Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) : Pagsiklab ng
Pangatlong Digmaang Pandaigdig
Author: JENNY LYN L. CARILLO BSE II - A May 10, 2020
Katapusan ng mundo. Gawa ng tao. Pagbabawas ng populasyon. Karma.
Nakatakda. Ito ay iilan lamang sa mga haka-hakang nabuo buhat sa COVID-19. Ngunit ano nga ba ang katotohanan sa likod ng nakamamatay na sakit na ito ?
Kasalukuyang hinaharap at sinusugpo ng buong mundo ang isang
nakakahawang sakit na sa isang ubo, lahat ay nagkakagulo. Tanyag sa pangalang COVID-19 ang mikrobyong kumakalat ngayon sa buong mundo. Ano nga ba ang nais ipahiwatig ng sakit na ito? Ito na nga ba ang kinakatakutan na katapusan ng mundo? O hindi kaya ay ito ang magiging daan sa pagkakabuklod-buklod ng mga pinuno ng mga bansang matagal nang nagkakagulo? Sa mga bansang katulad natin na papaunlad pa lamang, paano natin masasabayan ang mabilisang pagtugon sa aspeto ng medisina? Sa loob ng panahong lumalaganap ang sakit na ito, gaano ba kalaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya ng bansa at higit sa lahat ay sa hanapbuhay ng mga apektadong tao? Makakaya pa kaya nating harapin ang bawat hamon ng buhay pagkatapos ng pandemic na ito? Iilan lamang ang mga iyan sa mga nakakatakot na katanungang bumabagabag sa isipan ng bawat isa hinggil sa sakit na COVID-19. Maraming paniniwala at haka-haka patungkol sa usaping ito. Ngunit, ano nga ba ang COVID-19 at bakit ito tinawag na Pandemic?
Ang Pandemic ay nangangahulugang sakit na kumakalat sa
malawak na lugar. Sa kasalukuyan ay nakikipaglaban ang buong mundo sa isang sakit na walang kasiguruhang malulunasan. Ito ay ang Coronavirus Disease o kilala sa tawag na COVID-19. Sa tala ng kasaysayan, ang daigdig ay nakararanas ng iba’t ibang uri ng sakit, mapa-epidemya o pandemya. Bawat bahagi ng mundo ay nakakaranas ng iba’t ibang sakit -naisin man o hindi. Bawat paglaganap nito ay milyon-milyong tao ang namamatay. Nakakalungkot isipin na sa panahon ngayon ay hindi nakaligtas ang mundo sa isang nakakatakot, nakababahala, at nakamamatay na sakit - ang COVID-19. Bawat bansang natatamaan nito ay nakikitilan ng libo-libong buhay ng mamayan. Mahirap man o mayaman, bata man o matanda, walang pinipiling hawahan ang mikrobyong ito.
Ayon sa World Health Organization o WHO, ang COVID-19 ay unang
naitala mula sa Probinsya ng Wuhan sa China noong Disyembre 2019. Sinasabing karamihan sa mamamayan dito lalong-lalo na ang mga nagmamay-ari ng pwesto sa palengke ay nakitaan ng mga sintomas ng naturang sakit. Pinaniniwalaang dito nagsimula ang paglaganap ng COVID- 19. Pagtaas ng temperatura ng katawan, sipon, ubo at pagsakit ng lalamunan ay iilan lamang sa mga sintomas ng COVID-19. Ang Immune System ang karaniwang puntirya ng nito at kung ang ating Immune System ay mahina, madali lamang tayong kapitan at hawaan ng sakit.
Sa tala ng DOH, mahigit sampung libong tao na ang may kaso ng
COVID-19 dito sa Pilipinas. Ang gobyerno ay ginagawa na ang lahat ng paraan upang malabanan ang sakit na ito. Mula sa pinansyal at medikal na tulong ay tinutugunan at isinasaayos na. Kabilang na rin dito ang pagpapatupad ng ECQ o Enhanced Community Quarantine na ibig sabihin ay hindi ka pwedeng lumabas at makipag kita sa ibang tao. Kinakailangan ding magsuot ng face mask at lalabas lamang kung ang bibilhin ay pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain at gamot. Layunin nito na pigilan ang pagkalat ng naturang sakit. Sa pamamagitan ng ECQ at Social Distancing napipigilan ang pagkapit ng virus sa tao. Ayon sa mga eksperto, ang virus ay namamatay kapag hindi ito nakalipat sa ibang katawan. Kapag ang isang tao ay nahawaan nito, kinakailangang sumailalim sa isolation para magamot at hindi makahawa sa iba. Sa kaso dito sa Pilipinas, partikyular sa Davao City, ang SPMC o Southern Philippines Medical Center ang ginawang Exclusive Hospital para sa mga natamaan ng COVID-19 sa Mindanao. Ito ay upang mapreserba ang ibang bahay-pagamutan sa mga normal na pasyente. Samakatuwid, ang pagtatalaga ng eksklusibong hospital para sa pasyente ng COVID-19 ay ginawa rin sa ibang parte ng Pilipinas. Lahat ng ito ay sagot ng pamahalaan. Naglalaan sila ng pondo at eksperto sa medisina upang tumugon sa mga nangagailangang pasyente. Ngunit minsan may mga katanungang nabubuo sa isipan ng bawat isa sa atin. Kaya ba natin itong labanan? Sapat ba ang suplay? Kailan ba matatapos ang sakit na ito?
Kabilang na sa pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 ay ang pag
tatalaga ng mga frontliners o ang mga manggagamot at nars, pati na rin mga sundalo at pulis upang mamuno sa pagsugpo ng sakit at pagdedesiplina ng mamamayan. Sila ang ating mga makabagong bayani sa panahong ito. Hindi biro ang kanilang paglaban sa araw-araw. Mahirap. Nakapakahirap lumaban lalo na sa hindi nakikitang kalaban. Napakamasalimuot ng kanilang trabaho. Minsan maiisip natin, paano na ang kani-kanilang mga pamilya? Karamihan rin sa kanila ay nagbuhis na ng buhay. Marami ng pamilya ang naulila. Nawalan ng mahal sa buhay. Bilang isang indibidwal, paano natin sila matutulungan? Sinasabing ang mabisang paraan upang matulungan natin ang ating mga frontliners ay ang pananatili sa loob ng bahay. Ngunit ito ba’y sasapat? Ang COVID-19 ay isang tusong sakit. Marami na ang nasawi sa loob lamang ng apat na buwang pamamalagi nito sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ayon sa ulat ng WHO, sa China kung saan ito napapabalitang nagsimula at ito rin ang may pinakamaraming kaso ay maraming tao na ang nasawi. Simula Disyembre 2019 hanggang Abril lamang ng taong ito ay 4642 na ang bilang ng nasawi mula sa 84302 na kaso nito. Ang China ay isang maunlad na bansa. Kung iisipin mabilis nilang matutugunan ang mga suliraning darating sa kanila kabilang na dito ang pagtugon sa COVID-19. Ngunit bakit nga ba marami ang nasawi?Paano nga ba malalabanan ang isang kalabang hindi naman nakikita? May ilang haka-hakang ang sakit na ito ay gawa lamang ng isang tao galing sa kemikal upang mabawasan ang populasyon ng mundo. Mayroon ding nagsasabing ito ay ginawa lamang ng Tsina bilang isang makapangyarihang sandata laban sa mga kalabang bansa bilang paghahanda sa Pangatlong Digmaang Pandaigdig. Ang mga haka- hakang ito ay wala ni isa mang patunay kaya mahirap paniwalaan. Mas mainam pa rin kung mayroong konkretong basehan. Maging mapanuri.
Ang Pilipinas, kung saan napapabilang sa third world country o
mahirap na bansa, bilang mamamayan, hindi natin maiiwasan na mag-alala sa ating seguridad. Bilang isang bansa na marami ang mahihirap kaysa may kaya, namamayani sa atin ang takot hindi lamang sa sakit kundi pati na rin kung saan tayo kukuha ng pagkain sa pang-araw-araw. Sa suliraning ito, ang pagbibigay ng ayuda ng gobyerno ang naging tugon. Sa pamamagitan ng inisyatibo ng ating lokal na pamahalaan o LGU at DSWD, nakararating sa mga mamamayan ang tulong pinansyal at mga pagkain galing sa Pamahalaang Nasyunal. Ngunit sa kabila ng pagsusumikap na matugunan ang pangangailangan, hindi maiiwasang mayroon pa ring hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng gobyerno at kanyang nasasakupan. Bakit nga ba ito nangyayari? Sa kadahilanang ang populasyon ng Pilipinas ay napakarami, hindi lahat ng mamamayan ay maaabutan ng tulong. Sa katotohanang ang ating suplay at resources ay limitado lamang, nararapat lamang na bawat isa sa atin ay gumawa ng inisyatibo o mga paraan kung paano matutugunan ang ating mga pangangailangan. Huwag natin iasa ang lahat ng ating pangangailangan sa pamahalaan. Ang ekonomiya ng bawat bansang apektado ng COVID-19 ay pinangangambahang bumagsak ng tuluyan kapag hindi agad matapos ang pandemyang ito. Bawat sulok ng bansa ay nakikipaghabulan ng hanapbuhay. Sa lagay dito sa Pilipinas, ang bawat mamamayan ay kanya-kanyang paraan upang makapaghanapbuhay sa gitna ng krisis na kinakaharap. Simula ng tamaan ang bansa ng sakit na ito ay naitalang bumaba ang ating pag gastos at sa batayang ito, babagsak rin ang ating ekonomiya kung patuloy na mababa ang ating pag gasta. Paano na lamang ang bansa kung hindi agad ito matatapos? Ang kaunlarang ng ating ekonomoiya ay nangangamba. Ang edukasyon ay apektado rin ng COVID-19. Lahat ng antas ng paaralan ay itinigil, mula pinakamababa hanggang sa pinakamataas na antas ay ipinahinto hindi lamang sa Pilipinas ngunit pati na rin sa iba’t ibang bansa na may kaso ng naturang sakit. Bilang tugon, gumawa ng mga paraang alternatibo ang Kagawaran ng Edukasyon o DepEd upang kahit papaano ay hindi matigil ang pag-aaral ng mga mag-aaral. Ginawa nila ito sa paraang hindi mahihirapan ang bawat mag-aaral. Kabilang sa kanilang hakbang ay ang Online Distribution of modules and learning materials para sa mga mag- aaral na may koneksiyon sa internet at Hard Copies Distribution para sa mga mag-aaral na nasa malayo at walang data connection. Sa panahong ito, isa itong mahusay at matalinong paraan ng pag aaral sapagkat lahat ng mag- aaral ay makapagpapatuloy sa pag-aaral kahit hindi muna makakapasok sa paaralan.
Ang COVID-19 ay patuloy na nilalabanan ng buong mundo. Sa
aking palagay ito na ang pinaka malaking digmaan na kinakaharap ng lahat. Kung iisiping mabuti, ito na ang maituturing na Pangatlong Digmaang Pandaigdig. Kung sa mga nagdaang Una at Pangalawang Digmaang Pandaigdig ay bumubuod sa labanan ng mga Bansa, kung saan teritoryo at kapangyarihan ang pinaglalabanan at kung sino man ang mas makapangyarihan ay siyang nananaig, ngayon ay humaharap ang mundo sa isang digmaang walang kasiguraduhan kung sino ang magwawagi. Hindi nito kinikilala kung sino man ang mas makapangyarihang bansa bagkus tinatamaan nito lahat. Taliwas sa mga naunang digmaang nabanggit na tao laban sa tao, ngayon ay tao kontra kapaligiran na kung maituturing. Pinaniniwalaang ang pandemyang kinakaharap natin ngayon ay bunsod ng malawakang pag abuso natin sa kapaligiran. Bawat bansa ay apektado at walang makakalusot sa sakit na dala ng COVID-19.
Ang COVID-19 ay isang napaka delikadong banta sa buhay ng
bawat isa. Kung iisipin, nakikipaglaban tayo sa hindi nakikitang kalaban. Walang kasiguruhan kung tayo ba’y magwawagi. Mahirap sumuong sa digmaan kung hindi natin kilala ang ating katunggali. Malaki ang tyansang tayo’y matatalo. Maraming nagsakripisyo’t nawalan ng mahal sa buhay. Maraming bansa ang nalugmok, bumagsak at napilayan.
Sa kabilang panig, ako’y naniniwala pa rin na kung maraming
masamang naidulot ang COVID-19 sa sangkatauhan, mayroon din itong naidulot na kabutihan. Gaya na lamang ng pagbaba ng polusyon, pagsasama-sama ng mga pamilya, pagkakaisa’t pagtutulungan, at higit sa lahat ay mas naging matibay ang pananampalataya natin sa Panginoon. Naging tulay rin ito sa pagkakabuklod-buklod ng mga bansang may matagal ng hindi pagkakaintidihin sa usapin ng teritoryo at kapangyarihan. Gaya na lamang ng pagbibigay ng tulong medikal at pinansyal ng malalakas na bansa dito sa Pilipinas. Pinukaw ng sakit na ito ang bayanihan ng mga bansa. Naniniwala akong magwawakas rin ang sakit na ito, katulad na lamang sa nangyari sa pamilya ni Noah, 40 araw at 40 gabi sa loob ng arka, walang bintana, walang balkonahe, ang maririnig lamang ay ang ulan sa gitna ng baha, kasama ng kanyang pamilya, sila ay nagdasal . Kahit na napakalakas ng ulan sila’y hindi natakot dahil naniniwala silang hindi sila pababayaan ng Ama sa Langit. Kagaya sa panahon natin ngayon, kahit ang virus ay kasinlaki ng karagatan at tayo ay parang namamangka sa gitna ng bagyo, huwag tayong mangamba sapagkat hindi tayo pababayaan ng Diyos. Matuto tayong maghintay. Walang sinuman ang may alam kung kailan matatapos ang pandemyang ito. Ang mahalaga ay huwag mawalan ng pag asa. Matatapos din ang unos na ito kagaya ng pag-arko ng bahaghari pagkatapos tumila ng malakas na ulan.