sa kung ano ang nais
ipakahulugan sa mga ito.

Kung bibigyan ng pilosopikong pagsusuri ang salitang fashionista tulad ng iba pang
salita, lalabas na arbitraryo ito, kumbensiyonal, at pangkulturang simbolo. Nalikha ito
upang arbitraryong mailarawan ang isang kumbensiyong binuo o nabuo upang
magsulong o/at magpasimula ng isang pangkulturang pagbabago. Gaya ng minsang
nasabi ng kilalang pilosopo ng ika-20 siglo na si Ludwig Wittgenstein: “ang paggamit ng
salitang tulad nito ay isang aktibidad na maaaring magpakita ng isang anyo ng buhay.”
Ito ang nais tukuyin ng sandaling-suring ito—ang busisiin ang laro sa lengguwahe
(language game) na makikita sa paggamit ng salitang fashionista.

Ang fashionista ay mula sa salitang ugat na fashion na ang ibig sabihin ay umiiral na
uso o moda na maaaring sa pananamit, kultura, at kaugalian. Dinagdagan ito ng
morfema español na ista para maging pang-uri, bagama’t tumutukoy rin itong tumukoy
sa paglalarawan ng isang lalang o sa lalang mismo.

Ang salitang fashionista ay hindi na bago. Matagal na itong ginagamit at umiiral.


Bukambibig na ito ni Pitoy Moreno noong 1967 nang una niyang nakita si Imelda
Marcos sa isang piging na dinaluhan sa bakuran ni pangalawang pangulong Fernando
Lopez sa Jaro, Iloilo. Nang sambutin ni Christian Espiritu ang responsabilidad na
magdisenyo ng mga terno ni Ginang Marcos, ang salitang fashionista ay natabunan ng
bagong salita noon na “Meldita” o mas kilala sa Oxford Dictionary na “Imeldific.”

Subalit ang fashionistang tinutukoy at sumulpot ngayon, una sa daigdig ng mga


magdidisenyo, modista, at sastre; at ikalawa sa daigdig ng showbiz lalo na yaong
nagmomodelo at rumarampa, ay unang narinig at ipinakalat sa labas ng bansa.
Nagsimula bilang “Catwalk Fashionista,” una itong narinig sa mga gusali ng sentrong
aliwan sa kabayanan ng Sao Paulo at Rio de Janeiro sa Brazil. (Marahil kung bakit
binuntutan ng ista dahil narinig sa bansang nagsasalita ng Espanyol). Nang lumao’y
tumawid ito sa France, Italy, at Germany. Noong kalagitnaan ng dekada 1990, pumirmi
ito sa Berlin na itinuring na Fashionista Capital.

Sa Filipinas, muling dumating ang salita at kalakarang ito nang damputin nina VJ Donita
Rose at Sarah Meir sa Fashionista MTV sa Amerika. Dulot marahil ng pagkaloka nila sa
mga supermodel na sina Naomi Campbell at Cindy Crawford kaya ginawang pang-
araw-araw na bokabularyo sa TV ang salita. Samantala sa mga fashion magazine, sina
Tessa Prieto Valdez, Tim Yap, Talz Diaz, at Eric Ramos ng FHM ang may gawa kung
bakit kumalat ang salita.

Madaling pumaloob sa daigdig ng showbiz ang salitang fashionista. Sa mga Gabi ng


Parangal lamang ng iba’t ibang award giving body, bentang-benta na ang salitang
fashionista. Kapag kakaiba ang tabas ng damit, kumbinasyon ng kulay, o kapag
kapansin-pansin ang kabaduyan ng isang artistang dumalo, tatatakan ka agad ng
“Tigbak Authority” ng Startalk sa GMA7 na “nag-iinarteng fashionista o pasaway na
fashionista.” Ilan sa mga ito ay ang mga palaos nang nagmumurang kamyas na artista
at mga naglalako ng sarili at talento na mga starlet.

Sa pagdaan ng panahon, ang salitang fashionista ay nanganak ng iba’t ibang


kahulugan. Fashionista ka hindi lang dahil kakaiba kang mag-ayos na katulad ni Jolina
Magdangal, kundi dahil nagtatakda ka ng kalakaran na minsa’y walang kaugnayan sa
moda. Maaari ring humihiwalay sa kumbensiyon at nagpapakilala ng bago at kakaiba.

Halimbawa, matagal nang itinuring na fashionista ang bargas at pasaway na dating


forward ng Chicago Bulls na si Dennis Rodman dahil sa pagko-cross dress nito tuwing
gimikan sa Los Angeles kapag may laro sila sa Staple Center. Gayundin ang bandang
Parokya ni Edgar nang magdaster sila sa isang gigs sa dating Club Dredd sa Cubao.
Fashionista rin si Kris Aquino dahil sa lakas ng loob niyang aminin sa national television
na may STD siya.

Ikaw, fashionista ka ba o fashionista lang? Sa wikang Filipino, uso at umiiral na moda


ang pinakamalapit na salin nito. Kung gagawing pang-uri o itatawag na mismo sa isang
tao, ano nga ba? Puwede bang usowista o modista?

Ang salitang fashionista ay nalikha upang arbitraryong mailarawan ang isang


kumbensiyong binuo o nabuo upang magsulong o/at magpasimula ng isang
pagbabagong pangkultura. Kaya ang dating fashionista nina Pitoy Moreno at Christian
Espiritu ay kakaiba na sa fashionista nina Sarah Meir, Tessa Prieto Valdez, at Eric
Ramos na kakaiba rin sa fashionista nina Boy Abunda, Billy Balbastro, at Lolit Solis sa
daigdig ng pelikula. Kung ikokonsidera ang lawak at lawig ng pagpapakahulugan dito,
maaari na ring ituring na fashionista sina Vim Nadera, Congressman Manuel ‘Way
Kurat’ Zamora, Sen. Miriam Defensor Santiago, at Chairman Bayani Fernando. Kayo na
ang humula kung bakit isang tipak sila ng mga “fashionista.”

SALBAKUTA ni Abdon M. Balde, Jr.


Sa Kabikulan unang lumaganap ang salitang salbakuta na ayon sa matatanda ay
ginagamit na noon pa mang panahon ng mga Espanyol.

Ang etimolohiya ng salita ay salvaje (Espanyol) na nangangahulugang mabangis,


mailap, hindi sibilisado, taong-bundok at hijo de puta (Espanyol) na nangangahulugang
anak ng puta, anak ng masamang babae, anak ng pampam, burikak, patutot, malgarit,
atbp.

Ang salbakuta ay tahasang pagmumura na pinapurol ang pangil ng kalaswaan sa


pamamagitan ng pagpapalit ng tunog ng ilang pantig upang kunwari ay magkaroon ng
ibang kahulugan ngunit naroon pa rin—maaaninaw na tila nababalutan lamang ng
manipis na saplot at mauulinig na pasaring—ang bigat at diin ng poot na ibig ipahatid
ng nasubhang damdamin. Kaya ang salbaheng anak ng puta ay maaaring ipagkamali
sa pagsalbar sa kuta, na nanggaling sa mga salitang salvar (Espanyol), pagligtas o
pagtatanggol, at ng salitang kuta, na moog, tanggulan o muralya ang kahulugan.

Ang ganitong pagkukubli ng kalaswaan at kahalayan ng pagmumura ay laganap sa


Bikol, lalo na sa mga lalawigan ng Sorsogon, Albay at sa Pook Rinconada ng
Camarines Sur. Halimbawa ang iho de puta ay nagiging ihodepungal o simpleng
dipungal na lamang. Sa Katagalogan man ang iho de puta ay minsan nagiging anak ng
pusa, anak ng huweteng, anak ng pating at namputsa.

Sa Bikolnon ang salbakuta ay ginagamit sa maraming paraan:

1. Makaraw na aki, salbakuta! “Malikot na bata, salbakuta!” Maaari ring “Salbakuta kang
bata ka, ang likot mo!”

2. Salbakuta! Matagas an payo! “Salbakuta! Matigas ang ulo!” Maririnig ang ganitong
salita sa distrito ng Rinconada (mga bayan ng Iriga, Baao, Bato, Buhi), Camarines Sur,
kung saan malimit ipakahulugang katigasan ng ulo ang salitang salbakuta.

3. Dai ko pighuna na salbakutahon mo ako!! “Hindi ko akalaing sasalbakutahin mo ako!”


Babastusin ang ibig sabihin ng salbakuta sa ilang panig ng Camarines Sur.

4. Salbaheng ihodeputa! Salbakuta! “Salbaheng anak ng puta!” Ito ang


pinakamalaswang pagmumura na maririnig sa Albay.

5. Salbahe! Sulpato! Salbatana! Salbakuta!

Ang salbatana ay sumpak. Ang sulpato ay sulfato (Espanyol) na galing sa sulfato de


sosa (sodium sulfate) ngunit sa bulgar na Bikol ang totoong ibig sabihin ay sulpanit, na
ang katumbas sa Katagalogan ay hindot o kantot. Ito’y mga salita ng pagkabigla o
paunang bulalas sa paglalarawan ng isang hindi pangkaraniwang bagay o pangyayari—
mabuti man o masama.

“Salbakutang orag mo pre!” Salbakutang galing mo, p’re!


“Salbakutang siram kan pinangat!” Salbakutang sarap ng pinangat!
“Salbakutang gayon kan babaye!” Salbakutang ganda ng babae!

Lumaganap ang katanyagan ng salitang salbakuta noong 1998 nang ito ay gamiting
pangalan ng tatlong Bikolanong rapper o hip-hop artist na nagpasikat sa “S2PID LUV”
at “Ayoko ng Ganitong Life.” Ang tatlo ay sina Bendeatha, Charlie Mac, at Mad Killah
(Edwin Encarnacion) na binuo sa gabay at pamamahala ni Andrew E. sa ilalim ng
Dongalo Wreckords, sa lungsod ng Parañaque.

Narito ang ilang bahagi ng S2PID LUV ng Salbakuta:

S2pid luv, ang ma in love ako sa ‘yo


kala ko’y pag-ibig mo ay tunay
pero hindi nag-tagal lumabas din ang tunay na kulay
ang iyong kilay laging mapagmataas at laging
namimintas pero sarili kong pera ang iyong
winawaldas para kang sphinx ugali mo’y napaka-stink
kung hiyain mo ‘ko talagang nakaka-shrink
girlie biddy bye bye don’t tell a lie
bakit mo ako laging dini-deny…

Marami ang hindi nagkagusto sa musika at pananalita ng Salbakuta. Narito ang ilang
puna:

1. …kainis talaga iyong clip nila! Buti ipinakita iyon ng on-air…para malaman ng
sambayanang pinas ang true meaning of the word JOLOGS. They are the perfect
embodiment of the word. The group salbakuta and jologs are synonymous.”

2. The’re giving hip-hop a bad name. They took the worst aspects of the hip-hop culture
and now they shamelessly flaunt their faults. I don’t think I’m alone in wishing that they
be ravaged by a hungry pack of hyenas.

3. …sana mabasa ‘to ng SALBAKUTA o baka naman SALBATUTA? hehehe…JOLOGS


talaga kayo! One hit wonder lang naman kayo! Bakit ang yabang yabang nyo…sana
malaos kayo agad…MGA JOLOGS LAHAT NG TUMANGKILIK SA SALBATUTA!!! Este
SALBAKUTA hehehehe!!!

Sa kabila ng mga pamimintas ay narito ang ilang positibong pahayag tungkol sa


musikang likha ng Salbakuta:

1. You hear that stupidly brilliant song everywhere you go, in the malls and on jeepneys,
haunting you like a bad refrain. Salbakuta have proven that they are everything but
(stupid). Surprisingly, they have taken their success in stride and with much humility–
values they obviously learned from the Dongalo community under the guidance of
Andrew E. who has supported Pinoy rap for so long…
2. Sure there’s a lot of profanity here that merits a “parental guidance, explicit language”
warning on the cover, but this only befits any hip-hop group worth their salt. The overall
gangsta attitude that pervades “Ayoko ng Ganitong Life” may be more than just a pose,
as Salbakuta’s members are said to have grown up in neo-ghetto neighborhoods in
Metro Manila, so that they know whereof they rap.

Sa larangan ng musika o maging sa pang-araw-araw na usapan, ang salitang salbakuta


ay mananatili at gagapang na tila isang uod sa madusing, malaswa, madilim at
mababang panig ng kaisipan at antas ng buhay. Isinilang ito sa lusak ng kahirapan na
kinalulubluban ng ating mga mamamayan mula pa noong panahon ng mga Kastila,
nakipagtalad sa sungit at haplit ng nagbabago-bagong panahon at lipunan. Karuwagan,
pagtalikod sa katotohanan at malubhang pagkukunwari sa buhay kung tatangkaing
isantabi o burahin sa isip ang salbakuta.

Tanggapin na natin ang salbakuta na maging isang mahalagang salita ng ating wika,
semilya ng kapariwaraan, at supling ng kahirapan. Kung uod man ito ay kupkupin at
alagaan natin—katulad ng uod na nagpapaasim sa suka at nagbibigay sarap sa ating
pagkain. Magiging isang mahalagang sangkap ito na magbibigay ng kakaibang lasa at
kulay sa paglalarawan ng katangian ng tao at aspekto ng buhay.

Matagal nang laganap sa Kabikolan ang salbakuta, panahon nang kilalalanin natin ang
salbakuta, at itanghal na Salita ng Taon!

OTSO-OTSO ni Rene O. Villanueva


Magtatapos ang taon 2003 nang sumikat ang kantang “Otso Otso” ni Bayani Agbayani.
Pagpasok ng 2004, pambansang himig, pambansang galaw at pambansang
bukambibig na ito. Bunga ng pag-imbulog ng kanta sa mass media, walang sawang
sinabayan ang awit ng mga bata, matanda, babae, lalake, at iba pa, sa opisina,
tahanan, at kalsada, habang yumuyugyog ang balikat at pinaaalon ang tiyan at gulugod
nang nakatukod ang mga kamay sa magkabilang tuhod.

Ang anyayang “Tayo’y mag-otso-otso” ay tinugon ng balana ng “Otso-otso .. otso-otso


pa!”

Bago nito, walang kahulugan ang salitang otso-otso; kahit ang bilang na otso ay hindi
itinuturing na mahalaga, sa hanay man ng mga tradisyonal o moderno; kahit sa mga
mapamahiin o sampalataya sa lotto. Walang natatanging taginting ang bilang na walo
sa sinaunang mundo ng epiko at kuwentong-bayan. Hindi gaya ng numerong 1
(nangunguna, pinaka- ), 3 (karaniwang yugto ng buhay ng alinmang bagay), 7
(suwerte), 9 (pagbubuntis), o kahit ang sawimpalad na 13 (malas!). Maging sa
kontemporanyong industriya at kalakalan, hindi rin mabigat ang bilang na walo. Pero
lahat nang ito’y babaguhin at mababago ng kantang “Otso-otso.”

Nang maging pambansang bukambibig, naging tagpuan ang “otso-otso” ng maraming


indibiwal at institusyon. Ang wika, kung susuysuyin ang prinsipyo ng heteroglossia ay
hindi maaaring wika lamang ng indibidwal o iisa. Maririnig sa bawat salita ang wika at
tinig ng marami, pati ang magkakasalungat at magkakatunggaling tinig.
Mapatutunayan ito ng salitang “otso-otso.” Sa unang dinig, wika ito ng propesyonal, ng
isang indibidwal na may natatanging kakayahan. Wika ni Bayani Agbayani, isang
popular na komedyante sa telebisyon, na siyang sumulat ng mga titik ng kanta.
Bagaman ang komedyante ang sumulat ng titik ng kanta at nagpasikat ng awit sa mass
media, hindi maituturing na wika lamang ni Bayani ang salitang ito. Katunayan, isa
lamang si Bayani sa tinig na maririnig sa salitang “otso-otso.”

Wika rin ito ng pangmadlang komunikasyon, lalo ng radyo at telebisyon. Maririnig sa


salitang ito ang alingawngaw ng maigting na network war ng dalawang higanteng
estasyon ng telebisyon, ang ABS-CBN at ang GMA. Sapagkat ang kantang “Otso-otso”
ni Bayani ay tugon ng Magandang Tanghali, Bayan ng ABS-CBN sa kantang
“Ispagheting Pataas, Ispagheting Pababa” ng grupong Sexbomb mula sa Eat Bulaga!
Ng GMA.

Wika rin ang “otso-otso” ng komersiyo at kulturang popular. Mula ang salita sa titik ng
isa sa pinakamabentang kanta ng 2003. Hanggang sa kalagitnaan ng kasalukuyang
taon, patuloy ang popularidad nito. Patuloy na isinasama ang kanta sa mga pirated
album. Ayon sa pinakahuling ulat ng googles.com (July, 2004), marami ang patuloy na
nagdadownload sa titik ng kanta at kabilang ito sa 50 most wanted lyrics. Walang
dudang bahagi ng kulturang mainstream ang dati’y walang ibig sabihing “otso-otso.”

Dahil wika ng nakapangingibabaw na kultura, hindi maikakailang ang “otso-otso” ay


bahagi ng bokabularyo ng kapangyarihan at estado, ng iilang nagtatakda kung ano,
alin, at sino ang dapat ikubli at isantabi. Kung susuriin ang salitang “otso-otso” sa
konteksto ng kanta, pansining ang kahulugan nito ay pag-eehersisyo. Mula sa pagiging
pangngalang pamilang (otso-otso), ang salita ay naging pandiwa at pawatas (mag-otso-
otso). Mag-ehersisyo bilang “pampatibay ng butong matamlay” sapagkat “ito ay
pampahaba ng buhay.”

Kung tutuusin, kahit ang kahulugang ito ay ekstensiyon pa rin ng lumalalang network
war. Ang “Ispagheting Pataas, Ispagheting Pababa” na naunang sumikat mula sa
kalabang programa at estasyon ay sinasabing alusyon sa paggamit ng ipinagbabawal
na gamot, ang shabu na kapag ginamit ay kailangang pagulungin nang pataas at
pababa.

Kaya ang pag-uutos o anyaya sa lahat (“ngipin man o wala”) na sumabay mag-otso-
otso ay tinig ng kapangyarihang humahamon sa paglaganap ng droga sa bansa. Ngunit
dahil ang wika ay may katangiang pangmaramihan, ang “otso-otso” ay wika rin ng mga
ikinukubli at isinantabi, ng maraming tumatalima sa kapangyarihan at kailangang
sumunod sa batas. Magiging malinaw ang ganitong punto kapag isinaalang-alang ang
imbistasyon ng umaawit (na maaaring kumakatawan sa tinig ng kapangyarihan) at ang
sagot ng koro (ng publikong tagasunod lamang). Sa anyayang “Tayo’y mag-otso-otso!”
ang tugon ay “Otso-otso pa!”

Malikhain at may hibo ng subersiyon ang sagot na “otso-otso pa!” kung mahihiwatigan
ng tagamasid/tagapakinig na sa mabilis, madulas, at malumay na bigkas sa unang
pantig ng tugon, ang walang ibig sabihing “otso (pa)” ay nagkakaroon ng pailalim na
kahulugan dahil ang naririnig ay selebrasyon ng isang sexual act (tsupa) o oral sex sa
ari ng lalaki, na karaniwang hindi kabilang sa mga sex act na tinatanggap ng lipunan,
estado at simbahan. Sa pamamagitan nito, nagkakatinig ang mga umid, ang mga
pinatahimik, at isinantabi. At ang itinuring na bastos, dapat ikubli, hindi dapat pakinggan
ay nalalantad. Hindi lamang nasasambit, ihinihiyaw pa!

Sa ganitong pagsasaalang-alang, nagiging tunay na wikang pambayan ang “otso-otso”


na dati’y walang kahulugan ni kahalagahan sa kahit sino.

Kaya “otso-otso” ang dapat ituring na salita ng taon!

JOLOGS nina Alwin Aguirre at Michelle Ong


Noong dekada 1970, may isang salita na kinilala ng lahat bilang pang-uri ng lahat ng
bagay na hindi nakaabot sa mga kinikilalang pamantayan ng kagandahan at
kahusayan; iyong nagsikap pero kinapos, iyong nanggaya pero di nakuha, iyong
inunawa ang mga pamantayang ito pero nagkamali pa rin—ang “bakya,” na noong
dekada 1980 naman ay naging “baduy.”

“You’re so baduy” kapag masang-masa, kapag pelikula ni Nora, kapag malabo ang
japorms, kapag ayaw kang payagan ng ermats na makitipar. Kapag baduy ka,
mayroong isang bagay na hindi ka—burgis. Hindi sosyal, hindi mataas ang pinag-
aralan, hindi pino, hindi mayaman, hindi maganda’t guwapo, hindi makapag-Ingles nang
diretso. Pero dagdag pa, kapag hindi ka burgis, alam mo ang buhay at hinagpis ng
nakararaming kababayan mong Filipino. Hindi ka burgis; hindi ka nagbubulagbulagan
sa nangyayaring mga pang-aabuso ng makapangyarihan.

Bagama’t tinitignan ang baduy bilang kadikit ng pagiging mahirap at mahina, ito ay
salitang nagdala ng kapangyarihan. Marami ang naipagmalaki na sila ay baduy, sila ay
masa, at hindi burgis. Siguro kung mayroong nominasyon noon para sa “Salita ng
Taon,” ito na ang tiyak na panalo.

Kaya’t ngayong 2004, isang salitang naiiba ngunit may katulad na kapangyarihan ang
aming isinusulong bilang Salita ng Taon. Ang Bagong Baduy—ang jologs.

Sinasabing tumutukoy ang jologs sa fans ni Jolina Magdangal na epitome ng pagka-


jologs. Parang buhok na ginawang krismas tri. May nagsasabing galing ito sa “tuyo at
itlog,” na karaniwang ulam ng karaniwang mahihirap na Pinoy.

Nararapat lang na kilalanin sa kasaysayan ang salitang jologs. Ang jologs—binabaklas,


binabangga, binubulabog ang nakagawiang mga dikotomiya ng mataas at mababa, ng
maganda at pangit, ng sining at kulturang popular. Inaalis nito ang pananalig natin sa
pagkakaroon ng absolutong kahulugan at kaayusan ng mga bagay-bagay. Sabay nito,
tinutulay ng jologs ang magkabilang dulo ng mga dikotomiyang ito.

Jologs ba si Nora Aunor na nakatanggap na ng kung ilang ulit ng mga parangal para sa
kanyang pag-arte? Hindi ba jologs sina Imee Marcos, Kris Aquino, Mikee Arroyo na
mga anak-mayaman at politiko na nagkaroon ng mga (sawing) showbiz career? Ang
maganda sa jologs, hindi mo alam kung maganda ba talaga ito o pangit. Ang masama,
mainam nga ba ito o masama? May mga naiinsulto kapag tinatawag silang jologs, dahil
nangangahulugan ito ng kawalan ng class at taste. Pero ganoon din, may mga taong
tinatawag ang sarili na jologs at ipinagmamalaki ito, dahil nangangahulugan ng
pagkakaroon ng panlasa at pagkilala para sa karanasan ng simple at karaniwang tao.

At tulad ng postmordernong chuvalu, ang jologs o jologyolismo, kung ito’y ituturing na


isang diskurso, ay isang kakampi at kalaban. Maaaring magamit sa kasamaan at sa
kabutihan. Kapangyarihang magwasak at lumikha, magbigay direksiyon o magdala sa
wala. Keri ba ito o tsugi?

Ang salitang jologs ay may kapangyarihan na dapat kilalanin at purihin. Hindi lamang ito
salita ng taon kundi potensiyal na kontra-diskurso ng kasalukuyang panahon. Kami,
sampu ng iba pang mga jologs sa sangkalupaan, ay humihingi ng pagkilalang
napapanahon na, at nanghihimok, nananawagan, para sa higit pang kapangyarihan:
ALL JOLOGS UNITE!!!

TEXT ni Sarah Raymundo


Maniniwala ka ba kung sasabihing text ang lahat ng nakikita mo ngayon at pati na rin
ang hindi mo nakikita? Text ang nanay mo, mga kaibigan at kaaway mo, text ang lahat
ng taong may koneksiyon man o walang koneksiyon sa iyo. Lahat ng edipisyong nakita
mo sa tanang buhay mo, mga artistang pinanonood mo, mga kantang pinakikinggan o
kinakanta mo mismo, mga kuwento at tsismis na naririnig at ipinapasa mo, text pa rin.
Pati ikaw text. Text din ako na kasalukuyan mong binabasa. Text ang lipunan.
Samakatwid, text ang buong mundo at lahat ng nasa ibabaw nito. Paanong nangyari
ito?

Nagmula ang salitang text sa wikang Pranses na texte at sa wikang Latin na textus na
tumutukoy sa tissue, estruktura at konteksto ng isang bagay. Habang ang pormang
pandiwa nito na textere ay nangangahulugang maghabi, maghubog o magbuo. Sa
teknikal namang paggamit ng salitang textus at texte, tumutukoy ito sa nilalaman ng
anumang nailimbag at naisulat at ang porma ng anumang sinusulat o binibigkas.

Samakatwid, hindi lang tumutukoy ang salitang text sa lahat ng kahulugang bitbit ng
mga salita, senyas at simbolo kundi pati rin sa proseso ng pagbubuo at paghahabi ng
kahulugan para sa mga ito. Paano nga ba nagiging makabuluhan ang iyong
engkuwentro sa mga bagay, lugar at tao? Hindi ba’t sa proseso rin ng paghahabi at
pagbubuo ng mga kahulugan ukol sa mga ito? Kung gayon, bumubuo ka ng
pagkakaunawa sa pamamagitan ng text.

Kumakatawan sa interbensiyon ng tao na lumikha ng saysay sa pangaraw-araw na


buhay ang salitang text.

Sapagkat angkin natin ang kakanyahang maghabi ng kahulugan sa pamamagitan ng


pakikisangkot sa buhay ng ibang tao sa lipunan, nagagawa nating makabuluhan ang
ating karanasan. Nangangahulugan na sa ating pagdanas sa buhay, lagi’t lagi tayong
nagbabasa ng sitwasyon, upang matantiya kung paano poposisyon. Sa pamamagitan
ng interaksiyon, paulit-ulit na naisusulat sa aklat ng kasaysayan ng kolektibong
memorya ang istorya ng text na walang iba kundi ang kuwento natin.
Kasabay ng pagkakatayo ng pormal na edukasyon ang paggamit sa salitang text.
Ginagamit ito sa konteksto ng mga babasahin sa iba’t ibang asignatura. Ito ang
katawan ng mga tinipong akda na pumopokus sa partikular na kaalaman. Noong unang
bahagi naman ng dekada ’80, naging sikat na laro ang tex sa mga bata. Modernong
bersiyon ito ng kara-krus. Sa halip na barya, maliliit na baraha ang gamit dito.
Kadalasan, nakaguhit dito ang mga banyagang super hero at action star gaya nina
Superman, Wonderwoman at Mr. T. May kaakibat na text na nagpapakita ng thought
bubble o dialogue na hango sa ilang eksena sa kanilang mga pelikula. Inihahagis ang
mga ito at ang maging kapareho ng master card ay magkakaroon ng takdang puntos.
Ang interesante dito’y pati ang kahihinatnan ng master card ay hindi matitiyak dahil
depende pa rin sa trajectory ng pagkakahagis.

Hindi ba’t ang praktika ng paggagap sa karanasan bilang resulta ng pamumuhay sa


lipunan ay maiuugat sa kahulugan ng salitang text? Tulad ng larong tex, walang
absolutong konstruksiyon o paghahabi ng kahulugan. Nasa proseso ng paghahabi ang
lahat, nakikipagtunggalian ang lahat para sa kahulugan. Wala itong ipinagkaiba sa
pagbabasa ng akademya sa mga nakalimbag na texto. Ang pagturing sa mga ito bilang
text ay nangangahulugang pagkilala sa pagiging madulas ng kahulugan. Sa salitang
text, nagsasanib ang pagbabasa at pagsusulat. sa parehong pagkakataon, naghahabi
at lumilikha ng kahulugan ang tao ayon sa limitasyon at posibilidad na itinatakda ng
lipunang kinapapalooban niya.

Mas matingkad ang ganitong kahulugan ng text sa kasalukuyan at pinakasikat na


paggamit sa salitang text. Ang modernong teknolohiya na ito ay napapabalitang
matagal nang ginagamit ng military. Samantala, sinimulan namang ikalakal ito sa
merkado at kinonsumo ng mga may-kayang Filipino noong huling bahagi ng dekada
’90. Sa ngayon, hindi lamang ang mga mayayaman o mga propesyonal ang nagtetext.
Maging ang kanilang mga anak at yaya nagtetext na rin. Sa kasalukuyan, maaari nang
magkaroon ng load ang isang texter sa halagang limang piso. Sa katunayan maaari na
siyang makakuha ng libreng load kung papasahan siya ng isa pang texter. Ang text ay
pangngalan at pandiwa na nagsisignify ng komunikasyon at connectivity. Texter naman
ang tawag sa taong gumagamit ng cellphone para magtext. Hinahamon nito ang
nakagawiang porma ng interaksiyon. Kaiba ang text sa sulat o telegrama dahil mas
mabilis ang sagutan dito. Iba rin ang text sa tawag dahil bukod sa mas mura at hindi
kailangang sagutin agad, dumadaan ito sa proseso ng pagsusulat na may kaibang
moda sa pormal na pagsusulat dahil pinapaikli at kung minsan, hindi na kailangan ang
salita, puwede na ang smiley. Sa pagtetext, nawawala na ang mga katawan, bagaman
sila’y nandiyan pa rin sa larangan ng realidad na virtual. Ano ang epekto ng ganitong
fusion ng modernong teknolohiya sa pampublikong larangan at ang pribadong
pagkokonstrak ng identidad at realidad sa pamamagitan ng paggamit ng sariling
cellphone?

Maraming nagsasabi na napapabilis ng text ang pagpapakilos para iba’t ibang porma
ng pamumuhay at pakikibaka. Mula sa pakikibaka laban sa korupsiyon, imperyalismo,
pagtaas ng presyo ng langis, pakikibaka para sa mataas na budget, para sa pag-ibig at
para sa sariling career. Kapag napapabilis ang karanasan at nalalampasan nito ang
espasyo, nagiging matindi ang posiblidad ng meaning-making at life-altering moment sa
buhay ng tao.
Ngayon, balikan nating ang tanong: Text nga ba ang lahat? Nagiging text lang ang lahat
dahil sa aktibong pakikilahok natin sa pagbibigay kahulugan. Ang kapangyarihan ng
salitang text ay nakasalalay sa kahulugan nito bilang paghahabi o pagbubuo ng tao ng
mga kategorya upang maging posible ang buhay sa lipunan. Ang pagbubuo nating ito
ay kinokondisyon din naman ng lipunan. Sa prosesong ito, maraming kalahok na
nagtutunggalian upang tanghalin bilang tumpak na kahulugan. Mababatid na
kinakatawan ng salitang text hindi lamang paghahabi ng kahulugan kundi ang pagiging
madulas ng mga ito. Kung gayon, may radikal na potensiyal ang salitang text. Para sa
lahat ng marginalisado, tulad mo, tulad ko, tulad ng nanay mo, ng ibang kaibigan at
ibang kaaway mo, tulad ng lipunang Filipino, sa salitang text at lahat ng kinakatawan
nito, nakakapa natin ang ating posisyon sa isang globalisadong mundo.

KINSE ANYOS ni Teo T. Antonio


Naging kontrobersiyal ang ad copy ng Tanduay na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” na nailabas noong Pebrero
2004. Mula sa wikang Espanyol ang mga salitang quince at añona pinagmulan ng kinse anyos. Sadyang nakatanim
na sa bokabularyong Filipino ang pagbilang ng numero sa wika ng mananakop, mula sa pagbilang ng pera at maging
ng edad. Madali tayong magkaunawaan sa panghihiram nating ito ng bokabularyo. Ngayon na lamang madalas
gamitin ang pagbilang ng pera o edad sa wikang Ingles gaya ng “sweet sixteen.” Bukod pa, ang salitang “fifteen-
thirty” na tumutukoy sa mga “ghost employee” ng gobyerno na sumasahod tuwing akinse at atrenta.

Ang “Kinse anyos sa munting lupa” ay isang awiting naging napakapopular noong dekada singkuwenta.Tumatalakay
ito sa sentensiya ng taong mabibilanggo kung sakaling menor-de-edad o wala pa sa hustong gulang ang
nilapastangan. Gaya ng popular na biruan ngayon na, “Baka ka ma-Echagaray?” kapag may binibirong menor-de-
edad.

Ang kinse anyos noon na babae o lalaki ay wala pang karapatang makihalo sa usapan ng matatanda. Hindi pa hinog
ang kaniyang karanasan at wala pa siyang sinasabi sa lipunang kanyang ginagalawan. Nagtatapos sa mababang
paaralan ang mga bata sa edad na dose anyos at disisais anyos sa pagtatapos ng hay-iskul. Ang kinse anyos ay
tinatawag na binatilyo kapag lalaki, dalaginding o dalagita kapag babae. Hindi pa sila ganap na binata o dalaga na
binibigyan ng karapatang makilahok sa usapan ng matatanda at malayang makapagpasiya sa sarili. Kapag umabot
na sila sa gulang na disiotso anyos ay puwede nang bumoto at tatawagin nang nasa legal na edad.
Ang ginamit na ad copy ng Napoleon Brandy na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” sa malaking tarpaulin o
billboard ay naging mainit ang isyu. Nanguna ang kilusang Gabriela na ipagtanggol ang dangal ng kababaihan. Isa
raw itong paglapastangan sa kawalang-malay ng kabataang babae na wala pa sa hustong gulang. Sa ilalim ng ating
pamahalaang demokratiko, may karapatan ang lahat na tumuligsa o magtanggol sa inaakala nilang mali o tama.

Sa daigdig ng advertising, ang pag-iisip ng “kinse anyos” ay tungkol sa edad ng iniimbak na alak. Ang kasabihan nga,
“Aged wine is the best wine.” Kapag mas may edad ang inimbak na alak ay mas masarap ang lasa at suwabeng
inumin.

Kung ito’y inilapat sa isang produkto ng alak na—”Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?”—naglalayon naman itong
mapanatili sa isipan ng mamimili ang produkto. Ito ang tinatawag nilang “recall.”
Pero iba ang naging recall nito sa kilusan ng mga kababaihan. Ang tumimo sa kanilang isipan ay paglapastangan sa
murang edad ng walang malay na batang babae.

Matatandaan na buwan ng Pebrero nang uminit ang isyu sa ad copy na “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Marso
ang kasunod na buwan, ang Women’s Month. Tila pinagtiyap ng pagkakataon na ang advertising impact ng alak na
naging kontrobersiyal ay nagbigay naman sa Kilusan ng Kababaihan ng media exposure. Magkasabay halos ang
media mileage ng advertising” ng inendosong alak at ng Kilusan ng Kababaihan sa buwan ng Marso.
Pero ayon sa isang babaeng sociologist, umunlad na ang pag-aadvertise ng alak. Kahit ginamit ang “Nakatikim ka na
ba ng kinse anyos?” ay wala naman itong anumang borloloy kundi mismong alak lamang. Di tulad noon na may
seksing babae na naka-bathing suit o naka-bikini at bra at nakasakay sa kabayo. Tunay na ang paggamit ng sikat,
seksing artistang babae ay bahagi ng advertising ng alak. Ngayo’y salita lamang ang kinasabitang kontrobersiyal
pero nayanig ang daigdig ng advertising ng pakikidigma ng kilusan ng mga kababaihan.
Ngunit nakaligtas sa kanilang pagsusuri na may mga advertisement sa telebisyon na tungkol sa isang produktong
pampalakas ng katawan na ang endorser ay isang sikat na artistang seksi ang nagsabi, “Tatagal ka ba?” O kaya’y
ang kapsulang nagbibigay bitamina sa sigla ng katawan na kausap na babae ang esposo na pagod sa trabaho at
naguusap sila sa kuwarto, “Kaya mo pa ba?” Sasagot ang esposo, “Ako pa!”
Maraming kahulugang sexual o nakakakiliti sa isipan ang mga salitang ito. Pero ang recall ng mga ito’y hindi naging
kontrobersiyal tulad ng “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?” Maraming nakakakiliti sa isipan na advertisement na
gaya ng panti, bra, panlinis ng ari ng babae, sanitary napkins na hindi na pinagkakaabalahang pansinin. Hindi na ito
bastos.

Kung hindi pinansin ang ad copy ay baka normal lamang ang benta ng alak. Pero mas nagtagumpay pa ang
produkto ng alak dahil sa kontrobersiyal na copy at lalong dumami ang bumili ng alak. Kung sa iba’y
nakakalapastangan ang recall ng advertisement, sa mamimili’y lalong matiim ito kaya malamang na bilhin, inumin, at
lasapin nila ang alak na inimbak sa loob ng labinlimang taon o kinse anyos.

Sa daigdig ng advertising, kapag higit na pinag-uusapan ang produkto, lalo itong nagiging mabili. Kahit naging
matagumpay ang kampanya ng kilusan ng kababaihan, lumabas na naging matagumpay ang kompanya ng alak
dahil lalong dumami ang benta ng kanilang produktong alak.Tunay na sa daigdig ng advertising na ginagamit ang
malalaking billboard, publikasyon, radyo at telebisyon ay malakas ang kapangyarihan ng panghikayat sa madla.

UKAY-UKAY ni Delfin Tolentino, Jr.


Kasaysayan at Etimolohiya

Tinutukoy ng salitang ukay-ukay ang mga mga segundamanong damit na galing sa


ibang bansa at ipinagbibili sa Filipinas sa napakamurang halaga (“Laging nakapustura
si Grace pero alam mo ba na puro ukay-ukay ang suot niya?”). Tinutukoy rin nito ang
mga tindahan o pamilihan na nagbebenta ng ganitong paninda (“Mabaliw-baliw si Dina
noong mag-shopping kami sa ukay-ukay.”).

Pumasok ang ukay-ukay sa bokabularyo at kamalayan ng mga Filipino nitong


nakaraang dekada. Ang kasaysayan ng ukay-ukay ay kasaysayan ng isang
pambihirang pangyayari sa ating panahon, at kasaysayan itong malamang na maganap
lamang sa isang lipunang hikahos.

Wala itong tiyak na simula. Ayon sa isang ulat, nagsimula ang ukay-ukay noong dekada
sisenta sa Baguio at Cebu nang maisipan ng ilang may hilig sa negosyo ang
pagbebenta ng mga segunda-manong damit na nakolekta ng mga Filipinong
nagtatrabaho sa ibang bansa. Inipon ang mga damit na ito, ipinadala sa Filipinas,
inilusot sa Customs nang walang taripa sapagkat hindi idineklarang paninda, at
pagkatapos ay ipinagbili nang mura sa mga bahay-bahay at mga tiyangge.

Ngunit ang lalong popular na kuwento ay tungkol sa pagsilang ng ukay-ukay sa Baguio


noong mga unang taon ng dekada nobenta, nang ipauwi ng mga domestic helper sa
Hong Kong ang mga segunda-manong damit na nahingi o nabili nila roon upang ipagbili
sa presyong baratilyo sa mga sidewalk ng Baguio. Pumatok nang husto ang ganitong
munting negosyo hanggang sa pasukin ito ng mga propesyonal na negosyante.
Hinalughog ng mga negosyante ang mga bodega ng mga Intsik sa Hong Kong at
pinakyaw hindi lamang ang mga segunda-manong damit kundi pati na rin ang mga
reject at product sample ng mga pabrika at ang mga lumang stock ng mga department
store. Ang mga balikbayan box na pinaglalagyan ng mga lumang damit ay hinalinhan
ng mga shipping crate. Sa kalaunan, nagsulputan ang mga tindahan ng mga imported
ngunit napakamurang damit, at napatanyag ang Baguio bilang sentro ng negosyong
ukay-ukay sa bansa. At sapagkat kumalat na ang balita na matubong negosyo ito,
ngayon ay matatagpuan na ang ukayukay mula Batanes hanggang Jolo. Kaya hindi
kataka-taka na lumikha ito ng sariling mitolohiya. Mayroong mga kuwento na ang mga
ibinebentang damit sa ukay-ukay ay damit ng mga patay o maysakit. Ayon naman sa
isa pang salaysay, ang mga damit na ito ay mga donasyon ng ibang bansa para sa mga
biktima ng sakuna sa Filipinas.

Nagmula sa salitang Bisaya ang ukay-ukay na ang ibig sabihin ay maghalungkat sa


mga damit na itinumpok sa mesa, itinambak sa kahon, o ikinalat sa nakalatag na sako.
Konektado ang ukay-ukay sa salitang Tagalog na hukay. Sa unang yugto ng
kasaysayan ng ukay-ukay, ganito ang itsura ng mga paninda: halo-halo, walang ayos,
bunton-bunton. At parang naghahalukay ng lupa ang mga mamimiling naghahanap ng
makukursunadahang damit. Kapag nakasumpong ng medyo natipuhang palda, polo,
pantalon, o pajama, ilalabas ito nang husto at iwawagwag na parang bandera, upang
siguruhin na wala itong punit, walang nawawalang butones, walang mantsa. Kaya ang
ukay-ukay ay tinatawag ding wagwagan.

Mga Gamit ng Salita

Katulad ng maraming matagumpay na negosyo, pinasok ng ukay-ukay ang iba pang


larangan. Mula sa sidewalk, ang ukay-ukay ay umusad sa mga regular na tindahan
hanggang sa marating ang mga shopping complex. Sa Baguio, ngayon ay mistulang
mall ang mga lumang gusaling nilusob ng ukayukay. At sa paglawak ng teritoryong
sakop nito, ang negosyong ukay-ukay ay nag-diversify. Bagama’t segundamanong
damit ang orihinal na tinutukoy ng ukay-ukay, ngayon ay tukoy na rin nito ang iba pang
segunda-manong produkto na ibinebenta ng mga mag-uukay: lahat ng klase ng bag,
stuffed toys at iba pang laruan, sapatos, tsinelas, sinturon, kumot, kobrekama at punda
ng unan, mga gamit sa kusina, kurtina, baseball caps, Christmas décor, at pati
bookmarks na galing sa Ehipto at Turkiya. Madalas, ang ekspedisyon sa ukay-ukay ay
tila nagiging pagdalaw sa maalamat na Serendip: bumubulaga ang magagandang
sorpresa. Sa graduation ng Unibersidad ng Pilipinas sa Baguio, kapag nagmartsa na
ang kaguruan, mapapansin ang ilang guro na kakaiba ang suot na toga, sapagkat mga
toga ito ng Princeton University o Concordia College na na-jackpot nila sa ukay-ukay.

Napakalaki ng potensiyal ng salitang ukay-ukay kaya natural lamang na lumawak pa


ang kahulugan nito. Sa hanay ng mga sikat na fashion designer na tulad nina Rajo
Laurel, ginagamit ngayon ang ukay-ukay para tukuyin ang “vintage fashion.” Dahil sa
ukay-ukay, naging “in” ang mga lumang damit na ngayon ay nire-recycle at ginagamit
sa paglikha ng mga makabagong kasuotan na kinatutuwaan ng mga fashionista.

Dahil sa koneksiyon nito sa mga bagay na luma o gamit na, ang ukay-ukay ay nagamit
na rin bilang katumbas ng “archive,” tulad halimbawa ng paggamit ng UP Film Institute
sa salitang ito para tukuyin ang archive ng sineng Filipino na dapat halukayin upang
mahanap ang mga lumang pelikula na nabaon na sa limot.

Kahit sa internet ay mayroon na ring ukay-ukay. May isang masuwerte at kilalang dot
com na naging matagumpay dahil sa estratehiya nito: naghahanap ito ng mga
imbentaryo ng mga “patay” nang dot com, pinapakyaw ang mga ito sa mababang
halaga, at pagkatapos ay muling ipinagbibili nang mura. Ngunit mura man ipagbili ay
pinagtubuan na nang malaki. Ayon sa ilang estratehista ng Ayala Corp., ito ang
“pilosopiyang ukay-ukay.” Isa pa itong gamit ngayon ng ukay-ukay.

Kaugnay pa rin ng computer technology, at dahil naman sa koneksiyon ng ukay-ukay sa


mababang presyo na kayang abutin kahit ng mga taong wala namang kaya, kamakailan
ay nanawagan ang isang computer specialist na sana ay maglabas ang Microsoft ng
isang operating system na makakayang bilhin ng mga tao sa isang mahirap na bansang
tulad ng Filipinas. Ito ang tatawaging “ukay-ukay edition” ng Microsoft OS.

May iba pang gamit ang salitang ukay-ukay. Noong nagkakagulo sa Kongreso dahil sa
pagpoposisyon ng mga politiko na naghahangad na makuha ang ganito o ganoong
komite, nakiusap si Cong. Rodolfo Plaza ng Agusan del Sur sa kaniyang mga katoto:
“Huwag natin itong gawing subasta, o ukay-ukay ng mga posisyon sa Kongreso!”
Maaaring katawa-tawa ang ilang gamit ng salitang ukay-ukay, ngunit maaari rin itong
makabagbag ng damdamin. Ayon sa isang ulat sa diyaryo, ikinumpisal ng isang batang
ilang taon nang naninirahan sa lansangan na ang mga batang kalye na tulad niya ay
nagnanakaw at kung minsan ay namamalimos para mabuhay. At naghahalungkat din
sila ng pagkain sa mga basurahan. Ukay-ukay ang tawag nila sa kanilang mga pagkain
na galing sa basura ng Jolibee, McDonald, at iba pang fastfood restaurant.

Ang Ukay-Ukay Bilang Salita ng Ating Panahon

Kinakatawan ng salitang ukay-ukay ang kultura at lipunang Filipino sa


kontemporanyong panahon. Nakapaloob dito ang larawan ng isang mahirap na bansa
na tambakan ng basura ng mga nakaririwasang bansa. Nakapaloob din dito ang
larawan ng maabilidad na Filipino na nakikita ang kayamanan sa basura ng iba.
Demokratiko ang ukay-ukay. Sa pamamagitan nito, nakakaya ng mahihirap na bumili ng
damit. Samantala, ang mga Filipinong sunod sa moda ngunit manipis ang bulsa ay
nakapagsusuot ng mga Yves Saint Laurent o Oscar de la Renta nang hindi kailangang
ipagbili ang kaluluwa. Sabi nga ng isang peryodista: “Kilala daw ang Filipino sa pagiging
‘wais’. Sa lahat ng bagay maging sa pansariling gamit ay pangunahing layunin ng Pinoy
ang makatipid. Ngunit sa kabila ng kagustuhang makatipid ay mahilig din sa imported at
signature na kasuotan ang Pinoy. Ang magkataliwas na hilig ay nabigyang solusyon sa
pamamagitan ng ukay-ukay.”

Noong una, marami ang ayaw na masabing parokyano ng ukay-ukay. Nahihiya sila.
Ngunit ngayon ay makakasalubong sa mga sentro ng ukay-ukay ang lahat ng klase ng
tao, mula sa mahihirap hanggang sa mga sosyal. Senyas ito ng panahon ng kagipitan.
Apektado ng krisis ang lahat.

Sinususugan din ng ukay-ukay ang ugali ng maraming Filipino na sa ganitong panahon


ng kagipitan ay umaasa na lang sa pagdating ng suwerte, sa hulog ng langit: kaya
hinahalukay ng mga parokyano ng ukay-ukay hindi lamang ang mga bunton ng damit
kundi pati na rin ang mga bulsa ng mga nabili nilang damit sa pag-asang matatagpuan
dito ang ilang dolyar na nakasingit, o alahas na nakalimutang alisin ng dating may-ari.

Tunay ngang naging bahagi na ng buhay-Filipino sa ating panahon ang ukay-ukay.


Ibinandera na ito sa isang eksibit ng mga likhang-sining sa isang gallery sa Maynila.
Ang kaisipang ukay-ukay ang baka rin makapagpaliwanag kung bakit naging isa
sa pinakaimportanteng klase ng kontemporanyong sining sa Filipinas ang mixed media
na gumagamit ng mga found object—mga lumang bagay o basura na napulot sa kung
saan.

Itinanghal na rin sa pelikula ang ukay-ukay. Sa “Annie B, Bida ng Ukay-Ukay, Bongga


S’ya Day,” tampok si Jolina Magdangal bilang ukay-ukay vendor na mahilig mag-
goodtime sa gabi. Ang tindera ng ukay-ukay ang tumatayo ngayon bilang Annie
Batungbakal ng kasalukuyan, isang bagong arketipo para sa bagong milenyo.

Maging sa larangan ng karunungan ay naroon din ang ukay-ukay. Ang pangunahing


bilihan ng libro ngayon sa Filipinas ay hindi na ang mga mega-bookstores kundi ang
maliliit at masisikip na Booksale outlet sa iba’t ibang parte ng bansa na nagtitinda ng
mga segunda-manong libro mula sa Amerika. Ang Booksale ang ukay-ukay ng mga
intelektuwal at mambabasang Filipino.

At ilan sa atin ang may alam na pinapaksa na rin angukay-ukay sa mga international
conference at tinatalakay sa mga refereed journal? “‘Ukay-ukay’ chic: Tales of fashion
and trade in second-hand clothing in the Philippine Cordillera” ang pamagat ng isang
seryosong pag-aaral na ginawa ng isang antropologong taga-Canada.

Talaga namang laganap na ang ukay-ukay sa lipunang Filipino. Hindi na mabilang ang
mga bahay na nagmistulang tahanang ukay-ukay sapagkat galing sa ukay-ukay ang
halos lahat ng gamit, mula sa bedsheet na ikinukumot sa katawan hanggang sa mantel
na itinatakip sa hapag-kainan.

At malapit na ring lusubin ng ukay-ukay ang larangang espiritwal. Sa labas ng bantog


na simbahan ng Birhen ng Manaoag sa Pangasinan, sumisingit na sa hanay ng
mga tindera ng kandilang pang-alay sa birhen ang mga ukayukay vendor na lumalapit
sa Diyos.
MGA KALAHOK
Alwin Aguirre at Michelle Ong. Guro ng Panitikan at Kulturang Popular sa UP
Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas si Alwin Aguirre. Nagsusulat siya ng
maikling kuwento, science fiction, bukod sa gumagawa ng maiikling pelikula. Guro sa
UP Departamento ng Sikolohiya si Michelle Ong. Isa rin siyang research fellow sa UP
Center for Integrative and Development Studies. Katatapos lang ng kanyang MA, at ang
kanyang tesis ay tungkol sa pag-iimahen sa katawan ng mga Filipina.

Ruby Alcantara. Full Professor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas si


Ruby Gamboa Alcantara.. Kasalukuyan siyang Deputy Director ng UP Institute of
Creative Writing. Autor siya ng Diksiyonaryong Hiligaynon-Filipino na nagwagi ng
National Book Award.

Teo T. Antonio. Kabilang sa mga pangunahing makata ng bansa at maraming beses


nang nagwagi sa mga pambansang patimpalak sa panitikan. Nakapaglathala na siya ng
sampung aklat ng tula kabilang na ang tulang epiko na Piping Dilat na nagwagi ng
Centennial Literary Prize noong 1998.

Abdon M. Balde, Jr. Bikolanong inhinyero at ngayo’y sumisikat na kuwentista. Nagwagi


sa Gawad Palanca ang kaniyang maikling kuwentong Supay; at ang kaniyang
pangatlong aklat na Mayong ay ginawaran ng 2003 National Book Award.

Romulo P. Baquiran, Jr. Guro ng Malikhaing Pagsulat sa U.P. Department of Filipino si


Romulo P. Baquiran, Jr. Nakalapaglabas na ng dalawang libro ng tula—Mga Tula ng
Paglusong at Onyx. Nagwagi sa 2003 National Book Award ang ikalawa. Kasapi ng
LIRA at Oragon Poets’ Circle.

Randy David. Full Professor sa UP Departamento ng Sosyolohiya. Kolumnista sa


Philippine Daily Inquirer. Magkasunod na nalathala ang kaniyang premyadong mga
aklat na Reflections in Sociology and Philippine Society (2001) at Nation, Self, and
Citizenship: An Invitation to Philippine Sociology (2002).

Rene Boy Facunla (Ate Glow). Kilalang-kilala bilang Ate Glow sa komedyang
pantelebisyon. Seryosong mag-aaral ng BA Malikhaing Pagsulat ng U.P. Kolehiyo ng
Arte at Literatura.

Bienvenido Lumbera. Kilalang guro, kritiko, librettist, at iskolar. Noong 1993,


pinagkalooban siya ng Ramon Magsaysay Award for Jounalism, Literature, and
Creative Communication Arts. Kailan lamang ay nagwagi ng National Book Award ang
kaniyang Sa Sariling Bayan, isang koleksiyon ng mga dulang musikal.

Jimmuel Naval. Kasalukuyang Associate Dean for Research and Publications ng


Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman. Premyadong mangangatha at mananaysay,
isa rin siya sa mga unang nagwagi ng Writers Prize na iginawad ng NCCA sa
mahuhusay na manunulat.

Leuterio Nicolas. Isang accountant, libangan ni Boy Nicolas ang pag-aalaga ng


honeybee. Una siyang nagsulat ng mga iskrip sa komiks bago ng mga maiikling
kuwento at mga lathalain. Ang isang akda niya ay nagkamit ng Second Prize sa Don
Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.

Sarah Raymundo. Nagtuturo ng kulturang popular sa Departamento ng Sosyolohiya sa


UP Diliman. Siya ay kasalukuyang Sekretaryo-Heneral ng Congress of Teachers and
Educators for Nationalism and Democracy o CONTEND.

Delfin Tolentino. Dekano ng Kolehiyo ng Sining at Komunikasyon ng UP Baguio.


Kilalang iskolar at manunulat, nagtuturo siya ng comparative literature, at nakatuon ang
mga saliksik sa panitikan, kasaysayan, at kulturang materyal ng Cordillera. Siya po ay si
Prop. Delfin Tolentino.

Roland Tolentino. Kasaluyang direktor ng U.P. Film Institute at propeso sa Department


of Film and Audiovisual Communication ng UP College of Mass Communications si Dr.
Roland B. Tolentino. Isa siya sa pinakaprolipikong mananaliksik at manunulat sa mga
larang ng malikhaing pagsulat, kulturang popular, kritisismong pampelikula, araling
pang-media, at araling pangkultura.

Rene Villanueva. Isang pangunahin at premyadong mandudula, manunulat ng


panitikang pambata, at mananaysay si Rene O. Villanueva. Isa siya sa iilang manunulat
na nagawaran ng Hall of Fame Award ng Gawad Palanca at kinilala rin bilang Ten
Outstanding Young Persons of the World noong 1993.
SAPAGKAT BUHAY ANG WIKANG FILIPINO ni Virgilio S. Almario
(Bahagi ng Aklat ng Sawikaan 2004: Mga Salita ng Taon)

IBANG-IBA na ang wikang Filipino ngayon sa Pilipino noong kabataan ko at lalo na sa


pinagbatayan nitong Tagalog nina Balagtas at Lope K. Santos. May bago na
halimbawang alpabeto ang Filipino na ibang-iba sa baybayin at sa ipinalit na alpabetong
romanisado ng mga Espanyol at kahit sa abakadang pinalaganap noong panahon ng
Komonwelt. May mga panlapi ngayong gaya ng nakaka- at n-i sa “nakakatakot” at
“nilalaman” na igigiit ng mga mambabalarila na dapat isulat na “nakatatakot” at
“linalaman.” May mga lumang salita na nagbago ang bigkas, gaya ng “balatkayo” na
mabilis ang bigkas sa Florante at Laura ngunit maragsa ang bigkas sa pag-awit ni
Anthony Castelo. May mga salitang tulad ng “kaagulo” na higit na maiintindihan kung
sasabihin mong “kerida” o “kabit.”

Isang buháy na wika ang Filipino kaya’t hindi dapat ipagtaka ang anumang pagbabago
nito sa tunog, ispeling, balangkas ng pangungusap, at iba pang aspektong
panlingguwistika. Kapansin-pansin ito sa larangan ng bokabularyo. Totoo na marami na
tayong nalimot at hindi ginagamit sa bokabularyo ng panahon ni Balagtas. Subalit higit
na maraming salitang likha at hiram na napalahok sa nakaraan lamang sandaang taon
ng Tagalog at Filipino. Sa pamamagitan ng mga likha at hiram na ito yumayaman ang
bokabularyo ng wikang Filipino.

May mapapansin ding pangunahing paraan ng pagpapayaman sa talasalitaan ng ating


wika sa pana-panahon.

Noong panahon ng Espanyol, pinayaman ng kolonyalismo ang maraming katutubong


wika sa Filipinas sa pamamagitan ng pagpapahiram ng daan-daang salita kaugnay ng
idinulot na karanasang kolonyalista. Sa Tagalog, napakatiim ang timo ng Kristiyanismo
at pagkaing dala ng mga Espanyol gaya halos isakatutubo ng mga Tagalog ang bigkas
sa mga salitang tulad ng “kandila,” “pari,” “kampana,” “kusina,” “bintana,” at “toma.” May
mga salitang halos mahirap nang bakasin ang orihinal na anyo ng hiniram, tulad sa
“komang” na mula sa manco, “pader” na mula sa pared, at “silahis” na mula sa
maramihang anyo ng celaje.

Ang problema, lubhang na-Espanyol ang ating dila kaya higit pa nating ginagamit
ngayon ang “mas” at “pero” kaysa katutubo nating “higit” at “ngunit” o “subalit.” Kahit
ang pagmumura natin ay na-Espanyol. Matimpi siyang nakasasambit pa ng “Lintik!” o
“Naku!” Higit na mabilis lumalabas sa ating bibig kapag nagulat, nabigla, at lalo na
kapag nagalit ang matunog na “Puta!” o ang binantuang “Putris!”

Napakahirap humanap ng salita na nalikha sa panahon ng Espanyol bilang sagot sa


bagong pangangailangan ng mamamayan noon. Pinakaorihinal nang halimbawa ang
“kundiman” bilang pangalan sa awit na nalikha at naging popular nitong ika-19 siglo
mula sa pagsasanib ng himig Espanyol at damdaming Filipino. Nitong lumaganap ang
damdaming mapagpalaya, lumitaw ang salitang “laya” at mga anyo nitong “malaya” at
“kalayaan” bilang likhang pantapat sa Espanyol na libertad. Sa aking saliksik, unang
lumitaw sa palimbag na paraan ang salitang ito sa salin ni Marcelo H. del Pilar ng “Amor
Patrio” ni Rizal na nalathala sa Diariong Tagalog. Pagkaraan, ginamit ito at naging
susing salita sa hanay ng mga Katipunero.

PAGDATING NG ika-20 siglo, higit na nagumon ang mga Tagalista sa paglikha kaysa
panghihiram. Nanghiram pa rin ang bayan ng “pulis,” “istambay,” at “bulakbol” mulang
Ingles. Subalit ang mga taliba ng wikang pambansa ay nagpaligsahan sa paglikha ng
mga neolohismo na gaya ng “bantayog,” “katarungan,” “tatsulok,” “lathalain,” at
“banyuhay.” Pinakamalaki’t pinakamatagumpay na proyekto sa gawaing ito ang
“balarila” ni Lope K. Santos na nagpasok sa ating wika ng isang buong sistema ng
karunungan na halos bumura sa alaala ng laganap na noong gramatika sa Espanyol.

Kung hindi lumilikha, binubuhay ng mga Tagalista ang mga lumang salita at nilalagyan
ng bagong kahulugan. Ito ang naganap sa “sining,” “moog,” at “dagitab.” O kaya’y
upang muling ipagpangaralan ang katutubong yaman ng sariling wika sa pagpapahayag
ng mga dalumat na gaya ng “haraya,” “tayutay,” at “agham.” At kung manghiram man
ay higit na makiling sila sa pagpapayaman mula sa ibang katutubong wika ng bansa,
gaya sa nabanggit nang “katarungan,” sa “lungsod” at “bansa.”

Tinudyo ng mga kaaway ng wika ang naturang hilig sa pagtuklas at pagtitiwala sa


katutubong wika. Pinakamaanghang na tudyo ang ambag ni Senador Francisco “Soc”
Rodrigo na “salumpuwit” at “salunsuso” bilang panumbas diumano sa “silya” at “bra.”
Nitong dekada 1970, mabubuo ang ganitong uyam at tuligsa tungo sa atake laban sa
“purismo” at siya diumanong tinatangkilik na uri ng wikang pambansa sa Surian ng
Wikang Pambansa. Napasubo ang Surian sa isang mahabang usaping pangwika at dito
pumasok ang iba’t ibang panukala ng inhenyeriyang pangwika na naglundo sa pagbago
ng pangalan ng wikang pambansa mula sa “Pilipino” tungo sa “Filipino.” Naipit sa
usaping ito ang matagal nang nilulutong “wikang maugnayin” ni Gonzalo del Rosario at
nasayang ang eksperimento sa wikang pang-agham at teknolohiya ng National Science
Development Board at ng Araneta University. Nanaig ang kilusang “anti-purismo” na
may iba’t iba ring mungkahing paraan ng pagpapayaman sa bagong wikang “Filipino.”
Natatangi sa mga ito ang eksperimento sa wikang balbal at kolokyal ng Taliba,
pangunahing peryodiko noon sa wikang pambansa at kapatid ng malaganap na Manila
Times, ang haluhalong pangwika ni Geruncio Lacuesta, at ang Filipino batay sa
language universals kuno ni Dr. Ernesto Constantino.

Sa aking pananaw, sinupil ng kilusang “anti-purismo” ang labis na hilig sa paglikha


upang payamanin ang wikang pambansa. Dumalang pa sa patak ng ulan ang mga
opisyal na neolohismong gaya ng “balikbayan” at “batasang pambansa.” Dumako
naman ngayon ang mga akademistang pasimuno ng Filipino sa lansakang panghihiram
mulang Ingles at sapilitang pagpapalaganap ng mga ito sa anyong alinsunod sa ating
katutubong palabaybayan. Ibig nitong burahin kahit ang leksikon ng balarila upang ipalit
ang “nawn,” “sentens,” at iba pang hiram sa Ingles. Sa U.P., may mga titser na ayaw ng
“patakaran” dahil mas gusto ang “polisiya” at “palisi”; ayaw ng “agham panlipunan” kaya
ipinilit na pangalan ng kolehiyo ang “sosyal sayans”; ayaw ng matagal nang likhang
“sinupan” at marahil ng Espanyol na “artsibo” kaya’t “arkayb” ang nasa karatula ng
kanilang silid na alay kay Cecilio Lopez.

ANG MAGANDA, habang nagbabangayan ang mga akademista sa ispeling ng mga


hiram na salita mula sa wikang banyaga ay hindi nabibimbin ang pagyaman ng
bokabularyong Filipino. Ang bayan mismo ang nagsasagawa ng paglikha, paghiram,
pagbuhay sa lumang salita, o pagbaluktot sa pormal na salita. At ito naman ang dapat
mangyari. Hindi natin dapat kalimutan na ang wika ay kasangkapan para sa lahat ng
mamamayang gumagamit nito. Sinasalita ng mamamayan ang wika para sa iba’t ibang
layuning pangkomunikasyon Dahil dito, nagbabago ang wika alinsunod sa
pangangailangan ng mga nagsasalita nito. Dili kaya, binabago ng mga mamamayan
ang wika nang hindi nila namamalayan o kahit wala sa kanilang isip ang layuning
baguhin ito. Malimit nga na pumapasok ang isang salita sa bokabularyo ng bayan nang
hindi nila napapansin ang nagaganap na pagbabago sa kanilang wika.

Noon pa man, kahit ang mga musmos ay lumilikha ng mga salita para sa kanilang
paglalaro. Sila lamang ang makaiimbento ng “pen-pen de sarapen” at “tong-tong
pakitong-kitong” na sila lamang din ang nakaaalam kung ano ang ibig sabihin. Aliwan
lamang para sa kanila ang paglasap sa mga tunog ng titik at pantig ngunit mahalaga
ang naturang pag-aaliw sa pagkalikha ng maraming tinatawag nating onomatopeya:
“aliw-iw” ng batis, “alit-it” ng siit ng kawayan, “pagaspas” ng hangin o bagwis, “lagaslas”
ng talon, at nitong makabagong panahon, “harurot” ng kotse.

Gayunman, ang mga tin-edyer ang tunay at seryoso sa paglikha ng bagong


bokabularyo. Hindi lamang nila gustong maglaro kapag umiimbento ng sarili nilang
jargon. Nais nilang maging tatak ng kanilang barkada o henerasyon ang naiiba nilang
paraan ng pagsasalita. Ang isang leksiyon nga sa lingguwistika ay ganito: Tumatatag
ang isang sistema ng paggamit sa isang wika upang maging parang opisyal na wika ng
isang tumandang henerasyon at upang tangkain namang baguhin at wasakin ng
sumusunod na henerasyon. Waring bahagi mismo ng generation gap ang magkaibang
paraan at pagpapakahulugan sa wika ng katandaan at ng kabataan.

Dahil sa kanilang saloobing rebelde, natitiyak kong mga kabataan lamang ang
panggagalingan ng mga binaligtad na bokabularyo. At mukhang makikipagtagalan sa
panahon ang ilan, gaya ng “astig” (tigas), “erpat” at “ermat” (father at mother), “datan”
(matanda), at “tsekot”(kotse). May tatak din ng barkada ang iba’t ibang naging popular
na paraan ng pagputol sa mga salita at paglalagay ng isang paboritong pantig.
Halimbawa, “syota” (bata), “syoke” (may kike?), at “syobi” (bisyo) na maaaring inspirado
ng syomai at syopaw sa pansiterya ng Chinatown. O kaya ang “dyakul” (cool?), “dyoga”
(magang-maga o nakakadaga?), at “dyinggel” (jingle) na maaaring bahagi ng paglalaro
sa Tinagalog na anyo ng “dyip” at “dyutay.”

Kailangan ang masusi at matiyagang paghimay sa mga naturang salitang balbal upang
matuklas ang sistema sa likod ng mga naturang kodigo ng kabataan.

Gaya rin ng pangyayaring mahirap mahulaan ang paraan ng pag-imbento sa tinatawag


ngayong “swardspeak” (wikang bakla). Sa tingin ko, bukod sa kabataan, pinakamasigla
ngayong sektor ang mga bakla sa paglikha ng sariling kodigo. Mabilis ding kumakalat
ang kanilang imbensiyon dahil sa impluwensiya nila sa mass media. Ang tawag nila
mismo sa kanilang sarili ay nagkaroon na ng mga transpormasyon, mula sa “badaf”
(babae dapat) na naging “bading” hanggang “muher” (mujer) at “swarding.” Hindi rin
maikakait ang halina ng kanilang makulay na lengguwahe, gaya ng “imbiyerna” na
malayo sa orihinal na invierna ng mga Espanyol o ng “tsugi” na hindi mo malaman kung
halaw sa Niponggo o Tibetan.

Ang mass media mismo ay nag-aambag ng bagong salita at malimit na dahil sa


mababaw na kaalaman sa wikang ginagamit. Pinakapopular na halimbawa ng ganitong
katangahan ang “kaganapan” na mahirap nang alisin kahit sa dila ng mga kagalang-
galang na Brodkaster Noli de Castro at Joe Taruc. Hndi naman nahuhuli sa ganitong
kamangmangan ang ilang akademistang nais mag-Espanyol ngunit mahirap usisain
kung saan nila napulot na diksiyonaryo ang “aspeto,” “imahe,” “pesante” (para sa
magsasaka), at “kontemporaryo.”

Gayunman, kahit ang mga nabanggit na aberasyon at ang tinatawag kong salitang
“siyokoy” ay bahagi ng masaya at masiglang paggamit ngayon sa wikang Filipino. Hindi
mapipigil kahit ng Komisyon sa Wikang Filipino ang magiging iba’t ibang paraan ng
paggamit ng sambayanan sa kanilang wikang pambansa. Wika nila ito kaya’t nasa
kanila kapangyarihan upang hubugin ito alinsunod sa kanilang hilig at pangangailangan.
Hindi rin wasto na ituring ang nalilikha ng bayan na bulgar at may mababang uri, lalo
na’t kapag ikinompara sa isinasagawa diumanong “intelektuwalisasyon” ng mga
akademista sa wikang Filipino. Walang silbi ang anumang pagsisikap tungo sa
“pagtataas” ng nilalaman ng wikang Filipino kung hindi ito gagamitin ng bayan–lalo na’t
mapagkuro nila na walang kaugnayan sa kanilang buhay at hindi nila kailangan. Tulad
ng “japayuki” noong dekada 1980 at ng“kudeta” nitong panahon ni Cory, tumitimo sa
isip ng taumbayan ang “otso-otso” at “ukay-ukay” hindi lamang dahil makulay ang anyo
kundi dahil may matalik itong kaugnayan sa kanilang kasalukuyang karanasan. May
nasasaling itong malalim at maselang pilas ng kanilang damdamin at gunita. Sabihin
mang baduy o tahasang baboy, wika ito ng kanilang tunay na buhay at higit nilang
tatangkilikin kaysa mga “pragmatiks” at “sayantipik perspertiv” sa hindi nila kailanman
maisasapusong wika ng mga “fild resertser” at “akademiks.”

Kailangang magkatagpo ang eksperimento sa akademya at ang malikhaing gawain sa


wika ng sambayanan. Magaganap lamang ito kapag natutong magsalita ang mga
intelektuwal at propesyonal sa wika ng bayan. Ibig sabihin, naipaloob ng mga
tagaakademya ang kanilang banyagang kaalaman sa daigdig ng karunungan ng
karaniwang taumbayan. Naging bahagi ng karanasan ng bayan ang ngayo’y nasa mga
makapal at mahirap basahing aklat. At magaganap din lamang ang pagtatagpong iyon
kapag nagbago mismo ang buhay ng taumbayan. Halimbawa, kapag umigpaw ang
kabuhayang bansa mula sa kumunoy ng “otso-otso,” “ukay-ukay,” at “ofw.’ Kapag
luminis ang lipunan at nawala ang “kotong,” “kurakot,” “trapo,” “pork barrel,” at “dagdag-
bawas.” Kapag... kapag... kapag...

Pagkaraan ng lahat, nagbabago lamang naman ang wika alinsunod sa nagbabago sa


buhay ng gumagamit nito. Tulad ng halaman, lumalago ito’t namumulaklak kapag
mataba ang lupa’t mapagpala ang kaligiran. Nababansot ito’t kulu-kulubot ang dahon
kapag tumubo sa burak at puro peste ang nakakapit.

You might also like