You are on page 1of 5

PANANALIKSIK TUNGKOL SA KAHALAGAHAN NG PAGKAKAROON

NG

WASTONG ORAS NG PAGTULOG

Ang pagtulog ay isang natural na kaganapan kung saan ang ating katawan

ay nangangailangan ng sapat na pahinga upang maibalik ang nawalang enerhiya sa

maghapon. Ang pagtulog ay maituturing na kahanay ng ating pangangailangan sa

pagkain, pag-inom at paghinga. Sa madaling salita, ang pagtulog ay kabilang sa ating

pangunahing pangangailangan para mabuhay ngunit, ang pagtulog din ay isa sa mga

bagay na madalas nating isinasawalang bahala.

Bilang tao, tayo ay napapagod at nangangailangan ng pahinga ngunit

nakagawian na natin na magtrabaho o gumawa hanggang sa abot ng ating makakaya.

Dahil dito ay madalas nating nababalewala ang kahalagahan ng pagpapahinga at

pagtulog. Ito ay makikita sa survey ng Healthy Living Index kung saan nakatala na halos

46% ng mga Pilipino ang aminadong sila ay hindi nagkakaroon ng sapat na tulog habang

ang 32% ay nagsasabing sila ay may hindi hibigit sa anim na oras ng tulog. Bagay na

nakababahala dahil ang Pilipinas ay isa sa mga bansang may mataas na porsiyento ng

mga taong walang sapat na tulog. Sa pananaw ng iilan, ang pagtulog ay isa lamang

kasayangan sa oras dahil nasanay na ang mga tao na manatiling gising hanggang sa

kanilang makakaya o hanggang sila ay kusa na lamang makatulog. Ilan sa mga

kadahilanan ng kanilang pagpupuyat ay ang labis na kagustuhang mapunan ang kanilang

mga gampanin sa lipunan at pamilya, samantalang ang iba naman ay para lamang sa
pansariling katuwaan. Ang matapos ang mga gampanin at mga bagay na importante ay

maigi ngunit dapat nating maunawaan na ang pagpapahinga ay mas nakatutulong upang

tayo ay mas maging produktibo. Ang pagkakaroon ng wastong oras ng pagtulog ay

nagbibigay benepisyo di lamang sa pisikal kundi pati sa mental at emosyonal na

kalusugan. Ang pagtulog ay nakatutulong upang maisaayos ang mga nasirang tissue at

mapalitan ang mga lumang cells sa ating katawan. Sa pamamagitan nito ay napapalakas

amg ating depensa sa nga impeksyon at sakit na maaari nating makuha kapag tayo ay

pagod at nanghihina. Ayon din sa pananaliksik, ang pagtulog ay nakatutulong sa ating

paglaki. Habang tayo ay natutulog, nagkakaroon ng pagkakataon ang ating mga glandula

na makapaglabas ng sapat hormones na nakakatulong sa ating paglaki at pagdebelop. Isa

itong pagpapatunay na ang pagtulog ay nakatatangkad gaya ng sinasabi ng ating mga

magulang. Nakaaapekto din ito sa ating gana sa pagkain o appetite. Ang kakulangan sa

oras ng tulog ay nagreresulta sa paghahanap ng ating katawan ng hindi masusustansyang

pagkain na kailangan nito upang mapunan ng artipisyal na enerhiya ang mga enerhiyang

hindi naibalik. Madalas na ang mga taong kulang sa tulog ay gusto ng mga pagkaing

nagtataglay ng calories, fats at carbohydrates na maaaring makapagdulot ng malubhang

sakit gaya ng diabetes. Dahil naaapektuhan ng pagpupuyat ang parehong gana sa pagkain

at pagkilos ng isang tao, ito ay kadalasang nauuwi sa weight gain. Nangyayari ang weight

gain kapag ang enerhiyang tinatanggap ng katawan ay mas mataas kaysa sa enerhiyang

inilalabas ng katawan. Sa makatuwid, ang pagpupuyat ay maaaring magresulta sa obesity

o pagiging overweight.
Ang antok at pagod na ating nararamdaman ay bunga ng reaksiyon ng

ating utak sa ating mga ginagawa. Kung kaya't masasabi na kung ang katawan ay

napapagod, gayon din ang utak. Sa pamamagitan ng mga senyales, ipinapahiwatig ng

ating utak na kailangan na ng ating katawan ng pahinga. Ang pagtulog ay nagsisilbing

panahon para magpahinga hindi lamang ang ating pisikal na katawan kundi ang ating

mental na kaisipan. Kapag tayo ay natutulog, nababawasan ang ating iniisip ngunit hindi

ito tuluyang nagpapahinga. Nananatili ito sa paggawa sa kanyang mga tungkulin. Kung

minsan, tayo ay nakararanas ng pagkalimot sa ilang detalye o pagpalya ng ating

memorya. Ito ay dahil sa kakulangan ng tulog. Kapag tayo ay may sapat na tulog,

nagkakaroon ng pagkakataon ang ating utak na ma-proseso ang mga bagong

impormasyon. Nagiging matalas ang ating memorya sapagkat naipoproseso ng ating utak

ang mga bagong impormasyon ng maayos.

Ayon sa isang pag-aaral, ang pagtulog at ang ating mood o emosyon ay

may malalim na ugnayan (Epstein, 2008). Mapapansin natin na kapag ang isang tao ay

kulang ang oras ng pagtulog, madali itong mainis, iritable at bugnutin. Sinasaad din sa

ginawang pag-aaral na ang mga taong may humigit kumulang limang oras ng pagtulog ay

higit na mas nakadarama ng stress at iba pang kalagayang pang-emosyonal sa isang

linggo. Dahil sa kaugnayan ng pagtulog sa ating emosyon, nagsagawa ng pag-aaral

tungkol sa kaugnayan nito sa pagkakaroon ng emotional disorder. Napag-alaman na ang

mga taong may emotional disorder ay may mas mataas na banta ng pagkakaroon din ng

sleep disorder, partikular na ang insomia. Ganun din naman ang mga taong may problema

sa pagtulog, sila ay may mataas na banta ng pagkakaroon ng emotional disorder. Ang


pag-aaral na ito ay mas nagpatunay na ang pagtulog at ang ating emosyon ay

magkaugnay. Nakatutulong ang pagtulog sa tamang oras upang mabawasan ang stress at

iniisip ng isang tao.

Bilang paglalahat, ang pagtulog ay isang bagay na hindi dapat isang tabi at

ipagsawalang bahala. Bagkus, ito ay dapat paglaanan ng wastong oras sapagkat ito ay

kasing-halaga ng ating pagkain. Kapag patuloy nating binalewala ang ang pagkakaroon

ng sapat na tulog ay maaaring mauwi tayo sa mga komplikasyon na magiging dahilan

upang tayo ay lalong hindi makagawa ng ating mga tungkulin. Ang makatapos ng isang

gampanin sa lipunan o sa pansariling katuwaan ay tiyak na nakagagalak. Ngunit dapat

nating isa-isip na kailangan ng ating katawan ng sapat na pahinga upang magawa nito ang

kanyang tungkulin. Ang pagliban ng higit sa isang oras sa pagtulog ay maaring

makaapekto sa ating buong sistema dahil apektado nito ang pisikal, mental at emosyonal

nating kalusugan. Ayon sa National Sleep Foundation, ang mga eksperto ay

sumasangayon sa sumusunod na oras ng pagtulog: kapapanganak na sanggol hanggang 2

buwan – 12-18 oras na tulog; 3-11 buwan – 14-15 oras na tulog; 1-3 taon – 12-14 oras na

tulog; 3-5 taon - 11-13 oras ng tulog; 5-10 taon – 10-11 oras na tulog; 10-17 taon – 8.5-

9.25 oras na tulog; 18-pataas – 7-9 oras na tulog. Lagi nating tandaan na kahit gaano pa

kaimportante ang ating ginagawa ay hindi ito sapat na dahilan upang pabayaan natin ang

ating kalusugan.
TALAAN NG MGA SANGGUNIAN

Philippine Daily Inquirer, 2017. 46% Of Filipinos Don't Get

Enough Sleep Article. https://www.pressreader.com/

FNA, L. 2012. Ang Benepisyo ng Sapat na Pagtulog at Mga

Tips Para sa Mahimbing na Tulog. https://www.akoaypilipino.eu/gabay/ang-benepisyo-

ng-sapat-na-pagtulog-at-mga-tips-para-sa-mahimbing-na-tulog/amp/

Lagunilla, L. 2014. Isang Masusing Pag-aaral ukol sa

Kahalagahan ng Tulog sa Kalusugan. https://prezi.com/m/scgr6req94tu/isang-masusing-

pag-aaral-ukol-sa-kahalagahan-ng-tulog-sa-ka/

Dr. Epstein, L. 2008. The Link Between Sleep And Mood.

http://healthysleep.med.harvard.edu/need-sleep/whats-in-it-for-you/mood

You might also like