You are on page 1of 2

"Kaagapay sa Pangangalaga sa Kalikasan para sa Magandang Kinabukasan" (Talumpati)

ni Jamme Louise Presnillo


Isang mapagpalang araw po sa ating lahat, kasabay ng panalanging huwag na sana tayong
bagyuhin sapagkat ang tiyak na kasabay ng bagyo ay ang nakasisindak na pagbaha. Tayong mga
kabataan ngayon ang nakakaranas ng walang habas na pagbaha. Sabi nga ng Lola ko, noong
araw apo, kahit anong lakas ng bagyo ay hindi ko pa nakitang ang tubig baha ay halos umabot sa
bubungan ng bahay na gaya ng nangyayari ngayon. Pumasok sa isipan ko ang katanungang
bakit nga kaya? Bakit nga kaya biglang nabago ang panahon? Kasama kaya ito sa kadahilanang
papaunlad ng papaunlad ang kabuhayan sa ating bansa ngayon? Hindi ba natin naisip man
lamang na ang pagkawasak na ito ng kalikasan ay nagbibigay panganib sa sangkatauhan?
Isa-isahin natin ang ilan sa likas na yaman na ipinagkaloob sa atin ng Maykapal. Nariyan
ang dagat,mga yamang tubig, mga isda at mga lamang dagat na nagsisilbing pagkain at
kabuhayang pinagkakakitaan ng mga mangingisda, subalit sa halip na pangalagaan at
pagyamanin natin ang mga ito, ay inaabuso upang kumita lamang ng limpak- limpak na salapi.
Dito sa Bulacan, hindi lingid sa ating mga Bulakenyo ang kalagayan ng ilog Marilao na
sinasabing pangatlo sa pinakamaruming ilog sa mundo.
Pangalawa ay yamang lupa. Ang walang habas na pagputol ng mga punong kahoy upang
komersyal na maipagbili. Hindi man lamang ba sumagi sa kanilang isipan na ang kapalit ng mga
salaping ito ay ang matinding pagbaha, pagguho ng lupa, pagkasawi ng maraming buhay, at
pagkawasak ng kabuhayan? Sa mga ganitong pangyayari, sinu-sino ang unang naapektuhan?
Ang mga tao bang may kakayahang magpatayo ng bahay na sing tibay ng bato laban sa malakas
na hampas ng hangin at bahay na sing taas ng puno na kung di pa lalamunin ng dagat ang lupa ay
di maabot ng tubig? Di bat ang mga ordinaryo at kaawa-awang mamamayan na sunod-sunuran sa
mga alarma ng PAG ASA? Ang kawawang Juan de la Cruz ay ngalog na ang tuhod at
kumakabog na ang dibdib sapagkat ang maliit na bahay na kanyang naipundar ay baka tuluyang
wasakin ng bagyo.
Ibilang nating pangatlo ay ang komersyal ding pagmimina. Ang paghuhukay sa bundok
at lupa ay isa ring dahilan ng pagluwag ng lupa at nagiging sanhi din ng kalamidad. Sumagi kaya
sa isipan ng mga walang pusong negosyante na isa sila sa may pananagutan sa kaganapang ito sa
ating bansa? Naisip din kaya ito ni Juan dela Cruz bago niya hawakan ang nakasisilaw na pilak?
Subalit huwag nating ibuhos lahat sa mga mayayamang negosyante ang sisi. Tayong
lahat ay may pananagutan, mayaman man o mahirap ay nararapat mangalaga sa ating kalikasan.
Nararapat na maging maganda at maayos ang ipamamana natin sa susunod na henerasyon.
Ngunit paano ang henerasyong susunod sa atin kung ganito ang nagaganap sa ating bansa sa
kasalukuyan? Paano natin maisasalba si Inang kalikasan sa pagkapariwara sa kamay ng mga
taong walang damdamin para sa kanilang kapwa? Masasabi pa ba natin na taglay pa rin natin ang
pagiging makatao, Maka Diyos, Makabayan, at Makakalikasan?

Panahon na upang tayo'y magtulungan sapagkat nanganganib na ang sangkatauhan. Ang


pag-iinit ng mundo o global warming ay halos umaabot na sa kritikal na antas. Hihintayin pa ba
nating magkaroon pa ng malagim na kaganapan?
Maging ang hanging ating nalalanghap ay maaring nakasasama na sa ating kalusugan.
Naisip ba ninyo na baka sa susunod na taon, pati ang malinis na hangin ay bibilhin narin natin?
Kaya ngayon ay hinihikayat ko ang bawat isa na sana ay magtulungan tayo upang
mapangalagaan ang kalikasan para sa magandang kinabukasan at para na rin sa susunod na
henerasyon. Isapuso natin at laging isipin ang 3 Rs: Reduce, Re-use at Recycle. Isa ito sa
pinakamabisang paraan sa pangangalaga sa kalikasan.
Bukod pa diyan, Napakalaking kakulangan sa atin ang disiplina. Ang pagkakaroon
ng disiplina at pagiging sensitibo ng bawat isa sa kahit saang antas sa ating lipunan ay
nagdudulot ng kaayusan at kaunlaran na siyang inaasam-asam ng bawat mamamayan. Ang mga
basurang galing sa tahanan, mga gusaling komersyal at pabrika ay huwag itapon sa dagat at ilog
at sa iba pang daluyan ng tubig. Makiisa rin tayo sa pagtatanim muli ng mga puno upang
mapigil ang pagbaha. Iwasan din natin ang paggamit ng kemikal sa mga pananim na ating
kinakain upang maiwasan ang pagkakasakit. Ang mga pabrika, mga babuyan, bakahan at
manukan ay hindi dapat itayo sa malapit sa ilog at dagat upang hindi malason ang mga yamang
dagat. Higit sa lahat, Ang napakahalaga ngunit napakadali namang sundin ay ang paghihiwalay
ng nabubulok at hindi nabubulok na basura.
Napapanahon na upang tayong lahat ay magtulungan, magkaisa wika nga, at
matutong gawin ang mga karapat-dapat. Tayo rin ang makikinabang at mabibiyayaan ng
magandang kalusugan, tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng kayamanan. Sana ay
maging magkaagapay tayong lahat sa pangangalaga sa kalikasan tungo sa magandang
kinabukasan. Ating isapuso at isa-isip na ang pagtutulungan ng bawat mamamayan sa
pangangalaga sa likas na yaman , dulot nitoy kalusugan at kaunalaran. Maraming Salamat po.
Sa uulitin, Magandang araw sa lahat.
Post by: Jamme Louise Presnillo

You might also like