You are on page 1of 4

UNANG KAPITULO

ANG PROBLEMA

KALIGIRAN NG PAG-AARAL

Noong ika-15 ng Mayo 2013 ay pinirmahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang

Enhanced Basic Education Act of 2013 o K-12 Curriculum na nagsasabing ang mga mag-aaral

ay magkakaroon ng 13 taon na pag-aaral, mula Kinder hanggang Grade 12 (Symaco, 2013).

Kasama sa nasabing kurikulum ang pagpapatupad ng Mother Tongue-based Multilingual

Education (MTB-MLE). Ang MTB-MLE ay ang paggamit ng unang lenggwahe (L1) bilang wika

sa pagtuturo mula kinder hanggang ikatlong baitang ng elementarya. Dahil kilala ang Pilipinas

sa pagkakaroon ng iba’t ibang dayalekto sanhi ng kalat-kalat nitong kapuluan at sa humigit

kumulang na 181 na lenggwahe, nagkakaroon ng problema ang Kagawaran ng Edukasyon sa

pagpapatupad ng MTB-MLE sa nasabing bansa (Estrada & Gargantiel, 2013).

Mayroong magandang layunin ang nasabing bagong sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Ngunit kalakip nito ang mga posibleng hadlang sa wastong pagpapatupad at maging sa

kawalan o kasalatan sa kagamitang pampagtuturo. Ayon kay Nolasco, 2013na siyang binanggit

din sa pag-aaral nina Yambao, Tagala, & Bognot, 2013, ang paglikha ng mga kagamitang

kinakailangan sa pagsasakatuparan ng kurikulum ay nangangailangan ng hindi hihigit sa isang

taon at dapat ding isagawa sa tulong ng pamayanan sa halip na mga kaguruan lamang sa

Kagawaran ng Edukasyon. Ang kagamitang pampagtuturo ay anumang karanasan o bagay na

ginagamit ng guro bilang pantulong sa paghahatid ng mga katotohanan, kasanayan, saloobin,

kaalaman, palagay, pang-unawa at pagpapahalaga sa mga mag-aaral upang lalong maging

konkreto, tunay, daynamik, at ganap ang pagkatuto. Halimbawa ng kagamitang panturo ay ang

mga aklat na kinakailangan upang maging patnubay at mapagkukuhanan ng kaalaman ng guro


at ng mga mag-aaral (Ruedas & Abad, 2010). Dahil bago ang kurikulum, ang mga guro ay

maaaring manibago sa pagpapatupad ng MTB-MLE lalong lalo na sa paghahanap ng mga

kagamitang pampagtuturong angkop sa L1 ng mga mag-aaral.

Simula 2009 ay pinagtutuunan na ng pansin ng Kagawaran ng Edukasyon ang MTB-

MLE sa pamamagitan ng pagpasa ng Enhanced Basic Education Act. Naglalayon ang DepEd

na maglabas ng mga materyales sa pagtuturo ng Kinder hanggang Grade 3 sa unang wika ng

mga mag-aaral sa pamamagitan ng “Mother Language Transition Program” (Burton, 2013). Sa

pamamagitan din ng Batas Republika 7104 na lumikha sa Komisyon sa Wikang Filipino noong

1991, iniatas na isa sa mga gawain ng komisyon ang paglikha at pagpapanatili ng isang

dibisyon sa pagsasalin na gaganyak, sa pamamagitan ng pagsasalin sa Filipino at sa iba pang

wika ng Pilipinas ng mahahalagang akdang historikal at tradisyong kultural ng mga grupong

etnolinggwistiko, mga batas, resolusyon at iba pang mga akdang lehislatibo, lathalang

pangehekutibo, mga pahayag na pampatakaran ng pamahalaan at mga dokumentong opisyal,

mga teksbuk at mga materyales na reperensya sa iba’t ibang disiplina at iba pang dayuhang

materyales na maaaring ipasyang kinakailangan sa edukasyon at para sa iba pang layunin

(Komisyon sa Wikang Filipino [KWF], 2013). Dahil ayon nga kay Batnag et. Al, 2009 na

binanggit din ni Lumbera, 2014, mahalaga ang ugnayan ng panitikang rehiyon at panitikang

pambansa sapagkat kapwa may natatanging bisa ang dalawang ito na higit na

maisasakatuparan sa pagsasalin at mabisang maisasakatuparan ang ugnayang ito kung

masasalin sa wikang bernakular ang mga panitikang pambansa vis-à-vis pagsasalin sa Filipino

ng mga panitikang panrehiyon.

Kaugnay nito, naglalabas ng ilang programa ang Kagawaran ng Edukasyon upang

tugunan ang nasabing problema ng bagong kurikulum; noong Disyembre 4, 2015 ay nagdaos

ng National Conference ang nasabing kagawaran tungkol sa kabuuan ng K-12 (K12Philippines,

2015). Nagsasagawa rin ng ilang hakbang katulad ng seminar patungkol sa MTB-MLE para sa
mga guro ng mga paaralang pampubliko. Nagkakaroon din ng ilang pagtalakay kung paano

pauunlarin ang nasabing kurikulum sa ilang maliliit na lugar katulad ng mga kapuluan sa

Visayas at ilan sa Gitnang Luzon (De Catelina, 2015). Ngunit hindi parin nabibigyan ng

kaukulang pansin ang pagsasalin sa mga materyales na gagamitin ng guro sa pagtuturo ng

mga aralin sa Kinder hanggang Grade 3 gamit ang wikang kinagisnan ng mga mag-aaral kung

kaya’t maraming guro at mag-aaral ang patuloy pa rin na nahihirapan sa kabila ng mga

nasabing programa ng Kagawaran (Garung, 2016).

Isa rin sa naging hakbang ng kagawaran ng Edukasyon ay ang pagkakaroon ng

Learning Resource Management and Development System o isang website na kinapapalooban

ng mga kagamitang pampagtuturo na maaaring gamitin ng mga guro sa iba’t ibang baitang ng

K-12 kurikulum (Frusa, 2012). Subalit sa naging resulta ng pagsusuri ng Learning Resource

Management and Development System Team ng Department of Education, Division Office ng

Angeles City, napatunayan na mayroon ngang kakulangan o kasalatan sa mga kagamitang

pampagtuturo ng MTB-MLE sa Angeles City lalong-lalo na sa mga paaralan na gumagamit ng

wikang Kapampangan bilang unang wika o Mother tongue. Kung kaya’t naisasakripisyo rin ang

edukasyon ng mga mag-aaral dahil sa kasalukuyan ay limitado lamang ang mga naisalin na

libro o materyales sa pagtuturo (Esguerra, 2014).

Bilang tugon sa nakikitang problema at maging sa inilabas na kautusan ng DepEd,

2012 na nasa ilalim ng DepEd Order no. 16 s. 2012 sa pag-iimplementa ng pagtuturo ng MTB-

MLE na may isang layunin na “socio-cultural awareness which enhance the pride of the

learner’s heritage language and culture” na kung saan layunin nitong mahasa ang language

fluency sa wikang sinuso ng mga mag-aaral at maging makilala ang sariling kulturang

kinabibilangan ng mga ito, isa sa mga hakbanging naisin ng mananaliksik ay magsalin ng mga

kwentong pambata alinsunod sa hangarin ng K-12 program. Sa pamamagitan ng mga naisalin

na kwento, madaragdagan ang mga materyales sa pagtuturo ng MTB-MLE gayundin ang


paghahasa sa wikang bernakular dahil nabanggit nga nina Monters et. al (2009), ang paggamit

ng unang wika ng mga bata ang pinakamadaling paraan upang mapabilis at mapagaan ang

kanilang pagkatuto.

Ang pag-aaral na ito ay naglalayong makagawa ng isang naisalin na aklat ni

Carolina Sicat Guanzon sa Wikang Filipino. Ang mga sumusunod na katanungan ay

tinangkang masagot upang matamo ang nasabing layunin.

1. Ano-anong mga hakbang ang gagawin upang maisalin ang mga tula ni Carolina

Sicat Guanzon?

2. Paano maisasalin ang mga tula gamit ang teorya ni Newmark?

3. Paano makabubuo ng ebalwasyon sa gagawing pagsasalin ng mga tula ni

Carolina Sicat Guanzon?

4. Paano makagagawa ng naisalin na aklat ni Carolina Sicat Guanzon sa Wikang

Filipino?

Saklaw at Limitasyon ng Pag-aaral

Ang pag-aaral na ito ay nakatuon lamang sa pagtatangkang pagsasalin ng aklat ni

Carolina Sicat Guanzon na Lugud Poems II sa Wikang Filipino.

You might also like