You are on page 1of 2

WIKA AND MEDIA

Ni Rolando Tolentino

Media ang pangunahing daluyan ng pambansang wika, o ang popular nitong bersyon, kolokyal na
Tagalog, Filipino at Taglish. Maliban sa evangelical na palabas na nagbibigay-aral at nanghihimok ng
kumbersyon sa ingles, ang kalakhan ng free channels sa telebisyon ay gumagamit na nitong Filipino.

Dati ay primetime telebisyon lang ang gumagamit nito. At simula ng pinakahuling balita sa gabi, lahat ay
bumabalik sa ingles, lalo na ang news magazine shows. Pero nahigop ito ng Filipino, lumawak ang oras at
palabas na tinaguriang “primetime,” at kung gayon, mas maraming oras ng advertisement na
pinagkakakitaan ng may-ari ng kompanya.

Magkabilang pisngi ng iisang mukha ang telebisyon bilang lunduyan ng pagpapalaganap ng pambansang
wika. Sa isang banda, ito na ang nakakapagpaunlad ng kontemporaryong Filipinong kauna-unawa sa
buong bansa. Ang kalakarang hindi kayang ilehislatura o isabatas hinggil sa pambansang wika ay
naisasakatuparan na ng popular na media.

At hindi nag-iisa ang telebisyon bilang pangunahing disseminator ng wika. Lahat ng AM stations sa radyo
ay gumagamit ng Filipino at mga wikang bernakular. Ang FM stations ay kinakailangan ding gumamit ng
Taglish kaysa ingles na may twang at slang dahil masyadong nae-alienate ang tagapakinig, lalo na ang
Amerikanong tagapakinig kapag ang DJs ay “pretend” (nagpapanggap na American native speaker).

Ito na rin ang nagsisiwalat ng isang Filipino ingles na binibigkas. Walang American twang, tadtad ng
idiomatikong expresyong pidgin o kakatwa lang sa Pilipinas, at may rekurso sa Taglish bilang
performatibong wika ng gitnang uring tagapakinig ng FM station. Ang umuunlad na pinapakinggang Taglish
ang siyang benchmark ng isang wika aspirasyonal para sa mababang uri na kahit man lamang ito—halong
Tagalog at ingles—ay makayanang maabot, at sa mataas na uri para makapagkomunikasyon sa sirkulo
ng iniinugang mababang uri, tulad ng kanilang katulong, driver, watch-your-car boy, nagbebenta ng
sampaguita at yosi, at iba pa.

Ang umuunlad na wika ay pragmatikong wikang kolokyal. Nasasapol nito ang aspirasyonal na layunin ukol
sa komunikatibong operasyon sa bansa. Na ang abang uri ay maari ring umangat—at the very least,
maging call cente agent—kung makikinig lamang ito ng Taglish sa popular media, mga bagay na hindi niya
lubos na matutunan sa akademikong kalakaran na purong Filipino o purong ingles lamang.

At ang mataas na uri ay maaring magkaroon ng reli (relevance) sa kinakausap na abang uri, dahil marahil
sa kauna-unahang pagkakataon, may nauunawaang popular na wikang pinaghahalawan ang kumakausap
at kinakausap. Para itong wika ng popular na pelikula, kahit mamilipit na ang mga karakter—na
ginagampan ng pinakabatikang batang artista—na magdiretsahang ingles, nakakapanghimok pa rin ang
wika ng aspirasyonal na lifestyle choice: edukasyon, career, pag-ibig, pamilya at gitnang uring buhay.

Na kahit nga abang uri ang mga tauhan at naratibo ng mga pelikulang popular, sa pamamagitan ng gitnang
uring panuntunan, ang punto-de-bista at pagpapahalaga ay maglilikhang hindi nakikita at natutunghayan
ang materialidad ng abang uri. Tanging ang aspirasyon ng gitnang uri ang tumitingkad. Kaya ang
ordinaryong assistant sa isang advertising company na babae ay mai-inlove sa kanyang masungit na boss,
at mai-inlove gamit ang wikang Taglish.

Sa internet, sinasabing ang sites na sa Filipino at bernakular ay mas maraming trafiko at hits kaysa sa sites
sa ingles. Umaariba na ang kolokyal na pambansang wika, at ang panuntunan ng gatekeepers ng ofisyal
na wikang pambansa ay, sa pangunahin, nakasentro sa usaping standardisasyon (baybay, panunumbas
na kahulugan, gamit sa pangungusap, at iba pa).
Sa kabilang banda, sa mas pragmatikong usapin, ang pagpapalaganap ng media ng kolokyal na
pambansang wika ay hindi naman dahil sa pagmamahal ng una sa huli. Mas atas pa ng pangangailangan
ng higit na kita ng media—isa sa mga huling negosyong nilinaw ng Konstitusyon na para sa mga Filipino
lamang—ang motibasyon ng pagtangkilik ng negosyong media sa wikang pambansa.

Narinig kong magsalita ang mga artista sa “The Buzz,” isang showbiz talk show. Si Shaina Magdayao ay
nagpapaliwanag kay Boy Abunda hinggil sa pang-aalipustang siya ang dahilan ng pagka-setback sa career
ni John Llyod Cruz. Ewan ko kung tipong inaabot ni Shaina o Gerard Anderson—na nagpapaliwanag
naman sa korte ng popular na publikong opinyon hinggil sa paghihiwalay nila ni Kim Chu–ang manonood
na kalakhan ay galing sa mababang uri, pero hindi sila makapagsalita ng tuwid na Filipino o ingles.

Ang kanyang rekurso ay paghaluin ito, at ito ang tagumpay ng pag-inhinyero ng media conglomorates sa
artista at wika: wala nang nasa labas ng kolokyal na wika, at ang pagpaminta ng ingles sa Filipino ay ang
pagsasanib ng higit na aspirasyonal na halaga ng wikang ingles sa Filipino. Hindi rin kakatwa na wikang
ingles ang inaakalang literal na magpapayaman sa nagsasanib nito sa wikang Filipino.

Hindi ba’t ingles ang siyang kolonyal na wika, at kasalukuyang tampok na global na wika sa ating insular
na mundo? Kahit pa sa boom economies ng India at China at ang pangangailangan ng maraming Filipinong
marunong ng wika ng mga ito para sa engagement sa mga bagong global na economic powers, patuloy
lamang ang pinupuntirya ng mga Filipino ay ang circuitous na pakikisalumuha via ingles?

Sa madaling salita, pambansang aspirasyon ang kolokyal na pambansang wika. Ang sentral na impetus
ay nanggagaling sa pambansang motibasyong makaalinsabay sa globalisasyon, o ang paghahanap ng
lokal na idioma sa global na kapitalismo. Hindi ito dumidiretso sa kalakarang global, ang pagpasok sa
ekonomiya ng India, China at iba pang umuunlad at mas mauunlad na bansa.

Ang trajektori ng aspirasyon ay tungo sa katagumpayan ng globalisasyon sa pambansang kondisyon: ang


higit pang penetrasyon ng global sa lokal. Ang kultural nitong pagsasalin ay nangangahulugan ng
mobilisasyon sa pamamagitan ng overseas contract work sa labas ng bansa at call center work sa loob ng
bansa. At media ang nagpako ng kasalukuyang estado ng pangarap ng mamamayan.

Ang kahulugan ng paglaganap ng isang kolokyal na wikang pambansa sa media ay nagsaad rin ng
nasyonal na agenda: sa pamamagitan ng kolokyal na wikang pambansa makakalahok ang bansa sa
kolokyal na globalisasyon. Nananatiling nasa laylayan ang bansa at ang wika nito tungo sa internalisasyon
ng globalisasyon. At dahil magpakaganito, tumitingkad ang materialidad ng di-pantay na penetrasyon ng
globalisasyon sa buong mundo.

Kung titignan ang diyaryo, malinaw na ang broadsheets—ang lehitimong peryodismo—ay nakasulat sa
ingles. Sa mga tabloid, na higit na tinutunghayan ng mas maraming bilang ng ordinaryong mamamayan,
ay sadlak sa sensationalismo, ang bulgar at bawal, sexual at bastos, at iba pa. Hindi ba’t ang isinasaad
nito ay ang di-opisyal at popular na motibasyon sa kaalaman-kultural na dulot ng tabloid ay tungo sa
mismong hindi aangkop sa kinikilalang ofisyal na peryodismo sa bansa?

Kaya ito ang debacle sa wikang pambansa at media na nagpapalaganap ng kolokyal na variasyon nito:
ang pinapatingkad ay ang kabalintuan ng di makapantay at makaagapay sa ofisyal na globalisasyon, at
ang kasalukuyang tereyn ng kolokyal na wikang pambansa ay nananatiling nasa bulgar, ipinagbabawal,
sexual at bastos.

You might also like