You are on page 1of 2

ROSALES, JANIELLE LORIN M.

/ MONOLOGO

Hay nako! Napakainit naman sa lugar na ito! At ang ingay ingay pa sa labas! Hay! Nakapinid na nga ang mga bintana e
malinaw ko pa ring naririnig ang mga nagpuprusisyon! Buwisit! Bakit ba kasi ayaw akong isama ng walangya kong asawa?
Nasaan na ba ang mga katulong ko? Ah, aba! Nariyan pala kayo! Paumanhi’t hindi ko kayo napansin! Hindi man lamang kasi
magsalita!

Ano ito? Bakit hindi kayo nagbibigay galang? Ako ba’y hindi ninyo nakikilala? Ang musa ng guardia civil ay hindi ninyo
nakikilala? Aba, mga hampaslupang indiyo! Akalain mong hindi nagbigay galang sa alferezang si DONYA Consolacion? Hoy,
hindi porke at kasamahan ko ang iba sa inyo noon sa labada ay maaari ninyo akong tratuhin nang gaya nang dati! Hindi na!
Ako na ang asawa ng alperez! Isa na akong donya! Donya! Naalaala ko tuloy noong bagong kasal pa lamang kami. Tinuruan
ako ng aking asawa. Sabi niya’y ang pangalan daw ng puri kong bayan ay “Felipenas”. Sinunod ko siya. Felipenas, Felipenas,
Felipenas! Kay buti ng aking asawa, na tinuruan akong may kasama pang kutos sa ulo! Wala nga lamang siya dito ngayon,
nasa isang piging. Ang walangya, ayaw akong isama! Bakit kaya, gayong napakaganda ng kanyang asawa! Mas maganda’t
magara pa akong manamit kaysa sa Maria Clarang iyon! Siya’y nagtatapis, samantalang ako’y hindi! Naririto lang tuloy ako
sa bahay, bagot na bagot.

Naalaala ko tuloy noong nakaraang pista ng San Diego. Halos ganito rin: maingay kahit nakasara ang mga bintana! Ako
lamang din mag-isa sa bahay noon. Ang asawa ko kasing buwisit, ayaw akong palabasin! Buwisit talaga! Lagi na lamang
ganoon, ikinahihiya niya ang napakaganda niyang asawa. Lagi na lamang… Ngunit hindi ganitong nakayayamot noon!
Mayroon kasi akong narinig na kumakanta. Si… sino nga ba iyon? Si… si ano? Sisa..? Ah, oo! Sisa! Tama! Iyong baliw! Kay
ganda pala ng tinig ng baliw na iyon! Ah, pinaakyat at pinakanta ko nga siya! Ngunit pagdating sa’kin ay hindi na nga siya
nagbigay galang, ni hindi pa niya maunawaan ang wika ko—ang wikang Kastila! Hindi ba niya nalalamang kinamumuhian ko
ang pagsasalita ng Tagalog? Aba’t hinagupit ko nga ng latigo ng aking asawa ang baliw na ito. Ha! Nakita niya ang hinahanap
niya! Buti na nga lang at may kawal na naroon upang ipahatid sa baliw ang utos ko, at nang mukhang naunawaan na ay
kumanta na siya. Ang kanyang maganda ngunit malungkot na tinig at ang mga titik ng kundimang inaawit niya ay
nakabagbag sa akin. Pinagpaalala nito na ang puso kong wala nang dagta at tuyo ay nauuhaw mandin sa ulan… huwag!
Ayoko nang siya’y umawit! Nasasaktan na ako! Pilit kong inialis ang kaisipang iyon sa aking ulo hanggang sa makaisip ako ng
isa nanamang utos: sayaw! Magsasayaw ang baliw! “Magsayaw ka, magsayaw ka!” Ngunit hindi nanaman ito naintindihan
ng loco kung kaya’t binigyan ko siya ng isang napakagandang halimbawa ng pagsasayaw. “Gayahin mo ako! Magsayaw ka
kagaya ko!” Napalundag-lundag at napasayaw ko nga ang baliw habang pinagpapalo ko ang kawawa niyang mga paang
walang kasapin-sapin. Nakakatuwa iyon, napawi ang aking pagkabagot! Ngunit biglang dumating ang aking asawa, gulat na
gulat sa kanyang nakita. Pinaayos niya ang baliw at sinabi pang pakainin! Ano kaya ang mayroon sa baliw na iyon? At ano
kaya ang nangyari sa aking asawa? Ni hindi na nga bumati ng magandang gabi, nakipag-away pa sa akin! Napuno tuloy ng
mura’t ungol ang buong kabahayan. Aba, hindi dapat ako patalo sa kanya, ano!

Nagunita ko nanaman tuloy ang pagkaubos ng pasensiya ng isang excelentissima señora nang tinitigan ko siya mula ulo
hanggang paa. Napakagarbo ng damit at patung-patong ang kolorete sa buong katawan! Akala mo kung sino kung manamit,
e napakalaking baho’t kahihiyan naman ang pasan (evil laugh)! Akala niya ba’y hindi ko alam kung sino siya at kung sino ang
kanyang mga kasama? Sinabi na sa ’kin ng asawa ko ang lahat na ‘yon, kaya hindi ako matatakot sa dila’t laway ng
Victorinang iyon! Naku, kung hindi lamang niya ako tinawag na labandera—at sa harap ng maraming tao pa—ay hindi ko
kukunin ang latigo ng aking asawa upang sayangin ang lakas ko sa kanya! Buti na lamang nga at pinigil kami ng aking
asawa’t ng kurang hindi naman malinis ang konsensya kung hindi ay talagang nabunot ko na ang may kulay at kulot niyang
buhok! Akalain mo na sinabing naiinggit daw ako? Kasingkapal ng kolorete niya sa mukha ang pinagpapatungan nito!
Kakatuwa ang kanyang hitsura! Pinipilit pa ang mali-mali niyang pangangastila! Estupida!

Ayay, gumagabi na pala. Parating na ang aking asawa. Dali, kailangan ko nang magtago! Kailangan ko siyang bulabugin
hanggang atakihin, bilang pagganti ko man lamang sa palagian niyang pag-iwan sa ‘kin dito! Pwe, diyan na kayo!

At sa susunod ay magbibigay galang kayo, mga hampaslupang indiyo!


Made by Olafunwa Abuiza (UE Caloocan Campus) March 2, 2011 PLAGIARIZING IS AGAINST THE LAW. At least give credits to the one who made this!

You might also like