You are on page 1of 1

Maling Edukasyon sa Koleheyo

Masasabi na ang edukasyon ay isang mahalagang aspeto sa paghubog ng katauhan,


kaalaman at pangarap. Ito ang matibay na pundasyon ng sinomang may ninanais
makamit sa buhay. Ito rin ang nagsisilbing hagdan tungo sa ating tagumpay. Ang
pagtatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ay maituturing na tagumpay, ang pagkakaroon ng
diploma at makapagtapos ng pag-aaral ay isang karangalan.
Ngunit hanggang saan ka kayang dalhin ng karangalan at tagumpay na mayroon ka
dahil sa iyong diploma. Sa isang banda ay nalalaman natin na ang katibayan ng ating
pagtatapos at ang mga medalya na ating natanggap ay nananatiling nakasabit sa pader
hanggang sa ito’y kumupas. Hindi rin lingid sa ating kaalaman na hindi lahat ng may
diploma ay nagtatagumpay at umaangat sa buhay. Ang ilan pa nga’y hindi hamak na
salat at lugmok sa kahirapan. Kung ating iisiping mabuti, hindi lang naman ang pag-angat
sa estado sa buhay ang basehan ng tagumpay. Ang pagkakaroon ng edukasyon ay
isang yaman na walang sino man ang maaaring mag-angkin o magnakaw maliban sa
ating mga sarili.
Maraming mga tao ang itinuturing na tagumpay ang pagkakaroon ng maraming pera,
malalaking bahay at mga sasakyan, mga ari-arian, at matataas na posisyon. Ngunit
marami rin sa kanila ang hindi ginamit sa tama, sa halip ay ginamit sa pang-aabuso ang
edukasyon na mayroon sila. May mga pera nga sila ngunit hindi habang buhay ay kaya
nilang itago ang marurumi nilang pagkatao sa likod ng mga salaping ginagawa nilang
sukatan ng tagumpay. Masasabi na kahit kalian ay hindi itinuro sa isang paaralan ang
pagkakaroon ng masamang pag-uugali. Ngunit may ilan din namang dahil sa sila ay
nakapagtapos ng pag-aaral at nakaangat sa buhay ay nagkakaroon ng magaspang na
pag-uugali.
Kung pagkatapos kang pag-tiyagaang turuan ng iyong mga guro at mga magulang ng
mabubuting asal ay mauuwi ka lang bilang isang taong hindi marunong rumespeto, para
mo na ring binigo ang mga taong minsang naghangad at nangarap na ang batang
tinuruan at inalalayan nila ay magiging isang taong magpapatunay na ang edukasyon ay
isang susi upang maabot mo ang tagumpay. Kung ikaw ay isa sa mga mapalad na
nagkaroon ng oportunidad na makapag-aral, huwag mo sana itong sayangin. Patunayan
natin na ang edukasyon ay isang daan tungo sa tagumpay. Huwag nating kalimutan na
ang edukasyon ay isang bagay na dapat nating pahalagahan. Huwag rin nating hayaan
na sa ating pagtatapos ng pag-aaral ay kasabay nito ang pagtatapos ng ating pagkatuto.
Bagkos, ang edukasyon ang magsisilbing pundasyon upang marating natin ang ninanais
natin sa buhay. Hindi medalya o diploma, kundi tayo ang makapagpapatunay na ang
pagkakaroon ng edukasyon ay pagkakaroon din ng tagumpay.…..

You might also like