You are on page 1of 6

Pagbabago para sa Kalikasan

Pagbaha, pagkakaroon ng landslide at pabago-bagong klima, yan ang ilan sa mga nararanasan nating panahon ngayon. Abnormal sa panahon noon. Sabi nga ng mga syentipiko, ang ganitong uri ng panahon ay nakababahala na talaga. Sapagkat, dahil sa pabago-bagong panahon napakaraming pagbabago ang unti-unti nang nararanasan ng bawat isa sa atin. Nariyang may panahong sobrang init, ang pag-ulan at pagkakaroon ng bagyo ay animong delubyong sumasalanta sa bawat lugar, bahay, puno at kahit mga tao. Ang mga ganitong uri ng kalamidad ang syang nagpapahirap sa atin na halos ikaubos ng mga pananim, pagkasira ng mga imprastruktura, bahay at pati sariling buhay. Ngunit sa kabila ng lahat ng mga nangyayaring ito, walang dapat ibang sisihin at panagutin kundi ang tao. Ang tao na syang binigyan ng kaalaman at kabatiran upang paunlarin ang sarili at ang mundo, ngunit ngayoy siya rin palang wawasak ng sanlibutan. Ang simpleng pagtatapon lamang ng basura sa tamang tapunan ay di gaanong pinahahalagahan. Nariyan ang patunay sa ating paligid ang mga nagkalat na basura sa kalsada, estero, kanal at kahit ang ating mga anyong tubig tulad ng dagat at ilog ay hindi rin pinalagpas. Halimbawa na lang riyan ang Manila Bay. Ang patuloy na ilegal na pagputol ng mga puno sa ating kabundukan at kagubatan ang isa sa nakaaapekto sa ating kapaligiran. Sa patuloy na pagkakalbo ng mga ito nakasalalay ang napakaraming buhay. Isipin na lang natin ang napakalaking naitutulong nito sa pagpigil sa pag-agos ng tubig ulan tuwing may bagyo. Kung wala na ang mga punot halaman, sino pa ang tutulong sa pagsipsip ng tubig ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagkakaroon ng landslide. Ang ganitong suliranin ng ating kapaligiran ay maiibsan man lang bagamat hindi na ito tuluyang maibabalik pa sa dati ay sa pamamagitan ng 3Rs o ang Reduce, Reuse, Recycle. Ang

pagsasagawa ng 3Rs ay hindi kabawasan kahit kanino man bagkus makatutulong pa sa pagpaaunlad ng kalinisan, kaunlaran, at higit sa lahat sa ating inang kalikasan. Sabi nga, Kabataan, pag-asa ng ating bayan. Kung pagbabasehan ang ganitong wikain ukol sa kabataan ay talagang napakagandang pakinggan, ngunit ano ang magiging patotoo upang ito nga talaga ay karapat-dapat wikain? Isa sa maaring gawin ng ating kabataan ay ang pagtugon sa ating suliraning pangkapaligiran. Maaari silang tumulong sa mga proyektong pangkalikasan tulad ng pagtatanim ng puno, paglilinis ng kapaligiran at higit sa lahat ang pagsasagawa nito sa araw-araw na pamumuhay. Bawat araw na lumilipas, ibat-ibang uri ng paninira sa kalikasan ang nagaganap. Hindi tayo nakasisiguradong lahat ng tao sa buong mundo ay nagsisikap upang maisagawa ang nararapat. Ngunit kung tayo ay magiging modelo sa bawat isa ay mahihikayat natin ang iba ba sagipin ang isang magandang biyaya ng Diyos sa atin. Sa pamamagitan n gating lakas, talent, sipag at tiyaga makakatulong tayo sa problema sa hinaharap ng kalikasan ngayon. An gating pagkilos ay ang magiging daan para sa magandang mundo para sa susunod na henerasyon . Sa ating sitwasyon, hindi lang ang kabataan ang pinakiki-usapang makilahok sa adbokasiya ng pamahalaan at NGOs (Non-Government Organizations) na paunlarin ang ating kapaligiran kundi ang lahat upang mapadali at panatilihing ligtas at malinis ang ating paligid. Ikaw ba, kung tatanungin ka, nais mo bang manahan sa mundong puno ng polusyon, basura at ang patuloy na pagkasira ng kapaligiran kasama na ang likas na yamang pinagkukunan ng inyong ikanabubuhay? Hindi diba! Sino ba ang gugustuhing tumira sa ganoong sitwasyon kung lahat ay magiging problemang iyong papasanin sa araw-araw.

Pagbabago! Yan ang sasabihin mo kung saka-sakaling humantong ka sa ganoong sitwasyon. Hindi malabong mangyari iyon kaya nararapat lamang na ngayon pa lamang ay umpisahan na natin ang tuluy-tuloy na pagbabago nang makamit na natin ang kaunlaran at kaligtasang hinahangad nating lahat. Lalo na para sa ating kalikasan! Sa mga simple nating mga gawain makatutulong tayo sa pag-sagip ng kalikasan. Tulad ng di paggamit ng plastik sapagkat matagal kasi itong matunaw at kung itoy itatapon sa dagat, maaaring mamatay ang mga isda. Magtanim din tayo pamalit sa mga pinutol na mga puno para luminis ang ating hanging nilalanghap. Hwag na rin tayong magsayang ng papel nang sa gayon ay hindi na kailanganin pang araw-araw putulin ang mga puno. Kung ang kaliit-liitang desisyong katulad nito ay araw-araw nating ginagawa, hindi na kailangan pang umiyak ng ating inang kalikasan mula sa mga pagbabagong nais natin tungo sa kaunlaran.

Araw ng pagkakapit-bisig para sa kalikasan at mamamayan


Tinig Kalikasan ni Lisa C. Ito Ngayong Abril 22 ay Earth Day: isang araw ng pagdiriwang, pagkilos at protesta. Isa itong pagkakataon upang kilalanin ang mga biyaya ng ating kalikasan at palakasin ang panawagan na ipagtanggol ang ating ekolohiya at likas na yaman laban sa mga puwersang naninira nito. Apatnaput dalawang taon nang inilulunsad ang Earth Day. Nagsimula ito bilang isang malawak na environmental teach-in sa Estados Unidos (US) noong Abril 22, 1970 sa inisyatiba ng Amerikanong senador na si Sen. Gaylord Nelson. Pagtugon ito ng mamamayan ng US sa isang oil spill sa California noong 1969, sa estilo ng mga teach-in ng mga kilusang kontra Vietnam war. Sa ika-22 ng Abril inilunsad ang unang Earth Day upang hindi tumapat sa panahon ng pagsusulit at spring break sa mga paaralan, upang makahikayat ng mas maraming estudyante na lumahok rito. Nagkataon naman na ang Abril 22 ay kaarawan pala ng Rusong rebolusyunaryo na si Vladimir Lenin, kaya napaghinalaan rin ito ng mga kontra-Komunistang ahensya noong panahong iyon. Marami na ang nagbago mula sa unang Earth Day noong 1970. Mula sa ilang unibersidad sa US, ipinagdiriwang na ito sa mahigit 175 na bansa, kasama ang

Pilipinas. Mas marami na ring maka-kalikasang kampanya at araw ngayon, katulad ng Earth Hour, World Environment Day ng United Nations, at iba pa. Nilalahukan ang mga ito ng maraming mamamayan sa ibat ibang bahagi ng mundo ngunit nagagamit rin ito ng mga malalaking korporasyon para sa kanilang green-washing. Sa Pilipinas, nararapat lamang na dapat sagipin ang kalikasan, dahil dito nakasalalay ang kabuhayan at buhay ng maraming mamamayan: Kalakhan ng mga kagubatan na sumasaklaw sa mahigit 70% ng kalupaan ng bansa noong 1900s ay nasira sa nakaraang 100 taon dahil sa pagtrotroso, pagmimina at iba pa. Tinataya ng mga NGO na 19% hanggang 6.6% na lamang ang ating forest cover ang natitira. Maraming katutubo at komunidad ang naapektuhan dahil rito. Itinuturing na sentro ng marine biodiversity sa buong mundo ang Pilipinas, pero nayuyurak na ang karagatan na tahanan ng laksang-yaman na ito. 98% ng mga bahura (coral reefs) ng bansa ay nanganganib na. Mahigit 75% ng bakawan (mangroves) ay nawala mula 1918 hanggang 2000. 50% ng seagrass beds ay nasira sa nakaraang 50 taon. Sa kabila ng biyaya ng ating mga karagatan, ang mga mangingisda at mamamalakaya ay nananatiling isa sa pinakamahirap na mga saray sa lipunang Pilipino. Ang lupaing agrikultural ng bansa ang nasisira at hindi napakikinabangan ng mamamayan mismo. Kontrolado ito ng iilang pamilya at korporasyon na naging bukas sa kumbersyon ng lupa, paglawak ng plantasyon para sa biofuel at export crops, at malakas na paggamit ng agrochemical technologies. Laganap na ang kagutuman sa hanay ng mga magbubukid at magsasaka. Talamak ang polusyon sa mga siyudad at kalunsuran. Ang hangin at ilog ng Maynila ay kabilang na sa mga pinakamarumi sa buong mundo. Masama ang epekto nito sa kalusugan ng mamamayan, lalo na ng mga maralitang tagalungsod na walang akses sa mga serbisyong pangkalusugan. Hawak naman ng dayuhan at ng iilan ang mga rekursong mahalaga para sa pag-unlad ng bayan. Maraming mapagkukunan ng tubig, pero mahal pa rin ang serbisyong patubig at inumin dahil rito. Ang mayamang reserba ng minerals at enerhiya ng bansa ay pinababayaan na lamang dambungin ng malalaking dayuhang korporasyon kapalit ng pagkasira sa kapaligiran at kabuhayan ng mamamayan. Ang lahat ng ito ay nagpapalala sa bulnerabilidad ng ating mamamayan sa mga epekto ng global warming: katulad ng mas madalas at malakas na mga bagyo, pagbabago ng dalas at dami ng ulan, pagtaas ng dagat at pag-init ng panahon Patuloy na lumalala ang krisis ng kalikasan na hinaharap ng Pilipinas. Nararanasan na natin ang epekto nito sa pamamagitan ng mga sakuna at disaster na tumatama sa bansa. Nananatiling kapos at madalas

nakapagpapalala sa mga kasalukuyang problema ang mga patakaran, programa at proyekto ng kasalukuyang administrasyon. Patuloy rin ang pagpatay, harassment at paglabag ng karapatang pantao ng mga lumalaban para sa kalikasan. Ang pangdaigdigang tema ng Earth Day 2012 ay Mobilize the Earth. Buong mundo ang apektado, kaya buong mamamayan din ng mundo ang dapat magbago. Pakilusin ang nakararami upang baguhin ang umiiral na kalakaran na paggamit ng kalikasan na para lamang sa iilan. Sa Pilipinas naman, Kapit-bisig para sa kalikasan ang panawagan para sa Earth Day ng Kalikasan Partylist. Kapit-bisig: hindi kibit-balikat at hindi kanya-kanya. Madalas na sinasabi na nagmumula ang pagbabago ng kalikasan sa sariling aksyon, kagaya ng pagdampot ng mga maliliit na basura, pagbabago ng lifestyle at pagtitipid. Bagamat importante ito, hindi sapat na baguhin lamang ang sarili at manatili na lamang doon. Kung titingnan natin, magkakaugnay ang lahat ng bagay: ang pagkilos ng isa ay kailangang maging isang kolektibong puwersa kung nais natin ito makaambag sa pagbabago. Kayat kailangang makipagkapit-bisig sa iba pa para maisaayos natin ang kalikasan: sama-samang organisadong lakas para ipihit ang maling pagdarambong at pagsira ng ating kapaligiran bago maging huli na ang lahat.
Ang dati, at ang ngayon.
Habang nasa byahe ako kanina pauwi, tanaw ko ang kapaligiran. Nakaupo ako sa may harapan ng dyip. At kapag ganito talagang mag-isa lang ako kay kung ano-anong mga bagay ang sumasagi sa isipan ko. Pero may nakapukaw ng aking pansin Tumingin ako sa kanan, sa kaliwa, at sa harap.. Kitang kita ang polusyon na dulot ng mga saksakyan, at ang mga dating mapupuno at maluntiang mga lugar ay winasak at ginagawa ng mga gusali. Hindi ko lubos maisip na sa bawat kalyeng madadaanan at hihinto ang dyip kapag may bababa at sasakay ay mapapansin mo na hindi pwedeng walang basurang nakakalat sa lansangan. Ang mga ilog at tulay na nadaanan ko ay kitang kita ang malaking pag-babago mula sa malinaw nitong tubig na pwede pang paglabhan at pwede pang paliguan sa pagiging madamu at mukhang malalason ka kapag tumalon ka dito upang maligo. Yung tipong mismong mga madudumi ay hindi rin kakayaning maligo sa ganoong kalagayan ng tubig. Napansin ko rin ang mga nakahambalang na mga basura sa mga kanal, na nagiging sanhi ng madalas na pag-baha sa mga lugar na iyon. Lagi ko nalang tinatanong sa sarili ko kung bakit nagkaganito ang lahat, ang dating paraiso ay naging isang lugar na parang dinaanan ng delubyo. Delubyo na nga itong maituturing at ito ay gawa nating mga tao. Aminin na kase natin na tayo ang dahilan ng pag-baha at hindi ang gobyerno, pero kasama na rin sila.

Lahat ng mga tao sa ating bansa ay nag-aambag para padumihin lalo ang ating lugar. Hindi sila nagaambag para umunlad at mag mukhang disente ang ating lugar. Ang sarap sabihin sa kanila na, naninisi kayo na laging nagbabaha pero kayo rin naman ang dahilan kung bakit nagbabaha sa lugar nyo. Kahit saan ako lumingon ay tanaw ang mga basura (kung gagawing pera ang mga ito, tyak na mayaman na ang bansang Pilipinas!). Kaya naman ang hawak-hawak kong sundae na wala ng laman ay hindi ko tinapon. Naghintay akong makababa ako ng dyip na aking sinasakyan upang ilagay ito sa tamang basurahan. Isang simple at maliit na bagay para saken, pero sa kalikasan malaki na ang tulong nito. Hindi naman agad-agad na nadidispose ang mga basura, tatagal ito ng ilang bwan, taon, libong taon, daang libong taon at milyon bago matunaw sa normal na pamamaraan. Kung nakikinabang tayo sa ating kalikasan, bakit hindi natin ito pangalagaan at bigyang halaga? Para naman hindi lang ang mga henerasyon ngayon ang makinabang at para sa susunod na mga henerasyon ay may magamit at makita pa rin silang mga likas na yaman. Hindi na kagulat-gulat kung isang araw ay mabura na ang buong Pilipinas sa mapa ng mundo dahil sa linubog na ito ng tubig baha. Disiplina, meron ba ang mga pilipino ng ganito? Sa palagay ko ito lang ang kulang sa atin kaya hindi tayo umuunlad bukod sa determinasyon. Simpleng pag-sunod kase sa mga batas trapiko, sa eskwelahan at kalsada ay hindi natin masunod, tapos hihingi tayo ng kaunlaran? Tayo ang gagawa ng kaunlara ng bansa. Sa puntong ito, hindi mo na kailangan sisihin ang gobyerno dahil hindi lang sila ang tao dito sa bansa na gagalaw upang mapaunlad ang bansa. Tayo, ang mga mamamayan, ay ang pinaka-kailangan sa ganitong mga kalagayan. Hindi gagana ang isang bansa at hindi ito uunlad kung walang tulong ng mamamayan. Siguro pwede tayong mag-simula sa unti-unting disiplina.

Ibulsa ang mga maliliit na candy wrappers o ilagay sa bag, itapon nalang kapag may nakita ng basurahan o kaya pag nakauwi na sa bahay. Sumunod sa patakaran. 'Wag paganahin ang pag-iisip na, Sila nga ginagawa nila, bakit tayo bawal?. Hindi naman makakatulong ito, makakasama pa. Kung hindi nila kaya maging modelo, bakit hindi mo simulan sa sarili mo?

Magpigil ng sarili. Tigilan ang pangungurakot.

'Yan lamang ang ilan nating pwedeng gawing hakbang para makatulong tayo sa pag-unlad ng ating bansa at para lalo pang mas mapaganda ito. Walang ibang gagalaw kung hindi tayo ring mga tao, taong nakikinabang sa lahat.

You might also like