You are on page 1of 7

GENECERA, Jezryl Xavier T. Mr.

Marlon Delupio
GERIZAL A63

Pagsusuri ng Artikulo (3)

1. Liham sa Dalaga ng Malolos

a. Ano ang layunin ni Rizal sa pagsulat ng liham? Bakit kailangan siya ang magsulat? Ang ang
kaligiran (background) ng liham ni Rizal?

Isinulat ni RIzal ang liham sa mga kababaihan ng Malolos sa mungkahi ni Marcelo H.


Del Pilar. Kilala ang mga kababaihan ng Malolos bilang natatangi sapagkat matatag sila sa
kanilang layunin na mamulat ang kanilang bayan sa realidad noong panahon ng pang-aabuso ng
mga Kastila at prayle, at isinagawa nila ito sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga paaralan sa
gabi. Sa mungkahi ni Del Pilar, isinulat ni Rizal ang liham para sa mga kababaihan upang
sumigla ang kanilang damdamin at umigting ang kanilang pagnanais na magkaroon ng kalayaan
ng mga Pilipino.

b. Bakit nais ihalintulad ni Rizal ang mga kababaihang Pilipina sa mga kababaihan na mula sa
Sparta? Anong katangian ng mga kababaihan ng Sparta ang nais ni Rizal na kunin/gayahin ng
mga kababaihang Pilipina?

Ipinaliwanag ni Rizal sa kanyag liham ang kababaihan ng Sparta. Natatangi ang mga
kababaihan ng Sparta sapagkat habang ang ibsng lipunan ay napaka-patriyarkal, ang mga
kababaihan ng Sparta ay mas may kapangyarihan sa mga kalalakihan. Ipinaliwanag niya na ang
mga kababaihang ito ay hindi tulad ng pangkaraniwang babae sapagkat siya ay nabubuhay hindi
para sa lalaki o asawang kanyang papakasalan kung hindi para sa kanyang lupang tinubuan. Ito
ang mga katangian ng kababaihan ng Sparta na nais niyang ipamulat at tularan ng mga
kababaihang Pilipina. Mistulang sunod-sunuran ang mga kababaihan sa mga prayle sa ngalan ng
“pananampalataya”. Ngunit nais ipabatid ni Rizal sa mga kababaihan ng Malolos na sila ay
bukod tangi sapagkat ginagawa nila ang kanilang makakaya upang ipamulat sa iba pang mga
kababaihan na hindi dapat sila basta-basta yumuyuko at sumusunod sa mga utos ng mga prayle.
At hangad ni Rizal na tulad ng mga kababaihan ng Sparta, ang kababaihang Pilipina ay
magkaroon rin ng lakas ng loob upang buwagin ang mga makaluma at pananaw na pangalawa
lamang ang kababaihan sa mga kalalakihan.

c. Anu-ano ang mga pangaral ni Rizal sa mga dalaga ng Malolos? Tumukoy ng tatlo (3) at
ipaliwanag ang mga ito.
Maraming pangaral ang ibinigay ni Rizal sa mga dalaga ng Malolos sa liham. Kabilang
dito ang paniniwala na ang ang lahat ng tao ay pantay-pantay; hindi nilikha ng Diyos ang
sinoman upang maging alipin o manloko ng ibang tao. Bagkus, bilin ni Rizal na huwag
magpaka-Diyos at mang-alipin ng sinoman.

Isang pangaral rin na ibinigay ni Rizal ay ang konsepto ng pananampalataya.


Binigyang-diin ni Rizal na hindi natatapos sa pagbibigkas ng mga mahahabang nobena at
panalangin at pagsamba sa mga santo ang pananampalataya; ang tunay na pananampalataya ay
pamumuhay nang may karunungan at moralidad.

Pangunahin rin sa mga mensaheng nais iwan ni Rizal sa mga dalaga ng Malolos ay ang
pagkilala at pagbibigay-halaga ng kababaihan sa kanyang sarili. Sa lipunan kung saan ang babae
ay minulat na pangalawa lamang sa mga kalalakihan at ang maging tagapagtaguyod lamang ng
tahanan ang kanilang ambag sa lipunan, nais ipamulat ni Rizal na mahalaga na i-angat ng
kababaihan ang kanyang dangal at puri hindi ayon sa idinidikta ng kalalakihan kung hindi sa
pagtanggap ng edukasyong makakapagmulat sa kanya at magpapatunay na kailanman, hindi
dapat sila ituring na pangalawa lamang sa lipunan at marami pa silang kayang gawin bukod sa
maging tagapagtaguyod ng tahanan.

d. Sa kasalukuyang panahon, anu-ano ang suliranin/pangangailangan ng mga kababaihan?


Tumukoy ng tatlo (3) at bigyan ng kaligiran at solusyon (mungkahi) ang mga ito.

Sa gitna ng nagbabagong panahon, marami pa ring mga suliranin ang kinahaharap ng


mga kababaihan. Ilang daang siglo na ang nakalipas, ngunit ang mga sumusunod ay patuloy na
humahadlang sa pag-usbong at kalinangan ng mga kababaihan sa lipunan.

Maraming kababaihan pa rin ang nabibiktima ng sexual harassment sa mga lansangan at


public spaces. Patuloy na umiiral ang pagtingin na ang babae ang dapat sisihin kung siya man ay
nagahasa, bunsod ng kanyang pananamit, pagkilos, o itsura. Ang ganitong suliranin ay maaaring
maiugat sa macho-patriyarkal na kultura sa lipunan na tinitingnan ang mga kababaihan bilang
mga “sexual objects” kung kaya’t sila ay patuloy na nao-objectify. Ang ganitong kultura ay higit
na nakaugat sa ating lipunan, ngunit maaari itong basagin sa pamamagitan ng edukasyon at
pangangampanya. Dapat ipaunawa sa lahat, babae, lalaki, o bahagi man ng LGBT community,
na ang babae ay hindi mga laruang maaring gamitin sa sekswalisasyon. Ang anomang
harassment ay isang anyo ng pang-aabuso, at dapat ay magkaroon at paigtingin ang mga batas
upang protektahan ang mga kababaihan nasaan man sila, katulad na lamang ng Safe Spaces Act
na kalulunsad lamang.

Kaugnay ng mga isyu ng harassment, maraming mga babae pa rin ang nagiging biktima
ng pang-aabuso, pisikal man o berbal, mula sa kanilang mga asawa, karelasyon, o mga katuwang
sa buhay. Tulad ng nabanggit, ito pa rin ay manipestasyon ng patriyarkal na lipunan na
tinitingnan ang babae bilang pangalawang kasarian lamang. Higit na kailangang bigyang
proteksyon ang mga babae sa ilalim ng ating batas at mapanagot ang mga nagkakasala. Bunsod
nito, mahalaga rin ang patuloy na pagmumulat sa mga tao na pantay dapat ang pagtrato at
pagtingin natin sa bawat isa ano man ang ating kasarian.

Nanatiling isyu rin para sa mga kababaihan sa kasalukuyan ang pagkakapantay-pantay o


equality, tulad na lamang sa trabaho. Patuloy na pinatutunayan ng mga pag-aaral na malaki pa
rin ang gender inequality sa maraming bahagi ng mundo, at mas madali para sa mga lalaki ang
makaakyat sa social ladder ng pinagtatrabahuhan kumpara sa mga babae. Ito pa rin ay
manipestasyon ng patriyarkal na kultura na nananatili hindi lamang sa mga tahan at lansangan
kundi maging sa mga opisina at institusyon. Kinakailangan na mabasag ang mga ito at
magkaroon ng pantay na mga oportunidad sa trabaho at sa lipunan para sa lahat ng mga
kasarian.

2. Katamaran ng mga Pilipino

a. Paano binigyan kahulugan ni Rizal ang salitang "Tamad"? Ano ang pagtingin ni Rizal tungkol
dito?

Binigyang-kahulugan ni Rizal ang salitang “Tamad” bilang pagkakaroon ng kaunting


pagmamahal sa trabaho at kakulangan sa paggawa. Naisulat ang sanaysay noong panahon ng
mga Kastila kung saan labis ang pambabatikos ng mga prayle at Kastila sa “katamaran” ng mga
Pilipino. Inamin ni Rizal sa sanaysay na maaaring umiiral na ang katamaran noon panahong
pre-kolonyal, ngunit higit na naging tamad ang mga Pilipino sa pagdating mga Kastila at sa mga
naranasan nilang pang-aabuso mula sa mga mananakop. Ipinapaliwanag ni Rizal na ang ang
katamaran na ito ay hindi dapat tingnan bilang sanhi ng mabagal na pag-usad ng bansang
Pilipino. Bagkus, ang katamaran na ito ay isang manipestasyon ng kaguluhan at opresyon na
humadlang sa mga Pilipino sa pag-usad na napabagal sa pagdating mga Kastilang mananakop.
Bukod pa rito, binigyang-diin rin ni Rizal na ang katamarang ito ay maaaring ituring na sakit ng
mga Pilipino, ngunit hindi ito namamana. Sa madaling sabi, ang mga Pilipino ngayon ay hindi
ang mga Pilipinong noon; mayroong mga pwersa na nagbunsod sa kung bakit naging ganito ang
mga Pilipino.

b. Bakit sinulat ni Rizal ang sanaysay? Para saan ito?

Isinulat ni Rizal ang naturang sanaysay upang ipaliwanag ang “katamaran” ng mga
Pilipino. Isinulat ito matapos ang matutunan ni Rizal ang sanaysay ni Dr. Sancianco patungkol sa
katulad na paksa. Naisulat ang sanaysay sa panahon ng labis na pananakop at pang-aalipin ng
mga Kastila sa mga Pilipino. Layunin ng sanaysay na isiwalat ang mga ugat ng tinatawag na
katamaran na ito ng mga Pilipino at mangatwiran kung paano ito maaaring masolusyonan.

c. Magbigay ng limang (5) pagpapatunay ni Rizal hinggil sa katamaran ng mga Pilipino.


Ipaliwanag ang bawat isa.

Mayroong mga pagpapatunay si Rizal hinggil sa katamaran ng mga Pilipino. Ang


katamaran na ito ay bunsod ng mga pangyayaring higit na nakaapekto sa pagtatrabaho at
pagkilos ng mga Pilipino. Ititnuturing ni Rizal ang naganap na galleon trade bilang pangyayaring
pumutol sa mga ugnayang pangkalakalan ng Pilipinas sa iba pang mga karatig bansa nito. Ang
kawalan ng ugnayan na ito ay nagdulot sa pagkawala ng mga kalakalan at negosyong umusbong
bago pa man dumating ang mga mananakop.

Hindi na rin napagtuunan ng pansin ng mga Pilipino ang agrikultura at kanilang mga
sariling kalakalan at industriya na dati na nilang pinagkakaablahan dahil sa mga
mapang-abusong polisiya ng mga Kastila sa mga Pilipino, tulad ng polo o sapilitang
pagtatrabaho ng mga Pilipino sa loob ng maraming oras sa isang araw para sa mga barko at
imprastraktura.

Labis rin ang mga buwis na sinisingil sa kanila. Malaking bahagi ng kanilang kinikita ay
napupunta lamang sa pamahalaan. Nang mapagtanto ito ng mga Pilipino, napag-isipan nilang
huwag na lamang magtrabaho upang walang makuhang buwis mula sa kanila at bilang protesta
na rin sa hindi makatarungang paniningil ng buwis.

Malaki rin ang papel na ginampanan ng relihiyon hinggil sa naging katamaran ng mga
Pilipino. Ipinapaliwanag ni Rizal na sa halip na mga makabuluhang aralin sa agrikultura at
industriya at itinututuro sa mga paaralan, naging laman ng mga silid ang mga paulit-ulit na dasal
at mga bagay na hindi nakatutulong sa kanya upang mapaunlad ang kanyang bayan.

Sa tulong ng kapangyarihan ng edukasyong pawang relihiyon ang itinuturo, ikinintal ng


mga prayle sa isipan ng mga Pilipino na madaling makapapasok sa langit ang mga mahihirap at
tanging ang relihiyon ang makapagsasalba sa kanila mula sa kanilang paghihirap at pagdurusa,
kung kaya’t hinayaan na ng mga Pilipino na hindi na sila umahon mula sa kahirapan sa
pangakong sila ay madaling makapapasok sa langit.

Ang mga pangyayaring ito, lahat ay naganap sa ilalim ng pananakop ng mga Kastila, ang
nagbunsod at nagbigay-daan sa katamaran ng mga Pilipino, at ang mga ito ay ginawang
pagpapatunay ni Rizal sa kinahinatnan ng mga Pilipinong noong hindi pa nasasakop ay may
malalim na pagmamahal sa pagtatrabaho.
d. Sa kasalukuyang panahon, nananatili pa bang tamad ang mga Pilipino? Bakit? Ipaliwanag at
bigyan ng malalim na pangangatwiran.

Madaling sabihin na tamad ang Pilipino. Tiyak na ang mga unang pumapasok sa isipan
ng tao kapag sinabing tamad ang Pilipino ay ang imahen ng mga istambay sa mga eskinita at
kalsada na sa katirikan ng araw ay tumotoma na, o hindi kaya ay ang mga nanay na maingay na
nagtsi-tsismisan sa tapat ng kapitbahay buong maghapon, o hindi kaya ng kabataang madalas
umalis sa kanilang mga bahay at kung saan-saan nagpupunta. Madaling sisihin na kaya hindi sila
umaasenso sa buhay ay dahil sa kawalan ng ganang gumawa ng anomang makabuluhan sa
kanilang mga buhay. Ngunit para sa akin, hindi naisasaalang-alang ng ganitong pagtingin na ang
katamaran ng Pilipino ay bunga ng isang sistemang humahadlang sa kanila upang mapaunlad
ang kanilang sarili. Ang katamaran ng mga Pilipino sa kasalakuyan - tulad noong panahon ng
mga Kastila - ay bunga rin ng isang sistema ng patuloy na pang-aabuso, kawalan ng mga
oportunidad, at sentralisasyon ng kapangyarihan sa iilang uri. Hindi tama na sabihan ang Pilipino
na tamad kung kinakailangan niyang gumising nang maaga upang maagang makarating sa
trabaho, maipit sa mabigat na daloy ng trapiko at magdusa nang ilang oras sa kasumpa-sumpang
sistemang pantransportasyon, at dumating sa trabaho nang huli, nangangahulugan ng kaltas ng
sweldo sa katapusan. Karumal-dumal na sabihin na tamad ang mga Pilipino at ihalintulad sila sa
kung papaano magtrabaho ang ibang lahi habang ikaw mismo ay nasa magandang katayuan
bunsod ng mga pribilehiyong tinatamasa mo sa buhay. Dapat ay unti-unti nang unawain ang
katamaran ng mga Pilipino hindi bilang isang malubhang sakit kundi bilang isang estadong
nakaugat sa sistemang pinakikinabangan lamang ng mga may pribilehiyo at kapangyarihan sa
lipunan.

3. Ang Pilipinas sa Loob ng 100 Taon

a. Alam na natin na hindi kaya ng kasaysayan bilang isang disiplina na hulaan ang hinaharap. Si
Rizal ay nagbigay ng posibleng magiging kalagayan ng Pilipinas sa loob ng 100 taon. Paano at
ano ang ginamit ni Rizal na batayan (basis) sa pagbibigay ng kanyang hula (projection) para sa
Pilipinas?

Naging batayan ni Rizal sa pagbibigay ng kanyang taya para sa Pilipinas sa paparating na


100 taon nito nang sinulat niya ito ay ang kasaysayan. Mahalagang pundasyon ang mga
makasaysayang pangyayari hindi lamang sa Pilipinas kung hindi maging sa kasaysayan ng ibang
mga bansa sa mga naging hula ni Rizal na mangyayari sa Pilipinas. Ang maigi at masusing
pagsusuri ng mga pangyayari, partikular na ng mga karanasan ng mga Pilipino, na sinamahan ng
suri ng mga pangyayari sa labas ng bansa, ay nagsilbing gabay para kay Rizal sa pagtataya ng
mga posibleng mangyari sa bansa sa 100 taon.

b. Batay kay Rizal ano ang tatlong (3) posibleng mangyayari sa Pilipinas sa loob ng 100 taon?
Ipaliwanag bawat isa.

Tinukoy ni Rizal ang mga maaaring mangyari sa Pilipinas sa loob ng 100 taon. Isa sa
mga nabanggit ni Rizal ay ang pagdedeklara ng Pilipinas bilang isang malayang bansa. Isinulat
noong 1889, tunay ngang nagdeklara ng kalayaan ang Pilipinas ng kalayaan noong Hunyo 12,
1896, sa pagkakawagayway ng watawat ng Pilipinas sa Kawit na pinangunahan ng Emilio
Aguinaldo, unang pangulo ng Pilipinas.

Tinaya din ni Rizal na magkakaroon ng interest ang mga American powers sa mga Isla at bansa
sa Pasipiko, kabilang na tayo. Napag-isip niya na maaaring dumating ang mga mananakop mula
sa kanluranin at mangamkam ng mga pag-aari. Sa kaso ng Pilipinas, nangyari ito sapagkat
pumapel ang mga Amerikano sa pagkakalaya ng Pilipinas mula sa Espanya at kalaunan ay
ginawang kolonya rin ang bansa.

Nabanggit rin ni Rizal na sa loob ng 100 taon, maaaring maging federal republic ang bansa
matapos ang ganap na paglaya. Ito ay upang pagtibayin ang pagkakaiba-iba ng mga Pilipino sa
iba’t ibat rehiyon at kawalan ng superyor na lahing Pilipino. Sa kasalukuyan, matindi ang
panawagan ng kasalukuyang pamahalaan na palitan ang estraktura ng pamahalaan sa
federalismo.

c. Gamit ang metodo-Rizal, ilarawan ang magiging kalagayan ng Pilipinas (kalagayang pulitikal,
ekonomiko, kultural, panlipunan, ibang bansa, atbp) 100 taon mula ngayon (2119). Bigyan ng
paliwanag bawat isa.

100 taon mula ngayon, ang Pilipinas ay pamamahalaan ng mga noo’y kabataan. Mas
magiging matatalino ang mga botante at maghahalal ng mga karapat-dapat na pinuno sa
pamahalaan.Bilang mga kabataan na naging mulat sa mga kamalian at depekto ng sistema,
magiging masigasig ang mga pinuno ng kinabuksan upang mapaayos ang kondisyon ng bayan at
namapbuti ang buhay ng mga Pilipino. Kaugnay nito, hindi tuluyang mawawalan ng kahirapan
sa bansa, ngunit higit na liliit ang bilang ng mga ito bunsod ng mga maayos na pamamahala sa
ekonomiya. Pagdating sa sistemang pampolitika, hindi pa lubusang natatanggal ang mga
elemento ng political dynasties, ngunit unti-unti nang mabubuwag ang mga ito sa iba’t ibang
bahagi ng bansa. Mas magiging bukas ang lipunang Pilipino sa mga isyung madalas
pagdebatehan, tulad ng divorce at same-sex marriage. Bunsod ng mabilis na daloy ng
globalisasyon, magiging mabilis ang pagpasok ng kultural na impluwensya ng ibang mga bansa
at mas lalong maisasantabi ang kulturang Piipino. Kaugnay nito, dadami rin ang mga bi-racial na
Pilipino bunsod ng mabilis na daloy ng tao sa buong mundo dahil sa globalisasyon.

You might also like