You are on page 1of 9

Ang Tao at ang Kalikasan

Agosto 20, 2006


Ang tao at ang kalikasan

Mauunawaan ang usaping pangkalikasan kung titignan at aaralin natin ang saligang relasyong ng
tao at ng kalikasan at ang kaugnay na relasyon ng tao sa tao sa isang lipunan. Ang kasaysayan ng
sangkatauhan, nakapaloob ang paggana ng relasyon ng tao at ng kalikasan, ay makikita sa
kasaysayan kung papaano pinapa-unlad ng mga tao ang produksyon sa lipunan at gayundin ng
pag-unlad ng mga lipunan

Hindi hiwalay bagkus integral ang tao sa kalikasan. Ang tao ay ang mismong kabuuan ng mga
sangkap na nagmula sa kalikasan at, sa huli, kapag sya ay namatay ay muling magbabalik sa
kalikasan.

Gayundin, ang tao ay ang sentral na bahagi ng kalikasan. Ang tao ang pinaka-abante at
pinakamulat sa mundo. Di tulad ng hayop, ang tao ang syang mas nakakapagtakda sa kalikasan.
Ang hayop ay gumagamit lamang sa kanyang paligid at nagdudulot ng pagbabago dito sa
simpleng presensya nito subalit ang tao ay binabago ang kapaligiran at patuloy na pinag-aaralan
ang mga batas ng kalikasan upang gamitin o pagsilbihin ito sa kanyang kagustuhan. Ito ang pinal
at esensyal na pagkakaiba ng tao sa hayop.

Sa paglahok sa produksyon, kinukuha ng tao sa kalikasan ang kanyang mga pangangailangan


upang mabuhay tulad ng pagkain, hangin, tubig, bahay at gamot. Ang produksyon o ang paglikha
ng tao ng yaman mula sa kalikasan ang pangunahing batayang kondisyon upang mabuhay ang
tao

Nakabatay sa antas ng pagsulong ng produksyon sa lipunan ang kabuang antas ng pag-unawa ng


tao sa kalikasan at lipunan. Sa paglahok sa produksyon, nagkakaroon ang tao ng saligang
ugnayan sa kalikasan at sa kanyang kapwa-tao. Dito pangunahing nagmumula ang kaalaman at
pag-unlad ng kaalaman ng tao.

Sa patuloy na paglahok ng tao sa produksyon, natututunan nya ang mga katangian ng mga bagay,
ang mga ugnayan nito sa ibang bahagi ng kalikasan at ang mga batas sa pagbabago nito. Dahil
dito patuloy nyang napapayaman ang kanyang kaalaman sa syensya at napapataas ang antas ng
kanyang teknolohiya na muli ay nagagamit sa pagpapa-unlad ng kanyang produksyon.

Bago matutong magsaka at mag-alaga ng hayop, mahabang panahon na umasa sa pangangaso at


pangangalap ng pagkain mula sa kapaligiran ang tao gamit ang pinakasimpleng kasangkapan
tulad ng bato o buto ng mga hayop. Ang mga produkto tulad ng GMOs, kompyuter, robot at
satelyt ay resulta na ng pagkadalubhasa ng tao sa kalikasan, produkto ng modernong produksyon
na gumagamit ng modernong teknolohiya at makinarya.

Sa bawat pag-unlad ng syensya at teknolohiya kasabay ang pag-unlad ng sistema ng kanyang


produksyon. Nagiging mahusay at mas matipid ang produksyon. Napapahusay niya ang kanyang
mga kasangkapan at tumataas ang kalidad at kantidad ng mga produkto na nagagawa niya mula
sa kalikasan. Halimbawa, ang ensayklopidya na naglalaman ng napakaraming impormasyon
ngayon ay makukuha mo na lamang sa maliliit na CDs (compact discs) na mas higit ang mura at
kalidad kaysa dati nitong pakete ng serye ng makakapal na libro.

Ang lipunan at ang kalikasan

Ang kabuoang relasyon ng tao sa kalikasan ay sumasalamin sa tipo ng relasyon ng tao sa tao sa
isang lipunan. Makikita na tumatagos at nagiging mapagpasya ang mga tipo ng relasyon ng mga
tao sa isang sistema ng produksyon ng lipunan sa pangkalahatang relasyon ng tao at ng
kalikasan, at sa kalagayan ng kapaligiran.

Sa bawat yugto ng pag-unlad ng lipunan may partikular na sistema ng ekonomiya o moda ng


produksyon. Sa sistemang komunal, napaka-atrasado ang pamumuhay at mababa ang antas ng
produksyon. Ang mga tao noon sa matagal na panahon ay nabuhay lamang sa pangangaso,
pangunguha ng bungang kahoy at pangingisda. Ang kanilang mga kasangkapan ay napaka-
atrasado at simple tulad ng mga pana at sibat.

Sa lipunang komunal hindi pa nahahati sa mga uri ang mga tao. Walang monopolyo sa
kagamitan sa produksyon o sa mga rekurso sa kalikasan. Ang mga ilog, gubat at lupain ay
komon na pag-aari ng lahat. Ang bawat myembro ng lipunan na may kakayahang magtrabaho ay
lumalahok sa produksyon. Halos walang surplas o sapat lamang ang produkto na linilikha ng tao
para sya ay mabuhay.

Sa malakihang pagsulong ng kaalaman, pagtitipon ng karanasan at higit na kakayahan sa


produksyon, lumaki ang surplas na produkto na nalilikha ng tao mula sa kalikasan. Nagresulta ito
sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan at rekurso sa produksyon tulad ng mahahalagang
kasangkapan, lupa at patubig. Kasabay nito, nagsimula nang mahati ang mga tao sa mga uri. Ang
mga naghaharing uri ay nagsasamantala sa pamamagitan ng pagkuha ng walang kapalit ng
yamang linikha ng uring anakpawis mula sa kanyang paggawa sa kalikasan. Naging
mapagpasyang salik ang relasyon at tunggalian ng mga uri sa lipunan sa pangkalahatang
relasyon ng tao at ng kalikasan.

Sa loob ng makauring lipunan, mula noong sistemang alipin hanggang sa kasalukuyang


sistemang kapital, ang pagtatakda ng paggamit ng mga rekurso mula sa kalikasan, bilang
sangkap sa produksyon, at ang pagtamasa ng mga produkto na nalilikha mula dito ay nasa
kontrol at desisyon ng mga naghaharing uri.

Ang mga hari at mga panginoong maylupa noon sa lipunang pyudal, ang nagtatakda kung ang
isang kagubatan ay kakalbuhin upang gawing bukirin o pastulan. Habang ang mga kapitalista
naman sa lipunang kapitalista ang nagtatakda kung ang isang kagubatan ay kakalbuhin upang
pagkakitaan ang mga troso o di kaya ay gawing plantasyon para sa produktong pananim.

Ang kapitalismo ang ugat ng problema sa kalikasan


Nang lumitaw ang sistemang kapitalismo, nilusaw nito ang likas na ekonomiyang nakakasapat sa
sarili o ang produksyon para sa domestikong pangangailangan ng lipunan. Ang produksyon sa
sistemang kapital ay nakabatay para sa pamilihan. Maramihang ginagawa ang mga kalakal sa
pamamagitan ng sama-samang paggawa at modernong pamamaraan at kasangkapan. Pinag-
uugnay ng palitan at pamilihan ang magkakalayong bahagi ng isang bayan at maging ang iba’t-
ibang bansa.

Sa kapitalismo, ang layunin ng produksyon ay lumikha ng tubo. Lumilikha ng yaman mula sa


kalikasan ang produksyon sa loob ng kapitalismo hindi dahil sa pangangailangan ng tao kundi
para magkamal ng papalaking tubo. Ang kapitalista na syang kumokontrol ng mga rekurso para
sa produksyon at nakikinabang sa yamang nalilikha mula sa kalikasan ng hindi lumalahok sa
produksyon. Para sa kanya, ang kalikasan at tao ay pawang mga sangkap lamang ng produksyon
na pwedeng pagkakitaan.

Di-planado, maaksaya at madumi ang katangian ng produksyon sa kapitalismo. Dinadambong ng


kapitalista ang likas-yaman mula sa kalikasan. Dahil ganid sa tubo, layunin ng kapitalista na
makakuha sa pinakamaraming kantidad ng rekurso mula sa kalikasan para sa kanyang
produksyon. Labis labis na produkto ang nalilikha sa buong produksyon na higit sa
pangangailangan ng lipunan. At kapag di mabili ang mga sobrang produkto, itinatapon o
winawasak lamang ng kapitalista ang mga produkto kaysa ipagamit o ipakunsumo sa mga tao.

Di alintana ng kapitalista kung ang resulta nito ay pagkalustay o pagkasaid ng likas-yaman at


kabuoang pagkawasak ng kalikasan. Halimbawa, patuloy at mabilis na nawawala ang kagubatan
ng mundo. Noong dekada 80, 11.3 milyon kagubatan ang nakakalbo kada taon subalit ngayon
tumaas ito sa 14.6 milyon ektarya kada taon habang 5.2 milyon ektarya lamang ng lupain ang
muling natataniman ng puno kada taon. Ibig sabihin bawat taon mahigit sa 9.4 milyong ektarya
ng kagubatan ang nawawala sa daigdig. Mula 1990 hanggang 2000 may total na 94 milyon ng
kagubatan ang nawala.

Sa kapitalismo, matindi ang kumpetisyon sa pagitan ng mga kapitalista. Ang bawat isa ay nag-
uunahan sa pagpapa-unlad ng kanyang teknolohiya, kasangkapan at pamamaraan upang mas
maging matipid at mahusay ang kanyang produksyon kaysa sa katunggali niyang kapitalista.
Gumagamit ang kapitalista ng mga modernong kasangkapan, teknolohiya at pamamaraan sa
produksyon na nagtitiyak sa kanya ng mas murang gastos sa produksyon subalit nagdudulot
naman ng kabuoang pagkawasak, o kung hindi man, nang napakabilis na pagkasira sa kalikasan
sa punto na di na ito pwedeng pakinabangan ng tao at naglalagay sa tao at kalikasan sa isang
malaking panganib.

Halimbawa ang karanasan ng mamamayan sa pagtatayo ng mga dambuhalang dam. Sa pag-aaral


ng World Commission on Dams (WCD) napatunayan nila na sa kalakhan ang mga dambuhalang
dam na itinayo ay nagdulot ng mas malaking perwisyo sa tao at kapaligiran kaysa sa naidulot
nitong benepisyo. Gayundin ang kalakaran ngayon sa komersyal na pagmimina, gumagamit ang
mga mining TNCs ng “open-pit mining method” upang makatipid at makakuha sila ng
pinakamaraming mineral sa pinakamaikling panahon subalit resulta naman nito ang buong
pagkawasak ng kapaligiran at pagkamatay ng maraming ekosistema sa kalikasan tulad ng ilog,
dagat at bukirin.
Dahil patuloy niyang pinaliliit ang gastos nya sa produksyon, hindi naglalaan o di prayoridad ng
kapitalista ang pondo para sa kaligtasan ng kalikasan at paglilinis/rehabilitasyon ng kapaligiran
na kanyang ginamit at nilustay. Hindi prayoridad ng kapitalista na gumastos upang gawing tama
at ligtas ang kanyang produksyon at ang kanyang pagtatapon ng basura sa kapaligiran. Kung
mayroon man ito ay upang magbalatkayo at ipakita na kunwari ay may malasakit siya sa
kalikasan.

Ang mga multinasyunal at transnasyunal na korporasyon ang mga pangunahing lumilikha at


walang pakundangan na nagtatapon ng mga nakakalasong basura sa kapaligiran. Kalakaran ng
mga MNCs/TNCs na itapon ang kanilang mga basura sa pamamaraan at lugar na pinakamura
para sa kanila. Halimbawa, ang India ang isa mayor na pinagtatapunan ng mga kapitalistang
bansa ng kanilang nakakalasong basura.

Noong 1993 lamang, nagtapon ng 7.8 milyon kilo ng abo ng tingga at 14,500 kilo ng tingga-
asidikong baterya ang US sa India; nagtapon naman ang Inglatera ng 2.5 milyon kilo ng
basurang tingga; ang Canada ay nagtapon ng 96,000 basurang tanso, 1.2 milyon kilo ng abo, 1
milyon kilo ng tinggang basura at 106 milyon kilo ng bakal na basura ; at ang Alemanya ay
nagtapon ng 2 milyong kilo ng bakal na basura.

Lalong tumindi ang kabuoang pagkasira at pagkalason ng kalikasan nang ang kapitalismo ay
umabot na sa imperyalismo. Nahati ang mundo sa dalawang panig, ang mga imperyalistang
bansa sa isang panig at sa kabila ang mga kolonya at neokolonya ng bansa. Kinokontrol ng mga
imperyalista ang rekurso mula sa kalikasan at dinarambong at sinasamantala nila ang mga likas-
yaman at mamamayan ng mga kolonyal at neokolonyal na bansa.

Sa panahon ng imperyalismo, naganap ang dalawang digmaang pandaigdig na bumiktima sa


ilang daan milyon katao, pumatay sa ilampung milyon na mamamayan at malawakang sumira sa
maraming sibilisasyon. Noong Ika-2 Digmaang Pandaigdig, pinasabog ng Amerika ang unang
bombang nukleyar sa Nagasaki at Hiroshima, Japan na kumitil sa buhay ng 300,000 sibilyan sa
loob lamang ng ilang oras. Ang gerang agresyon ng Estados Unidos sa Byetnam ay nagpasabog
ng 10 beses na dami ng bombang pinasabog noong Ika-2 Digmaang Pandaigdig. Ang gerang
agresyon na ito ay kumitil sa 3 milyon sibilyang Byenames.

Upang lalong palakasin ng mga imperyalista ang kanilang kontrol sa mundo, patuloy silang
gumagawa at nagpaparami ng papalakas na mga kagamitang pandigma tulad ng armas nukleyar
at biokemikal. Naglulunsad ng mga digmaan ang mga imperyalista upang resolbahin ang krisis
ng sobrang produksyon sa mundo. Layunin nila na lustayin ang kanilang mga produktong
pandigma, wasakin ang mga sibilisasyon para makakuha ng kita mula sa rekonstruksyon at
makontrol ang mga mamamayan at kalikasan sa mga sinasakop na bansa. Patunay dito ang
kasalukuyang pananakop ng US sa bansang Iraq.

Kinokontrol din ng mga imperyalista ang kultura sa mundo. Pinapalaganap nito ang kanyang
bulok na kultura at ideolohiya upang manatili ang kanyang lipunan. Pinapatampok niya ang
kulturang makasarili at konsumerismo.
Kinokondisyon ng mga imperyalista ang pag-iisip ng mga komsumer lalo na ang mga nasa
industriyalisadong bansa na maging maaksaya. Bumibili ang mga konsumer ng mga produkto
kahit hindi na nila ito kailangan o di kaya ay mapalitan nila ng bago ang mga gamit nila kahit ito
ay gumagana at may silbi pa.

Ang 20% na papulasyon ng mundo na nakatira sa mga kapitalistang bansa ay kumukonsumo ng


halos 90% na mga nabiling produkto sa buong mundo. Gumagasto ang mga manopolyo
kapitalista ng $1,000 bilyon kada taon para lamang sa pagpapakilala/komersyal ng kanilang
produkto.

Sa kabila ng kasaganahan ng likas-yaman ng mundo at paglikha ng sobrang produkto, malaganap


ang kawalan ng batayang pangangailangan ng mamamayan sa daigdig. Sa kasalukuyan, mahigit
sa 1.2 bilyon katao sa mundo ang nabubuhay sa mas mababa sa isang dolyares ($1=Php55) kada
araw at halos isang bilyong tao, karamihan ay mga bata, ang malnoris. 2.4 bilyon katao ang di
nakakakuha ng “sanitation services” dulot nito, 5 milyong katao ang namamatay gada taon sa
mga sakit dahil sa maruming inumin.

Pagtatambol ng Enbayromentalismo

Upang pagtakpan ang ugat sa pagkawasak ng kapaligiran sa mundo, itinatambol ngayon ng


monopolyo kapitalista ang konsepto ng “enbayromentalismo” o ang pag-aalala at pangangalaga
sa kalikasan. Ano ang mga konsepto sa loob ng “enbayromentalismo” na isinusulong nila?

Inilalayo ng mga monopolyo kapitalista ang mga usaping pangkapaligiran sa usapin ng


tunggalian ng mga uri sa lipunan. Binabantaan at tinataguriang salot sa kalikasan ang mga
mamamayang nagmimithi at nakikibaka para sa paglaya at tunay na pag-unlad ng kanilang bansa
at lipunan, at lumalaban sa imperyalismo.

Ipinopropaganda nila na sa loob ng sistemang kapitalismo mareresolba ang krisis sa kalikasan sa


pamamagitan ng pagsusulong ng globalisasyon, ang bagong pangalan ng imperyalismo. Sinasabi
nila na ang mga imperyalistang bansa ang pinakamahusay na magtakda sa paggamit ng rekurso
sa kalikasan at kung papaano pauunlarin ang mundo sa dahilan ng kanilang kalakasan sa
ekonomiya at kontrol sa mga abanteng teknolohiya.

Upang di makita ang pananagutan ng mga imperyalista, sinisisi ang mga karaniwang
mamamayan bilang sanhi ng pagkasira sa kalikasan. Ang patuloy na paglaki ng populasyon, ang
kawalan daw ng disiplina ng tao at kahirapan ang palagian nilang dahilan kung bakit ang tao ang
maysala sa krisis sa kalikasan. Ang solusyon daw sa pagsira sa kalikasan kung gayon ang
pagbabago ng mga indibidwal at hindi ng lipunan.

Ang Malapyudal at malakolonyal na lipunan ang sanhi ng pagkasira ng kalikasan sa Pilipinas.


Nasa krisis ang kalagayan ng kalikasan sa Pilipinas. Dulot ito ng mahabang kasaysayan ng
pandarambong sa ating likas-yaman ng mga mananakop at mga imperyalistang mandarambong
partikular ang Estados Unidos.

Sa Pilipinas, nagsimula ang mabilisan at malawakang pagkawasak ng kalikasan nang kalbuhin


ng Kastila ang ating mga kagubatan para sa sa produksyon nya ng mga hilaw na materyales para
sa kapitalistang produksyon sa Europa. Ang Pilipinas bilang kolonya ng Espanya, ay
malawakang tumapyas ng ating kagubatan noong kalagitnaan ng ika-18 siglo. Kinalbo ang mga
kagubatan upang bigyan daan ang mga plantasyon ng mga pananim pang-eksport tulad ng
tabako, indigo at abaka upang iluwas sa mga industrialisadong bansa sa Europa partikular sa
Inglatera. Habang ginamit naman ang mga trosong nakuha para sa paggawa ng barko at galeon,
simbahan at magagarang bahay. Sa mahigit na 300 taon, kinalbo ng mga Kastila ang mahigit sa
25% ng ating kagubatan.

Sa mga huling dekada ng paghahari ng Kastila, ang pyudal na produksyon na ng lipunan ay


magkasabayan tumugon sa domestikong pangangailangan ng bansa at sa pandaigdigang
pamilihan ng hilaw na materyales. Maramihang inagaw ng Katolikong Simbahan, ang
pinakamalaking panginoong maylupa noon, ang mga lupain ng mga magsasaka at pambansang
minorya upang gamitin sa hasyenda o plantasyon ng mga produktong agrikultural.

Nang pumasok ang mga imperyalistang Estados Unidos sa Pilipinas, mas mabilis at mas
malawak ang naging pandarambong at pagkasira sa kalikasan ng Pilipinas. Ang komersyal na
pagtotroso, ang mga malalaking plantasyong agrikultural at ang komersyal na pagmimina ang
kumalbo sa ating mga kagubatan at kabundukan. Nagsimula na ang maramihang pagkalason at
pagkamatay ng mga ilog dulot ng basura sa pagmimina ng mga kumpanya ng US sa bansa.

Ang mga rekurso mula sa ating kalikasan ay dinambong ng mga multinasyunal na kumpanya ng
mga imperyalista upang iluwas sa pandaigdigang pamilihan bilang hilaw na materyales. Sa loob
ng halos 50 taong direktang kolonya ng US ang pilipinas, inubos nito ang mahigit sa 40% ng
ating kagubatan pangunahin dahil sa pagluluwas ng troso para sa pandaigdigang pamilihan. Sa
puntong ito, nagsimula na ang krisis sa ekosistema ng kagubatan.

Sa pagigiging malakolonyal at malapyudal ng bansa pagkatapos ng 1946, lalo pang lumala ang
pangdarambong sa kalikasan at pagsaid sa ating likas-yaman. Maramihang itinayo sa bansa ang
mga proyektong mapanira at nagdudulot ng polusyon sa kapaligiran tulad ng mga coal power
plants at mega dams. Malawakang hinawi ang mga bakawan upang gamitin sa ‘aquaculture’ na
nagluluwas ng sugpo, isda at alimango sa ibang bansa. Ang ating mga dagat at karagatan ay
binukas para sa pandarambong ng mga dambuhalang komersyal na mamamalakaya mula sa
Hapon at Taiwan.

Gayundin, inililipat at itinatapon dito ang kanilang mga marurumi, mapanganib at atrasadong
teknolohiya at basura. Noong huling hati ng 1900, maramihang itinayo dito ng mga imperyalista
ang mga multimilyong dolyares na sintering plant, oil at coal power plants.

Pinapanatili ng US, katulong ang mga naghaharing uri na burgesya kumprador at panginoong
maylupa, ang atrasado, pre-industriyal at pyudal na ekonomiya ng bansa. Walang inilulunsad na
pambansang industriyalisasyon at nananatiling bansot ang ekonomiya ng bansa. Sa ganitong
kalagayan natitiyak ng mga imperyalista na mananatili ang Pilipnas bilang lugar na
pinagkukuhanan ng mga murang hilaw na materyales at laging nakaasa sa mga yaring produkto
mula sa ibang bansa.

Ang pag-agaw ng lupa, pagkawala ng kabuhayan, dislokasyon, pagkalubog sa utang, pagkasira


ng kalikasan at paglabag sa karapatang pantao ang mga direktang epekto ng mga operasyon at
proyekto ng mga imperyalista sa bansa. Sa pagkasaid ng likas-yaman ng bansa tulad ng troso at
mineral, lalong nalulugmok sa kahirapan ang bayan.

Bukod dito pangunahin ang mga karaniwang mamamayan ang nagiging biktima ng mga
kalamidad dulot ng pagkasira ng kapaligiran tulad sa flash flood sa Ormoc landslide, Marcopper
mine spill at Payatas tragedy. Sila din ang unang tinatamaan ng mga epidemya at sakit dulot ng
polusyon at pagdumi ng kapaligiran.

Napakataas ng polusyon, walang sistema sa pagpaplano, kakarampot na serbisyong pampubliko,


at mataas na imigrasyon ang katangian ng mga pangunahing kalunsaran sa Pilipinas. Dahil dito,
napakataas ang bilang ng pagkamatay at pagkakasakit ng mga mamamayan na naninirahan dito.
Ang Metro Manila, bilang sentro ng pulitika at ekonomiya sa malakolonyal at malapyudal na
lipunan ng Pilipinas, ang isa sa pinakamaruming syudad sa mundo.

Ang Pilipinas ay nagsisilbi ding lunsaran ng digma ng US. Nagtayo ng maraming base militar
ang US sa Pilipinas. Ginamit ang mga baseng ito para sa kanilang mga pagsasanay, pag-iimbak
at pagtesting ng kanilang mga kagamitang pandigma. Lunsaran din ito ng kanilang mga pwersa
para sa internal na pakikialam sa Pilipinas at karatig bansa. Mula ng isara ang mga base militar
ng US, hindi umaako ng responsibilidad at hindi pa nila nililinis ang ginawa nilang
kontaminasyon sa kapaligiran at komunidad na nakapalibot dito. Gayundin, pinahintulutan na
muling mangyari ang mga ganitong insedente sa pagbabalik ng pwersang militar at base militar
ng US sa ilalim ng Visiting Forces Agreement (VFA) at ng Mutual Logistics and Support
Agreement (MLSA).

Ang Pakikibaka para sa Kalikasan

Ang usaping pangkalikasan, una, ay mahigpit na kaugnay ng mga usaping pang-ekonomya at


pampulitika ng ating lipunan at daigdig.

Ang tao at kalikasan ay ang tao sa konteksto ng kanyang lipunan at kalikasan. Hindi
maihihiwalay ang pag-aaral sa kalikasan ng labas sa pag-aaral na kung paano nga ba nabuhay
ang tao sa daigdig, na labas sa pag-aaral kung paano niya napaunlad ang produksyon upang
mabuhay at umasenso, at sa kung paano mula dito lumitaw at naging bahagi siya ng tagisan ng
uri. Gayundin, magkaugnay itong titignan sa paghahanap ng solusyon.

Hindi kung gayon bulag sa pagpapakasasa ng mga naghaharing uri sa paninira at pandarambong
ng imperyalismo at mga instrumentalidad nito. Ang pakikibaka para sa kalikasan ay pakikibaka
rin laban sa imperyalismo. Dapat matalas at mabilis na nahuhubaran ang kanilang mga pakana at
pagpapanggap na makakalikasan sa pamamagitan ng mga international na tratado at pinalabnaw
na konsepto at bagong termino tulad ng “sustainable development”.

Pangalawa, integral sa kabuuang pakikibaka sa kasarinlan sa ekonomiya, pambansang


patrimonya at demokrasya ang pangangalaga sa kalikasan. Pakikipaglaban ito para baguhin ang
malakolonyal at malapyudal na lipunan ng Pilipinas.

Sa panahon ng imperyalistang globalisasyon, mabilisang nawawasak at nauubos ang ating


yamang natural sa mga malakihan at extractive na negosyo ng mga dambuhala at dayuhang
korporasyon (TNCs), tulad sa pagmimina, pangingisda, mga plantasyong komersyal, at natural
gas exploration. Sa kabila ng pandarambong na ito sa ating kalikasan, di tuwirang naaani ng
mamamayan ang benepisyo mula dito dahil iniluluwas lamang ito sa labas ng bansa bilang mura
at hilaw na materyal para sa mga empresa ng mga dayuhang korporasyon. Bagkus, mamamayan
ang sumasalo sa lahat ng epekto ng pandarambong, tulad ng sapilitang pagpapalikas, kawalan ng
kabuhayan, walang kaseguruhan sa trabaho, at pinatinding dagok ng mga natural na kalamidad.

Kasosyo ng mga lokal na burgesya-komprador at panginoong maylupa, ang mga dayuhang


korporasyon ay labis na nakakaimpluwensya sa pamahalaan upang magpatupad ng mga batas,
patakaran at mga programang maluwag na nagpapahintulot sa kanilang mga negosyo gaano man
ito nakakaapekto sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan, at lumalabag sa ating pambansang
kasarinlan.

Ang ating gawaing pangkalikasan ay kailangan kung gayong mahigpit na tumutulong sa ganap
na pagtatamo ng pambansang kasarinlan at pagtanggol sa ating pambansang patrimonya.
Kailangan ring maging kritikal sa mga pambansang programa at batas na isinusuko ito, lalo na’t
nilalangkapan pa ng militaristang kampanya. Gayundin, kailangang maging kritikal din sa mga
internasyunal na kasunduan na lalo lamang nagbibigay lisensya sa mga dayuhang korporasyon
na makapandambong ng ating kalikasan.

Sa huli, ang pangangalaga at paglaban para sa kalikasan ay pakikipaglaban para sa tunay na


kaunlarang pinakikinabangan ng malawak na mamamayan, pakikibaka ito para sa tunay na
reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Hindi pag-atras sa sibilisasyon ang paglaban para sa kalikasan. Paglaban ito ng pasulong sa
tunay na kaunlaran ng ating bayan, na hindi isinasakripisyo ang kapakanan ng mamamayan at
hindi mapanalasa sa kalikasan. Ang paggamit ng ating likas na kayamanan ay ibinabatay sa
masusing pagsasaalang-alang ng ating pangangailangan at industriyalisasyon at hindi sa bulag na
pagluluwas nito para sa walang kapatiráng pangangailangan sa tubo ng mga dambuhalang
korporasyon.

Ano ang ating dapat gawin?

1) Patuloy sa pagsisikap na mabago ang namamayaning sistema at istruktura sa lipunan.


Pagpapalaganap ng isang lipunang nagtataguyod sa kapakanan at karapatan ng mamamayan at
hindi ng dayuhan sa ating patrimonya at nagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at
pambansang industriyalisasyon.
2) Patuloy na pagtatanggol sa kalikasan at kabuhayan ng mamamayan laban sa imperyalistang
pandarambong at mga lokal na alagad nito.
3) Pagpapalaganap at pagpapatupad ng wastong paggamit sa kalikasan. Kailangang ito ay sa
paraang hindi nakukumpromiso ang interes at pangangailagan ng mamamayan, may pagkilala sa
angkop na teknolohiya, at kung saan napapaliit ang masamang epekto sa kalikasan.
4) Pagpapalaganap ng wastong pananaw sa kalikasan. Paggamit ng makamasa, makabayan at
siyentipikong pananaw upang tuligsain ang mga maling ipinalalaganap ng mga tagapagtanggol
ng dambuhala at dayuhang korporasyon.
5) Pagtulong sa mamamayan na maibsan ang matinding epekto sa kanila ng pagkawasak ng
kalikasan.

You might also like