You are on page 1of 7

FIL 105 Yunit 4: Globalisasyon at Kulturang Popular

Globalisasyon at Kulturang Popular


ni Jeffrey Deyto

Pangkalahatang Ideya
Sa paksang ito, tutukuyin ang ugnayan ng globalisasyon sa pangkalahatang
kaayusang panlipunan ng Pilipinas at papaano nito naaapektuhan ang kalagayan ng
Kulturang Popular. Tutukuyin din ang gampanin ng mga makabagong teknolohiya
sa pagbubuo ng mga bagong Kulturang Popular.

Mga Layunin
Sa pagtatapos ng aralin, inaasahang ang mga mag-aaral ay:
1. naipaliliwanag ang ugnayan sa pagitan ng globalisasyon at ng kultura; at
2. nailalarawan kung papaano nabubuo ang makabagong konsumer dulot ng
mga makabagong teknolohiyang pangkomunikasyon.

Mga Piling Usapin at mga Gabay na Tanong


o Ano ang globalisasyon?
o Paano nito naapektuhan / naaapektuhan ang kultura?
o Ano ang naging epekto ng globalisasyon sa Kulturang Popular sa
Pilipinas?
o Makabagong Teknolohiyang Pangkomunikasyon
o Paano nakatulong ang sumusunod sa paglaganap ng globalisasyon at
globalisadong kultura (ng popular)?
 Computer / Cellular Phone / Smart Devices
 Internet
 Social Media
o Ano o sino ang konsumer na binubuo ng globalisadong kultura(ng popular)?

Talakayan

Ano ang Globalisasyon?


Maraming pakiwari kung ano nga ba ang globalisasyon. May mga
depinisyong positibo para rito: Ang globalisasyon daw ay salitang tumutukoy sa
papalagong pakikipagtulungan sa pagitan ng mga ekonomiya, kultura, at
populasyon sa mundo na dinala ng mga palitan ng komoditi lagpas sa hangganan
ng mga bansa, at ng mga daloy ng puhunan, tao at impormasyon. 1 Sa kabilang
banda, ang mekanismong ito ay nakitaan ng negatibong implikasyon maaga pa lang,

1
FIL 105 Yunit 4: Globalisasyon at Kulturang Popular

partikular sa mga sulatin ng historyador na si Renato Constantino. Tinukoy ni


Constantino ang globalisadong palitan bilang punto ng neokolonyal na yugto ng
kapitalismo, kung saan:
“kumakamal ang mga sangay ng mga transnasyonal na korporasyon ng
napalaking tubo sa paggamit ng yamang natural, mga hilaw na materyales
at murang lakas paggawa mula sa mga bansang Thirld World.” 2

Sa isang dako, bilang akademikong paglalatag, sinikap ng iskolar na si George


Ritzer na punan ng sintesis ang mga nagtutunggaling pakahulugan ng salita. Ang
kontemporaryong diskurso sa globalisasyon, ayon kay Ritzer, ay madalas umiikot sa
usapin ng bilis at panahon (accelerating, rapidly developing, etc), mga proseso at
pag-daloy, espasyo (na pumapaloob sa papalaking saklaw), at papayabong na pag-
sasamasama at pagkaka-ugnay-ugnay. Ang sintesis ni Ritzer sa mga ito ay ang
pakahulugang ito:

Ang globalisasyon ay mga tumutulin na praktikang kinapapalooban ng


mga pagdaloy na tumatagos sa mas papalaki pang bilang ng espasyo sa
daigdig na tumutungo sa mas papalaking pagsasama-sama at pagkaka-
ugnay-ugnay ng mga espasyong ‘yon.3

Mababatid na mahalaga sa usapan ng globalisasyon ang idea ng oras at


panahon sa positibong pagyabong (papatulin / tumutulin, papalaki / lumalaki),
kaakibaat ng idea ng pagkakaugnay-ugnay.
Sa paksang ito, titingnan natin ang epekto ng mga praktikang tinutukoy dito
sa kultura at sa kulturang popular sa Pilipinas.

Mga Manipestasyon ng Globalisasyon


Sa parehong positibo at negatibong pakiwari, mas nababatid ang
globalisasyon sa ugnayan ng mga institusyong panlipunan ng bawat isa sa isa’t isa sa
mga ugnayang transaksyonal. Partikular na nababatid ang pagdaloy ng puhunan
mula sa isang bansa patungo sa isa pa. Manipestasyon ng globalisasyon ang pag-iral
ng mga korporasyong transnasyonal. Ang mga korporasyong transnasyunal ay
mga kapitalistang korporasyon na naglalagak ng kapital labas sa kanilang
pinagmulang bansa. Ang paglagak ng kapital na ito ay maaaring sa porma ng pagbili
/ pagbayad mismo ng kalupaan o ari-arian sa ibang bansa, o pagtataguyod ng mga
sangay ng kanilang mga negosyo sa ibang bansa. Mas partikular na nangyayari ang
transnasyonalisasyon ng kapital sa daloy mula sa mga tinuturing na “First World”

2
FIL 105 Yunit 4: Globalisasyon at Kulturang Popular

countries (mga bansang dating nangolonya) patungo sa mga tinuturing na “Third


World” (o mga dating kolonya).
Ang globalisasyon sa kultura ay makikita sa ugnayan ng transnasyonal na
kapital sa mga kalakal na binabagsak nito. Matuturing na pinakapalasak na
halimbawa ng globalisasyon sa kultura ay ang pag-pihit ng ng kinagawian sa
pagkain mula sa mga pansitan sa komunidad, patungo sa mga fast-food chain.
Paano natin natanggap ito?
Hindi awtomatikong nagwawagi ang globalisasyon, nangangailangang
sanayin ang populasyon at ihanda para sa pagtanggap nito. Para kay Constantino,
madaling naaapuhap ng mga nasa Third World ang transnasyonal na kultura dahil sa
isinanay at inihanda ito ng kasaysayan ng kolonisasyon. 4
Bilang epekto sa mga Third World na bansa, katulad ng Pilipinas,
nagkakaroon ng dominasyon ng Transnasyonal na Kulturang Popular higit sa
katutubong kultura. Pero ang dominasyon na ito ay hindi nagmumukhang
“marahas,” ang lohika ng kapital na nakakabit na sa prekondisyong kolonyal at
pyudal: mga kondisyong “nakasanayan.” Para kay Constantino, pinadali ng mga
prekondisyong kolonyal at pyudal ang pagpasok ng kulturang transnasyonal na
dumudulo rin sa dominasyong ekonomiko ng ibang bansa as Pilipinas. 5
Sa globalisadong kondisyon, ang kultura na lumilitaw sa atin ay nalalagom na
ng kulturang popular. Sa madaling sabi, habang lumalawak ang sakop ng
globalisasyon, lumalayo ang akses natin sa produksyon ng kultura, at tanging
mediatized na kultura, kulturang popular, ang humaharap sa atin. Ito ay kondisyong
hindi basta-basta mapapatid ng basta lamang na pagsuporta sa “sariling atin”, kung
ang porma naman ng pamalit sa transnasyunal na kulturang popular ay kamukha
lang din nito.
Kung susuriin, karamihan ng kulturang popular ay talaga ngang kulturang
transnasyonal: ang paghanga sa artista, pop songs, rock songs, hip hop, telebisyon,
basketball, mall, internet, atbp. Ang mga ito ay pag-uusapan natin sa iba pang mga
paksa.
Sa pagbubuod, ang globalisasyon ay matagal nang nagaganap, marahil
kagyat na matapos ang panahon ng mga pananakop ay nagsimula na ito. Pero bago
natin pag-usapan ang mga praktika ng kulturang popular sa mga naunang anyo ng
mediang pangmadla, nais ko munang tukuyin ang kontemporaryong partikularidad
ng kuturang popular sa anyo ng internet.

Kulturang Popular at ang mga Makabagong Teknolohiyang


Pangkomunikasyon Ang pag-unlad ng mga teknolohiyang
pangkomunikasyon na nagmula sa telepono at radyo ay nagbunga ng malaking

3
FIL 105 Yunit 4: Globalisasyon at Kulturang Popular

epekto sa sirkulasyon at dinamiko ng kulturang popular. Mula sa ugat nitong


militaring gamit, ang internet ay napopularisa bilang pangkonsumer na kalakal
noong laylayan ng 1980s at tuluyang naging laganap ang paggamit noong mga
unang bahagi ng 2000s.
Minimal lang sa bilang ang hinihingi ng mga makabagong teknolohiyang
pangkomunikasyon. Ito ay nakasandig sa paggamit ng dalawang aspeto ng
makabagong computing: hardware at software. Mas karaniwan ngayon ang
paggamit ng cellphone na may kapabilidad na makaakses ng internet at magamit
ang mga datos sa paraang naaayon sa nakasanayan mo. Ito ang mga tinatawag na
smart phone. Sa kabilang banda, nagagamit pa rin sa makabagong komunikasyon
ang mga Personal Computer (PC) – buong set-up man o compact katulad ng laptop
– ngunit may ibang mga komoditi na ibinabagay depende sa lakas-kompyutasyon
(computing power: bilis ng RAM, Central Processing Unit (CPU), kapasidad ng disk
storage) nito.
Nasa pagitan ng hardware at software ang koneksyon sa internet na isa sa
pinakamahalagang aspeto ng makabagong teknolohiyang pangkomunikasyon.

Filesharing
Nabuksan sa maraming bahagi ng mundong nakakabit sa world wide web
(www) ang akses sa maraming kalakal pangkultura(ng popular) na dati rati’y nasa
iilan lamang ang nakatatamasa. Mula sa mga banyagang awitin na labas sa madalas
pinapatugtog sa mga lokal na istasyon ng radyo, hanggang sa pagbabahagi ng mga
palabas sa telebisyon (mga drama, anime), pelikula at mga aklat sa porma ng mga
digital files. Di nagtagal ay nagkaroon ng pansariling pagsasaayos at pag-oorganisa
ang mga gumagamit ng internet para magpalitan at magbahagi ng mga kultural na
kalakal. Nabuo ang mga website na nakatuon sa mga aktibidad ng pagbabagi at
pag-download ng mga naturang digital files. Tinawag ang mga website na ito na
mga filesharing communities.
Di naglaon ay higit sa pamamahagi ng mga digital files ang naging ambag ng
mga filesharing communities. Naging daan ito para mabuksan sa kultura(ng popular)
ng ibang bansa ang mundo. Ang mga kasapi ng filesharing communities madalas ay
nag-aambag ng pagsasalin ng mga materyal. Partikular itong makikita sa mga
pamamahagi ng mga pelikula, palabas at komiks kung saan hindi na kakaiba na may
mga salin sa ingles at iba pang pangunahing lengwahe sa mundo na gawa mismo ng
mga nasa komunidad upang maranasan at maunawaan ng mas maraming potensyal
na awdyens ang mga materyal na ibinabahagi.

4
FIL 105 Yunit 4: Globalisasyon at Kulturang Popular

Hindi nagtagal ay tinutukan ng mga awtoridad sa buong mundo ang mga


aktibidad na ito at tiningnang banta ang mga aktibidad ng filesharing sa tubo ng
mga recording company at mga produksyon ng pelikula, kaakibat ng malawakang
akusasyon ng paglabag sa prinsipyo ng copyright. Sa mata ng batas, tinuturing nila
na pamimirata ang hindi awtorisadong pamamahagi ng mga materyal na may
copyright.

Social Media: Social Networking at Content Streaming


Itinuturing na ang unang website na plataporma para sa social networking, o
para lamang sa pakikiugnay sa ibang tao, ay nabuo noong 1997 sa katauhan ng
sixdegrees.com. Sa kabilang banda, ang pinakapopular na streaming platform, o
website kung saan maaari mong i-akses ang mga video o audio nang hindi ito dina-
download, ay nabuo noong 2005.
Ang pinagsamang sistema ng mga social networking sites at streaming
platforms ang nagbunga sa tinuturing natin ngayon na Social Media. Ang social
media ay platapormang pang-internet na nagbibigay ng interaktibong
komunikasyon kung saan ang mga bahagi nito ay ‘di lang naguugnay, kundi
bumubuo at gumagawa din ng mga “content” para sa mga nasabing plataporma na
siya namang pinag-uusapan at ibinabahagi sa iba ibang network. 6
Isa sa mga naunang sumikat na social media sites, ang MySpace, ay kilala
hindi lang dahil sa bilang ng dati nitong users (na umabot ng halos 80 milyong
account noong 2008) sa pagtampok ng plataporma para sa mga musikero na
nagbabahagi ng patikim ng kanilang mga awitin. Hindi nalayo sa simulaing ito ang
pinakatanyag na social media site ngayon, ang Facebook, na ngayon ay umaabot na
ng halos 2.6 billion na aktibong users. Bilang pinakatanyag, sa Facebook din
pinakadinamiko ang karanasang pang-social media na nagtatampok ng mga video,
negosyo, mga adbokasiya, at kung ano pang gamit na nagsanga-sanga na sa labas
ng simpleng ugnayan.

Ang Consumer sa Globalisadong Kultura(ng Popular)


Sa kontemporaryong kondisyon, tinatamasa ng konsumer ang potensyal na
maging prodyuser din ng pangkulturang kalakal. Nabuo ang terminong content
creators para dito. Tinuturing na content creators ang mga indibidwal o grupo na
regular na naglalagay ng mga “content” sa mga social media platforms, at hindi
lamang ginagamit ang mga platform sa kaswal na paraan.
Nakadepende sa mga platform kung ano ang antas ng pagmamay-ari ng
content creator sa kanyang gawa. Ang potensiyal na ito na maging prodyuser ay sa
panlabas lamang: hindi pa rin sa content creator ang pag-mamay-ari ng platform

5
FIL 105 Yunit 4: Globalisasyon at Kulturang Popular

kung saan ito nilalagay para maging bukas para sa mga gustong umakses dito.
Pinakikita nito ang punto ng komoditisasyon na sinasabi ng iskolar at aktibistang si
Jodi Dean tungkol sa pagturing ng kontemporaneong kapitalismo sa mga mensahe,
komunikasyon at pakikipag-ugnay bilang kontribusyon sa social media. Kung
susuriin, nakasandig sa dami ng nanonood/tumitingin sa mga patalastas ang punto
ng pagkamal ng tubo ng mga social media platform. Ang bawat “content” ay daan
lamang upang mapatingin ang sinomang titingin sa mga patalastas na maaaring
umistorbo o gumilid sa pagtingin mo sa content. Hindi binabayaran ng mga
platform ang mga content creator sa inilagak nilang trabaho para sa content na
iniambag nila. Nakasalalay, sa gayon, ang pagkamal ng tubo ng mga social media
platform sa mga libre nating ambag – na kalauna’y hindi bayad na trabaho. 6
May ganansyang iskemang monetisasyon ang Youtube para sa mga content
creator nito: nakasalalay sa X na bilang na “views” sa content mo o sa hindi
paglaktaw sa mga patalastas ang perang makukuha mo mula sa youtube dahil sa
content na ikaw naman ang gumawa.
Ang konsumer naman na hindi nagpoprodyus ng content ang nagiging
panibagong kalakal para naman sa mga naglalagay ng patalastas. Ikaw ang
produkto. Ito ay sa kabila ng mga libre nang nakukuha ng mga platform-kompanya
sa mga content creator, naghahangad pa sila ng iba pa at iyon ay ang ating mga
pagtingin. Ayon sa iskolar na si Jonathan Beller, nandoon tayo ngayon sa yugto kung
saan ang dating guni-guni lang ng mga kompanya na ibenta ang ating mga
pagtingin sa iba pang paraan ay nabibigyang katuparan ng internet bilang lunsaran
ng pang-aakit sa ating pagtingin. Tinatawag ito ni Beller na yugto ng Attention
Economy, kung saan ang pagpansin (attention) mo ay nagbibigay-halaga sa isang
kalakal.7 Ito ang kahalagahan ng pagiging transparent ng bilang ng “views” o
reaksyon sa isang social media content: ito ay aktwal na manipestasyon ng halaga
nito. Mula sa kwantipikadong halagang ito, nagkakaroon ito ngayon ng balorisasyon
/ fetishismo: maraming bilang, marahil maganda.

Mungkahing Babasahin:
 Jodi Dean. “Communicative Capitalism: This is what Democracy Looks Like”
Revista de Comunicação e Linguagens 51. 2019. p. 32-49.
 Jonathan Beller. “Paying Attention,” Cabinet (24). 2006-2007. p. 53-58. Renato
Constantino. Synthetic Culture and Development. Quezon City: Foundation for
Nationalist Studies, Inc. 1985.

Mga Tala:

6
FIL 105 Yunit 4: Globalisasyon at Kulturang Popular

1. Mula sa Peterson Institute for International Economics. <


https://www.piie.com/microsites/globalization/what-is-globalization>
2. Constantino, Renato. Synthetic Culture and Development. Quezon City:
Foundation for Nationalist Studies, Inc., 1985. p. 2.
3. Ritzer, George. “Introduction.” The Blackwell Companion to Globalization.
Malden, MA: Blackwell Publishing, 2007. p. 1.
4. Constantino. Synthetic Culture and Development. p. 2-3.
5. ibid.
6. Dean, Jodi. “Communicative Capitalism: This is what Democracy Looks Like.”
Revista de Comunicação e Linguagens 51 (2019), p. 37.
7. Beller, Jonathan. “Paying Attention.” Cabinet 24 (2006-2007), p. 53.

You might also like