You are on page 1of 2

Kalikasan pang alagaan at ingatan

Pagmasdan natin ang ating paligid. Natutuwa ba kayo? Natutuwa ba kayo sa


kasalukuyang nangyayari sa ating kalikasan? Natutuwa ba kayo sa kaliwa’t kanang mga
delubyo? Kung oo ang iyo, marahil ay hindi mo lubos na nauunawaan ang tunay na kalagayan
ng ating kalikasan. Para saiyong kaalaman, sira na… sira na ang kalikasang bumubuhay sa atin.
Sira na ang kalikasang pinagkukunan natin. At, sino ang may gawa? Tao! Pansinin natin ang
ating paligid. Hindi ba’t mas marami pa ang mga basurang ikinalat ng tao kaysa sa mga
halaman. Mga basurang ikinalat natin bunga ng kawalang-disiplina at katamaran. Ngayon, ang
mga basurang ito ang siyang naninira sa mukha ng kalikasan. Dinudumihan nito ang iba’t ibang
anyong tubig – lawa, dagat at maging ang mga ilog.

Idako naman natin ang ating tingin sa mga kabundukan. Ang dating berde nitong damit
ay animong unti-unting nawawala dahil sa kagagawan ng mga tao. Isa na rito ang ilegal na
pagpuptol ng mga puno at ang pagkakaingin na minsa’y nagiging mitsa ng malawakang sunog.
Hindi ba’t ang mga kabundukan ang siyang pinagkukunan natin ng halos lahat ng ating
pangangailangan at kanlungan din ito ng marami pang nilalang na umaasa sa silong ng
kabundukan. Ngunit, ang mas nakababahala ay ang unti-unting pagkawala ng ating mga
kabundukan. At, ano ang rason? Matinding pag-aasam ng pag-unlad. Hindi naman bago sa atin
ang ganitong patakaran. Pinapatag ang bundok upang gawing kabahayan o industriya.
Pinapatag ang bundok upang tayuan ng mall at negosyo. Pinapatag natin ang bundok para sa
ikauunlad ng ating sarili. Walang masama sa pag-asam ng pag-unlad o pag-asam ng
kaginhawaan. Ang masama ay yung naninira na tayo nang sobra-sobra para lamang sa ating
mga sarili.

Isipin natin na kahit kailan ay hindi matatawag na maunlad ang isang bansa kung halos
lahat ng kaniyang mamamayan ay nasasabik sa malinis na tubig, matatamis na prutas at gulay,
sariwang hangin at luntiang paligid. Hindi pag-unlad ang tawag doon kundi isang delubyo.
Maaaring ang mga lindol o anumang sakuna ay isa nang paalala sa atin na unti-unti na
nawawala ang kalikasan mula sa ating pangangalaga. Paalala na pinapatay na natin ang
kalikasang bumubuhay sa atin. Mga kaibigan, responsibilidad natin ang kalikasan, ibig sabihin ay
alagaan natin ito at pagyamanin. Huwag natin ito ipagpalit sa huwad na pag-unlad. Mahalin
natin ito at pangalagaan dahil sa huli kung ano ang ibinigay natin sa kalikasan ay siya ring
kanyang ibabalik sa atin.

You might also like