Replektibong Sanaysay: Regalo ng Bulkan Para sa mga Minerong Mamamayan “Sa dulo ng impyerno ay may nakatagong tagumpay.” Mula mismo sa umpisa hanggang sa matapos ang dokumentaryong aking napanuod ay awa at pag-aalala lamang ang aking naramdaman. Tunay ngang naipaliliwanag kung gaano kahirap ang buhay ng mga mamamayang minero sa Indonesia sapagkat ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mayroon lamang silang pantustos sa kanilang mga pamilya. Hindi biro ang hinaharap nilang hamon sa bawat araw dahil buhay nila mismo ang at buong lakas ng kanilang katawan ang nakataya sa hanapbuhay na iyon. Sa dokumentaryong iyon ay sinubaybayan ng mga mananaliksik ang buhay ni Unaini na apatnapu’t-limang taon nang nagbubuhat ng kilo-kilong asupre para may makain lamang ang kaniyang pamilya. Ito’y nakaaapekto sa aking pagkatao dahil kung iisipin ay lubos kaming pinagpala ng aking pamilya dahil hindi na nila kailangang umakyat at kumuha ng mga tipak tipak ng asupre buong araw upang makatanggap lamang ng perang hindi aabot sa halagang isang-daan. Ang mga minerong katulad ni Unaini ay nagsusumikap na akyatin ang bulkan ng Kawah Ijen para lamang kumuha ng mga malalaking tipak ng asupre araw-araw. Ayon sa aking napanuod ay may taas ang nasabing bulkan na umaabot sa 2,799 na metro at ito’y isa sa pinakamagandang bulkan sa bansang Indonesia. Hindi man ito masyadong matarik kung ikukumpara sa ibang mga bulkan ngunit ang lahat ng umaakyat dito ay naninikip ang paghinga habang pataas nang pataas ang kanilang naaakyat. Unang pumutok ang bulkang ito noong 1796 at gumawa ito ng isang “crater lake” na may mala- salaming tubig ngunit ito’y mapanganib at maaaring maging dahilan ng pagkamatay sapagkat aktibo pa rin ito kaya ito’y patuloy na nagbubuga ng usok ng asupre at iba pang nakalalasong kemikal. Sa katunayan nga ay itinatayang nasa pitumpu na ang namatay na mga minero na umaakyat sa bulkang ito sa nakalipas na apatnapung taon. Sa isang minero ay nasa tatlumpu hanggang walumpung kilo ng malalaking tipak ng asupre ang kanilang kinukuha depende sa kanilang lakas at ito’y ibinibenta sa tindahan na bumibili nito. Ngunit ang kapalit ng kanilang hirap sa buong maghapon ay hindi man lamang umaabot sa isang daang piso at may kendi pang pamalit sa kulang na sentimo. Sa lahat ng hanapbuhay sa ating mundo, ang pagmimina ay maituturing na kabilang sa napakapeligrosong trabaho ng isang haligi ng tahanan para may pantustos lamang siya at may maipakain para sa kaniyang mahal na pamilya. Kahit alam nilang mapanganib at nakasalalay ang kanilang buhay sa pagmimina ay ibinubuhos pa rin nila ang lahat ng kanilang lakas kahit ang kapalit nito’y kakarampot na halaga lamang ng pera. Ako’y saludo sa lahat ng mga minerong katulad ni Unaini at ng kaniyang anak na si Mislani dahil kahit bakas na sa kanilang katawan ang mga paghihirap na kanilang pinagdaanan ay hindi pa rin sila humihinto para sa kanilang pamilya. Malungkot kong inaamin na minsan ay nagreklamo ako sa paulit-ulit naming ulam at hindi ko kailanman naisip sa mga oras na iyon kung gaano ako kapalad dahil hindi ko naranasang maghirap sa buhay. Ngayon ay lubos akong nagsisisi dahil sa aking inasta noon. Napakarami kong napagtanto at isa na roon ang pagpapahalaga sa buhay na mayroon ako. Hindi ko man naranasang maghirap tulad ng naranasan nina Unaini at Mislani, tumatak naman ang aral na kailangang makuntento na ako na hatid nila sa akin.